Read the Gospels in 40 Days
Ang Nawawalang Tupa(A)
15 Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang pumunta kay Jesus upang makinig sa kanya. 2 Kaya nagreklamo ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Ang taong itoʼy tumatanggap ng mga makasalanan at kumakaing kasama nila.” 3 Kaya kinuwentuhan sila ni Jesus, 4 “Kung kayo ay may 100 tupa at nawala ang isa, ano ang gagawin ninyo? Hindi baʼt iiwan ninyo ang 99 sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa makita ninyo? 5 At kapag nakita na ninyo, masaya ninyo itong papasanin pauwi. 6 Pagkatapos, tatawagin ninyo ang inyong mga kaibigan at kapitbahay ninyo at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong tupa.’ ” 7 At sinabi ni Jesus, “Ganoon din sa langit, masayang-masaya sila roon dahil sa isang makasalanang nagsisisi kaysa sa 99 na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.”
Ang Nawawalang Salaping Pilak
8 “Halimbawa naman, may isang babaeng may sampung salaping pilak at nawala ang isa. Hindi baʼt sisindihan niya ang ilaw, wawalisan ang bahay, at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa makita niya ito? 9 Pagkatapos, tatawagin niya ang mga kaibigan at kapitbahay niya at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong salapi.’ ” 10 At sinabi ni Jesus, “Ganoon din sa langit, masayang-masaya ang mga anghel ng Dios dahil sa isang makasalanang nagsisi.”
Ang Naglayas na Anak
11 Nagpatuloy si Jesus sa kanyang pagkukwento, “May isang ama na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng bunso sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay nʼyo na sa akin ang bahaging mamanahin ko!’ Kaya hinati ng ama ang ari-arian niya sa dalawa niyang anak. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang lahat ng minana niya at pumunta sa malayong bayan. Doon niya ginastos ang lahat sa walang kwentang pamumuhay. 14 Nang maubos na ang pera niya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at naghirap siya. 15 Kaya namasukan siya bilang tagapag-alaga ng baboy sa isang taga-roon. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, parang gusto na niyang kainin kahit pagkain ng mga baboy, dahil walang nagbibigay sa kanya ng makakain.
17 “Nang mapag-isip-isip niya ang lahat, sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Sa amin kahit ang mga utusan ng aking ama ay may sapat na pagkain at sobra pa, pero ako rito ay halos mamatay na sa gutom. 18 Babalik na lang ako sa amin at sasabihin ko sa aking ama, “Ama, nagkasala po ako sa Dios at sa inyo. 19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo. Gawin nʼyo na lang akong isa sa mga utusan ninyo.” ’ 20 Kaya bumalik siya sa kanyang ama. Malayo pa ay natanaw na siya ng kanyang ama at naawa ito sa kanya, kaya patakbo siya nitong sinalubong, niyakap at hinalikan. 21 Sinabi ng anak sa kanyang ama, ‘Ama, nagkasala po ako sa Dios at sa inyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ 22 Pero tinawag ng ama ang mga utusan niya, ‘Madali! Dalhin nʼyo rito ang pinakamagandang damit at bihisan siya. Lagyan ninyo ng singsing ang daliri niya at suotan ninyo ng sandalyas ang mga paa niya. 23 At kumuha kayo ng batang baka na pinataba natin, at katayin ninyo. Magdiwang tayo 24 dahil ang anak ko na akala koʼy patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, pero muling nakita.’ Kaya nagsimula silang magdiwang.
25 “Samantala, nasa bukid noon ang anak na panganay at nagtatrabaho. Nang pauwi na siya at malapit na sa kanila, narinig niya ang tugtugan at sayawan sa bahay nila. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Anong mayroon sa bahay?’ 27 Sumagot ang utusan, ‘Dumating ang kapatid nʼyo kaya ipinakatay ng inyong ama ang pinatabang baka upang ihanda, dahil bumalik siyang ligtas at nasa mabuting kalagayan.’ 28 Nagalit ang panganay at ayaw pumasok sa bahay. Kaya pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapang pumasok. 29 Pero sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo ng tapat sa loob ng maraming taon at kailanman ay hindi ko sinuway ang utos ninyo. Pero kahit minsan ay hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang batang kambing para makapaghanda ako at makapagsaya kasama ang mga kaibigan ko. 30 Pero nang dumating ang anak ninyong lumustay ng kayamanan ninyo sa mga babaeng bayaran, ipinagpatay nʼyo pa ng pinatabang baka.’ 31 Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi tayong magkasama at ang lahat ng ari-arian ko ay sa iyo. 32 Dapat lang na magsaya tayo dahil ang kapatid mo na inakala nating patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, pero muling nakita!’ ”
Ang Tusong Katiwala
16 Nagkwento pa si Jesus sa mga tagasunod niya: “May isang mayaman na may katiwala. Nabalitaan niyang nilustay ng katiwalang ito ang mga ari-arian niya. 2 Kaya ipinatawag niya ang katiwalang ito at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Kuwentahin na natin ang lahat ng ipinagkatiwala ko sa iyo dahil aalisin na kita bilang katiwala.’ 3 Naisip ng katiwala, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Aalisin na ako bilang katiwala. Hindi ko kakayanin ang mabibigat na trabaho tulad ng paghuhukay, at nahihiya naman akong mamalimos. 4 Alam ko na! Gagawa ako ng paraan para tanggapin ako ng mga tao sa tahanan nila kapag inalis na ako sa trabaho ko.’ 5 Isa-isa niyang ipinatawag ang mga may utang sa amo niya. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa amo ko?’ 6 Sumagot ito, ‘100 banga[a] ng langis ng olibo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Maupo ka at isulat mong 50 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. 7 At tinanong naman niya ang isa pa, ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘100 sako ng trigo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Isulat mong 80 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. 8 Nang malaman ng amo ang ginawa ng madayang katiwala, pinuri niya ang kanyang katiwala dahil kumilos ito nang may karunungan. Sapagkat mas marunong ang mga taong makamundo kaysa sa mga taong naliwanagan na tungkol sa Dios.
9 “Kaya sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ninyo sa mundong ito para kapag naubos man ito ay may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang taong mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaking bagay. At ang taong madaya sa maliliit na bagay ay magiging madaya rin sa malalaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng kayamanan na talagang para sa inyo?
13 “Walang aliping makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat tatanggihan niya ang isa at susundin naman ang isa, magiging tapat siya sa isa at tatalikuran ang isa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”
Ang Iba pang mga Itinuro ni Jesus(B)
14 Nang marinig iyon ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus dahil mahal nila ang salapi. 15 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Nagbabanal-banalan kayo sa harap ng mga tao pero alam ng Dios kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso. Sapagkat ang mga bagay na itinuturing ng tao na mahalaga ay kinasusuklaman ng Dios.
16 “Bago dumating si Juan na tagapagbautismo, ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta ang siyang sinusunod ng mga tao. At mula nang dumating si Juan, ipinangangaral na ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at marami ang nagpupumilit na maging sakop nito. 17 Pero hindi ibig sabihin na wala nang kabuluhan ang Kautusan, dahil mas madali pang mawala ang langit at lupa kaysa sa mawalan ng kabuluhan kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan.
18 “Ang lalaking hiniwalayan ang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala siya ng pangangalunya. At ang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.
Ang Mayaman at si Lazarus
19 “May isang mayamang lalaki na nakasuot ng mamahaling damit at kumakain ng masasarap na pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing puno ng galis na ang pangalan ay Lazarus. Dinadala siya sa labas ng pintuan ng bakuran ng mayaman. 21 Gusto niyang makakain kahit ng mga tira-tira lang na nahuhulog galing sa mesa ng mayaman. Nilalapitan siya roon ng mga aso at dinidilaan ang mga galis niya. 22 Namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. 23 At habang nagdurusa siya sa lugar ng mga patay,[b] nakita niya sa malayo si Lazarus na kasama ni Abraham. 24 Kaya tumawag siya, ‘Amang Abraham, maawa kayo sa akin! Utusan nʼyo po si Lazarus na isawsaw ang daliri niya sa tubig at ipatak sa dila ko para lumamig-lamig ang pakiramdam ko, dahil hirap na hirap ako dito sa apoy.’ 25 Pero sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong noong nabubuhay ka pa sa lupa ay mabuti ang kalagayan mo pero si Lazarus ay hirap na hirap. Ngayon naman ay inaaliw siya rito at ikaw naman ang nahihirapan. 26 Isa pa, hindi maaari ang sinabi mo dahil may malawak na bangin sa pagitan natin. Ang mga nandito sa amin na gustong pumunta riyan ay hindi makakatawid, at ang mga nariyan sa inyo ay hindi rin makakatawid dito.’ 27 Sinabi pa ng mayaman, ‘Kung ganoon, Amang Abraham, nakikiusap ako sa inyo, papuntahin ninyo si Lazarus sa bahay ng aking ama 28 para bigyan ng babala ang lima kong kapatid na lalaki tungkol sa lugar na ito ng paghihirap, nang hindi sila mapunta rito.’ 29 Sumagot si Abraham, ‘Nasa kanila ang mga isinulat ni Moises at ng mga propeta. Dapat nilang pakinggan ang mga iyon.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sila makikinig doon, amang Abraham. Pero kung may patay na mabubuhay at pupunta sa kanila, magsisisi ang mga iyon.’ 31 Pero sinabi ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang makinig sa mga isinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin sila maniniwala kahit may patay pa na muling mabuhay at mangaral sa kanila.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®