Historical
36 Nangyari nga nang ikalabing apat na taon ng haring Ezechias, na umahon si Sennacherib na hari sa Asiria laban sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda, at pinagsakop.
2 At sinugo ng hari sa Asiria si Rabsaces sa Jerusalem mula sa Lachis sa haring Ezechias, na may malaking hukbo. At siya'y tumayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng lalong mataas na tipunan ng tubig sa lansangan ng parang ng tagapagpaputi.
3 Nang magkagayo'y nilabas siya ni Eliacim na anak ni Hilcias, na katiwala sa bahay, at ni Sebna na kalihim, at ni Joah na anak ni Asaph na kasangguni.
4 At sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sabihin ninyo ngayon kay Ezechias, Ganito ang sabi ng dakilang hari, ng hari sa Asiria, Anong pagasa itong iyong tinitiwalaan?
5 Aking sinasabing ang iyong payo at kalakasan sa pakikidigma ay mga salita lamang na walang kabuluhan: ngayo'y kanino ka tumitiwala na ikaw ay nanghimagsik laban sa akin?
6 Narito, ikaw ay tumitiwala sa tungkod na ito na tambong lapok, sa makatuwid baga'y sa Egipto, na kung ang sinoman ay sumandal, ay bubutas sa kaniyang kamay, at tatasakan: nagiging gayon si Faraong hari sa Egipto sa lahat na nagsisitiwala sa kaniya.
7 Nguni't kung iyong sabihin sa akin, Kami ay nagsisitiwala sa Panginoon naming Dios: hindi baga siya'y yaong inalisan ni Ezechias ng mga mataas na dako at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, Kayo'y magsisisamba sa harap ng dambanang ito?
8 Ngayon nga isinasamo ko sa iyo, na magbigay ka ng mga sanla sa aking panginoon na hari sa Asiria, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay sa ganang iyo ng mga mananakay sa mga yaon.
9 Paano ngang iyong mapapipihit ang mukha ng isang kapitan sa pinakamababa sa mga alipin ng aking panginoon, at ilalagak mo ang iyong tiwala sa Egipto dahil sa mga karo at dahil sa mga mangangabayo?
10 At ako baga'y umahon na di ko kasama ang Panginoon laban sa lupaing ito upang lipulin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.
11 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliacim, at ni Sebna at ni Joah kay Rabsaces, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay magsalita sa iyong mga lingkod sa wikang Siria: sapagka't aming naiintindihan: at huwag kang magsalita sa amin sa wikang Judio, sa mga pakinig ng bayan na nasa kuta.
12 Nguni't sinabi ni Rabsaces, Sinugo baga ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang magsalita ng mga salitang ito? di baga niya ako sinugo sa mga lalake na nangakaupo sa kuta, upang kumain ng kanilang sariling dumi, at upang uminom ng kanilang tubig na kasama ninyo?
13 Nang magkagayo'y tumayo si Rabsaces, at humiyaw ng malakas na tinig sa wikang Judio, at nagsabi: Dinggin ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria.
14 Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong padaya kay Ezechias; sapagka't hindi niya maililigtas kayo:
15 O patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin: Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon; ang bayang ito ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.
16 Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka't ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa't isa sa inyo sa kaniyang puno ng ubas, at ang bawa't isa sa kaniyang puno ng igos, at inumin ng bawa't isa sa inyo ang tubig ng kaniyang sariling balon:
17 Hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.
18 Huwag kayong pahikayat kay Ezechias, na sabihin, Ililigtas tayo ng Panginoon. Nagligtas baga ang sinoman sa mga dios ng mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?
19 Saan nandoon ang mga dios ng Hamath at ng Arphad? saan nandoon ang mga dios ng Sephar-vaim? iniligtas baga nila ang Samaria sa aking kamay?
20 Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupaing ito, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?
21 Nguni't sila'y nagsitahimik, at hindi nagsisagot sa kaniya ng kahit isang salita: sapagka't iniutos nga ng hari na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya.
22 Nang magkagayo'y naparoon si Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joah na anak ni Asaph na kasangguni, kay Ezechias na ang kanilang suot ay hapak, at isinaysay sa kaniya ang mga salita ni Rabsaces.
37 At nangyari, nang marinig ng haring Ezechias ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote, na may balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz.
3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, Ang araw na ito ay kaarawan ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng paghamak: sapagka't ang mga anak ay dumating sa kapanganakan, at walang kalakasang ipanganak.
4 Marahil ay pakikinggan ng Panginoon mong Dios ang mga salita ni Rabsaces, na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buhay na Dios, at sansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya't ilakas mo ang iyong dalangin dahil sa nalabi na naiwan.
5 Sa gayo'y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay naparoon kay Isaias.
6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.
7 Narito, ako'y maglalagay ng espiritu sa kaniya, at siya'y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.
8 Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.
9 At kaniyang narinig na sinabi tungkol kay Tirhakah na hari sa Etiopia, Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo. At nang kaniyang marinig, siya'y nagsugo ng mga sugo kay Ezechias, na sinasabi,
10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang padaya sa iyong Dios na iyong tinitiwalaan, na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.
11 Narito nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, na yao'y sinira ng lubos: at maliligtas ka baga?
12 Iniligtas baga sila ng mga dios ng mga bansa, na siyang nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran; at ng Rezeph, at ng mga anak ni Eden, na nangasa Thelasar?
13 Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari ng bayan ng Sepharvaim, ng Henah, at ng Hivah?
14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa: at umahon si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at binuklat sa harap ng Panginoon.
15 At si Ezechias ay dumalangin sa Panginoon, na kaniyang sinabi,
16 Oh Panginoon ng mga hukbo, na Dios ng Israel, na nakaupo sa mga kerubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang, sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.
17 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka; at pakinggan mo ang lahat na salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasabi upang ipanungayaw sa buhay na Dios.
18 Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari sa Asiria at ang kanikanilang lupain.
19 At inihagis ang kanikanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira.
20 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw ang Panginoon, ikaw lamang.
21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria.
22 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya: Hinamak ka ng anak na dalaga ng Sion, at tinawanan kang mainam; iginalaw ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo.
23 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? laban nga sa Banal ng Israel.
24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay iyong pinulaan ang Panginoon, at nagsabi ka, Sa karamihan ng aking mga karo ay nakaahon ako sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking puputulin ang mga matayog na cedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa pinakataluktok na kataasan, ng gubat ng kaniyang mabuting bukid.
25 Ako'y humukay at uminom ng tubig, at aking tutuyuin ng talampakan ng aking mga paa ang lahat ng mga ilog ng Egipto.
26 Hindi mo baga nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking pinanukala ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guhong bunton.
27 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y parang damo sa bukid, at sariwang gugulayin, parang damo sa mga bubungan, at parang bukid ng trigo bago tumaas.
28 Nguni't talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong galit laban sa akin.
29 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kapalaluan ay nanuot sa aking mga pakinig, kaya't ilalagay ko ang aking taga ng bingwit sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at pababalikin kita sa daan na iyong pinanggalingan.
30 At ito ang magiging tanda sa iyo: kayo'y magsisikain sa taong ito ng tumutubo sa kaniyang sarili, at sa ikalawang taon ay ng tumubo doon; at sa ikatlong taon ay kayo'y mangaghasik, at magsiani, at mangagtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyaon.
31 At ang nalabi na nakatanan sa sangbahayan ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas.
32 Sapagka't sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa bundok ng Sion ay silang magtatanan. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.
33 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari sa Asiria, Siya'y hindi paririto sa bayang ito o magpapahilagpos man ng pana diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o mahahagis ang bunton laban diyan.
34 Sa daan na kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paririto sa bayang ito, sabi ng Panginoon.
35 Sapagka't aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.
36 At ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria nang isang daan at walongpu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, ang lahat ay mga katawang bangkay.
37 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon at umuwi, at tumahan sa Ninive,
38 At nangyari, nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adremelech at ni Sarezer na kaniyang mga anak at sila'y nagtanan sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
38 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong sangbahayan; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.
2 Nang magkagayo'y ipinihit ni Ezechias ang kaniyang mukha sa panig, at nanalangin sa Panginoon,
3 At nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo; Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak ng di kawasa.
4 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias, na nagsasabi,
5 Ikaw ay yumaon, at sabihin mo kay Ezechias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ni David na iyong magulang, Aking dininig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking idaragdag sa iyong mga kaarawan ang labing limang taon.
6 At aking ililigtas ikaw at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria: at aking ipagsasanggalang ang bayang ito.
7 At ito ang magiging pinaka tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kaniyang sinalita,
8 Narito, aking ipauurong ang anino sa mga baytang, ng sangpung baytang, na aninong pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw, Sa gayo'y umurong ang araw ng sangpung baytang sa mga baytang na binabaan.
9 Ang sulat ni Ezechias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kaniyang sakit.
10 Aking sinabi, Sa katanghalian ng aking mga kaarawan ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol: Ako'y nabawahan sa nalalabi ng aking mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon, ang Panginoon sa lupain ng buhay: Hindi ko na makikita pa ang tao, na kasama ng mga nananahan sa sanglibutan.
12 Ang tirahan ko'y inaalis, at dinadala na gaya ng tolda ng pastor: Aking pinupulon ang aking buhay, na gaya ng pagpupulon ng manghahabi; kaniyang ihihiwalay ako sa habihan: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13 Ako'y tumigil hanggang sa kinaumagahan; katulad ng leon, gayon niya binabali ang lahat kong mga buto: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
14 Gaya ng langaylangayan o ng tagak, humihibik ako; Ako'y tumangis na parang kalapati: ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala; Oh Panginoon, ako'y napipighati, ikaw nawa'y maging tangulan sa akin.
15 Anong aking sasabihin? siya'y nagsalita sa akin, at kaniya namang ginawa: Ako'y yayaong marahan lahat kong taon, dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.
16 Oh Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao; At buong nasa ilalim niyan ang buhay ng aking diwa: Kaya't pagalingin mo ako, at ako'y iyong buhayin.
17 Narito, sa aking ikapapayapa ay nagtamo ako ng malaking paghihirap: Nguni't ikaw, sa pagibig mo sa aking kaluluwa ay iyong iniligtas sa hukay ng kabulukan; Sapagka't iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan sa iyong likuran.
18 Sapagka't hindi ka maaring purihin ng Sheol, hindi ka maaring ipagdiwang ng kamatayan! Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makaaasa sa iyong katotohanan.
19 Ang buhay, ang buhay, siya'y pupuri sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito: Ang ama sa mga anak ay magpapatalastas ng iyong katotohanan.
20 Ang Panginoon ay handa upang iligtas ako: Kaya't aming aawitin ang aming mga awit sa mga panugtog na kawad, Lahat ng kaarawan ng aming buhay sa bahay ng Panginoon.
21 Sinabi nga ni Isaias, Magsikuha sila ng isang binilong igos, at ilagay na pinakatapal sa bukol, at siya'y gagaling.
22 Sinabi rin ni Ezechias, Ano ang tanda na ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon?
39 Nang panahong yaon si Merodachbaladan na anak ni Baladan, na hari sa Babilonia, ay nagpadala ng mga sulat at isang kaloob kay Ezechias: sapagka't nabalitaan niya na siya'y nagkasakit, at gumaling.
2 At si Ezechias ay natuwa sa kanila, at ipinakita sa kanila ang bahay ng kaniyang mahalagang bagay, ang pilak, at ang ginto, at ang mga especia, at ang mahalagang langis, at ang buong bahay na kaniyang sakbatan, at lahat na nandoon sa kaniyang mga kayamanan: walang bagay sa kaniyang bahay, o sa buong sakop man niya, na hindi ipinakita ni Ezechias sa kanila.
3 Nang magkagayo'y dumating si Isaias na propeta sa haring Ezechias, at nagsabi sa kaniya, Anong sinabi ng mga lalaking ito? at saan nanggaling na nagsiparito sila sa iyo? At sinabi ni Ezechias, Sila'y nagsiparito sa akin mula sa malayong lupain, sa Babilonia.
4 Nang magkagayo'y sinabi niya, Anong kanilang nakita sa iyong bahay? At sumagot si Ezechias, Lahat ng nangasa aking bahay ay kanilang nakita: walang anomang bagay sa aking mga kayamanan na hindi ko ipinakita sa kanila.
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Isaias kay Ezechias, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon ng mga hukbo.
6 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, na ang lahat na nangasa iyong bahay, at ang mga tinangkilik ng iyong mga magulang hanggang sa kaarawang ito, dadalhin sa Babilonia: walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
7 At sa iyong mga anak na magmumula sa iyo, na ipanganganak sa iyo, ay kanilang dadalhin; at sila'y magiging mga bating sa bahay ng hari sa Babilonia.
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Ezechias kay Isaias, Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinalita. Kaniyang sinabi bukod dito, Sapagka't magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga kaarawan.
40 Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan, sabi ng inyong Dios.
2 Mangagsalita kayong may pagaliw sa Jerusalem; at sigawan ninyo siya, na ang kaniyang pakikipagdigma ay naganap, na ang kaniyang kasamaan ay ipinatawad, sapagka't siya'y tumanggap sa kamay ng Panginoon ng ibayong ukol sa kaniyang lahat na kasalanan.
3 Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.
4 Bawa't libis ay mataas, at bawa't bundok at burol ay mabababa; at ang mga bakobako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag:
5 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat na tao, sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon,
6 Ang tinig ng isang nagsasabi, Ikaw ay dumaing. At sinabi ng isa, Ano ang aking idadaing? Lahat ng laman ay damo, at ang buong kagandahan niyaon ay parang bulaklak ng parang.
7 Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, sapagka't ang hinga ng Panginoon ay humihihip doon; tunay na ang bayan ay damo.
8 Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; nguni't ang salita ng ating Dios ay mamamalagi magpakailan man.
9 Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Sion, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, Tingnan ang inyong Dios!
10 Narito, ang Panginoong Dios ay darating na gaya ng makapangyarihan, at ang kaniyang kamay ay magpupuno sa ganang kaniya: Narito, ang kaniyang ganting pala ay dala niya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.
11 Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan, na gaya ng pastor, kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan, at papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso.
12 Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kaniyang kamay, at sumukat sa langit ng dangkal, at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal, at tumimbang ng mga bundok sa mga panimbang, at ng mga burol sa timbangan?
13 Sinong pumatnubay ng Espiritu ng Panginoon, o parang kaniyang kasangguni ay nagturo sa kaniya?
14 Kanino siya kumuhang payo, at sinong nagsaysay sa kaniya, at nagturo sa kaniya sa landas ng kahatulan, at nagturo sa kaniya ng kaalaman, at nagpakilala sa kaniya ng daan ng unawa?
15 Narito, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba, inaari na parang munting alabok sa timbangan: narito, kaniyang itinataas ang mga pulo na parang napakaliit na bagay.
16 At ang Libano ay hindi sukat upang sunugin, ni ang mga hayop niyaon ay sukat na pinakahandog na susunugin.
17 Lahat ng mga bansa ay parang walang anoman sa harap niya; nangabilang sa kaniya na kulang kay sa wala, at walang kabuluhan.
18 Kanino nga ninyo itutulad ang Dios? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa kaniya?
19 Ang larawang inanyuan na binubo ng mangbububo, at binabalot ng ginto ng platero, at binubuan ng mga pilak na kuwintas.
20 Siyang napakadukha sa gayong alay ay pumipili ng isang punong kahoy na hindi malalapok; siya'y humahanap sa ganang kaniya ng isang bihasang manggagawa upang ihandang larawang inanyuan, na hindi makikilos.
21 Hindi ba ninyo naalaman? hindi ba ninyo narinig? hindi ba nasaysay sa inyo mula ng una? hindi ba nasaysay sa inyo bago nalagay ang mga patibayan ng lupa?
22 Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa, at ang mga nananahan doon ay parang mga balang; siyang naglaladlad ng langit na parang tabing, at inilaladlad na parang tolda upang tahanan;
23 Na iniuuwi sa wala ang mga pangulo; siyang umaaring tila walang kabuluhan sa mga hukom sa lupa.
24 Oo, sila'y hindi nangatanim; oo, sila'y hindi nangahasik; oo, ang kanilang puno ay hindi nagugat sa lupa: bukod dito'y humihihip siya sa kanila, at sila'y nangatutuyo, at tinatangay sila ng ipoipo na gaya ng dayami.
25 Kanino nga ninyo itutulad ako, upang makaparis ako niya? sabi ng Banal.
26 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito, na tinutuos ang kanilang hukbo ayon sa bilang; tinatawag niya sila sa pangalan; sa pamamagitan ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan, at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan ay walang nagkukulang.
27 Bakit sinasabi mo, Oh Jacob, at sinasalita mo, Oh Israel, Ang daan ko ay lingid sa Panginoon, at nilalagpasan ng aking Dios ang kahatulan ko?
28 Hindi mo baga naalaman? hindi mo baga narinig? ang walang hanggang Dios, ang Panginoon, ang Maylalang ng mga wakas ng lupa, hindi nanlalata, o napapagod man; walang makatarok ng kaniyang unawa.
29 Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.
30 Pati ng mga kabinataan ay manlalata at mapapagod, at ang mga binata ay lubos na mangabubuwal:
31 Nguni't silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila'y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila'y magsisilakad, at hindi manganghihina.
41 Magsitahimik kayo sa harap ko, Oh mga pulo; at mangagbagong lakas ang mga bayan: magsilapit sila; saka mangagsalita sila; tayo'y magsilapit na magkakasama sa kahatulan.
2 Sinong nagbangon ng isa na mula sa silanganan, na kaniyang tinawag sa katuwiran sa kaniyang paanan? siya'y nagbigay ng mga bansa sa harap niya, at pinagpuno niya siya sa mga hari; kaniyang ibinibigay sila na parang alabok sa kaniyang tabak, na parang pinaspas na dayami sa kaniyang busog.
3 Kaniyang hinahabol sila, at nagpatuloy na tiwasay, sa makatuwid baga'y sa daan na hindi niya dinaanan ng kaniyang mga paa.
4 Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali't saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga,
5 Nakita ng mga pulo, at nangatakot; ang mga wakas ng lupa ay nagsipanginig: sila'y nagsilapit, at nagsiparito.
6 Sila'y tumutulong bawa't isa sa kaniyang kapuwa; at bawa't isa'y nagsasabi sa kaniyang kapatid, Ikaw ay magpakatapang.
7 Sa gayo'y pinalalakas ang loob ng anluwagi ang panday-ginto, at ng pumapatag ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan, na sinasabi tungkol sa paghinang, Mabuti, at kaniyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.
8 Nguni't ikaw, Israel, lingkod ko, Jacob na siyang aking pinili, na binhi ni Abraham na aking kaibigan;
9 Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;
10 Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.
11 Narito, silang lahat na nangagagalit sa iyo ay mangapapahiya at mangalilito: silang nangakikipaglaban sa iyo ay papanaw at mangapapahamak.
12 Iyong hahanapin sila, at hindi mo mangasusumpungan, sa makatuwid baga'y silang nangakikipaglaban sa iyo: silang nakikipagdigma laban sa iyo ay papanaw, at gaya ng bagay ng wala.
13 Sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka.
14 Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob, at kayong mga tao ng Israel; aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon, at ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.
15 Narito, aking ginawa kang bagong kasangkapang panggiik na matalas na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at didikdiking durog, at iyong gagawin ang mga burol na parang ipa.
16 Iyong pahahanginan, at tatangayin ng hangin, at pangangalatin ng ipoipo: at ikaw ay magagalak sa Panginoon, ikaw ay luwalhati sa Banal ng Israel.
17 Ang dukha at mapagkailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw; akong Panginoon ay sasagot sa kanila, akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.
18 Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga luwal na kaitaasan, at mga bukal sa gitna ng mga libis: aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig, at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.
19 Aking itatanim sa ilang ang cedro, ang puno ng acacia, at ang arayan, at ang olivo; aking ilalagay sa ilang ang puno ng abeto, at ang pino, at ang boj na magkakasama:
20 Upang sila'y makakita at makaalam, at makagunita, at makatalos na magkakasama, na ginawa ito ng kamay ng Panginoon, at nilikha ng Banal ng Israel.
21 Iharap ninyo ang inyong usap, sabi ng Panginoon; inyong ilabas ang inyong mga matibay sa pagmamatuwid, sabi ng Hari ng Jacob.
22 Ilabas nila, at ipahayag sa amin kung anong mangyayari: ipahayag ninyo ang mga dating bagay, maging anoman ang mga yaon, upang aming mabatid at maalaman ang huling wakas nila: o pagpakitaan ninyo kami ng mga bagay na darating.
23 Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos, upang aming maalaman na kayo'y mga dios; oo, kayo'y magsigawa ng mabuti, o magsigawa ng kasamaan, upang kami ay mangawalan ng loob, at mamasdan naming magkakasama.
24 Narito, kayo'y sa wala, at ang inyong gawa ay sa wala: kasuklamsuklam siya na pumili sa inyo.
25 May ibinangon ako mula sa hilagaan, at siya'y dumating; mula sa sikatan ng araw ay tumatawag siya sa aking pangalan: at siya'y paroroon sa mga pinuno na parang cimiento, at para ng magpapalyok na yumuyurak ng putik na malagkit.
26 Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming maalaman? at nang una, upang aming masabi, Siya'y matuwid? oo, walang magpahayag, oo, walang magpakita, oo, walang duminig ng inyong mga salita.
27 Ako'y unang magsasabi sa Sion, Narito, narito sila; at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.
28 At pagka ako'y tumitingin, walang tao; sa gitna nila ay walang tagapayo, na makasagot ng isang salita, pagka ako'y tumatanong sa kanila.
29 Narito, silang lahat, ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan at walang anoman ang kanilang mga larawang binubo ay hangin at kalituhan.
Public Domain