Read the Gospels in 40 Days
Si Zaqueo
19 Pumasok si Jesus sa Jerico dahil doon siya dadaan papuntang Jerusalem. 2 May isang lalaki roon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay mayaman at isa sa mga pinuno ng mga maniningil ng buwis. 3 Gusto niyang makita kung sino talaga si Jesus, pero dahil pandak siya at marami ang tao doon ay hindi niya ito magawa. 4 Kaya patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Jesus na dadaan doon. 5 Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi, “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy sa bahay mo ngayon.” 6 Kaya nagmadaling bumaba si Zaqueo at masayang tinanggap si Jesus. 7 Nang makita ng mga tao na roon siya tumuloy sa bahay ni Zaqueo, nagbulung-bulungan sila, “Tumuloy siya sa bahay ng isang masamang tao.” 8 Sa loob ng bahay niya ay tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng kayamanan ko. At kung may nadaya akong sinuman, babayaran ko ng apat na beses ang kinuha ko sa kanya.” 9 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating na ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito, dahil siya ay mula rin sa lahi ni Abraham. 10 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw.”
Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(A)
11 Habang nakikinig ang mga tao, ikinuwento ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga, dahil malapit na sila sa Jerusalem at ang akala ng mga tao ay makikita na nila ang paghahari ng Dios. 12 Sinabi ni Jesus, “May isang kilala at mayamang tao na pumunta sa malayong lugar upang tanggapin ang awtoridad bilang hari sa kanyang lugar, at pagkatapos nitoʼy babalik siya agad sa kanyang bayan. 13 Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa mga alipin niya at binigyan sila ng magkakaparehong halaga ng pera. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, ‘Gawin ninyo itong puhunan sa negosyo hanggang sa bumalik ako.’
14 “Pero ayaw sa kanya ng mga kababayan niya. Kaya pagkaalis niya, nagpadala sila ng mga kinatawan doon sa pupuntahan niya para sabihin sa kinauukulan na ayaw nila na maghari siya sa kanila. 15 Pero ginawa pa rin siyang hari. Nang makauwi na siya sa bayan niya, ipinatawag niya ang sampung alipin na binigyan niya ng puhunan para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at sinabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo po ng sampu.’ 17 Sinabi ng hari, ‘Magaling! Mabuti kang alipin! At dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Ang pera po na ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 Sinabi ng hari, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Ito po ang pera ninyo. Binalot ko po sa isang panyo, 21 dahil natatakot ako sa inyo. Alam ko kasing mabagsik kayo; kinukuha ninyo ang hindi ninyo pinaghirapan, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’[a] 22 Sinabi ng hari, ‘Masamang alipin! Hahatulan kita ayon sa sinabi mo. Alam mo palang mabagsik ako, na kinukuha ko ang hindi ko pinaghirapan at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay makuha ko ito ng may tubo?’ 24 Sinabi ng hari sa mga naroon, ‘Kunin nʼyo sa kanya ang pera, at ibigay sa tumubo ng sampu.’ 25 Sinabi nila, ‘Kumita na po siya ng sampu.’ 26 Sumagot ang hari, ‘Tandaan ninyo: ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway ko na ayaw pasakop sa akin bilang hari, dalhin nʼyo sila rito at patayin sa harap ko.’ ”
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(B)
28 Pagkatapos magkwento ni Jesus, nagpatuloy siya sa paglalakad at nanguna sa kanila papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagin ay Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa niyang tagasunod. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kung may magtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” 32 Kaya lumakad ang dalawang inutusan, at nakakita nga sila ng asno ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” 34 Sumagot sila, “Kailangan ito ng Panginoon.” 35 Dinala nila ang asno kay Jesus, at isinapin nila ang kanilang mga balabal nila sa likod ng asno at pinasakay si Jesus. 36 Habang nakasakay siya sa asno papuntang Jerusalem, inilatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa dadaanan niya. 37 Nang pababa na siya sa Bundok ng mga Olibo at malapit na sa Jerusalem, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng tagasunod niya at nagpuri nang malakas sa Dios dahil sa mga himalang nasaksihan nila. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring kanyang ipinadala.[b] Mayroon na tayong magandang relasyon[c] sa Dios. Purihin ang Dios sa langit!”
39 Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo ang mga tagasunod mo.” 40 Pero sinagot sila ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo: kung tatahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw ng papuri.”
Umiyak si Jesus para sa mga Taga-Jerusalem
41 Nang malapit na si Jesus sa Jerusalem at nakita niya ang lungsod, umiyak siya para sa mga taga-roon. 42 Sinabi niya, “Sana nalaman ninyo sa araw na ito kung ano ang makapagbibigay sa inyo ng kapayapaan. Ngunit natakpan ang inyong pang-unawa. 43 Darating ang araw na papaligiran kayo ng kuta ng inyong mga kaaway. Palilibutan nila kayo at kabi-kabilang lulusubin. 44 Lilipulin nila kayo at ang inyong mga anak, at wawasakin nila ang lungsod ninyo. Wala silang iiwang bato na magkapatong. Mangyayari ang lahat ng ito sa inyo, dahil binalewala ninyo ang araw ng pagliligtas sa inyo ng Dios.”
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(C)
45 Pagdating nila sa Jerusalem, pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay bahay-panalanginan.’[d] Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[e]
47 Nagtuturo si Jesus sa templo araw-araw, habang pinagsisikapan naman ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan na patayin siya. 48 Pero wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil nakikinig nang mabuti ang mga tao sa mga itinuturo niya.
Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(D)
20 Isang araw, habang nangangaral ng Magandang Balita si Jesus sa mga tao sa templo, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. 2 Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa aminkung ano ang karapatan mo na gumawa ng mga bagay na ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sabihin ninyo sa akin, 4 kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[f] o sa tao?” 5 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 6 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” 7 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(E)
9 Pagkatapos noon, ikinuwento ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito: “May isang tao na nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukid. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan niya sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar, at nanatili roon nang matagal. 10 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan upang kunin ang parte niya. Pero binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinaalis na walang dala. 11 Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero binugbog din nila at hiniya, at pinaalis na wala ring dala. 12 Nagsugo ulit siya ng ikatlong alipin, pero sinaktan din nila ito at pinalayas. 13 Nag-isip ang may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Alam ko na, papupuntahin ko sa kanila ang minamahal kong anak. Siguro naman ay igagalang nila siya.’ 14 Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak niya, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 15 Kaya dinala nila ito sa labas ng ubasan at pinatay.
“Ngayon, ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? 16 Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan.” Nang marinig ito ng mga tao sinabi nila, “Huwag sanang ipahintulot ng Dios na mangyari ito!” 17 Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Ano ba ang ibig sabihin ng talatang ito sa Kasulatan:
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’[g]
18 Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.”
Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(F)
19 Alam ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga namamahalang pari na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin siya noon din, pero natatakot sila sa mga tao. 20 Kaya naghintay na lang sila ng ibang pagkakataon. Nagsugo sila ng mga espiya na magpapanggap na mabuti ang layunin nila sa pagpunta kay Jesus, upang hulihin siya sa mga pananalita niya at maisakdal sa gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming totoo ang mga sinasabi at itinuturo ninyo. At wala kayong pinapaboran, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang itinuturo ninyo. 22 Ngayon para sa inyo, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[h] o hindi?” 23 Pero alam ni Jesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya, 24 “Patingin nga ng pera.[i] Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” 25 Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 26 Nabigo sila sa pakay nilang mahuli si Jesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa sagot niya, tumahimik na lang sila.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(G)
27 May ilang Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 28 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[j] 29 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 30-31 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat na walang anak sa babae. 32 At kinalaunan, namatay din ang babae. 33 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?” 34 Sumagot si Jesus, “Ang mga tao sa panahong ito ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga taong mamarapatin ng Dios na mabuhay muli sa panahong darating ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay dahil matutulad na sila sa mga anghel. Silaʼy mga anak ng Dios dahil muli silang binuhay. 37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling bubuhayin ang mga patay. Sapagkat nang naroon siya sa nagliliyab na mababang punongkahoy, tinawag niya ang Panginoon na ‘Dios nina Abraham, Isaac at Jacob.’[k] 38 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay, para sa kanya ang lahat ay buhay.” 39 Sinabi ng ilang tagapagturo ng Kautusan, “Guro, mahusay ang sagot ninyo.” 40 At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
Ang Tanong tungkol sa Cristo(H)
41 Ngayon, si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Bakit sinasabi ng mga tao na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? 42 Samantalang si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Salmo,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
Maupo ka sa aking kanan
43 hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’[l]
44 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano masasabing lahi lang siya ni David?”
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(I)
45 Habang nakikinig kay Jesus ang mga tao, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit.[m] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 47 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®