Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Marcos 10-12

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(A)

10 Umalis si Jesus sa Capernaum at pumunta sa lalawigan ng Judea, at saka tumawid sa Ilog ng Jordan. Pinuntahan siya roon ng maraming tao, at tulad ng dati ay nangaral siya sa kanila.

Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya upang hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tinanong din sila ni Jesus, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?” Sumagot ang mga Pariseo, “Ipinahintulot ni Moises na maaaring gumawa ang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay pwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa.”[a] Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’[b] ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[c] Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.”

10 Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng mga tagasunod niya tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila, “Kung hiwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nangangalunya siya at nagkasala sa una niyang asawa. 12 At kung hiwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala rin ng pangangalunya.”

Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(B)

13 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Pero pinagbawalan sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Nang makita ni Jesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga tagasunod niya, “Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.” 16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.

Ang Mayamang Lalaking(C)

17 Nang paalis na si Jesus, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya at lumuhod. Nagtanong ang lalaki, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 19 Tungkol sa tanong mo, alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, huwag kang mandadaya, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[d] 20 Sumagot ang lalaki, “Guro, sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 21 Tiningnan siya ni Jesus nang may pagmamahal at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang mga ari-arian mo, at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito. At umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.

23 Tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa mga tagasunod niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios.” 24 Nagtaka sila sa sinabi ni Jesus, kaya sinabi niya, “Mga anak, napakahirap talagang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Lalong nagtaka ang mga tagasunod niya, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao pero hindi sa Dios, dahil ang lahat ay posible sa Dios.”

28 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang lahat ng nag-iwan ng bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin at sa Magandang Balita 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, mga lupa, pati mga pag-uusig. At tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon. 31 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”

Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)

32 Habang naglalakad sila papuntang Jerusalem, nauna sa kanila si Jesus. Kinakabahan ang mga tagasunod niya at natatakot naman ang iba pang sumusunod sa kanila. Ibinukod ni Jesus ang 12 apostol at muli niyang sinabi kung ano ang mangyayari sa kanya, 33 “Makinig kayo! Papunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan at ibibigay sa mga hindi Judio. 34 Iinsultuhin nila ako, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit muli akong mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw.”

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(E)

35 Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee at nagsabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” 36 “Ano ang kahilingan ninyo?” Tanong ni Jesus. 37 Sumagot sila, “Sana po, kapag naghahari na kayo ay paupuin nʼyo kami sa inyong tabi; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya nʼyo bang tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko? Kaya nʼyo ba ang mga hirap na daranasin ko?”[e] 39 Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin ang mga ito. 40 Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o kaliwa ko. Ang mga itoʼy para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”

41 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi nina Santiago at Juan, nagalit sila sa kanila. 42 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam nʼyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit ano ang gustuhin nila ay nasusunod. 43 Pero hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 44 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ako, na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para matubos ang maraming tao!”

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na si Bartimeus(F)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. At nang paalis na siya roon kasama ang mga tagasunod niya at marami pang iba, nadaanan nila ang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siyaʼy si Bartimeus na anak ni Timeus. 47 Nang marinig niyang dumadaan si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya, “Jesus, Anak ni David,[f] maawa po kayo sa akin!” 48 Pinagsabihan siya ng marami na tumahimik. Pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila si Bartimeus at sinabi, “Lakasan mo ang loob mo. Tumayo ka, dahil ipinapatawag ka ni Jesus.” 50 Itinapon ni Bartimeus ang balabal niya at dali-daling lumapit kay Jesus. 51 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakita.” 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Umuwi ka na; pinagaling[g] ka ng iyong pananampalataya.” Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus sa daan.

Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(G)

11 Nang malapit na sina Jesus sa Jerusalem, tumigil sila sa Bundok ng mga Olibo malapit sa mga nayon ng Betfage at Betania.[h] Pinauna ni Jesus ang dalawa niyang tagasunod. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon, makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali, na hindi pa nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon at ibabalik din agad.” Kaya lumakad ang dalawa, at nakita nga nila ang asno sa tabi ng daan, na nakatali sa pintuan ng isang bahay. Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga taong nakatayo roon, “Hoy! Ano ang ginagawa ninyo riyan? Bakit ninyo kinakalagan ang asno?” Sinabi nila ang ipinapasabi ni Jesus, kaya pinabayaan na sila ng mga tao. Dinala nila ang asno kay Jesus. Sinapinan nila ng kanilang mga balabal ang likod ng asno at sinakyan ito ni Jesus. Maraming tao ang naglatag ng mga balabal nila sa daan, at ang iba naman ay naglatag ng mga sangang pinutol nila sa bukid. Ang mga nauuna kay Jesus at ang mga sumusunod sa kanya ay sumisigaw, “Purihin ang Dios! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon![i] 10 Pagpalain nawa ng Dios ang dumarating na kaharian ng ninuno nating si David. Purihin natin ang Dios!”

11 Pagdating ni Jesus sa Jerusalem, pumunta siya sa templo. Pinagmasdan niyang mabuti ang lahat ng bagay doon. At dahil sa gumagabi na, pumunta siya sa Betania kasama ang kanyang 12 apostol.

Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(H)

12 Kinabukasan, nang umalis sila sa Betania pabalik sa Jerusalem, nagutom si Jesus. 13 May nakita siyang isang madahong puno ng igos. Kaya nilapitan niya ito at tiningnan kung may bunga. Pero wala siyang nakita kundi mga dahon, dahil hindi pa panahon ng mga igos noon. 14 Sinabi ni Jesus sa puno, “Mula ngayon, wala nang makakakain ng bunga mo.” Narinig iyon ng mga tagasunod niya.

Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(I)

15 Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. 16 Pinagbawalan niya ang mga taong may paninda na dumaan sa templo. 17 Pagkatapos, pinangaralan niya ang mga tao roon. Sinabi niya, “Hindi baʼt sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan ng lahat ng bansa’?[j] Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan.”[k]

18 Nabalitaan ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang ginawa ni Jesus. Kaya humanap sila ng paraan upang mapatay siya. Pero natatakot sila sa kanya dahil hangang-hanga ang mga tao sa kanyang mga turo.

19 Kinagabihan, umalis si Jesus sa Jerusalem kasama ang mga tagasunod niya.

Ang Aral Mula sa Namatay na Puno ng Igos(J)

20 Kinaumagahan, nang pabalik na silang muli sa Jerusalem, nadaanan nila ang puno ng igos at nakita nilang tuyong-tuyo na ito hanggang sa ugat. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari. Kaya sinabi niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang puno ng igos na isinumpa ninyo. Natuyo na!” 22 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumampalataya kayo sa Dios! 23 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka sa dagat!’ At kung hindi kayo nag-aalinlangan kundi nananampalatayang mangyayari iyon, mangyayari nga ang sinabi ninyo. 24 Kaya tandaan ninyo: anuman ang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin, manampalataya kayong natanggap na ninyo ito, at matatanggap nga ninyo. 25 At kapag nananalangin kayo, patawarin nʼyo muna ang mga nagkasala sa inyo para ang mga kasalanan ninyo ay patawarin din ng inyong Amang nasa langit. 26 [Sapagkat kung ayaw ninyong magpatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”

Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(K)

27 Pagdating nila sa Jerusalem, bumalik si Jesus sa templo. At habang naglalakad siya roon, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. 28 Tinanong nila si Jesus, “Ano ang awtoridad mo na gumawa ng mga bagay na ito?[l] Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. 30 Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[m] o sa tao? Sagutin ninyo ako!” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 32 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao.” (Takot sila sa mga tao dahil naniniwala ang mga tao na si Juan ay propeta ng Dios.) 33 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(L)

12 Nangaral si Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya iyon at nagpagawa siya ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar. Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan para kunin ang parte niya. Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang alipin at binugbog, at pinaalis nang walang dala. Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero ipinahiya nila ito at hinampas sa ulo. Muli pang nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, pero pinatay nila ito. Marami pang isinugo ang may-ari, pero ang ibaʼy binugbog din at ang ibaʼy pinatay. Sa bandang huli, wala na siyang maisugo. Kaya isinugo niya ang pinakamamahal niyang anak. Sapagkat iniisip niyang igagalang nila ang kanyang anak. Pero nang makita ng mga magsasaka ang kanyang anak, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin na ang lupang mamanahin niya.’ Kaya sinunggaban nila ang anak, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.”

Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan. 10 Hindi nʼyo ba nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?

‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon.[n]
11 Gawa ito ng Panginoon
    at kahanga-hanga ito sa atin!’ ”[o]

12 Alam ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao. Kaya pinabayaan na lang nila si Jesus, at umalis sila.

Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(M)

13 Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio kay Jesus ang ilang Pariseo at ilang tauhan ni Herodes upang subaybayan ang mga sinasabi niya para may maiparatang sila laban sa kanya. 14 Kaya lumapit sila kay Jesus at nagtanong, “Guro, alam po naming totoo ang mga sinasabi nʼyo, at wala kayong pinapaboran. Sapagkat hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang siyang itinuturo ninyo. Ngayon, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma?[p] Dapat po ba tayong magbayad o hindi?” 15 Pero alam ni Jesus na nagkukunwari sila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? Magdala nga kayo rito ng pera[q] at titingnan ko.” 16 Dinalhan nga nila ng pera si Jesus. Nagtanong si Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” 17 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” Namangha sila sa kanyang sagot.

Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(N)

18 May mga Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga taong ito ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 19 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[r] 20 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 21 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya nang wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo 22 hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat nang walang anak sa babae. At sa huli, namatay din ang babae. 23 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?”

24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 25 Sapagkat sa muling pagkabuhay ay wala nang pag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi nʼyo ba nabasa ang isinulat ni Moises? Noong naroon siya sa may nagliliyab na mababang punongkahoy, sinabi sa kanya ng Dios, ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’ 27 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay. Kaya maling-mali kayo!”

Ang Pinakamahalagang Utos(O)

28 May isang tagapagturo ng Kautusan doon na nakikinig ng pagtatalo nila. Napakinggan niyang mahusay ang sagot ni Jesus, kaya lumapit siya at nagtanong din, “Ano po ba ang pinakamahalagang utos?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan ninyo mga taga-Israel! Ang Panginoon na ating Dios ang natatanging Panginoon. 30 Kaya mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas!’[s] 31 At ang pangalawa ay ito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[t] Wala nang ibang utos na higit pang mahalaga kaysa sa dalawang ito.” 32 Sinabi ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po kayo, Guro! Totoo ang sinabi ninyo na iisa lang ang Dios at wala nang iba. 33 At kailangang mahalin siya nang buong puso, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas. At kailangan ding mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Higit na mahalaga ito kaysa sa lahat ng uri ng handog na sinusunog at iba pang mga handog.” 34 Nang marinig ni Jesus na may katuturan ang mga sagot nito, sinabi niya rito, “Malapit ka nang mapabilang sa kaharian ng Dios.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.

Ang Tanong tungkol sa Cristo(P)

35 Nang minsang nangangaral si Jesus sa templo, tinanong niya ang mga tao, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo raw ay lahi lang ni David? 36 Samantalang si David na mismo na pinatnubayan ng Banal na Espiritu ang nagsabing,

    ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    Maupo ka sa kanan ko
    hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway!’[u]

37 Ngayon, kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siyang naging lahi lang ni David?” Wiling-wili sa pakikinig ang mga tao kay Jesus.

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(Q)

38 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang mamasyal na nakasuot ng espesyal na damit.[v] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar.[w] 39 Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 40 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal! Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”

Ang Kaloob ng Biyuda(R)

41 Umupo si Jesus malapit sa pinaglalagyan ng mga kaloob doon sa templo at pinagmamasdan ang mga taong naghuhulog ng pera. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. 42 May lumapit doon na isang mahirap na biyuda at naghulog ng dalawang pirasong barya. 43 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay. 44 Sapagkat silang lahat ay nagbigay lang ng sumobrang pera nila. Pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®