Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Samuel 11-13

11 At nangyari sa pagpihit ng taon sa panahon ng paglabas ng mga hari sa pakikipagbaka, na sinugo ni David si Joab, at ang kaniyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel; at kanilang nilipol ang mga anak ni Ammon at kinubkob sa Rabba. Nguni't si David ay naghintay sa Jerusalem.

At nangyari sa kinahapunan, na si David ay bumangon sa kaniyang higaan, at lumakad sa bubungan ng bahay ng hari: at mula sa bubungan ay kaniyang nakita ang isang babae na naliligo; at ang babae ay totoong napakagandang masdan.

At nagsugo si David, at nagpasiyasat tungkol sa babae. At sinabi ng isa, Hindi ba ito ay si Bath-sheba na anak ni Eliam, na asawa ni Uria na Hetheo?

At si David ay nagsugo ng mga sugo, at kinuha siya; at siya'y pumaroon sa kaniya, at kaniyang sinipingan siya (sapagka't siya'y malinis sa kaniyang karumihan;) at siya'y bumalik sa kaniyang bahay.

At ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at nasaysay kay David, at nagsabi: Ako'y buntis.

At nagsugo si David kay Joab, na sinasabi, Suguin mo sa akin si Uria na Hetheo. At sinugo ni Joab si Uria kay David.

At nang si Uria ay dumating sa kaniya, tinanong ni David siya kung paano ang tayo ni Joab, at kung ano ang kalagayan ng bayan, at kung paano ang tayo ng pagbabaka.

At sinabi ni David kay Uria, Babain mo ang iyong bahay, at iyong hugasan ang iyong mga paa. At umalis si Uria sa bahay ng hari at isinusunod sa kaniya ang isang pagkain na mula sa hari.

Nguni't natulog si Uria sa pintuan ng bahay ng hari na kasama ng lahat ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, at hindi binaba ang kaniyang bahay.

10 At nang masaysay kay David, na sabihin, Hindi binaba ni Uria ang kaniyang bahay, sinabi ni David kay Uria, Hindi ka pa ba nakapaglalakbay? bakit hindi mo binaba ang iyong bahay?

11 At sinabi ni Uria kay David, Ang kaban, at ang Israel, at ang Juda, ay nasa mga tolda at ang aking panginoon si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon, ay nangahahantong sa luwal na parang; yayaon nga ba ako sa aking bahay, upang kumain, at upang uminom, at upang sumiping sa aking asawa? buhay ka, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.

12 At sinabi ni David kay Uria, Tumigil ka rin dito ngayon at bukas ay aking payayaunin ka. Sa gayo'y tumigil si Uria sa Jerusalem sa araw na yaon, at sa kinabukasan.

13 At nang tawagin siya ni David, siya'y kumain at uminom sa harap niya; at kaniyang nilango siya: at sa kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kaniyang higaan na kasama ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, nguni't hindi niya binaba ang kaniyang bahay.

14 At nangyari, sa kinaumagahan, na sumulat si David ng isang sulat kay Joab, at ipinadala sa pamamagitan ng kamay ni Uria.

15 At kaniyang isinulat sa sulat, na sinasabi, Ilagay mo si Uria sa pinakaunahan ng mahigpit na pagbabaka, at kayo'y magsiurong mula sa kaniya, upang siya'y masaktan, at mamatay.

16 At nangyari, nang bantayan ni Joab ang bayan, na kaniyang inilagay si Uria sa dakong kaniyang nalalaman na kinaroroonan ng mga matapang na lalake.

17 At ang mga lalake sa bayan ay nagsilabas at nakipagbaka kay Joab: at nangabuwal ang iba sa bayan, sa mga lingkod ni David; at si Uria na Hetheo ay namatay rin.

18 Nang magkagayo'y nagsugo si Joab, at isinaysay kay David ang lahat ng mga bagay tungkol sa pagbabaka;

19 At kaniyang ibinilin sa sugo, na sinasabi, Pagka ikaw ay nakatapos na magsaysay sa hari ng lahat ng mga bagay tungkol sa pagbabaka,

20 Mangyari na, kung ang galit ng hari ay maginit, at kaniyang sabihin sa iyo: Bakit kayo lumapit na mabuti sa bayan upang bumaka? hindi ba ninyo nalalaman na sila'y papana mula sa kuta?

21 Sino ang sumakit kay Abimelech na anak ni Jerobaal? hindi ba isang babae ang naghagis ng isang bato sa ibabaw ng gilingan sa kaniya mula sa kuta, na anopa't siya'y namatay sa Thebes? bakit kayo'y nagpakalapit sa kuta? saka mo sasabihin, Ang iyong lingkod na si Uria na Hetheo ay namatay rin.

22 Sa gayo'y yumaon ang sugo, at naparoon at isinaysay kay David ang lahat na iniutos sa kaniya ni Joab.

23 At sinabi ng sugo kay David, Ang mga lalake ay nanganaig laban sa amin, at nilabas kami sa parang, at aming pinaurong sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.

24 At pinana ng mga mamamana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang iba sa mga lingkod ng hari ay nangamatay, at ang iyong lingkod na si Uria na Hetheo ay namatay rin.

25 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa sugo, Ganito ang iyong sasabihin kay Joab: Huwag mong masamain ang bagay na ito, sapagka't nilalamon ng tabak maging ito gaya ng iba: iyong palakasin pa ang iyong pagbabaka laban sa bayan, at iwasak: at iyong palakasin ang loob niya.

26 At nang marinig ng asawa ni Uria na si Uria na kaniyang asawa ay namatay, kaniyang tinangisan ang kaniyang asawa.

27 At nang ang pagtangis ay makaraan, ay nagsugo si David at kinuha siya sa kaniyang bahay, at siya'y naging kaniyang asawa, at nagkaanak sa kaniya ng isang lalake. Nguni't ang bagay na ginawa ni David ay minasama ng Panginoon.

12 At sinugo ng Panginoon si Nathan kay David. At siya'y naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, May dalawang lalake sa isang bayan; ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.

Ang mayaman ay mayroon totoong maraming kawan at bakahan:

Nguni't ang mahirap ay walang anomang bagay, liban sa isang munting korderong babae, na kaniyang binili at inalagaan: at lumaki sa kaniya, at sa kaniyang mga anak; kumakain ng kaniyang sariling pagkain at umiinom ng kaniyang sariling inumin, at humihiga sa kaniyang sinapupunan, at sa kaniya'y parang isang anak.

At naparoon ang isang maglalakbay sa mayaman, at ipinagkait niya ang kaniyang sariling kawan at ang kaniyang sariling bakahan, na ihanda sa naglalakbay na dumating sa kaniya, kundi kinuha ang kordero ng mahirap na lalake, at inihanda sa lalake na dumating sa kaniya.

At ang galit ni David ay nagalab na mainam laban sa lalake; at kaniyang sinabi kay Nathan, Buhay ang Panginoon, ang lalake na gumawa nito ay karapatdapat na mamatay:

At isinauli ang kordero na may dagdag na apat, sapagka't kaniyang ginawa ang bagay na ito, at sapagka't siya'y hindi naawa.

At sinabi ni Nathan kay David, Ikaw ang lalaking yaon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Pinahiran kita ng langis na maging hari sa Israel, at aking iniligtas ka sa kamay ni Saul;

At ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, at ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong sinapupunan, at ibinigay ko sa iyo ang sangbahayan ng Israel at ng Juda; at kung totoong kakaunti pa ito, ay dadagdagan pa kita ng gayong bagay.

Bakit nga iyong niwalang kabuluhan ang salita ng Panginoon, na iyong ginawa ang masama sa kaniyang paningin? iyong sinugatan ng tabak si Uria na Hetheo, at iyong kinuha ang kaniyang asawa upang maging iyong asawa, at iyong pinatay siya ng tabak ng mga anak ni Ammon.

10 Ngayon nga'y ang tabak ay hindi hihiwalay kailan man sa iyong sangbahayan; sapagka't iyong niwalan ng kabuluhan ako, at iyong kinuha ang asawa ni Uria na Hetheo upang maging iyong asawa.

11 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magtitindig ng kasamaan laban sa iyo na mula sa iyong sariling sangbahayan, at aking kukunin ang iyong mga asawa sa harap ng iyong mga mata, at aking ipagbibigay sa iyong kapuwa, at kaniyang sisipingan ang iyong mga asawa sa sikat ng araw na ito.

12 Sapagka't iyong ginawa na lihim: nguni't aking gagawin ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.

13 At sinabi ni David kay Nathan, Ako'y nagkasala laban sa Panginoon. At sinabi ni Nathan kay David, Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.

14 Gayon ma'y sapagka't sa gawang ito'y iyong binigyan ng malaking pagkakataon ang mga kaaway ng Panginoon upang magsipanungayaw, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay walang pagsalang mamamatay.

15 At si Nathan ay umuwi sa kaniyang bahay. At sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Uria kay David, at totoong malubha.

16 Ipinanalangin nga ni David sa Dios ang bata; at si David ay nagaayuno, at pumapasok, at humihiga buong gabi sa lupa.

17 At bumabangon ang mga matanda sa kaniyang bahay, at tumatayo sa siping niya, upang itindig siya sa lupa; nguni't siya'y ayaw kahit kumain ng tinapay na kasalo nila.

18 At nangyari, nang ikapitong araw, na ang bata ay namatay. At nangatakot ang mga lingkod ni David na saysayin sa kaniya na ang bata ay patay na: sapagka't kanilang sinabi, Narito, samantalang ang bata ay buhay pa, tayo ay nakipagsalitaan sa kaniya, at hindi siya nakinig sa ating tinig: gaano ngang ikababagabag niya kung ating sasabihin sa kaniya na ang bata ay patay na?

19 Nguni't nang makita ni David na ang kaniyang mga lingkod ay nagbubulong-bulungan, nahalata ni David na ang bata ay patay na: at sinabi ni David sa kaniyang mga lingkod, Patay na ba ang bata? At kanilang sinabi, Siya'y patay na.

20 Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, at nagpahid ng langis, at nagbihis ng kaniyang suot; at siya'y naparoon sa bahay ng Panginoon, at sumamba: saka naparoon siya sa kaniyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, hinainan nila ng tinapay siya sa harap, at siya'y kumain.

21 Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, Anong bagay ito na iyong ginawa? ikaw ay nagaayuno at umiiyak dahil sa bata, samantalang siya'y buhay; nguni't nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.

22 At kaniyang sinabi, Samantalang ang bata'y buhay pa, ako'y nagaayuno at umiiyak: sapagka't aking sinabi, Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, na anopa't ang bata'y mabuhay?

23 Nguni't ngayo'y patay na siya; bakit pa ako magaayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y paroroon sa kaniya, nguni't siya'y hindi babalik sa akin.

24 At inaliw ni David si Bath-sheba na kaniyang asawa, at lumapit sa kaniya, at sumiping sa kaniya: At siya'y nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Salomon. At minahal siya ng Panginoon.

25 At nagsugo siya sa pamamagitan ng kamay ni Nathan na propeta, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jedidiah alang-alang sa Panginoon.

26 Nakipaglaban nga si Joab, sa Rabba sa mga anak ni Ammon, at sinakop ang bayang hari.

27 At nagsugo si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, Ako'y nakipaglaban sa Rabba, oo, aking sinakop ang bayan ng mga bukal ng tubig.

28 Ngayon nga'y pisanin mo ang nalabi sa bayan, at humantong ka laban sa bayan, at sakupin mo: baka aking sakupin ang bayan, at tawagin ayon sa aking pangalan.

29 At pinisan ni David ang buong bayan, at naparoon sa Rabba, at bumaka laban doon, at sinakop.

30 At inalis ang putong ng kanilang hari sa kaniyang ulo: at ang bigat niyaon ay isang talentong ginto, at may mga mahalagang bato; at ipinutong sa ulo ni David. At siya'y naglabas ng samsam sa bayan na totoong marami.

31 At kaniyang inilabas ang bayan na nandoon, at inilagay sa ilalim ng mga lagari, at ng mga suyod na bakal, at ng mga palakol na bakal, at mga pinaraan sa mga lutuan ng laryo: at gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga anak ni Ammon. At si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

13 At nangyari, pagkatapos nito, na si Absalom na anak ni David ay mayroong isang kapatid na babae na maganda, na ang pangala'y Thamar; at sininta siya ni Amnon na anak ni David.

At si Amnon ay totoong nagdamdam, na anopa't siya'y nagkasakit dahil sa kaniyang kapatid na kay Thamar; sapagka't siya'y dalaga; at inaakala ni Amnon na mahirap gawan siya ng anomang bagay.

Nguni't si Amnon ay may isang kaibigan na ang pangala'y Jonadab, na anak ni Simea na kapatid ni David: at si Jonadab ay isang lalaking totoong magdaraya.

At sinabi niya sa kaniya, Bakit, Oh anak ng hari, sa araw araw ay nangangayayat kang ganyan? hindi mo ba sasaysayin sa akin? At sinabi ni Amnon sa kaniya, Aking sinisinta si Thamar na kapatid ng aking kapatid na si Absalom.

At sinabi ni Jonadab sa kaniya, Mahiga ka sa iyong higaan, at magsakitsakitan ka: at pagka ang iyong ama ay naparoon upang tingnan ka, sabihin mo sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na bayaang ang aking kapatid na si Thamar ay pumarito, at bigyan ako ng tinapay na makakain, at maghanda ng pagkain sa aking paningin upang aking makita, at kanin sa kaniyang kamay.

Sa gayo'y nahiga si Amnon at nagsakitsakitan: at nang pumaroon ang hari upang tingnan siya, sinabi ni Amnon sa hari, Isinasamo ko sa iyo na bayaang pumarito ang aking kapatid na si Thamar, at igawa ako ng dalawang tinapay na maliit sa aking paningin upang aking makain sa kaniyang kamay.

Nang magkagayo'y nagsugo si David sa bahay kay Thamar, na sinasabi, Pumaroon ka ngayon sa bahay ng iyong kapatid na si Amnon, at ipaghanda mo siya ng pagkain.

Sa gayo'y naparoon si Thamar sa bahay ng kaniyang kapatid na si Amnon; at siya'y nakahiga. At siya'y kumuha ng isang masa, at minasa, at ginawang mga binilong tinapay sa kaniyang paningin, at niluto na mga munting tinapay.

At kinuha niya ang kawali, at mga ibinuhos sa harap niya; nguni't kaniyang tinanggihang kanin. At sinabi ni Amnon: Palabasin ang lahat na tao sa harap ko. At silang lahat ay lumabas, bawa't isa mula sa harap niya.

10 At sinabi ni Amnon kay Thamar: Dalhin mo rito sa silid ang pagkain, upang aking makain sa iyong kamay. At kinuha ni Thamar ang mga munting tinapay na kaniyang ginawa, at mga dinala sa silid kay Amnon na kaniyang kapatid.

11 At nang ilapit niya sa kaniya upang kanin, kaniyang tinangnan siya, at sinabi niya sa kaniya, Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko.

12 At sumagot siya sa kaniya, Huwag kapatid ko, huwag mo akong dahasin; sapagka't hindi marapat gawin sa Israel ang ganyang bagay: huwag kang gumawa ng ganitong kaululan.

13 At ako, saan ko dadalhin ang aking hiya? at tungkol sa iyo, ikaw ay magiging gaya ng isa sa mga mangmang sa Israel. Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, magsalita ka sa hari, sapagka't hindi ipagkakait ako sa iyo.

14 Gayon ma'y hindi niya dininig ang kaniyang tinig: kundi palibhasa't siya'y malakas kay sa kaniya, dinahas niya siya, at sumiping sa kaniya.

15 Nang magkagayo'y kinapootan siya ni Amnon na may mahigpit na poot; sapagka't ang kapootan na kaniyang ikinapoot sa kaniya ay malaki kay sa pagsinta na kaniyang isininta sa kaniya. At sinabi ni Amnon sa kaniya, Bumangon ka, ikaw ay yumaon.

16 At sinabi niya sa kaniya, Huwag ganyan, sapagka't itong malaking kasamaan sa pagpapalabas mo sa akin ay higit kay sa iba na iyong ginawa sa akin. Nguni't ayaw niyang dinggin siya.

17 Nang magkagayo'y tinawag niya ang kaniyang alipin na nagaalaga sa kaniya, at sinabi, Ilabas mo ang babaing ito sa harap ko, at itrangka mo ang pintuan pagkalabas niya.

18 At siya'y may suot na sarisaring kulay: sapagka't ang mga gayong kasuutan ang isinusuot ng mga anak na dalaga ng hari. Nang magkagayo'y inilabas siya ng kaniyang alipin at tinarangkahan ang pintuan pagkalabas niya.

19 At binuhusan ni Thamar ng mga abo ang kaniyang ulo, at hinapak ang kaniyang suot na sarisaring kulay na nakasuot sa kaniya; at kaniyang ipinatong ang kaniyang kamay sa kaniyang ulo, at ipinagpatuloy ang kaniyang lakad, na umiiyak ng malakas habang siya'y yumayaon.

20 At sinabi ni Absalom na kaniyang kapatid sa kaniya, Napasa iyo ba si Amnon na iyong kapatid? nguni't ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko: siya'y iyong kapatid; huwag mong isapuso ang bagay na ito. Sa gayo'y si Thamar ay nagpighati sa bahay ng kaniyang kapatid na si Absalom.

21 Nguni't nang mabalitaan ng haring si David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y totoong napoot.

22 At hindi nagsalita si Absalom kay Amnon kahit mabuti o masama man; sapagka't pinagtaniman ni Absalom si Amnon dahil sa kaniyang dinahas ang kaniyang kapatid na si Thamar.

23 At nangyari, pagkatapos ng dalawang buong taon, na nagpagupit ng mga tupa si Absalom sa Baal-hasor na nasa siping ng Ephraim: at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari.

24 At naparoon si Absalom sa hari, at sinabi niya, Narito ngayon, ang iyong lingkod ay nagpapagupit ng mga tupa; isinasamo ko sa iyo na ang hari at ang kaniyang mga lingkod ay magsiyaong kasama ng iyong lingkod.

25 At sinabi ng hari kay Absalom, Huwag anak ko, huwag tayong magsiyaong lahat, baka maging mabigat na pasan sa iyo. At pinilit niya siya: gayon ma'y hindi siya yumaon, kundi binasbasan siya.

26 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, Kung hindi isinasamo ko sa iyo, pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon. At sinabi ng hari sa kaniya, Bakit siya sasama sa iyo?

27 Nguni't pinilit siya ni Absalom, na anopa't kaniyang pinasama sa kaniya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari.

28 At iniutos ni Absalom sa kaniyang mga lingkod na sinasabi, Tandaan ninyo ngayon, pagka ang puso ni Amnon ay sumaya dahil sa alak; at pagka ang aking sinabi sa inyo, Saktan ninyo si Amnon, patayin nga ninyo siya: huwag kayong mangatakot: hindi ba ako ang nagutos sa inyo? kayo nga'y magpakalakas, at magpakatapang.

29 At ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y nagsitindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay bawa't lalake sa kaniyang mula, at tumakas.

30 At nangyari, samantalang sila'y nasa daan, na ang balita ay dumating kay David, na sinasabi, Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabi isa man sa kanila.

31 Nang magkagayo'y bumangon ang hari at hinapak ang kaniyang mga suot, at humiga sa lupa; at lahat niyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot na hapak ang kanilang mga suot.

32 At si Jonadab na anak ni Simea na kapatid ni David, ay sumagot at nagsabi, Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagka't si Amnon lamang ang patay: sapagka't sa pasiya ni Absalom ay pinasiyahan ito mula sa araw na kaniyang dahasin ang kaniyang kapatid na si Thamar.

33 Ngayon nga'y huwag isapuso ng aking panginoon na hari ang bagay, na akalain ang lahat ng mga anak ng hari ay patay: sapagka't si Amnon lamang ang patay.

34 Nguni't si Absalom ay tumakas. At ang bataan na nagbabantay ay tumanaw ng kaniyang mga mata, at tumingin, at, narito, dumarating ay maraming tao sa daan na mula sa burol, sa likuran niya.

35 At sinabi ni Jonadab sa hari, Narito, ang mga anak ng hari ay nagsisidating: kung ano ang sinabi ng inyong lingkod, ay nagkagayon.

36 At nangyari pagkatapos niyang makapagsalita, na, narito, ang mga anak ng hari ay nagsidating, at inilakas ang kanilang tinig at nagsiiyak: at ang hari naman at ang lahat niyang mga lingkod ay nagsiiyak na mainam.

37 Nguni't tumakas si Absalom at naparoon kay Talmai na anak ni Amiud na hari sa Gessur. At tinangisan ni David ang kaniyang anak araw araw.

38 Sa gayo'y tumakas si Absalom at naparoon sa Gessur, at dumoong tatlong taon.

39 At pinanabikan ng haring David na paroonan si Absalom: sapagka't siya'y naaliw na tungkol kay Amnon yamang patay na.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain