The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
11 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Huwag mong hilingin sa akin na tulungan ko ang mga taong ito. 12 Kahit na sila'y mag-ayuno, magsunog ng mga handog at magdala ng handog na pagkaing butil, hindi ko diringgin ang kanilang panalangin at hindi ako malulugod sa kanila. Sa halip, pababayaan ko silang mamatay sa digmaan, sa matinding gutom, at sa sakit.”
13 Ang sabi ko naman, “Panginoong Yahweh, alam mong sinasabi ng mga propeta na hindi magkakaroon ng digmaan o taggutom, sapagkat iyong ipinangako na kapayapaan lamang ang mararanasan sa buong bayan.”
14 Subalit ganito ang sagot ni Yahweh: “Pawang kasinungalingan ang sinasabi ng mga propetang iyan; hindi ko sila sinugo, inutusan, o kinausap man. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi sa inyo ay hindi galing sa akin, kundi pawang kathang-isip lamang nila. 15 Ito ang gagawin ko sa mga propetang hindi ko sinugo ngunit nagpapahayag sa aking pangalan at nagsasabing hindi daranas ng taggutom ang lupain—lilipulin ko sila sa pamamagitan ng digmaan at taggutom. 16 Pati ang mga taong pinagsabihan nila ng mga bagay na ito ay masasawi sa digmaan at sa taggutom. Itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem ang kanilang mga bangkay, at walang maglilibing sa kanila. Ganyan ang mangyayari sa kanilang lahat kasama ang kanilang mga asawa't mga anak. Pagbabayarin ko sila sa kanilang kasamaan.”
17 Inutusan ni Yahweh si Jeremias na ipaalam sa bayan ang kanyang kalungkutan; at sabihin,
“Araw-gabi'y hindi na ako titigil ng pag-iyak;
sapagkat malalim ang sugat ng aking bayan,
sila'y lubhang nasaktan.
18 Kapag lumabas ako sa kabukiran,
nakikita ko ang mga nasawi sa digmaan;
kapag ako'y pumunta sa mga bayan,
naroon naman ang mga taong namamatay sa gutom.
Patuloy sa kanilang gawain ang mga propeta at mga pari,
subalit hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.”
Nagmakaawa kay Yahweh ang mga Tao
19 Yahweh, lubusan mo na bang itinakwil ang Juda?
Kinapootan mo na ba ang mga taga-Zion?
Bakit ganito kalubha ang parusa mo sa amin,
parang wala na kaming pag-asang gumaling?
Naghanap kami ng kapayapaan ngunit nabigo kami;
umasa kaming gagaling ngunit sa halip takot ang dumating.
20 Yahweh, kinikilala namin ang aming kasamaan,
at ang pagtataksil ng aming mga magulang;
kaming lahat ay nagkasala sa iyo.
21 Huwag mo kaming itakwil, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong itulot na mapahiya ang Jerusalem,
ang kinalalagyan ng marangal mong trono.
Alalahanin mo ang ating kasunduan; huwag mo sana itong sirain.
22 Hindi makakagawa ng ulan ang mga diyus-diyosan ng alinmang bansa;
hindi makapagpapaambon man lamang ang mga langit.
Nasa iyo, O Yahweh, ang aming pag-asa,
sapagkat ikaw lamang ang makakagawa ng mga bagay na ito.
Kapahamakan para sa mga Taga-Juda
15 Pagkatapos(A) ay sinabi sa akin ni Yahweh, “Kahit na sina Moises at Samuel ang makiusap sa harapan ko, hindi ko kahahabagan kahit kaunti ang mga taong ito. Paalisin mo sila; ayoko na silang makita. 2 Kapag(B) itinanong nila sa iyo kung saan sila pupunta, sabihin mong itinakda na ang kanilang hantungan:
Ang iba sa kanila'y mamamatay sa sakit.
Masasawi naman sa digmaan ang iba.
Ang iba'y sa matinding gutom.
At bibihagin ng mga kaaway ang iba pa!
3 Apat na nakakapangilabot na parusa ang ipinasiya kong ipadala sa kanila: Sila'y mamamatay sa digmaan; lalapain ng mga aso ang kanilang mga bangkay; kakainin ng mga buwitre ang kanilang laman; at sisimutin ng mababangis na hayop ang anumang matitira. 4 Gagawin(C) ko silang kahindik-hindik sa lahat ng tao sa buong daigdig, dahil sa mga ginawa sa Jerusalem ni Manases na anak ni Hezekias noong siya'y hari sa Juda.
5 “Sino ang mahahabag sa inyo, mga taga-Jerusalem,
at sino ang malulungkot sa sinapit ninyo?
Sino ang mag-uukol ng panahon
upang alamin ang inyong kalagayan?
6 Ako'y itinakwil ninyong lahat;
kayo'y tumalikod sa akin.
Kaya pagbubuhatan ko kayo ng kamay at aking dudurugin,
sapagkat hindi ko mapigil ang poot ko sa inyo.
Akong si Yahweh ang nagsasalita.
7 Kayo'y parang mga ipang itatahip ko,
at tatangayin kayo ng hangin sa buong lupain.
Padadalhan ko kayo ng kapighatian, kayo'y aking pupuksain, bayan ko,
sapagkat ayaw ninyong iwan ang inyong masasamang gawa.
8 Mas marami pa ang magiging balo sa inyong kababaihan
kaysa dami ng buhangin sa dagat.
Lilipulin ko ang inyong mga kabataan,
aking patatangisin ang kanilang mga ina.
At biglang darating sa kanila ang dalamhati at takot.
9 Ang inang mawawalan ng pitong anak na lalaki
ay mawawalan ng malay at hahabulin ang kanyang hininga.
Para sa kanya, magdidilim ang dating maliwanag
dahil sa malaking kahihiyan at pagdaramdam.
Ang matitirang buháy ay pababayaan kong mamatay
sa kamay ng kanilang mga kaaway.
Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.”
Dumaing kay Yahweh si Jeremias
10 Napakahirap ng kalagayan ko! Bakit pa ba ako isinilang sa daigdig na ito? Lagi akong may kaaway at kalaban sa buong lupain. Hindi ako nagpautang, o kaya'y nangutang; gayunman, nilalait ako ng lahat. 11 Yahweh, mangyari nawa ang kanilang mga sumpa sa akin kung hindi kita pinaglingkurang mabuti, at kung hindi ako nakiusap sa iyo para sa aking mga kaaway nang sila'y naghihirap at naliligalig. 12 Walang makakabali sa bakal, lalo na kung ang bakal ay mula sa hilaga, sapagkat ito'y hinaluan ng tanso.
13 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Pababayaan kong agawin ng mga kaaway ang mga kayamanan at ari-arian ng aking bayan, bilang parusa sa mga kasalanang kanilang nagawa sa buong lupain. 14 At sila'y magiging mga alipin ng kanilang kaaway, sa isang lupaing hindi nila alam, sapagkat ang poot ko'y parang apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
15 Sinabi naman ni Jeremias, “Yahweh, ikaw ang nakakaalam ng lahat. Alalahanin mo ako't tulungan. Ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin. Huwag kang papayag sa kanila at baka ako'y kanilang patayin. Ako'y hinahamak nila dahil sa iyo. 16 Nagsalita ka sa akin, at pinakinggan kitang mabuti. Ang mga salita mo'y aking kagalakan. Ako'y sa iyo, Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 17 Hindi ko sinayang ang aking panahon sa pagpapakaligaya sa buhay, kasama ang ibang mga tao, ni hindi ako nakigalak sa kanila. Dahil sa pagsunod sa iyong utos, nanatili akong nag-iisa at nagpupuyos sa galit ang kalooban ko. 18 Bakit hindi na natapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumaling ang mga sugat ko? Talaga bang wala nang lunas ito? Nais mo bang ako'y mabigo, gaya ng isang batis na natutuyo sa tag-araw?”
19 Ganito ang isinagot ni Yahweh, “Kung manunumbalik ka, tatanggapin kita, at muli kitang gagawing lingkod ko. Kung magsasalita ka ng mga bagay na may kabuluhan, at hindi ng walang kabuluhan, muli kitang gagawing propeta. Lalapit sa iyo ang mga tao, at hindi ikaw ang lalapit sa kanila. 20 Sa harapan ng mga taong ito'y gagawin kitang isang matibay na pader na tanso. Lalabanan ka nila, ngunit hindi sila magtatagumpay. Sapagkat ako'y sasaiyo upang ingatan ka at panatilihing ligtas. 21 Ililigtas kita sa kamay ng masasama at iingatan laban sa mararahas.”
Ang mga Utos ni Yahweh kay Jeremias
16 Muling nagsalita sa akin si Yahweh at ang sabi, 2 “Huwag kang mag-aasawa o kaya'y magkakaanak sa lupaing ito. 3 Sasabihin ko sa iyo ang mangyayari sa mga anak na isisilang dito, gayundin sa kanilang mga magulang: 4 Mamamatay sila dahil sa nakamamatay na karamdaman, at walang tatangis o maglilibing sa kanila. Ang kanilang mga bangkay ay parang basurang matatambak sa lupa. Sila'y mapapatay sa digmaan o mamamatay sa matinding gutom, at kakainin ng mga buwitre at mababangis na hayop ang kanilang mga bangkay.
5 “Huwag kang papasok sa alinmang bahay na may patay. Huwag mo ring ipagdadalamhati ang pagkamatay ninuman. Sapagkat inalis ko na sa aking bayan ang kapayapaan; hindi na ako magpapakita sa kanila ng pag-ibig at kahabagan. 6 Mayaman at dukha'y mamamatay sa lupaing ito; hindi sila ililibing o iiyakan man. Walang taong susugat sa sarili o mag-aahit ng ulo bilang tanda ng pagdadalamhati. 7 Wala nang sasalo sa naulila upang aliwin ito. Wala nang makikiramay sa namatayan, kahit pa ama o ina ang namatay.
8 “Huwag kang papasok sa bahay na nagdaraos ng isang malaking pista. Huwag ka ring sasalo sa kanilang kainan at inuman. 9 Ako(D) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Pakinggan mo ang aking sasabihin: Sasalantain ko ang lugar na ito. Hindi na maririnig pa ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Ang kaganapan ng mga bagay na ito'y masasaksihan ng mga narito.
10 “At kapag sinabi mo sa kanila ang lahat ng ito, itatanong nila sa iyo kung bakit ko sila pinaparusahan nang gayon. Itatanong nila kung anong kasalanan ang nagawa nila laban sa akin na kanilang Diyos. 11 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang inyong mga ninuno ay tumalikod sa akin; sumamba at naglingkod sila sa mga diyus-diyosan. Itinakwil nila ako at hindi sinunod ang aking mga utos. 12 Ngunit higit na masama ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno. Kayong lahat ay matitigas ang ulo, masasama, at hindi sumusunod sa akin. 13 Dahil dito, ipapatapon ko kayo sa isang bayang hindi ninyo alam maging ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang diyos araw at gabi, at hindi ko kayo kahahabagan.’”
Ang Pagbabalik mula sa Pagkatapon
14 “Darating ang panahon,” sabi ni Yahweh, “na wala nang manunumpa nang ganito, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto!’ 15 Sa halip, ang sasabihin nila'y, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagpalaya sa Israel mula sa lupain sa hilaga, at mula sa iba't ibang bansang pinagtapunan sa kanila.’ Ibabalik ko sila sa sarili nilang bayan, ang lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Akong si Yahweh ang nagsasalita.”
9 Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.
10 Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. 11 Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at inatasan na mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.
13 Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap bilang salita ng tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya. 14 Mga(A) kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Ang(B) mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao! 16 Ang aming pangangaral sa mga Hentil upang ang mga ito'y maligtas ay kanilang hinahadlangan. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila.
Ang Hangad ni Pablo na Dalawin Silang Muli
17 At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling napahiwalay sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli 18 at nais naming makabalik diyan. Ako mismong si Pablo ay makailang ulit na nagbalak dumalaw sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas. 19 Hindi ba't kayo ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.
3 Kaya naman, nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas 2 at(C) suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa para sa Diyos[a] sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya, 3 upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. 4 Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo. 5 Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka natukso na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.
6 Ngayon(D) ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo. 7 Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay napasigla kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap. 8 Nabubuhayan kami ng loob kapag kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya. 9 Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? 10 Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.
11 Loobin nawa mismo ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. 12 Nawa'y palaguin at pasaganain ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nang sa gayo'y palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang lahat ng kanyang mga hinirang. [Amen.][b]
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
3 Ibalik mo kami, O Diyos,
at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
4 Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
5 Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
6 Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
8 Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9 Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Mga Karagdagang Kawikaan ni Solomon
25 Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon; tinipon at kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.
2 Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin.
3 Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan.
4 Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday. 5 Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi.
by