Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Mga Hari 20-22

20 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amos ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong bahay; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.

Nang magkagayo'y kaniyang ipinihit ang kaniyang mukha sa panig ng bahay, at nanalangin sa Panginoon, na nagsasabi,

Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak na mainam.

At nangyari, bago si Isaias ay lumabas sa pinakaloob ng bayan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi,

Bumalik ka uli, at sabihin mo kay Ezechias na pangulo ng aking bayan. Ganito ang sabi ng Panginoon ng Dios ni David na iyong magulang, Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking pagagalingin ka: sa ikatlong araw ay sasampa ka sa bahay ng Panginoon.

At aking idadagdag sa iyong mga kaarawan ay labing limang taon; at aking ililigtas ka at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria; at aking ipagsasanggalang ang bayang ito dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.

At sinabi ni Isaias, Kayo'y magsikuha ng isang binilong igos. At kinuha nila at itinapal sa bukol at siya'y gumaling.

At sinabi ni Ezechias kay Isaias, Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?

At sinabi ni Isaias, Ito ang magiging tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kaniyang sinalita: magpapauna ba ang anino ng sangpung grado, o magpapahuli ng sangpung grado?

10 At sumagot si Ezechias, Magaang bagay sa anino na kumiling ng sangpung grado: hindi, kundi pahulihin ang anino ng sangpung grado.

11 At si Isaias na propeta ay dumalangin sa Panginoon: at kaniyang pinapagpahuli ang anino ng sangpung grado, na nakababa na sa orasan ni Achaz.

12 Nang panahong yaon ay si Berodach-baladan, na anak ni Baladan, na hari sa Babilonia, ay nagpadala ng mga sulat at ng kaloob kay Ezechias: sapagka't kaniyang nabalitaan na si Ezechias ay nagkasakit.

13 At dininig ni Ezechias sila, at ipinakita sa kanila ang buong bahay ng kaniyang mahalagang mga bagay, ang pilak, at ang ginto, at ang mga espesia, at ang mahalagang langis, at ang bahay na taguan ng kaniyang sandata, at ang lahat na nasusumpungan sa mga kayamanan niya: walang anoman sa kaniyang bahay, o sa buong kaniyang sakop, na hindi ipinakita sa kanila ni Ezechias.

14 Nang magkagayo'y naparoon si Isaias na propeta sa haring Ezechias, at nagsabi sa kaniya, Anong sinasabi ng mga lalaking ito? at saan nagsipanggaling na napasa iyo? At sinabi ni Ezechias, Sila'y nagsipanggaling sa malayong lupain, sa makatuwid baga'y sa Babilonia.

15 At kaniyang sinabi, Anong kanilang nakita sa iyong bahay? At sumagot si Ezechias. Lahat na nasa aking bahay ay kanilang nakita: walang anomang bagay na nasa aking mga kayamanan na di ko ipinakita sa kanila.

16 At sinabi ni Isaias kay Ezechias, Dinggin mo ang salita ng Panginoon.

17 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, na ang lahat na nangasa iyong bahay, at ang itinago ng iyong mga magulang hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia: walang maiiwan, sabi ng Panginoon.

18 At ang ilan sa iyong mga anak na magmumula sa iyo na iyong ipanganganak, sila'y dadalhin; at sila'y magiging bating sa bahay ng hari sa Babilonia.

19 Nang magkagayo'y sinabi ni Ezechias kay Isaias, Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinalita. Kaniyang sinabi, bukod dito, Hindi ba, kung magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga kaarawan?

20 Ang iba nga sa mga gawa ni Ezechias, at ang buo niyang kapangyarihan, at kung paano niyang ginawa ang tipunan ng tubig, at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa bayan, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

21 At natulog si Ezechias na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Manases na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

21 Si Manases ay may labing dalawang taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limangpu't limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hepsi-ba.

At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

Sapagka't kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama; at kaniyang ipinagtayo ng mga dambana si Baal, at gumawa ng Asera, gaya ng ginawa ni Achab na hari sa Israel, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa kanila.

At siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan.

At kaniyang ipinagtayo ng mga dambana ang lahat na natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon.

At kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, at nagpamahiin, at nagsanay ng panghuhula, at nakipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.

At siya'y naglagay ng larawang inanyuan na Asera, na kaniyang ginawa, sa bahay na pinagsabihan ng Panginoon kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat na lipi ng Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man.

At hindi ko na pagagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang, kung kanila lamang tutuparing gawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.

Nguni't hindi nila dininig: at hinikayat sila ni Manases na gumawa ng lalong masama kay sa ginawa ng mga bansa, na pinaglipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

10 At ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta, na nagsasabi,

11 Sapagka't ginawa ni Manases na hari sa Juda ang mga karumaldumal na ito, at gumawa ng kasamaan na higit kay sa lahat na ginawa ng mga Amorrheo, na una sa kaniya, at ipinapagkasala sa Juda naman sa pamamagitan ng kaniyang mga diosdiosan:

12 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking dadalhin ang ganiyang kasamaan sa Jerusalem at sa Juda, na sinomang makabalita ay magpapanting ang dalawang tainga.

13 At aking paaabutin sa Jerusalem ang pising panukat ng Samaria, at ang pabato ng bahay ni Achab: at aking lilinisin ang Jerusalem gaya ng paglilinis ng isang tao ng isang pinggan, na nililinis at itinataob.

14 At aking ihihiwalay ang nalabi sa aking mana, at aking ibibigay sa kamay ng kanilang mga kaaway: at sila'y magiging bihag at samsam sa lahat nilang kaaway.

15 Sapagka't gumawa sila ng masama sa aking paningin at minungkahi nila ako sa galit, mula nang araw na ang kanilang mga magulang ay magsilabas sa Egipto, hanggang nga sa araw na ito.

16 Bukod dito'y nagbubong mainam si Manases ng dugong walang sala, hanggang sa kaniyang napuno ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila; bukod sa kaniyang sala na kaniyang ipinapagkasala sa Juda, sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon.

17 Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang lahat niyang ginawa, at ang sala na kaniyang ipinagkasala, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

18 At si Manases ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa halamanan ng kaniyang sariling bahay, sa halamanan ng Uzza: at si Amon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

19 Si Amon ay may dalawang pu't dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Mesalemeth na anak ni Harus na taga Jotba.

20 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ni Manases na kaniyang ama.

21 At siya'y lumakad ng buong lakad na inilakad ng kaniyang ama, at naglingkod sa mga diosdiosan na pinaglingkuran ng kaniyang ama, at sinamba niya ang mga yaon:

22 At binayaan ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang, at hindi lumakad sa daan ng Panginoon.

23 At ang mga lingkod ni Amon ay nagsipagbanta laban sa kaniya, at pinatay ang hari sa kaniyang sariling bahay.

24 Nguni't pinatay ng bayan ng lupain ang lahat na nagsipagbanta laban sa haring Amon; at ginawang hari ng bayan ng lupain si Josias na kaniyang anak na kahalili niya.

25 Ang iba nga sa mga gawa ni Amon na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

26 At siya'y nalibing sa kaniyang libingan sa halamanan ng Uzza; at si Josias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

22 Si Josias ay may walong taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlongpu't isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Idida na anak ni Adaia na taga Boscat.

At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad sa buong lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.

At nangyari, nang ikalabing walong taon ng haring Josias, na sinugo ng hari si Saphan na anak ni Azalia, na anak ni Mesullam, na kalihim, sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,

Ahunin mo si Hilcias na dakilang saserdote, upang kaniyang bilangin ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon, na tinipon sa bayan ng tagatanod-pinto:

At ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon; at ibigay sa mga manggagawa na nangasa bahay ng Panginoon, upang husayin ang mga sira ng bahay.

Sa mga anluwagi, at sa mga manggagawa, at sa mga kantero at sa pagbili ng kahoy, at ng batong tabas upang husayin ang bahay.

Gayon ma'y walang pagtutuos na ginawa sila sa kanila sa salapi na nabigay sa kanilang kamay; sapagka't kanilang ginawang may pagtatapat.

At si Hilcias na dakilang saserdote ay nagsabi kay Saphan na kalihim, Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon. At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan, at kaniyang binasa.

At si Saphan na kalihim ay naparoon sa hari, at nagbalik ng salita sa hari, at nagsabi, Inilabas ng iyong mga lingkod ang salapi na nasumpungan sa bahay, at ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon.

10 At isinaysay ni Saphan na kalihim, sa hari na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat.

11 At binasa ni Saphan sa harap ng hari. At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.

12 At ang hari ay nagutos kay Hilcias na saserdote, at kay Ahicam na anak ni Saphan, at kay Achbor na anak ni Michaia, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na sinasabi,

13 Kayo'y magsiyaon, isangguni ninyo sa Panginoon ako, at ang bayan, at ang buong Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na ito na nasumpungan: sapagka't malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka't hindi dininig ng ating mga magulang ang mga salita ng aklat na ito, na gawin ang ayon sa lahat na nasusulat tungkol sa atin.

14 Sa gayo'y si Hilcias na saserdote, at si Ahicam, at si Achbor, at si Saphan, at si Asaia, ay nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Ticva na anak ni Araas, na katiwala sa mga kasuutan (siya nga'y tumatahan sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipagsanggunian sa kaniya.

15 At sinabi niya sa kanila, Ganito, ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin,

16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga'y lahat na salita ng aklat na nabasa ng hari sa Juda:

17 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang ipamungkahi nila ako sa galit sa lahat na gawa ng kanilang mga kamay, kaya't ang aking pagiinit ay magaalab sa dakong ito, at hindi mapapatay.

18 Nguni't sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Tungkol sa mga salita na inyong narinig.

19 Sapagka't ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Panginoon, nang iyong marinig ang aking sinalita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito na sila'y magiging kagibaan, at sumpa, at hinapak mo ang iyong kasuutan, at umiyak sa harap ko: ay dininig naman kita, sabi ng Panginoon.

20 Kaya't narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay malalagay sa iyong libingan na payapa, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito. At sila'y nagbalik ng salita sa hari.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain