Read the Gospels in 40 Days
Pasimula
1 1-3 Kagalang-galang na Teofilus:
Marami na ang sumulat tungkol sa mga nangyari rito sa atin. Isinulat nila ang tungkol kay Jesus, na isinalaysay din sa amin ng mga taong nangaral ng salita ng Dios at nakasaksi mismo sa mga pangyayari mula pa noong una. Pagkatapos kong suriing mabuti ang lahat ng ito mula sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, 4 upang lubusan mong matiyak na totoo ang mga aral na itinuro sa iyo.
Nagpakita ang Anghel kay Zacarias
5 Noong si Herodes ang hari sa Judea, may isang pari na ang pangalan ay Zacarias na kabilang sa grupo ng mga pari na tinatawag na “Grupo ni Abijah.” Ang asawa niya ay si Elizabet na kabilang din sa angkan ni Aaron. 6 Silang dalawa ay kapwa matuwid sa harap ng Dios. Maingat nilang sinusunod ang lahat ng utos at mga tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak dahil baog si Elizabet, at matanda na silang pareho.
8 Isang araw, ang grupo ni Zacarias ang nakatalagang maglingkod sa templo ng Panginoon. 9 At katulad ng nakaugalian nila bilang mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng templo para magsunog ng insenso sa altar. 10 Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso. 12 Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Pero sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Dios ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elizabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. 14 Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya, 15 dahil magiging dakila siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay sasakanya na ang Banal na Espiritu. 16 Maraming Israelita ang panunumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Dios. 17 Mauuna siya sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa pagdating ng Panginoon. Gagawin niya ito sa tulong ng Banal na Espiritu at sa pamamagitan ng kapangyarihang katulad ng kay Elias noon. Tuturuan niya ang mga magulang[a] na mahalin ang kanilang mga anak, at ibabalik niya sa matuwid na pag-iisip ang mga taong masuwayin sa Dios.”
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano po mangyayari ang mga sinabi nʼyo? Matanda na ako, at ganoon din ang asawa ko.”
19 Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Dios. Siya ang nagsugo sa akin para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil hindi ka naniwala sa sinabi ko, magiging pipi ka. Hindi ka makakapagsalita hanggaʼt hindi natutupad ang sinabi ko sa iyo. Sapagkat tiyak na mangyayari ang sinabi ko pagdating ng panahong itinakda ng Dios.”
21 Samantala, hinihintay ng mga tao ang paglabas ni Zacarias. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya, hindi na siya makapagsalita at sumesenyas na lang siya. Kaya inisip nila na may nakita siyang pangitain sa loob ng templo. At mula noon naging pipi na siya.
23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi na si Zacarias. 24 Hindi nagtagal, nagbuntis si Elizabet, at sa loob ng limang buwan ay hindi siya umalis ng bahay. 25 Sinabi niya, “Napakabuti ng Panginoon. Inalis niya ang kahihiyan ko sa mga tao bilang isang baog.”
Nagpakita kay Maria ang Anghel
26 Nang ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elizabet, inutusan ng Dios ang anghel na si Gabriel na pumunta sa nayon ng Nazaret sa Galilea. 27 Pinapunta siya sa isang birhen[b] na ang pangalan ay Maria. Nakatakda nang ikasal si Maria kay Jose na mula sa lahi ni Haring David. 28 Sinabi ni Gabriel kay Maria, “Matuwa ka,[c] Maria, ikaw na pinagpala ng Dios. Sumasaiyo ang Panginoon.”
29 Nabagabag si Maria sa sinabi ng anghel. Inisip niyang mabuti kung ano ang ibig sabihin noon. 30 Kaya sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Dios. 31 Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. 32 Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Dios. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Dios ang trono ng ninuno niyang si David. 33 Maghahari siya sa mga lahi ni Jacob magpakailanman; ang paghahari niya ay walang katapusan.”
34 Nagtanong si Maria sa anghel, “Paano po ito mangyayari gayong dalaga pa ako?”
35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Dios. Kaya ang banal na sanggol na ipapanganak mo ay tatawaging Anak ng Dios. 36 Maging ang kamag-anak mong si Elizabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan. Alam ng lahat na baog siya, pero anim na buwan na siyang buntis ngayon. 37 Sapagkat walang imposible sa Dios.”
38 Sumagot si Maria, “Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.” At iniwan siya ng anghel.
Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabet
39 Hindi nagtagal, nag-ayos si Maria at dali-daling pumunta sa isang bayan sa kabundukan ng Judea kung saan nakatira sina Zacarias. 40 Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. 41 Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet 42 at malakas niyang sinabi, “Higit kang pinagpala ng Dios sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! 43 Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. 44 Nang marinig ko ang pagbati mo sa akin, gumalaw nang malakas sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. 45 Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.”
Ang Awit ni Maria
46 At sinabi ni Maria,
“Buong puso kong pinupuri ang Panginoon,
47 at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas!
48 Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod.
Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon,
49 dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios.
Banal siya!
50 Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya sa bawat henerasyon.
51 Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Itinaboy niya ang mga taong mataas ang tingin sa sarili.
52 Ibinagsak niya ang mga makapangyarihang hari mula sa kanilang mga trono,
at itinaas niya ang mga nasa mababang kalagayan.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman.
54-55 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod. Sapagkat hindi niya kinalimutan ang kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, na kaaawaan niya sila magpakailanman.”
56 At nakitira si Maria kina Elizabet ng mga tatlong buwan bago siya umuwi.
Ang Pagsilang kay Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating na ang oras ng panganganak ni Elizabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Nabalitaan ng mga kapitbahay at mga kamag-anak niya kung paano siya pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.
59 Nang walong araw na ang sanggol, dumalo ang mga kapitbahay at mga kamag-anak sa pagtutuli sa kanya. Zacarias sana ang ipapangalan nila sa bata dahil iyon din ang pangalan ng kanyang ama. 60 Pero sinabi ni Elizabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 Sumagot ang mga tao, “Pero wala namang may ganyang pangalan sa pamilya ninyo.” 62 Kaya tinanong nila ang ama sa pamamagitan ng senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan sa sanggol. 63 Sumenyas siya na bigyan siya ng masusulatan. Pagkatapos ay isinulat niya, “Juan ang ipapangalan sa kanya.” Nagtaka silang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita na si Zacarias at nagpuri sa Dios. 65 Nangilabot ang lahat ng kapitbahay nila, at naging usap-usapan sa buong kabundukan ng Judea ang pangyayaring iyon. 66 Ang lahat ng nakabalita ay nag-isip at nagtanong, “Magiging ano kaya ang batang ito kapag lumaki na siya?” Sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon.
Ang Pahayag ni Zacarias
67 Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag:
68 “Purihin ang Panginoong Dios ng Israel!
Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan.
69 Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas mula sa angkan ng lingkod niyang si David.
70 Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta.
71 Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa lahat ng napopoot sa atin.
72 Kaaawaan niya ang ating mga ninuno, at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila
73 na ipinangako niya sa ninuno nating si Abraham.
74 Ayon nga sa kanyang kasunduan, ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo ay nabubuhay.”
76 Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya,
“Ikaw naman, anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Dios,
dahil mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating.
77 Ituturo mo sa mga mamamayan niya kung paano sila maliligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan,
78 dahil maawain at mapagmahal ang ating Dios.
Tulad ng pagsikat ng araw, ipapadala niya sa atin ang Tagapagligtas 79 upang maliwanagan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan.
At tuturuan niya tayo kung paano mamuhay nang may mabuting relasyon sa Dios at sa kapwa.”
80 Lumaki ang batang si Juan at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na nagsimula siyang mangaral sa mga Israelita.
Ang Kapanganakan ni Jesus(A)
2 Nang mga panahong iyon, ang Emperador ng Roma na si Augustus ay gumawa ng kautusan na dapat magpatala ang lahat ng mga mamamayan ng bansang nasasakupan niya. 2 (Ito ang kauna-unahang sensus na naganap nang si Quirinius ang gobernador sa lalawigan ng Syria.) 3 Kaya umuwi ang lahat ng tao sa sarili nilang bayan upang magpalista.
4 Mula sa Nazaret na sakop ng Galilea, pumunta si Jose sa Betlehem na sakop ng Judea, sa bayang sinilangan ni Haring David, dahil nagmula siya sa angkan ni David. 5 Kasama niya sa pagpapalista ang magiging asawa niyang si Maria, na noon ay malapit nang manganak. 6 At habang naroon sila sa Betlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang panganay niya, na isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, dahil walang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan.
Nagpakita ang mga Anghel sa mga Pastol
8 Malapit sa Betlehem, may mga pastol na nasa parang, at nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. 9 Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at nagningning sa paligid nila ang nakakasilaw na liwanag ng Panginoon. Ganoon na lang ang pagkatakot nila, 10 pero sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot dahil naparito ako upang sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Sapagkat isinilang ngayon sa Betlehem, sa bayan ni Haring David, ang inyong Tagapagligtas, ang Cristo[d] na siyang Panginoon. 12 Ito ang palatandaan upang makilala ninyo siya: makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Pagkatapos magsalita ng anghel, biglang nagpakita ang napakaraming anghel at sama-sama silang nagpuri sa Dios. Sinabi nila,
14 “Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!”
15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, “Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.” 16 Kaya nagmamadali silang pumunta sa Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 At isinalaysay nila ang mga sinabi sa kanila ng anghel tungkol sa sanggol. 18 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Pero iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang lahat ng ito. 20 Bumalik sa parang ang mga pastol na labis ang pagpupuri sa Dios dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, na ayon nga sa sinabi ng anghel.
Pinangalanang Jesus ang Sanggol
21 Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang sanggol at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi.
Inihandog si Jesus sa Templo
22 Dumating ang araw na maghahandog sina Jose at Maria sa templo ng Jerusalem ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa mga babaeng nanganak upang maituring silang malinis. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon.”[e] 24 At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”[f]
25 May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Dios, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Naghihintay siya sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel. 26 Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hanggaʼt hindi niya nakikita ang haring ipinangako ng Panginoon. 27 Nang araw na iyon, sa patnubay ng Banal na Espiritu ay pumunta siya sa templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose si Jesus upang ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, nakita ni Simeon ang sanggol. 28 Kinarga niya ito at pinuri ang Dios. Sinabi niya:
29 “Panginoon, maaari nʼyo na akong kunin na inyong lingkod,
dahil natupad na ang pangako nʼyo sa akin.
Mamamatay na ako nang mapayapa,
30 dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas,
31 na inihanda ninyo para sa lahat ng tao.
32 Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo,
at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.”
33 Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya. 35 Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.”
36 Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa 37 bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya.[g] Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. 38 Lumapit siya nang oras ding iyon kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Dios. At nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa araw ng pagliligtas ng Dios sa Jerusalem.
39 Nang maisagawa na nina Jose at Maria ang lahat ng dapat nilang gawin ayon sa Kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret na sakop ng Galilea. 40 Lumaki ang batang si Jesus, at naging malakas at napakatalino. At pinagpala siya ng Dios.
Ang Batang si Jesus sa Templo
41 Bawat taon pumupunta ang mga magulang ni Jesus sa Jerusalem para dumalo sa Pista ng Paglampas ng Anghel.[h] 42 Nang 12 taon na si Jesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila. 43 Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, pero nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem. Hindi ito namalayan ng mga magulang niya. 44 Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. 45 Nang malaman nila na wala si Jesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem para roon siya hanapin. 46 At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Jesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. 47 Namangha ang lahat ng nakarinig sa mga isinasagot niya at sa kanyang katalinuhan. 48 Nagtaka ang mga magulang niya nang matagpuan siya roon. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!” 49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?” 50 Pero hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
51 Umuwi si Jesus sa Nazaret kasama ng kanyang mga magulang, at patuloy siyang naging masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy na lumaki si Jesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Dios at ng mga tao.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(B)
3 1-2 Noong ika-15 taon ng paghahari ni Emperador Tiberius, nagsalita ang Dios kay Juan na anak ni Zacarias doon sa ilang. Si Poncio Pilato ang gobernador noon ng Judea, si Herodes naman ang pinuno ng Galilea, at ang kapatid niyang si Felipe ang pinuno ng Iturea at Traconitis, at si Lisanias naman ang pinuno ng Abilenia. Ang mga punong pari noon ay sina Anas at Caifas. 3 At dahil sa sinabi ng Dios kay Juan, nilibot niya ang mga lugar sa magkabilang panig ng Ilog ng Jordan. Nangaral siya sa mga tao na kailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo, para patawarin sila ng Dios. 4 Sa ginawa niyang ito, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias,
“Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan!
5 Tambakan ninyo ang mga mababang lugar,
at patagin ang mga bundok at burol.
Tuwirin ninyo ang liku-likong daan,
at ayusin ang mga baku-bakong daan.
6 At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Dios.’ ”[i]
7 Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Dios? 8 Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Sapagkat tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 9 Ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol sa pagputol sa mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”
10 Tinanong ng mga tao si Juan, “Ano ang dapat naming gawin?” 11 Sumagot siya, “Kung mayroon kayong dalawang damit, ibigay ninyo ang isa sa taong walang damit. At kung may pagkain kayo, bigyan ninyo ang walang makain.” 12 May mga dumating din na maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sinabi nila, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” 13 Sumagot sa Juan, “Huwag kayong sumingil ng higit sa dapat singilin!” 14 May mga sundalo ring nagtanong sa kanya, “Kami naman po, ano ang dapat naming gawin?” At sinagot niya sila, “Huwag kayong mangingikil sa mga tao, at huwag kayong magpaparatang ng hindi totoo. Makontento kayo sa mga sahod ninyo!”
15 Nang marinig ng mga tao ang pangangaral ni Juan, inisip nila na baka si Juan na ang Cristo na hinihintay nila. 16 Pero sinabi ni Juan sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit may isang darating na mas makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[j] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 17 Tulad siya ng isang taong dala-dala ang kanyang gamit upang ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Ilalagay niya ang mga trigo sa bodega, at ang ipa naman ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”
18 Marami pang mga bagay ang ipinangaral ni Juan sa pagpapahayag niya ng Magandang Balita. 19 Kahit ang pinunong si Herodes ay pinagsabihan niya, dahil kinakasama nito ang hipag nitong si Herodias, at dahil sa iba pang mga kasamaang ginawa nito. 20 Sa bandang huli, nadagdagan pa ang kasalanan ni Herodes dahil ipinabilanggo niya si Juan.
Ang Pagbabautismo kay Jesus(C)
21 Isang araw, pagkatapos mabautismuhan ni Juan ang mga tao, nagpabautismo rin si Jesus. At nang nananalangin si Jesus, bumukas ang langit, 22 at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang mga Ninuno ni Jesus(D)
23 Mga 30 taong gulang na si Jesus nang magsimula siya sa kanyang gawain. Ayon sa pagkakaalam ng mga tao, anak siya ni Jose na anak ni Eli. 24 Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi. Si Levi ay anak ni Melki, na anak ni Janai. Si Janai ay anak ni Jose, 25 na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Amos, na anak ni Nahum. Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nagai. 26 Si Nagai ay anak ni Maat, na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semein, na anak ni Josec. Si Josec ay anak ni Joda, 27 na anak ni Joanan. Si Joanan ay anak ni Resa, na anak ni Zerubabel. Si Zerubabel ay anak ni Shealtiel, na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melki, na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam, na anak ni Elmadam. Si Elmadam ay anak ni Er, 29 na anak ni Josue. Si Josue ay anak ni Eliezer, na anak ni Jorim. Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi. 30 Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda. Si Juda ay anak ni Jose, na anak ni Jonam. Si Jonam ay anak ni Eliakim, 31 na anak ni Melea. Si Melea ay anak ni Mena, na anak ni Matata. Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed. Si Obed ay anak ni Boaz, na anak ni Salmon. Si Salmon ay anak ni Nashon, 33 na anak ni Aminadab. Si Aminadab ay anak ni Admin, na anak ni Arni. Si Arni ay anak ni Ezron, na anak ni Perez. Si Perez ay anak ni Juda, 34 na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac, na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nahor. 35 Si Nahor ay anak ni Serug, na anak ni Reu. Si Reu ay anak ni Peleg, na anak ni Eber. Si Eber ay anak ni Shela, 36 na anak ni Cainan. Si Cainan ay anak ni Arfaxad, na anak ni Shem. Si Shem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec. 37 Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared, na anak ni Mahalalel. Si Mahalalel ay anak ni Cainan, na anak ni Enosh. 38 Si Enosh ay anak ni Set, na anak ni Adan. At si Adan ay anak ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®