Read the Gospels in 40 Days
Mga Dahilan ng Pagkakasala(A)
17 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hindi maiiwasan ang pagdating ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng tao. Ngunit nakakaawa ang taong magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. 2 Mas mabuti pang talian siya sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat, kaysa siya ang maging dahilan ng pagkakasala ng isa sa maliliit[a] na ito. 3 Kaya mag-ingat kayo.
“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo siya. At kung magsisi siya, patawarin mo. 4 Kahit pitong beses pa siyang magkasala sa iyo sa maghapon, kung pitong beses din siyang hihingi ng tawad sa iyo ay patawarin mo.”
Tungkol sa Pananampalataya
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.” 6 Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa malaking punong ito, ‘Mabunot ka at malipat sa dagat!’ At susundin kayo nito.”
Ang Tungkulin ng Alipin
7 Sinabi pa ni Jesus, “Halimbawa, may alipin kang nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa at kararating lang niya mula sa trabaho niya. Bilang amo sasabihin mo ba sa kanya, ‘Halika na, maupo ka at kumain’? 8 Hindi! Sa halip, ito ang sasabihin ninyo, ‘Magbihis ka na at ipaghanda ako ng hapunan, at pagsilbihan mo ako habang kumakain. Saka ka na kumain pagkatapos ko.’ 9 Hindi pinasasalamatan ang alipin dahil ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin. 10 Ganoon din naman sa inyo. Pagkatapos ninyong gawin ang mga iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Mga alipin lamang kami, at hindi nararapat papurihan dahil ginagawa lang namin ang aming tungkulin.’ ”
Pinagaling ni Jesus ang Sampung Lalaking may Malubhang Sakit sa Balat
11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Galilea at Samaria. 12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may malubhang sakit sa balat. Tumayo lang sila sa malayo 13 at sumigaw kay Jesus, “Panginoong Jesus, maawa po kayo sa amin!” 14 Nang makita sila ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.” At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat. 15 Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya, bumalik siya kay Jesus at nagsisigaw ng papuri sa Dios. 16 Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nagpasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano. 17 Sinabi ni Jesus, “Hindi baʼt sampu ang pinagaling ko? Nasaan ang siyam? 18 Bakit hindi bumalik ang iba upang magpuri sa Dios maliban sa taong ito na hindi Judio?” 19 Sinabi niya sa lalaki, “Tumayo ka at umuwi na. Iniligtas[b] ka ng pananampalataya mo.”
Ang tungkol sa Paghahari ng Dios.(B)
20 Minsan, tinanong ng mga Pariseo si Jesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Dios. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan na nagsisimula na ang paghahari ng Dios. 21 Kaya walang makapagsasabing, ‘Dito maghahari ang Dios!’ o, ‘Doon siya maghahari!’ Dahil naghahari na ang Dios sa puso ninyo.”[c]
22 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ako na Anak ng Tao kahit isang araw lang, pero hindi pa iyon mangyayari. 23 May mga magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Nandito siya!’ Huwag kayong sasama sa kanila para hanapin ako. 24 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan muna akong dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng henerasyong ito.
26 “Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 27 Sa panahon nga ni Noe, wala silang inaatupag kundi ang magsaya. Nagkakainan sila, nag-iinuman at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Dumating ang baha at nalunod silang lahat. 28 Ganoon din noong kapanahunan ni Lot. Ang mga taoʼy nagkakainan, nag-iinuman, nagnenegosyo, nagsasaka at nagtatayo ng mga bahay, 29 hanggang sa araw na umalis si Lot sa Sodom. At pagkatapos, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at namatay silang lahat doon sa Sodom. 30 Ganyan din ang mangyayari sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng mga ari-arian niya. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. 32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. 33 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, kapag may dalawang natutulog na magkatabi; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 Sa dalawang babaeng magkasamang naggigiling, kukunin ang isa at iiwan ang isa. 36 [At kapag may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa.]” 37 Tinanong siya ng mga tagasunod niya, “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” Sumagot siya sa pamamagitan ng kasabihan, “Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.”[d]
Aral Tungkol sa Pananalangin
18 Nagkwento si Jesus sa mga tagasunod niya upang turuan silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, “Sa isang bayan ay may isang hukom na walang takot sa Dios at walang iginagalang na tao.[e] 3 Sa bayan ding iyon ay may isang biyuda na palaging pumupunta sa hukom at nagsasabi, ‘Bigyan nʼyo po ako ng katarungan at ipagtanggol nʼyo ako laban sa mga kaaway ko!’ 4 Noong una ay hindi pinapansin ng hukom ang biyuda, pero bandang huli ay sinabi niya, ‘Kahit hindi ako natatakot sa Dios at walang iginagalang na tao, 5 bibigyan ko ng katarungan ang babaeng ito para hindi na niya ako gambalain ulit. Dahil kung hindi, iinisin niya ako sa kapaparito niya.’ ” 6 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom? 7 Ang Dios pa kaya ang hindi magbigay ng katarungan sa mga pinili niya na tumatawag sa kanya araw at gabi? 8 Tinitiyak ko sa inyo na bibigyan niya agad sila ng katarungan. Ngunit kung ako na Anak ng Tao ay bumalik na rito sa mundo, may makikita kaya akong mga taong sumasampalataya sa akin?”
Ang Kwento tungkol sa Pariseo at sa Maniningil ng Buwis
9 May mga tao roon na matuwid ang tingin sa sarili at humahamak sa iba. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: 10 “May dalawang lalaking pumunta sa templo upang manalangin. Ang isaʼy Pariseo at ang isaʼy maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin tungkol sa kanyang sarili. Sinabi niya, ‘O Dios, nagpapasalamat ako sa inyo dahil hindi ako katulad ng iba na magnanakaw, mandaraya at mangangalunya o katulad ng maniningil ng buwis na iyon. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo, at nagbibigay ako ng ikapu[f] ng lahat ng kinikita ko!’ 13 Ang maniningil naman ng buwis ay nakatayo sa malayo, at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘Dios ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’ 14 Sinasabi ko sa inyo na ang maniningil ng buwis na iyon ay umuwing itinuring nang matuwid ng Dios, ngunit ang Pariseo ay hindi. Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(C)
15 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Nang makita iyon ng mga tagasunod ni Jesus, sinaway nila ang mga tao. 16 Pero tinawag ni Jesus ang mga bata, at sinabihan niya ang mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 17 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.”
Ang Lalaking Mayaman(D)
18 Isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 20 Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[g] 21 Sumagot ang lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 22 Nang marinig iyon ni Jesus ay sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya.
24 Nang makita ni Jesus na malungkot siya, sinabi niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Tinanong siya ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Sumagot si Jesus, “Ang imposible sa tao ay posible sa Dios.” 28 Sinabi ni Pedro, “Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.”
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(E)
31 Tinawag ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila, “Makinig kayo! Pupunta tayo sa Jerusalem, at matutupad na ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa akin na Anak ng Tao. 32 Sapagkat ibibigay ako sa mga hindi Judio. Iinsultuhin nila ako, hihiyain at duduraan. 33 Hahagupitin nila ako at papatayin, ngunit muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.” 34 Pero wala silang naintindihan sa mga sinabi ni Jesus, dahil itinago sa kanila ang kahulugan niyon.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag(F)
35 Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.” 38 Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David,[h] maawa po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita!” 42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakita ka na! Pinagaling[i] ka ng iyong pananampalataya.” 43 Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus nang nagpupuri sa Dios. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®