Read the Gospels in 40 Days
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan sa isang mataas na bundok ng sila-sila lang. 2 At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. Nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at ang damit niyaʼy naging puting-puti na parang liwanag. 3 Bigla nilang nakita sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabutiʼt narito kami.[a] Kung gusto nʼyo po, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” 5 Habang nagsasalita pa si Pedro, nabalot sila ng nakakasilaw na ulap. At may tinig silang narinig mula sa mga ulap na nagsasabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” 6 Nang marinig iyon ng mga tagasunod, nagpatirapa sila sa takot. 7 Pero nilapitan sila ni Jesus at tinapik. Sinabi niya, “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.” 8 Pagtingin nila, wala na silang ibang nakita kundi si Jesus na lang.
9 Nang pababa na sila sa bundok, sinabihan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang inyong nakita hanggaʼt ang Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.” 10 Tinanong siya ng kanyang mga tagasunod, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Cristo?” 11 Sumagot si Jesus, “Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. 12 Ngunit sinasabi ko sa inyo: dumating na si Elias. Kaya lang hindi siya nakilala ng mga tao at ginawa nila ang gusto nilang gawin sa kanya. Ganyan din ang gagawin nila sa akin na Anak ng Tao. Pahihirapan din nila ako.” 13 At naunawaan ng mga tagasunod niya na ang tinutukoy niyaʼy si Juan na tagapagbautismo.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(B)
14 Pagbalik nina Jesus sa kinaroroonan ng maraming tao, lumapit sa kanya ang isang lalaki, lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, 15 “Panginoon, maawa po kayo sa anak kong lalaki. May epilepsya siya at grabe ang paghihirap niya kapag sinusumpong. Madalas siyang matumba sa apoy at madalas din siyang mahulog sa tubig. 16 Dinala ko siya sa mga tagasunod nʼyo, pero hindi po nila mapagaling.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 18 Sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at lumabas ito sa bata. At gumaling ang bata noon din.
19 Nang sila-sila na lang, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 20 Sumagot si Jesus, “Dahil mahina ang pananampalataya ninyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo na kahit kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat nga ito. Walang bagay na hindi ninyo magagawa.” 21 [Ngunit ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.]
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)
22 Habang nagtitipon sina Jesus at ang mga tagasunod niya sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao. 23 Papatayin nila ako, pero mabubuhay akong muli pagkaraan ng tatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga tagasunod ni Jesus.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis at nagtanong, “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo para sa templo?” 25 Sumagot si Pedro, “Oo, nagbabayad siya.”
Nang makabalik si Pedro sa tinutuluyan nila, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Pedro? Kanino nangongolekta ng mga buwis ang mga hari, sa mga anak nila o sa ibang tao?” 26 Sumagot si Pedro, “Sa ibang tao po.” Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, nangangahulugan na hindi kailangang magbayad ng buwis ang mga anak.[b] 27 Pero kung hindi tayo magbabayad, baka sumama ang loob nila sa atin.[c] Kaya pumunta ka sa lawa at mamingwit. Ibuka mo ang bibig ng unang isdang mahuhuli mo at makikita mo roon ang perang sapat na pambayad sa buwis nating dalawa. Kunin mo ito at ibayad sa mga nangongolekta ng buwis para sa templo.”
Sino ang Pinakadakila?(D)
18 Nang oras ding iyon, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios?” 2 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila, at sinabi, 3 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbago at maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Dios. 4 Ang sinumang nagpapakababa tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios.
5 “At ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. 6 Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa pusod ng dagat.”
Mga Dahilan ng Pagkakasala(E)
7 “Nakakaawa ang mga tao sa mundong ito dahil sa mga bagay na naging dahilan ng kanilang pagkakasala. Kung sabagay, dumarating naman talaga ang mga ito, ngunit mas nakakaawa ang taong nagiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa.
8 “Kaya nga, kung ang kamay o paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pang isa lang ang kamay o paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay o paa mo pero itatapon ka naman sa walang hanggang apoy. 9 At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa nga ang mata mo pero itatapon ka naman sa apoy ng impyerno.”
Ang Nawawalang Tupa(F)
10 “Tiyakin ninyo na hindi nʼyo hahamakin ang kahit isa sa maliliit na batang ito, dahil tandaan nʼyo: ang mga anghel na nagbabantay sa kanila ay laging nasa harapan ng aking Ama sa langit. [11 Sapagkat ako, na Anak ng Tao, ay naparito sa mundo upang iligtas ang mga nawawala.]
12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng taong may 100 tupa kung mawala ang isa? Hindi baʼt iiwan niya ang 99 sa burol at hahanapin ang nawawala? 13 At kapag nakita na niya ang nawalang tupa, mas matutuwa pa siya rito kaysa sa 99 na hindi nawala. 14 Ganito rin naman ang nararamdaman ng inyong Amang nasa langit. Ayaw niyang mawala ang kahit isa sa maliliit na batang ito.”
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Pagsabihan mo siya tungkol sa ginawa niya. Kung makikinig siya sa iyo, magkakaayos kayong muli at mapapanumbalik mo siya sa Dios. 16 Pero kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka ng isa o dalawa pang kapatid sa pananampalataya ‘para ang lahat ng pag-uusapan ninyo ay mapapatotohanan ng dalawa o tatlong saksi,’[d] ayon sa Kasulatan. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, ipaalam ito sa iglesya, at kung pati sa iglesya ay ayaw niyang makinig, ituring ninyo siya bilang isang taong hindi kumikilala sa Dios o isang maniningil ng buwis.”[e]
Kapangyarihang Magbawal at Magpahintulot
18 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anuman ang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.
19 “Sinasabi ko rin sa inyo na kung magkasundo ang dalawa sa inyo rito sa mundo na ipanalangin ang anumang bagay, ipagkakaloob ito ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, kasama nila ako.”
Ang Talinghaga tungkol sa Utusan na Ayaw Magpatawad
21 Lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid na laging nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” 22 Sumagot si Jesus, “Hindi lang pitong beses kundi 77 beses. 23 Sapagkat ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na nagpatawag sa mga alipin niya para singilin sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan na niya ang paniningil, dinala sa kanya ang isang alipin na nagkautang sa kanya ng milyon-milyon. 25 Dahil hindi siya makabayad, iniutos ng hari na ipagbili siya bilang alipin, pati ang kanyang asawaʼt mga anak, at lahat ng ari-arian niya, para mabayaran ang kanyang utang. 26 Nagmamakaawang lumuhod ang aliping iyon sa hari, ‘Bigyan nʼyo pa po ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ 27 Naawa sa kanya ang hari, kaya pinatawad na lang siya sa kanyang utang at pinauwi.
28 “Pagkaalis ng aliping iyon, nakasalubong niya ang isang kapwa alipin na nagkakautang sa kanya ng kaunting halaga. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay sabi, ‘Bayaran mo ang utang mo sa akin.’ 29 Lumuhod ang kapwa niya alipin at nagmakaawa, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kita.’ 30 Pero hindi siya pumayag. Sa halip, ipinakulong niya ang kapwa niya alipin hanggang sa makabayad ito. 31 Nang makita ito ng iba pang utusan, sumama ang loob nila, kaya pumunta sila sa hari at isinumbong ang lahat ng nangyari. 32 Ipinatawag ng hari ang alipin at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong utusan! Pinatawad kita sa utang mo dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo alipin gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ 34 Sa galit ng hari, ipinakulong niya ang alipin hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng utang niya.” 35 At pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ganyan din ang gagawin ng inyong Amang nasa langit kung hindi kayo magpapatawad nang buong puso sa inyong kapwa.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®