Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Juan 13-14

Hinugasan ni Jesus ang Paa ng mga Tagasunod Niya

13 Bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel, alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng pag-alis niya sa mundong ito upang bumalik sa Ama. Mahal na mahal niya ang kanyang mga tagasunod dito sa mundo, at ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kanila hanggang sa katapusan.

Nang gabing iyon, naghapunan si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Inudyukan na ni Satanas si Judas Iscariote na anak ni Simon na traydurin si Jesus. Alam ni Jesus na ang lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa kanya ng Ama. At alam din niyang galing siya sa Dios at babalik din sa Dios. Tumayo si Jesus habang naghahapunan sila. Hinubad niya ang kanyang damit-panlabas at nagbigkis ng tuwalya sa baywang niya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa isang planggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga tagasunod niya at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, “Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, pero maiintindihan mo rin sa bandang huli.” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi pwedeng kayo ang maghugas ng mga paa ko.” Sumagot si Jesus, “Kung ayaw mong hugasan ko ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin.” Kaya sinabi ni Simon Pedro, “Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan nʼyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!” 10 Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang naligo na ay malinis na ang buong katawan, kaya hindi na siya kailangang hugasan pa, maliban sa mga paa niya. Malinis na nga kayo, pero hindi kayong lahat.” 11 (Sinabi ni Jesus na hindi lahat sila ay malinis dahil alam niya kung sino ang magtatraydor sa kanya.)

12 Nang mahugasan na ni Jesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang damit-panlabas at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo. 14 Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay hinugasan ang inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa. 15 Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo. 16 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang alipin na mas higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na mas higit sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, mapalad kayo kung gagawin nʼyo ang mga ito.

18 “Hindi ko sinasabing mapalad kayong lahat, dahil kilala ko ang mga pinili ko. Pero kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ‘Trinaydor ako ng nakisalo sa akin sa pagkain.’[a] 19 Sinasabi ko ito sa inyo bago pa man mangyari, upang kapag nangyari na ay maniwala kayo na ako nga ang Cristo. 20 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang tumatanggap sa mga taong isinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

Inihayag ni Jesus na May Magtatraydor sa Kanya(A)

21 Pagkasabi nito ni Jesus, labis siyang nabagabag. Sinabi niya, “Ang totoo, tatraydurin ako ng isa sa inyo.” 22 Nagtinginan ang mga tagasunod niya na naguguluhan kung sino ang tinutukoy niya. 23 Nakasandal kay Jesus ang tagasunod na minamahal niya. 24 Kaya sinenyasan siya ni Simon Pedro na tanungin si Jesus kung sino ang tinutukoy nito. 25 Kaya habang nakasandal siya kay Jesus, nagtanong siya, “Panginoon, sino po ang tinutukoy ninyo?” 26 Sumagot si Jesus, “Kung sino ang bibigyan ko ng tinapay na isinawsaw ko, siya iyon.” Kaya kumuha si Jesus ng tinapay at matapos isawsaw ay ibinigay kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Gawin mo na agad ang gagawin mo.” 28 Hindi naintindihan ng mga kasalo sa hapunan kung bakit sinabi iyon ni Jesus. 29 Ang akala ng iba, inutusan lang ni Jesus si Judas na bumili ng mga kakailanganin sa pista o kayaʼy magbigay ng limos sa mga mahihirap, dahil siya ang tagapag-ingat ng pera nila. 30 Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon.

Ang Bagong Utos

31 Nang makaalis na si Judas, sinabi ni Jesus, “Ako na Anak ng Tao ay pararangalan na, at sa pamamagitan koʼy pararangalan din ang Dios. 32 At kung sa pamamagitan koʼy pararangalan ang Dios, ihahayag din ng Dios ang aking karangalan, at gagawin niya ito kaagad. 33 Mga anak, sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, pero gaya ng sinabi ko sa mga pinuno ng mga Judio, hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. 34 Kaya isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: Magmahalan kayo. Kung paano ko kayo minamahal, ganoon din dapat ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa. 35 Kung nagmamahalan kayo, malalaman ng lahat ng tao na mga tagasunod ko kayo.”

Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(B)

36 Nagtanong si Simon Pedro kay Jesus, “Panginoon, saan po kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, “Sa ngayon ay hindi ka makakasama sa pupuntahan ko, pero susunod ka rin doon balang araw.” 37 Nagtanong pa si Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako maaaring sumama sa inyo ngayon? Handa naman akong mamatay para sa inyo.” 38 Sumagot si Jesus, “Talaga bang handa kang mamatay para sa akin? Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”

Si Jesus ang Tanging Daan Patungo sa Ama

14 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong mabagabag. Magtiwala kayo sa Dios at magtiwala rin kayo sa akin. Sa tahanan ng aking Ama ay maraming silid. Pupunta ako roon para ipaghanda kayo ng lugar. Hindi ko ito sasabihin kung hindi ito totoo. Kapag naroon na ako at naipaghanda na kayo ng lugar, babalik ako at isasama kayo upang kung nasaan ako ay naroon din kayo. At alam nʼyo na ang daan papunta sa pupuntahan ko.” Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano po namin malalaman ang daan?” Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko. Kung kilala nʼyo ako, kilala nʼyo na rin ang aking Ama. At ngayon nga ay nakilala at nakita nʼyo na siya.”

Sinabi ni Felipe sa kanya, “Panginoon, ipakita nʼyo po sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” Sumagot si Jesus, “Felipe, ang tagal na nating magkasama, hindi mo pa rin ba ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa Ama. Paano mo nasabing ipakita ko sa inyo ang Ama? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nasa akin. Siya ang gumagawa ng mga bagay na ginagawa ko. 11 Maniwala kayo na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi kong ito, maniwala man lang kayo dahil sa mga ginawa ko. 12 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay makakagawa rin ng mga ginagawa ko, at higit pa rito ang magagawa niya dahil pupunta na ako sa Ama. 13 At anuman ang hilingin nʼyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ko na kanyang Anak. 14 Oo, gagawin ko ang anumang hilingin ninyo sa aking pangalan.

Ipinangako ni Jesus ang Banal na Espiritu

15 “Kung mahal nʼyo ako, susundin nʼyo ang aking mga utos. 16 At hihilingin ko sa Ama na bigyan niya kayo ng isang Tagatulong[b] na sasainyo magpakailanman. 17 Siya ang Banal na Espiritu na tagapagturo ng katotohanan. Hindi siya matanggap ng mga taong makamundo dahil hindi siya nakikita o nakikilala ng mga ito. Pero kilala nʼyo siya, dahil kasama nʼyo siya at sasainyo magpakailanman.

18 “Hindi ko kayo iiwan ng walang kasama;[c] babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lang at hindi na ako makikita ng mga tao sa mundo, pero makikita nʼyo ako. At dahil buhay ako, mabubuhay din kayo. 20 Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako nga ay nasa aking Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo.

21 “Ang sinumang tumatanggap at sumusunod sa mga utos ko ang siyang nagmamahal sa akin. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin din ng aking Ama. Mamahalin ko rin siya, at ipapakilala ko ang aking sarili sa kanya.” 22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit sa amin lang po kayo magpapakilala at hindi sa lahat?” 23 Sumagot si Jesus, “Ang nagmamahal sa akin ay susunod sa aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama at mananahan kami sa kanya. 24 Ngunit ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi sumusunod sa aking mga salita. At ang mga salitang narinig nʼyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nagsugo sa akin.

25 “Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang kasama nʼyo pa ako. 26 Pero kapag nakaalis na ako, ang Tagatulong na walang iba kundi ang Banal na Espiritu ang ipapadala ng Ama bilang kapalit ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala sa inyo ng lahat ng mga sinabi ko sa inyo.

27 “Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. 28 Narinig nʼyo ang sinabi ko na aalis ako pero babalik din sa inyo. Kung mahal nʼyo ako, ikasisiya nʼyo ang pagpunta ko sa Ama, dahil mas dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa man mangyari upang sumampalataya kayo sa akin[d] kapag nangyari na ito. 30 Hindi na ako magsasalita nang matagal dahil dumarating na si Satanas na siyang naghahari sa mundong ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin. 31 Ngunit upang malaman ng lahat na mahal ko ang aking Ama, ginagawa ko ang iniuutos niya sa akin. Halina kayo, umalis na tayo rito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®