Historical
17 Pagkatahak nga nila sa Amfipolis at sa Apolonia, ay nagsirating sila sa Tesalonica, na kinaroroonan ng isang sinagoga ng mga Judio.
2 At si Pablo, ayon sa ugali niya ay pumasok sa kanila, at sa tatlong sabbath ay nangatuwiran sa kanila sa mga kasulatan,
3 Na binubuksan at pinatunayan na kinakailangang si Cristo ay maghirap, at muling mabuhay sa mga patay; at itong si Jesus, aniya, na aking ipinangangaral sa inyo, ay siyang Cristo.
4 At nangahikayat ang ilan sa kanila, at nakikampi kay Pablo at kay Silas; at gayon din ang lubhang maraming mga Griegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga babaing mararangal.
5 Datapuwa't ang mga Judio, palibhasa'y nangaudyokan ng inggit, ay nangagsama ng ilang masasamang tao sa pamilihan, at pagkatipon ng isang karamihan, ay ginulo ang bayan; at pagkalusob sa bahay ni Jason, ay pinagsikapan nilang sila'y iharap sa mga tao.
6 At nang hindi sila mangasumpungan, ay kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga punong bayan, na ipinagsisigawan, Itong mga nagsisipagtiwarik ng sanglibutan, ay nagsiparito rin naman;
7 Na tinanggap sila ni Jason: at ang lahat ng mga ito ay nagsisigawa ng laban sa mga utos ni Cesar, na nagsasabing may ibang hari, si Jesus.
8 At kanilang ginulo ang karamihan at ang mga punong bayan, nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.
9 At nang matanggap na nila ang pinakaako kay Jason at sa mga iba, ay kanilang pinawalan sila.
10 At pagdaka'y pinayaon sa gabi ng mga kapatid si Pablo at si Silas sa Berea: na nang dumating sila doon ay nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio.
11 Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kay sa mga taga Tesalonica, sapagka't tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito.
12 Kaya nga marami sa kanila ang mga nagsisampalataya; gayon din sa mga babaing Griega na may mga kalagayang mahal, at sa mga lalake, ay hindi kakaunti.
13 Datapuwa't nang maunawa ng mga Judiong taga Tesalonica na sa Berea ay ipinangangaral din ni Pablo ang salita ng Dios, ay nagsiparoon din naman, na ginulo at binagabag ang mga karamihan.
14 At nang magkagayo'y pagdaka'y pinayaon ng mga kapatid si Pablo na pumaroon hanggang sa dagat: at nangatira pa roon si Silas at si Timoteo.
15 Datapuwa't silang mga nagsipaghatid kay Pablo ay dinala siya hanggang sa Atenas: at nang matanggap na nila ang pautos kay Silas at kay Timoteo na madalingmadali silang magsiparoon sa kaniya, ay nagsialis sila.
16 Samantala ngang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, ay namuhi ang kaniyang espiritu sa loob niya sa pagkamasid niya sa bayan na puno ng diosdiosan.
17 Kaya't sa sinagoga'y nakipagmatuwiran siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa araw-araw sa pamilihan sa mga nakikipagkita sa kaniya.
18 At ilan naman sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo sa kaniya. At sinabi ng ilan, Anong ibig sabihin ng masalitang ito? binagabag ang mga iba, Parang siya'y tagapagbalita ng mga ibang dios: sapagka't ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na maguli.
19 At siya'y tinangnan nila, at dinala siya sa Areopago, na sinasabi, Mangyayari bagang maalaman namin kung ano itong bagong aral, na sinasalita mo?
20 Sapagka't naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga: ibig nga naming maalaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.
21 (Lahat nga ng mga Ateniense at ang mga taga ibang bayang nakikipamayan doon ay walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anomang bagay na bago.)
22 At tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, Kayong mga lalaking taga Atenas, sa lahat ng mga bagay ay napapansin kong kayo'y lubhang relihioso.
23 Sapagka't sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakasumpong din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, SA ISANG DIOS NA HINDI KILALA. Yaon ngang inyong sinasamba sa hindi pagkakilala, siya ang sa inyo'y ibinabalita ko.
24 Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay;
25 Ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay;
26 At ginawa niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan;
27 Upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya'y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa't isa sa atin:
28 Sapagka't sa kaniya tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka't tayo nama'y sa kaniyang lahi.
29 Yamang tayo nga'y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.
30 Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako:
31 Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay.
32 At nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay na maguli, ay nanglibak ang ilan; datapuwa't sinabi ng mga iba, Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.
33 Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila.
34 Datapuwa't nakisama sa kanya ang ilang mga tao, at nagsisampalataya: na sa mga yao'y isa si Dionisio na Areopagita, at ang isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pang kasama nila.
18 Pagkatapos ng mga bagay na ito'y umalis siya sa Atenas, at napasa Corinto.
2 At nasumpungan niya ang isang Judio na nagngangalang Aquila, isang lalaking tubo sa Ponto, na hindi pa nalalaong nanggagaling sa Italia, kasama ni Priscila na kaniyang asawa, sapagka't ipinagutos ni Claudio na ang lahat ng mga Judio ay magsialis sa Roma: at siya'y lumapit sa kanila;
3 At sapagka't ang hanap-buhay niya'y gaya rin ng kanila, ay nakipanuluyan siya sa kanila, at sila'y nagsigawa: sapagka't ang hanap-buhay nila'y gumawa ng mga tolda.
4 At siya'y nangangatuwiran tuwing sabbath sa sinagoga, at hinihikayat ang mga Judio at ang mga Griego.
5 Datapuwa't nang si Silas at si Timoteo ay magsilusong mula sa Macedonia, si Pablo ay napilitan sa pamamagitan ng salita, na sinasaksihan sa mga Judio na si Jesus ang siyang Cristo.
6 At nang sila'y magsitutol at magsipamusong, ay ipinagpag niya ang kaniyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo: ako'y malinis: buhat ngayo'y paparoon ako sa mga Gentil.
7 At siya'y umalis doon, at pumasok sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Tito Justo, na isang sumasamba sa Dios, na ang bahay niya'y karugtong ng sinagoga.
8 At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga, ay nanampalataya sa Panginoon, pati ng buong sangbahayan niya; at marami sa mga taga Corinto na sa pakikinig ay nagsisampalataya, at pawang nangabautismuhan.
9 At sinabi ng Panginoon kay Pablo nang gabi sa pangitain, Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik:
10 Sapagka't ako'y sumasaiyo, at sinoma'y hindi ka madadaluhong upang saktan ka: sapagka't makapal ang mga tao ko sa bayang ito.
11 At siya'y tumahan doong isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Dios.
12 Datapuwa't nang si Galion ay proconsul ng Acaya ang mga Judio ay nangagkaisang nangagsitindig laban kay Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman,
13 Na nagsasabi, Hinihikayat ng taong ito ang mga tao upang magsisamba sa Dios laban sa kautusan.
14 Datapuwa't nang bubukhin na ni Pablo ang kaniyang bibig, ay sinabi ni Galion sa mga Judio, Kung ito'y tunay na masamang gawa o mabigat na kasalanan, Oh mga Judio, may matuwid na tiisin ko kayo:
15 Datapuwa't kung mga pagtatalo tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo sa inyong sarili na ang bahala noon; ayaw kong maging hukom sa mga bagay na ito.
16 At sila'y pinalayas niya sa hukuman.
17 At hinawakan nilang lahat si Sostenes, na pinuno sa sinagoga, at siya'y hinampas sa harapan ng hukuman. At hindi man lamang pinansin ni Galion ang mga bagay na ito.
18 At si Pablo, pagkatapos na makatira na roong maraming araw, ay nagpaalam sa mga kapatid, at buhat doo'y lumayag na patungo sa Siria, at kasama niya si Priscila at si Aquila: na inahit niya ang kaniyang buhok sa Cencrea; sapagka't siya'y may panata.
19 At sila'y nagsidating sa Efeso, at sila'y iniwan niya doon: datapuwa't pumasok siya sa sinagoga, at nangatuwiran sa mga Judio.
20 At nang siya'y pamanhikan nila na tumigil pa roon ng ilang panahon, ay hindi siya pumayag;
21 Kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, at nagsabi, Babalik uli ako sa inyo kung loobin ng Dios, siya'y naglayag buhat sa Efeso.
22 At nang makalunsad na siya sa Cesarea, ay siya'y umahon at bumati sa iglesia, at lumusong sa Antioquia.
23 At nang makagugol na siya roon ng ilang panahon, ay umalis siya, at tinahak ang lupain ng Galacia, at Frigia, na sunodsunod, na pinagtitibay ang lahat ng mga alagad.
24 Ngayon ang isang Judio na nagngangalang Apolos, na isang Alejandrino sa lahi, at taong marikit mangusap, ay dumating sa Efeso; at siya'y makapangyarihan ukol sa mga kasulatan.
25 Ang taong ito'y tinuruan sa daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maningas na espiritu, ay kaniyang sinalita at itinurong maingat ang mga bagay na tungkol kay Jesus, na ang naalaman lamang ay ang bautismo ni Juan:
26 At siya'y nagpasimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga. Datapuwa't nang siya'y marinig ni Priscila at ni Aquila, ay kanilang isinama siya, at isinaysay sa kaniya ang daan ng Panginoon ng lalong maingat.
27 At nang ibig niyang lumipat sa Acaya, ay pinalakas ng mga kapatid ang kaniyang loob at sila'y nagsisulat sa mga alagad na siya'y tanggapin: at nang siya'y dumating doon, ay lubos na tumulong siya sa mga nagsisampalataya sa pamamagitan ng biyaya;
28 Sapagka't may kapangyarihang dinaig niya ang mga Judio, at hayag, na ipinakilala sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ay ang Cristo.
19 At nangyari, na, samantalang si Apolos ay nasa Corinto, pagkatahak ni Pablo ng mga lupaing matataas ay napasa Efeso, at nakasumpong ng ilang mga alagad:
2 At sa kanila'y sinabi niya, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y magsisampalataya? At sinabi nila sa kaniya, Hindi, hindi man lamang namin narinig na may ibinigay na Espiritu Santo.
3 At sinabi niya, Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan? At sinabi nila, Sa bautismo ni Juan.
4 At sinabi ni Pablo, Nagbabautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa bayan na sila'y magsisampalataya sa darating sa hulihan niya, sa makatuwid baga'y kay Jesus.
5 At nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.
6 At nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kaniyang mga kamay, ay bumaba sa kanila ang Espiritu Santo; at sila'y nagsipagsalita ng mga wika, at nagsipanghula.
7 At silang lahat ay may labingdalawang lalake.
8 At siya'y pumasok sa sinagoga, at nagsalitang may katapangan sa loob ng tatlong buwan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Dios.
9 Datapuwa't nang magsipagmatigas ang ilan at ayaw magsipaniwala, na pinagsasalitaan ng masama ang Daan sa harapan ng karamihan, ay umalis siya sa kanila, at inihiwalay ang mga alagad, na nangangatuwiran araw-araw sa paaralan ni Tiranno.
10 At ito'y tumagal sa loob ng dalawang taon; ano pa't ang lahat ng mga nagsisitahan sa Asia ay nangakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayon din ang mga Griego.
11 At gumawa ang Dios ng mga tanging himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo:
12 Ano pa't ang mga panyo o mga tapi na mapadaiti sa kaniyang katawan ay dinadala sa mga may-sakit, at nawawala sa kanila ang mga sakit, at nangagsisilabas ang masasamang espiritu.
13 Datapuwa't ilan sa mga Judiong pagalagala na nagsisipagpalayas ng masasamang espiritu, ay nagsipangahas na sambitlain ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na nagsisipagsabi, Ipinamamanhik ko sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipinangangaral ni Pablo.
14 At may pitong anak na lalake ang isang Esceva na Judio, isang pangulong saserdote, na nagsisigawa nito.
15 At sumagot ang masamang espiritu at sa kanila'y sinabi, Nakikilala ko si Jesus, at nakikilala ko si Pablo; datapuwa't sino-sino kayo?
16 At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at sila'y kaniyang natalo, at nadaig sila, ano pa't nagsitakas sila sa bahay na yaon na mga hubo't hubad at mga sugatan.
17 At nahayag ito sa lahat, sa mga Judio at gayon din sa mga Griego, na nangananahanan sa Efeso; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinadakila ang pangalan ng Panginoong Jesus.
18 Marami rin naman sa mga nagsisampalataya na ang nagsidating, na ipinahahayag at isinasaysay ang kanilang mga gawain.
19 At hindi kakaunti sa mga nagsisigamit ng mga kabihasnang magica ay nagsipagtipon ng kanilang mga aklat, at pinagsusunog sa paningin ng lahat; at kanilang binilang ang halaga niyaon, at nasumpungang may limampung libong putol na pilak.
20 Sa gayo'y lumagong totoo ang salita ng Panginoon at nanaig.
21 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ay ipinasiya ni Pablo sa espiritu, nang matahak na niya ang Macedonia at ang Acaya, na pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko naman ang Roma.
22 At nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawa sa nagsisipaglingkod sa kaniya, na si Timoteo at si Erasto, siya rin ay natirang ilang panahon sa Asia.
23 At halos nang panahong yao'y may nangyaring hindi mumunting kaguluhan tungkol sa Daan.
24 Sapagka't may isang taong nagngangalang Demetrio, pandaypilak, na gumagawa ng maliliit na dambanang pilak ni Diana, ay nagbibigay ng hindi kakaunting hanap-buhay sa mga panday;
25 Na sila'y kaniyang tinipon pati ng mga manggagawa ng mga gayong gawa, at sinabi, Mga Ginoo, talastas ninyo na nagsisiyaman tayo sa hanap-buhay na ito.
26 At inyong nakikita at naririnig, na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, ay nakaakit ang Pablong ito at naghiwalay ng maraming mga tao, na sinasabing hindi raw mga dios, ang mga ginagawa ng mga kamay:
27 At hindi lamang may panganib na mawalang kapurihan ang hanapbuhay nating ito; kundi naman ang templo ng dakilang diosa Diana ay mawawalan ng halaga, at hanggang sa malugso ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong Asia at ng sanglibutan.
28 At nang marinig nila ito'y nangapuno sila ng galit, at nangagsigawan, na nagsipagsabi, Dakila ang Diana ng mga taga Efeso.
29 At napuno ng kaguluhan ang bayan: at pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan, na sinunggaban si Gayo at si Aristarco, mga lalaking taga Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay.
30 At nang inakala ni Pablo na pasukin ang mga tao, ay hindi siya tinulutan ng mga alagad.
31 At ang ilan din naman sa mga puno sa Asia, palibhasa'y kaniyang mga kaibigan, ay nangagpasugo sa kaniya at siya'y pinakiusapang huwag siyang pumaroon sa dulaan.
32 At ang iba nga'y sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman: sapagka't ang pulong ay nasa kaguluhan; at hindi maalaman ng karamihan kung bakit sila'y nangagkatipon.
33 At kanilang inilabas si Alejandro sa karamihan, na siya'y itinutulak ng mga Judio sa dakong harap. At inihudyat ang kamay ni Alejandro, at ibig sanang magsanggalang sa harapan ng bayan.
34 Datapuwa't nang matalastas nilang siya'y Judio, ay nangagkaisang lahat na mangagsigawan sa loob halos ng dalawang oras, Dakila ang Diana ng mga Efeso.
35 At nang mapatahimik na ng kalihim-bayan ang karamihan, ay kaniyang sinabi, Kayong mga lalaking taga Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang bayan ng mga Efeso ay tagapagingat ng templo ng dakilang Diana, at ng larawang nahulog mula kay Jupiter?
36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito, ay dapat kayong magsitahimik, at huwag magsigawa ng anomang bagay sa madalian.
37 Sapagka't dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga mangloloob sa templo, ni mga mamumusong man sa ating diosa.
38 Kung si Demetrio nga, at ang mga panday na kasama niya, ay mayroong anomang sakdal laban sa kanino man, ay bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul: bayaan ninyong mangagsakdal ang isa't isa.
39 Datapuwa't kung may inuusig kayo sa ano pa mang ibang mga bagay, ay mahahatulan sa karaniwang kapulungan.
40 Sapagka't totoong nanganganib tayo na mangasakdal tungkol sa pagkakagulo sa araw na ito, palibhasa'y walang anomang kadahilanan: at tungkol dito ay hindi tayo makapagbibigay sulit tungkol sa pagkakatipong ito.
41 At nang siya'y makapagsalitang gayon, ay pinaalis niya ang kapulungan.
Public Domain