Historical
1 Ang(A) salita ng Panginoon na dumating kay Sefanias na anak ni Cushi, na anak ni Gedalias, na anak ni Amarias, na anak ni Hezekias, nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda.
Ang Araw ng Paghuhukom ng Panginoon
2 “Aking lubos na lilipulin ang lahat ng bagay
sa ibabaw ng lupa,” sabi ng Panginoon.
3 “Aking pupuksain ang tao at ang hayop;
lilipulin ko ang mga ibon sa himpapawid,
at ang mga isda sa dagat,
at ang katitisuran kasama ang masasama;
aking aalisin ang sangkatauhan
sa ibabaw ng lupa,” sabi ng Panginoon.
4 “Aking iuunat ang aking kamay laban sa Juda,
at laban sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem;
at aking aalisin mula sa lugar na ito ang nalabi ni Baal,
at ang mga pangalan ng mga paring sumasamba sa diyus-diyosan kasama ang mga pari;
5 yaong mga yumuyukod sa mga bubungan
sa mga bagay na nasa kalangitan;
sa mga yumuyukod at sumusumpa rin sa Panginoon
at gayunma'y sumusumpa sa pangalan ni Malcam;
6 at iyong mga tumalikod mula sa pagsunod sa Panginoon;
at ang mga hindi hinanap ang Panginoon, ni sumangguni man sa kanya.”
7 Tumahimik ka sa harapan ng Panginoong Diyos!
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
sapagkat inihanda ng Panginoon ang isang handog,
at itinalaga ang kanyang mga panauhin.
8 At sa araw ng paghahandog sa Panginoon—
“Aking parurusahan ang mga pinuno, at ang mga anak ng hari,
at ang lahat na nagsusuot ng damit ng dayuhan.
9 At sa araw na iyon ay aking parurusahan
ang lahat ng lumulukso sa pasukan,
na pinupuno ang bahay ng kanilang panginoon
ng karahasan at pandaraya.”
10 “At sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon,
“maririnig ang panaghoy mula sa Pintuang Isda,
ang pananambitan mula sa Ikalawang Bahagi,
ang isang malakas na lagapak mula sa mga burol.
11 Managhoy kayo, kayong mga naninirahan sa Mortar!
Sapagkat ang buong bayan ng Canaan ay nalansag;
lahat ng nagtitimbang ng pilak ay inalis.
12 At sa panahong iyon, ang Jerusalem ay sisiyasatin ko sa pamamagitan ng ilawan,
at aking parurusahan ang mga tao
na nagsisiupo sa kanilang mga latak,
na nagsasabi sa kanilang puso,
‘Ang Panginoon ay hindi gagawa ng mabuti,
ni gagawa man siya ng masama.’
13 At ang kanilang kayamanan ay nanakawin,
at ang kanilang mga bahay ay gigibain.
Bagaman sila'y nagtatayo ng mga bahay,
hindi nila titirahan ang mga iyon;
bagaman sila'y nagtatanim ng ubasan,
hindi sila iinom ng alak niyon.”
14 Ang dakilang araw ng Panginoon ay malapit na,
malapit na at napakabilis na dumarating,
ang tinig ng araw ng Panginoon,
ang makapangyarihang tao ay sumisigaw nang may kapaitan roon.
15 Ang araw na iyon ay araw ng pagkapoot,
araw ng kaguluhan at kahapisan,
araw ng pagkawasak at pagkasira,
araw ng kadiliman at kalumbayan,
araw ng mga ulap at makapal na kadiliman,
16 araw ng tunog ng tambuli at ng hudyat ng digmaan,
laban sa mga lunsod na may muog,
at laban sa mataas na kuta.
17 At aking dadalhan ng kahapisan ang mga tao,
upang sila'y lumakad na parang mga bulag,
sapagkat sila'y nagkasala laban sa Panginoon;
at ang kanilang dugo ay ibubuhos na parang alabok,
at ang kanilang laman ay parang dumi.
18 Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man
ay hindi makakapagligtas sa kanila
sa araw ng poot ng Panginoon.
Sa apoy ng kanyang naninibughong poot
ang buong lupa ay matutupok;
sapagkat isang ganap at biglang paglipol
ang kanyang gagawin, sa lahat ng naninirahan sa daigdig.
Ang Malagim na Wakas ng mga Bansa
2 Sama-sama kayong pumarito
at magtipon, O bansang walang kahihiyan;
2 bago ang utos ay lumabas, ang araw ay dadaang parang ipa,
bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon,
bago dumating sa inyo ang araw ng poot ng Panginoon.
3 Hanapin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mapagpakumbaba sa lupain,
na sumusunod sa kanyang mga utos;
hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kapakumbabaan,
maaaring kayo'y maitago
sa araw ng poot ng Panginoon.
Hahatulan ang mga Bansa sa Paligid ng Israel
4 Sapagkat(B) ang Gaza ay pababayaan,
at ang Ascalon ay magigiba;
palalayasin ang mamamayan ng Asdod sa katanghaliang-tapat,
at ang Ekron ay mabubunot.
5 Kahabag-habag ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat,
ikaw na bansa ng mga Kereteo!
Ang salita ng Panginoon ay laban sa iyo,
O Canaan, lupain ng mga Filisteo;
aking wawasakin ka, hanggang maubos ang lahat ng mamamayan.
6 At ikaw, O baybayin ng dagat ay magiging pastulan,
kaparangan para sa mga pastol,
at mga kulungan para sa mga kawan.
7 At ang baybayin ay magiging pag-aari
ng nalabi sa sambahayan ni Juda;
na iyon ay kanilang pagpapastulan,
at sa mga bahay sa Ascalon ay
mahihiga sila sa gabi.
Sapagkat dadalawin sila ng Panginoon nilang Diyos,
at ibabalik mula sa kanilang pagkabihag.
8 “Aking(C) narinig ang panunuya ng Moab,
at ang panglalait ng mga anak ni Ammon,
kung paanong tinuya nila ang aking bayan,
at nagmalaki sila laban sa kanilang nasasakupan.
9 Kaya't(D) habang buháy ako,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
ng Diyos ng Israel,
“ang Moab ay magiging parang Sodoma,
at ang mga anak ni Ammon ay parang Gomorra,
isang lupaing pag-aari ng mga dawag at tambakan ng asin,
at isang pagkasira magpakailanman.
Sila'y sasamsaman ng nalabi sa aking bayan,
at sila'y aangkinin ng nalabi sa aking bansa.”
10 Ito ang kanilang magiging kapalaran kapalit ng kanilang pagmamataas,
sapagkat sila'y nanlibak at nagmalaki
laban sa bayan ng Panginoon ng mga hukbo.
11 Ang Panginoon ay magiging kakilakilabot laban sa kanila;
oo, kanyang gugutumin ang lahat ng diyos sa lupa;
at sa kanya ay yuyukod,
bawat isa sa kanya-kanyang dako,
ang lahat ng pulo ng mga bansa.
12 Kayo(E) rin, O mga taga-Etiopia,
kayo'y papatayin sa pamamagitan ng aking tabak.
13 At(F) kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa hilaga,
at gigibain ang Asiria,
at ang Ninive ay sisirain,
at tutuyuing gaya ng ilang.
14 At ang mga bakahan ay hihiga sa gitna niyon,
lahat ng hayop ng mga bansa,
ang pelikano at gayundin ang kuwago
ay maninirahan sa kanyang mga kabisera,
ang kanilang tinig ay huhuni sa bintana,
ang kasiraan ay darating sa mga pasukan;
sapagkat ang kanyang mga yaring kahoy na sedro ay masisira.
15 Ito ang masayang bayan na
naninirahang tiwasay,
na nagsasabi sa sarili,
“Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
Siya'y naging wasak,
naging dakong higaan para sa mababangis na hayop!
Bawat dumaraan sa kanya
ay sumusutsot at ikinukumpas ang kanyang kamay.
Ang Kasamaan at Katubusan ng Israel
3 Kahabag-habag siya na marumi, nadungisan at mapang-aping lunsod!
2 Siya'y hindi nakinig sa tinig ninuman;
siya'y hindi tumanggap ng pagtutuwid.
Siya'y hindi nagtiwala sa Panginoon;
siya'y hindi lumapit sa kanyang Diyos.
3 Ang mga pinunong kasama
niya ay mga leong umuungal;
ang mga hukom niya ay mga asong ligaw sa gabi;
sila'y walang inilalabi hanggang sa kinaumagahan.
4 Ang kanyang mga propeta ay walang kabuluhan at mga taksil;
nilapastangan ng kanyang mga pari ang bagay na banal,
sila'y nagsigawa ng karahasan sa kautusan.
5 Ang Panginoon sa gitna niya ay matuwid;
siya'y hindi gumagawa ng mali;
tuwing umaga'y kanyang ipinapakita ang kanyang katarungan,
siya'y hindi nagkukulang bawat madaling-araw;
ngunit walang kahihiyan ang di-matuwid.
6 “Ako'y nag-alis ng mga bansa;
ang kanilang mga kuta ay sira.
Aking winasak ang kanilang mga lansangan,
na anupa't walang dumaraan sa mga iyon;
ang kanilang mga lunsod ay giba, kaya't walang tao,
walang naninirahan.
7 Aking sinabi, ‘Tiyak na ikaw ay matatakot sa akin,
siya'y tatanggap ng pagtutuwid;
sa gayo'y ang kanyang tahanan ay hindi mahihiwalay
ayon sa aking itinakda sa kanya.’
Ngunit sila'y lalong naging masigasig
na pasamain ang lahat nilang mga gawa.”
8 “Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ng Panginoon,
“sa araw na ako'y bumangon bilang saksi.
Sapagkat ang aking pasiya ay tipunin ang mga bansa,
upang aking matipon ang mga kaharian,
upang maibuhos ko sa kanila ang aking galit,
lahat ng init ng aking galit;
sapagkat ang buong lupa ay tutupukin,
ng apoy ng aking naninibughong poot.
9 “Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
upang maging dalisay na pananalita,
upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ng Panginoon;
at paglingkuran siya na may pagkakaisa.
10 Mula sa kabila ng mga ilog ng Etiopia,
ang mga sumasamba sa akin,
ang anak na babae na aking pinapangalat,
ay magdadala ng handog sa akin.
11 “Sa araw na iyon ay hindi ka mapapahiya
ng dahil sa mga gawa,
na iyong ipinaghimagsik laban sa akin;
sapagkat kung magkagayon aking aalisin sa gitna mo
ang iyong mga taong nagsasayang may pagmamataas,
at hindi ka na magmamalaki pa
sa aking banal na bundok.
12 Sapagkat aking iiwan sa gitna mo
ang isang mapagpakumbaba at maamong bayan.
Sila'y manganganlong sa pangalan ng Panginoon,
13 Ang(G) mga nalabi sa Israel
ay hindi gagawa ng kasamaan,
ni magsasalita man ng mga kasinungalingan;
ni matatagpuan man
ang isang mandarayang dila sa kanilang bibig.
sapagkat sila'y manginginain at hihiga,
at walang tatakot sa kanila.”
Isang Awit ng Kagalakan
14 Umawit ka nang malakas, O anak na babae ng Zion;
Sumigaw ka, O Israel!
Ikaw ay matuwa at magalak nang buong puso,
O anak na babae ng Jerusalem!
15 Inalis ng Panginoon ang mga hatol laban sa iyo,
kanyang iwinaksi ang iyong mga kaaway.
Ang Hari ng Israel, ang Panginoon, ay nasa gitna mo;
hindi ka na matatakot pa sa kasamaan.
16 Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem;
“Huwag kang matakot;
O Zion, huwag manghina ang iyong mga kamay.
17 Ang Panginoon mong Diyos ay nasa gitna mo,
isang mandirigma na nagbibigay ng tagumpay;
siya'y magagalak sa iyo na may kagalakan;
siya'y tatahimik sa kanyang pag-ibig;
siya'y magagalak sa iyo na may malakas na awitan,
18 aking pipisanin ang namamanglaw dahil sa
takdang kapistahan.[a]
“Sila'y nagmula sa iyo, aalisin ang kakutyaan sa kanya.
19 Narito, sa panahong iyon ay aking parurusahan ang lahat ng mga umaapi sa iyo.
At aking ililigtas ang pilay at titipunin ang pinalayas;
at aking papalitan ng kapurihan ang kanilang kahihiyan,
at kabantugan sa buong daigdig.
20 Sa panahong iyon kayo'y aking ipapasok,
sa panahon na kayo'y aking tinitipon;
oo, aking gagawin kayong bantog at pinupuri
ng lahat ng mga bayan sa daigdig,
kapag ibinalik ko ang inyong mga kapalaran
sa harapan ng inyong paningin,” sabi ng Panginoon.
Iniutos ng Panginoon na Muling Itayo ang Templo
1 Nang(A) ikalawang taon ni Haring Dario, nang unang araw ng ikaanim na buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari:
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: sinasabi ng bayang ito na hindi pa dumarating ang panahon, upang muling itayo ang bahay ng Panginoon.”
3 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai.
4 “Panahon ba para sa inyong mga sarili na manirahan sa inyong mga bahay na may kisame, samantalang ang bahay na ito ay nananatiling wasak?
5 Ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.
6 Kayo'y naghasik ng marami ngunit umaani ng kaunti; kayo'y kumakain, ngunit hindi kayo nabubusog; kayo'y umiinom, ngunit hindi kayo nasisiyahan; kayo'y nagdaramit, ngunit walang naiinitan; at kayong tumatanggap ng sahod ay tumatanggap ng sahod upang ilagay sa supot na may mga butas.
7 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.
8 Umahon kayo sa bundok, kumuha kayo ng kahoy, at itayo ninyo ang bahay upang kalugdan ko iyon at ako'y luwalhatiin, sabi ng Panginoon.
9 Kayo'y naghanap ng marami, at nakakita ng kaunti; at nang inyong dalhin sa bahay, iyon ay aking hinipan. Bakit? sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dahil sa aking bahay na nananatiling wasak, samantalang tumatakbo ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang sariling bahay.
10 Kaya't dahil sa inyo pinipigil ng langit na nasa itaas ninyo ang hamog, at ipinagkakait ng lupa ang bunga nito.
11 At ako'y nagpatawag ng tagtuyot sa lupa, at sa mga burol, sa trigo, sa bagong alak, sa langis, sa mga ibinubunga ng lupa, sa mga tao at sa mga hayop, at sa lahat ng pinagpagalan.”
12 Nang magkagayo'y si Zerubabel na anak ni Sealtiel, at si Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, pati ang lahat ng nalabi sa bayan, ay sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at sa mga salita ni propeta Hagai, na siyang sinugo ng Panginoon nilang Diyos; at ang bayan ay natakot sa harap ng Panginoon.
13 Nang magkagayo'y nagsalita si Hagai, na sugo ng Panginoon ayon sa mensahe ng Panginoon sa bayan, “Ako'y sumasainyo, sabi ng Panginoon.”
14 At kinilos ng Panginoon ang diwa ni Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at ang espiritu ni Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at ang diwa ng buong nalabi sa bayan. Sila'y dumating at ginawa ang bahay ng Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Diyos,
15 nang ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan nang ikalawang taon ni Haring Dario.
Ang Kagandahan ng Templo
2 Nang ikadalawampu't isang araw ng ikapitong buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi,
2 “Magsalita ka ngayon kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at sa lahat ng nalabi sa bayan, at sabihin mo,
3 ‘Sino(B) ang naiwan sa inyo na nakakita sa bahay na ito sa kanyang dating kaluwalhatian? Ano ito ngayon sa tingin ninyo? Hindi ba walang kabuluhan sa inyong paningin?
4 Gayunma'y magpakalakas ka ngayon, O Zerubabel, sabi ng Panginoon; at magpakalakas ka, O Josue, na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari. Lakasan ninyo ang inyong loob, kayong sambayanan sa lupain, sabi ng Panginoon. Kayo'y magsigawa, sapagkat ako'y sumasainyo sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
5 ayon(C) sa pangako na aking sinabi sa inyo nang kayo'y lumabas sa Ehipto. Ang aking Espiritu ay naninirahan sa inyo. Huwag kayong matakot.
6 Sapagkat(D) ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Minsan pa, sa sandaling panahon, aking uugain ang langit at ang lupa, ang dagat at ang tuyong lupa.
7 Aking uugain ang lahat ng mga bansa upang ang kayamanan ng lahat ng mga bansa ay dumating, at aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Akin ang pilak at akin ang ginto, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 Ang susunod na kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging higit na dakila kaysa dati, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’”
10 Nang ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi,
11 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Itanong ninyo ngayon sa mga pari upang pagpasiyahan ang katanungang ito:
12 ‘Kung ang isang tao ay may dalang itinalagang karne sa laylayan ng kanyang damit, ang kanyang laylayan ay makasagi ng tinapay, o nilaga, o alak, o langis, o anumang pagkain, nagiging banal ba ito?’” Sumagot ang mga pari, “Hindi.”
13 Nang(E) magkagayo'y sinabi ni Hagai, “Kung ang isang taong marumi dahil sa paghipo sa isang bangkay ay masagi ang alinman sa mga ito, nagiging marumi ba ito?” Sumagot ang mga pari, “Nagiging marumi iyon.”
14 Nang magkagayo'y sumagot si Hagai, at nagsabi, “Gayon ang bayang ito, at gayon ang bansang ito sa harap ko, sabi ng Panginoon. Gayon ang bawat gawa ng kanilang mga kamay, at ang kanilang inihahandog doon ay marumi.
15 Ngunit ngayon, inyong pakaisipin kung ano ang mangyayari mula sa araw na ito. Bago ipatong ang isang bato sa isa pang bato sa templo ng Panginoon,
16 mula sa panahong iyon, kapag ang isang tao ay lumalapit sa isang bunton ng dalawampung takal, magkakaroon ng sampu lamang; kapag ang isa ay lumalapit sa pigaan ng alak upang kumuha ng limampung sukat, may dalawampu lamang.
17 Sinalot ko kayo ng pagkalanta at ng amag at ng yelo sa lahat ng gawa ng inyong mga kamay; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.
18 Isaalang-alang mula sa araw na ito, mula sa ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, mula nang araw na ilagay ang saligan ng templo ng Panginoon isaalang-alang ninyo.
19 Ang binhi ba'y nasa kamalig pa? O kahit ang puno ng ubas, ang puno ng igos, ang granada, at ang puno ng olibo ay wala pa ring bunga? Gayunman, mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo.”
Ang Pangako ng Panginoon
20 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Hagai nang ikadalawampu't apat na araw ng buwan, na sinasabi,
21 “Magsalita ka kay Zerubabel na gobernador ng Juda, at iyong sabihin, Aking uugain ang mga langit at ang lupa;
22 at aking ibabagsak ang trono ng mga kaharian, at aking sisirain ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa; at ibubuwal ang mga karwahe at ang mga sumasakay sa mga iyon; at ang mga kabayo at ang mga sakay ng mga iyon ay mahuhulog, ang bawat isa sa pamamagitan ng tabak ng kanyang kasama.
23 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kukunin kita, O Zerubabel, na aking lingkod, na anak ni Sealtiel, sabi ng Panginoon, at gagawin kitang gaya ng singsing na pantatak; sapagkat pinili kita, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001