Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 96-102

96 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit: magsiawit kayo sa Panginoon, buong lupa.

Magsiawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya; ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.

Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa mga bansa ang kagilagilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan.

Sapagka't dakila ang Panginoon, at marapat na purihin: siya'y kinatatakutang higit kay sa lahat na dios.

Sapagka't lahat ng mga dios sa mga bayan ay mga diosdiosan. Nguni't nilikha ng Panginoon ang langit.

Karangalan at kamahalan ay nasa harap niya: kalakasan at kagandahan ay nasa kaniyang santuario.

Magbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.

Magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatiang ukol sa kaniyang pangalan; kayo'y mangagdala ng handog, at magsipasok kayo sa kaniyang mga looban.

Oh sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan: manginig kayo sa harap niya, buong lupa.

10 Sabihin ninyo sa gitna ng mga bansa, ang Panginoon ay naghahari: ang sanglibutan naman ay natatatag na hindi makikilos: kaniyang hahatulan ng karapatan ang mga bayan.

11 Matuwa ang langit at magalak ang lupa; humugong ang dagat, at ang buong naroon;

12 Sumaya ang bukiran at lahat na nasa kaniya; kung magkagayo'y aawit dahil sa kagalakan, ang lahat na punong kahoy sa gubat;

13 Sa harap ng Panginoon; sapagka't siya'y dumarating: sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng kaniyang katotohanan ang mga bayan.

97 Ang Panginoon ay naghahari; magalak ang lupa; matuwa ang karamihan ng mga pulo.

Mga ulap at kadiliman ay nasa palibot niya: katuwiran at kahatulan ay patibayin ng kaniyang luklukan.

Apoy ay nagpapauna sa kaniya, at sinusunog ang kaniyang kaaway sa buong palibot.

Tumatanglaw ang mga kidlat niya sa sanglibutan: nakita ng lupa, at niyanig.

Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harap ng Panginoon, sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.

Ipinahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran, at nakita ng lahat na bayan ang kaniyang kaluwalhatian.

Mangahiya silang lahat na nangaglilingkod sa mga larawan, nangaghahambog tungkol sa mga diosdiosan: kayo'y magsisamba sa kaniya kayong lahat na mga dios.

Narinig ng Sion, at natuwa, at ang mga anak na babae ng Juda ay nangagalak; dahil sa iyong mga kahatulan, Oh Panginoon.

Sapagka't ikaw, Oh Panginoon, ay kataastaasan sa buong lupa: ikaw ay nataas na totoong higit kay sa lahat na mga dios.

10 Oh kayong nagsisiibig sa Panginoon, ipagtanim ninyo ang kasamaan. Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng kaniyang mga banal; kaniyang iniligtas sila sa kamay ng masama.

11 Liwanag ang itinanim na ukol sa mga banal, at kasayahan ay sa may matuwid na puso.

12 Mangatuwa kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid; at mangagpasalamat sa kaniyang banal na pangalan.

98 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit; sapagka't siya'y gumawa ng mga kagilagilalas na bagay: ang kaniyang kanan at ang kaniyang banal na bisig ay gumawa ng kaligtasan para sa kaniya:

Ipinakilala ng Panginoon ang kaniyang pagliligtas: ang kaniyang katuwiran ay ipinakilala niyang lubos sa paningin ng mga bansa.

Kaniyang inalaala ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang pagtatapat sa bahay ng Israel: nakita ng lahat ng mga wakas ng lupa ang pagliligtas ng aming Dios.

Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, buong lupa. Mangagpasimula at magsiawit dahil sa kagalakan, oo, magsiawit kayo ng mga pagpuri.

Magsiawit kayo sa Panginoon ng mga pagpuri ng alpa; ng alpa at ng tinig na tugma.

Ng mga pakakak at tunog ng corneta magkaingay kayo na may kagalakan sa harap ng Hari, ng Panginoon.

Humugong ang dagat at ang buong naroon; ang sanglibutan at ang nagsisitahan doon;

Ipakpak ng mga baha ang kanilang mga kamay; magawitan ang mga burol dahil sa kagalakan;

Sa harap ng Panginoon, sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng karapatan ang mga bayan.

99 Ang Panginoon ay naghahari: manginig ang mga bayan. Siya'y nauupo sa mga querubin; makilos ang lupa.

Ang Panginoon ay dakila sa Sion; at siya'y mataas na higit sa lahat ng mga bayan.

Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan: siya'y banal.

Ang lakas naman ng hari ay umiibig ng kahatulan; ikaw ay nagtatatag ng karampatan, ikaw ay nagsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa Jacob.

Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa harap ng kaniyang tungtungan; siya'y banal.

Si Moises at si Aaron sa gitna ng kaniyang mga saserdote, at si Samuel sa kanila na nagsisitawag sa kaniyang pangalan; sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at siya'y sumasagot sa kanila.

Siya'y nagsasalita sa kanila sa haliging ulap: kanilang iniingatan ang kaniyang mga patotoo, at ang palatuntunan na ibinigay niya sa kanila.

Sumagot ka sa kanila, Oh Panginoon naming Dios; ikaw ay Dios na nagpatawad sa kanila, bagaman nanghiganti ka sa kanilang mga gawa.

Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa kaniyang banal na bundok; sapagka't ang Panginoon nating Dios ay banal.

100 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, kayong lahat na lupain.

Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.

Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya: tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.

Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa kaniyang looban na may pagpupuri: mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.

Sapagka't ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man; at ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi.

101 Aking aawitin ang kagandahang-loob at kahatulan: sa iyo, Oh Panginoon, aawit ako ng mga pagpupuri.

Ako'y magpapakapantas sa sakdal na lakad: Oh kailan ka pasasa akin? Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay na may sakdal na puso.

Hindi ako maglalagay ng hamak na bagay sa harap ng aking mga mata: aking ipinagtanim ang gawa nilang lisya: hindi kakapit sa akin.

Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin: hindi ako makakaalam ng masamang bagay.

Ang sumisirang puri na lihim sa kaniyang kapuwa ay aking ibubuwal: siya na may mapagmataas na tingin at may palalong puso ay hindi ko titiisin.

Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain, upang sila'y makatahan na kasama ko: siya na lumalakad sa sakdal na daan, siya'y mangangasiwa sa akin.

Siyang gumagawa ng karayaan ay hindi tatahan sa loob ng aking bahay: siyang nagsasalita ng kabulaanan ay hindi matatatag sa harap ng aking mga mata.

Tuwing umaga ay aking lilipulin ang lahat na masama sa lupain; upang ihiwalay ang lahat na manggagawa ng kasamaan sa bayan ng Panginoon.

102 Dinggin mo ang dalangin ko, Oh Panginoon, at dumating nawa ang daing ko sa iyo.

Huwag mong ikubli ang mukha mo sa akin sa kaarawan ng aking kahirapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; sa araw na ako'y tumawag, ay sagutin mo akong madali.

Sapagka't ang mga kaarawan ko'y nangapapawi na parang usok, at ang mga buto ko'y nangasusunog na parang panggatong.

Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo; sapagka't nalimutan kong kanin ang aking tinapay.

Dahil sa tinig ng aking daing ang mga buto ko'y nagsisidikit sa aking laman.

Ako'y parang pelikano sa ilang; ako'y naging parang kuwago sa kaparangan.

Ako'y umaabang, at ako'y naging parang maya na nagiisa sa bubungan.

Dinudusta ako ng aking mga kaaway buong araw; silang nangauulol laban sa akin ay nagsisisumpa sa akin.

Sapagka't kinain ko ang mga abo na parang tinapay, at hinaluan ko ang aking inumin ng iyak.

10 Dahil sa iyong galit at iyong poot: sapagka't ako'y iyong itinaas, at inihagis.

11 Ang aking mga kaarawan ay parang lilim na kumikiling; at ako'y natuyo na parang damo.

12 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mamamalagi magpakailan man; at ang alaala sa iyo ay sa lahat ng sali't saling lahi.

13 Ikaw ay babangon at maaawa sa Sion: sapagka't kapanahunan ng pagkaawa sa kaniya, Oo, ang takdang panahon ay dumating.

14 Sapagka't nililigaya ang iyong mga lingkod sa kaniyang mga bato, at nanghihinayang sa kaniyang alabok.

15 Sa gayo'y katatakutan ng mga bansa ang pangalan ng Panginoon. At ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian;

16 Sapagka't itinayo ng Panginoon ang Sion, siya'y napakita sa kaniyang kaluwalhatian;

17 Kaniyang dininig ang dalangin ng tapon, at hindi hinamak ang kanilang dalangin.

18 Ito'y isusulat na ukol sa lahing susunod: at ang bayang lalalangin ay pupuri sa Panginoon.

19 Sapagka't siya'y tumungo mula sa kaitaasan ng kaniyang santuario; tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa langit;

20 Upang dinggin ang buntong hininga ng bilanggo: upang kalagan yaong nangaitakdang patayin;

21 Upang maipahayag ng mga tao ang pangalan ng Panginoon sa Sion, at ang kaniyang kapurihan sa Jerusalem;

22 Nang ang mga bayan ay mapisan, at ang mga kaharian, upang maglingkod sa Panginoon.

23 Kaniyang pinahina ang aking kalakasan sa daan; kaniyang pinaikli ang mga kaarawan ko.

24 Aking sinabi, Oh Dios ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga kaarawan; ang mga taon mo'y lampas sa mga sali't saling lahi.

25 Nang una ay inilagay mo ang patibayan ng lupa; at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay.

26 Sila'y uuwi sa wala, nguni't ikaw ay mananatili: Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan; parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila'y mga mapapalitan:

27 Nguni't ikaw rin, at ang mga taon mo'y hindi magkakawakas.

28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mangamamalagi, at ang kanilang binhi ay matatatag sa harap mo.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain