Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 17

Iniligaw ni Husai si Absalom

17 Bukod dito'y sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Papiliin mo ako ng labindalawang libong lalaki, at ako'y titindig at aking hahabulin si David sa gabing ito.

Ako'y darating sa kanya samantalang siya'y pagod at nanlulupaypay, at akin siyang tatakutin; at ang lahat ng taong kasama niya ay tatakas. Ang hari lamang ang aking sasaktan;

at ibabalik ko sa iyo ang buong bayan gaya ng isang babaing ikakasal na pauwi sa kanyang asawa. Ang iyong tinutugis ay buhay ng isang tao lamang, at ang buong bayan ay mapapayapa.”

Ang payo ay nagustuhan ni Absalom at ng lahat ng matatanda sa Israel.

Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, “Tawagin mo rin si Husai na Arkita, at pakinggan natin ang kanyang masasabi.”

Nang dumating si Husai kay Absalom, sinabi ni Absalom sa kanya, “Ganito ang sinabi ni Ahitofel; atin bang gagawin ang kanyang sinabi? Kung hindi, magsalita ka.”

At sinabi ni Husai kay Absalom, “Sa pagkakataong ito, ang payong ibinigay ni Ahitofel ay hindi mabuti.”

Bukod dito'y sinabi ni Husai, “Nalalaman mo na ang iyong ama at ang kanyang mga tauhan ay mga mandirigma at sila'y mababagsik na gaya ng isang oso na ninakawan ng kanyang mga anak sa parang. Bukod dito, ang iyong ama ay lalaking bihasa sa digmaan, hindi niya gugugulin ang gabi na kasama ng bayan.

Siya'y nagkukubli ngayon sa isa sa mga hukay, o sa ibang lugar. Kapag ang ilan sa kanila ay nabuwal sa unang pagsalakay, sinumang makarinig roon ay magsasabi, ‘May patayan sa mga taong sumusunod kay Absalom.’

10 Kung gayon, maging ang matapang, na ang puso ay gaya ng puso ng leon, ay lubos na matutunaw sa takot; sapagkat nalalaman ng buong Israel na ang iyong ama ay isang mandirigma at ang mga tauhang kasama niya ay magigiting na mandirigma.

11 Ngunit aking ipinapayo na ang buong Israel ay matipon sa iyo, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat ang dami; at ikaw ay pumaroon sa labanan.

12 Sa gayo'y darating tayo sa kanya sa ibang dako na katatagpuan natin sa kanya, at tayo'y babagsak sa kanya na gaya ng hamog na bumabagsak sa lupa. Sa kanya at sa lahat ng mga tauhang kasama niya ay walang maiiwan kahit isa.

13 Kung siya'y umurong sa isang lunsod, ang buong Israel ay magdadala ng mga lubid sa lunsod na iyon, at ating babatakin iyon sa libis, hanggang sa walang matagpuan doon kahit isang maliit na bato.”

14 At si Absalom at ang lahat na lalaki sa Israel ay nagsabi, “Ang payo ni Husai na Arkita ay higit na mabuti kaysa payo ni Ahitofel.” Sapagkat ipinasiya ng Panginoon na madaig ang mabuting payo ni Ahitofel, upang madalhan ng Panginoon ng kasamaan si Absalom.

15 Nang magkagayo'y sinabi ni Husai kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, “Ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel kay Absalom at sa mga matanda sa Israel; ganoon at ganito naman ang aking ipinayo.

Binalaan si David na Tumakas

16 Ngayon magsugo kayo agad at sabihin kay David, ‘Huwag kang tumigil sa gabing ito sa mga tawiran sa ilang, kundi sa anumang paraan ay tumawid ka; kung hindi ang hari at ang buong bayang kasama niya ay mauubos.’”

17 Si Jonathan at si Ahimaaz ay naghihintay sa En-rogel. Isang alilang babae ang laging pumupunta at nagsasabi sa kanila, at sila'y pumupunta at nagsasabi kay Haring David; sapagkat hindi sila dapat makitang pumapasok sa lunsod.

18 Ngunit nakita sila ng isang batang lalaki at nagsabi kay Absalom; kaya't sila'y kapwa mabilis na umalis at sila'y dumating sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim, na may isang balon sa kanyang looban; at sila'y lumusong doon.

19 Ang babae ay kumuha ng isang panakip at inilatag sa bunganga ng balon, at kinalatan ng mga trigo ang ibabaw nito; at walang nakaalam nito.

20 Nang ang mga lingkod ni Absalom ay dumating sa babae na nasa bahay ay kanilang sinabi, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonathan?” At sinabi ng babae sa kanila, “Sila'y tumawid sa batis ng tubig.” Nang sila'y maghanap at hindi nila matagpuan, bumalik na sila sa Jerusalem.

21 Pagkatapos na sila'y makaalis, ang mga lalaki ay umahon sa balon, humayo at nagbalita kay Haring David. Sinabi nila kay David, “Tumindig kayo, at tumawid agad sa tubig, sapagkat ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel laban sa inyo.”

22 Kaya't tumindig si David at ang lahat ng taong kasama niya, at sila'y tumawid sa Jordan. Sa pagbubukang-liwayway ay walang naiwan kahit isa sa kanila na hindi nakatawid sa Jordan.

23 Nang makita ni Ahitofel na ang kanyang payo ay hindi sinunod, kanyang inihanda ang kanyang asno at umuwi sa kanyang sariling lunsod. Inayos niya ang kanyang bahay at nagbigti. Siya'y namatay at inilibing sa libingan ng kanyang ama.

24 Pagkatapos ay pumaroon si David sa Mahanaim. At si Absalom ay tumawid sa Jordan kasama ang lahat ng lalaki ng Israel.

25 Inilagay ni Absalom si Amasa sa hukbo sa halip na si Joab. Si Amasa ay anak ng isang lalaki na ang pangalan ay Itra, na Israelita, na napakasal kay Abigal na anak na babae ni Nahas, na kapatid ni Zeruia, na ina ni Joab.

26 At ang Israel at si Absalom ay humimpil sa lupain ng Gilead.

27 Nang dumating si David sa Mahanaim, si Sobi na anak ni Nahas na taga-Rabba sa mga anak ni Ammon, si Makir na anak ni Amiel na taga-Lodebar, at si Barzilai na Gileadita na taga-Rogelim,

28 ay nagdala ng mga higaan, mga palanggana, mga sisidlang yari sa luwad, trigo, sebada, harina, butil na sinangag, mga patani, at pagkaing sinangag,

29 pulot-pukyutan, mantekilya, mga tupa, at keso ng baka para kay David at sa mga taong kasama niya upang kainin; sapagkat kanilang sinabi, “Ang mga tao ay gutom, pagod, at uhaw sa ilang.”

Juan 19:23-42

23 Nang maipako ng mga kawal si Jesus, kanilang kinuha ang kanyang mga kasuotan at hinati sa apat na bahagi, sa bawat kawal ay isang bahagi. Gayundin ang tunika, at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas.

24 Kaya't(A) sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin, kundi tayo'y magpalabunutan kung kanino mapupunta.” Ito ay upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi,

“Pinaghatian nila ang aking mga kasuotan,
    at ang aking balabal ay kanilang pinagpalabunutan.”

25 Ang mga bagay na ito ay ginawa ng mga kawal.

Samantala, nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina, at ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.

26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal, na nakatayong katabi niya ay sinabi niya sa kanyang ina, “Babae, narito ang iyong anak!”

27 Pagkatapos ay sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” At mula noon ay dinala siya ng alagad sa kanyang sariling tahanan.

Ang Kamatayan ni Jesus(B)

28 Pagkatapos(C) nito, sapagkat alam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na, ay sinabi niya (upang matupad ang kasulatan), “Nauuhaw ako.”

29 Mayroon doong isang sisidlang punô ng maasim na alak, kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka[a] sa isang sanga ng isopo,[b] kanilang inilagay sa kanyang bibig.

30 Nang matanggap ni Jesus ang suka[c] ay sinabi niya, “Natupad na.” At itinungo ang kanyang ulo, at siya ay namatay.[d]

Inulos ang Tagiliran ni Jesus

31 Sapagkat noo'y araw ng Paghahanda, upang maiwasan na ang mga katawan ay manatili sa krus sa araw ng Sabbath (sapagkat dakila ang araw ng Sabbath na iyon), hiniling ng mga Judio kay Pilato na baliin ang kanilang mga binti at sila'y alisin doon.

32 Kaya't dumating ang mga kawal at binali ang binti ng una at ng isa pa na ipinako sa krus na kasama niya.

33 Ngunit nang dumating sila kay Jesus at makitang patay na, ay hindi na nila binali ang kanyang mga binti.

34 Subalit tinusok ng sibat ng isa sa mga kawal ang kanyang tagiliran at biglang lumabas ang dugo at tubig.

35 Siya na nakakita nito ay nagpatotoo, at ang kanyang patotoo ay tunay, at nalalaman niya na siya'y nagsasabi ng totoo upang kayo rin ay maniwala.

36 Sapagkat(D) ang mga bagay na ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan, “Kahit isa mang buto niya'y hindi mababali.”

37 At(E) sinabi rin sa isa pang kasulatan, “Titingin sila sa kanya na kanilang tinusok ng sibat.”

Paglilibing kay Jesus(F)

38 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jose na taga-Arimatea, na isang lihim na alagad ni Jesus, dahil sa takot sa mga Judio, ay nakiusap kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus, at siya'y pinahintulutan ni Pilato. Kaya't siya'y pumunta roon at kinuha ang kanyang bangkay.

39 Dumating(G) din si Nicodemo, na noong una ay lumapit sa kanya noong gabi, na may dalang pinaghalong mira at mga aloe, halos isandaang libra ang timbang.

40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga telang lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.

41 Sa lugar ng pinagpakuan sa kanya ay may isang halamanan, at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailanma'y hindi pa nalalagyan ng sinuman.

42 Kaya't dahil sa Paghahanda ng mga Judio, sapagkat malapit ang libingan, ay kanilang inilagay doon si Jesus.

Mga Awit 119:129-152

PE.

129 Kahanga-hanga ang mga patotoo mo,
    kaya't sila'y iniingatan ng kaluluwa ko.
130 Ang paghahayag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng kaliwanagan;
    nagbibigay ng unawa sa walang karunungan.
131 Binuksan ko ang aking bibig ng maluwag at humihingal ako,
    sapagkat ako'y nasasabik sa mga utos mo.
132 Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin,
    gaya ng sa umiibig ng iyong pangalan ay kinaugalian mong gawin.
133 Gawin mong matatag ang mga hakbang ko ayon sa iyong pangako,
    at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang kasamaan.
134 Tubusin mo ako sa kalupitan ng tao,
    upang aking matupad ang mga tuntunin mo.
135 Paliwanagin mo ang iyong mukha sa lingkod mo,
    at ituro mo sa akin ang mga alituntunin mo.
136 Inaagusan ng mga luha ang mga mata ko,
    sapagkat hindi nila tinutupad ang kautusan mo.

TZADDI.

137 Matuwid ka, O Panginoon,
    at matuwid ang iyong mga hatol.
138 Itinakda mo ang iyong mga patotoo sa katuwiran
    at sa buong katapatan.
139 Tinunaw ako ng sigasig ko,
    sapagkat kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo.
140 Totoong dalisay ang salita mo,
    kaya't iniibig ito ng lingkod mo.
141 Ako'y maliit at hinahamak,
    gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga batas.
142 Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran,
    at ang kautusan mo'y katotohanan.
143 Dumating sa akin ang dalamhati at kabagabagan,
    at ang mga utos mo'y aking kasiyahan.
144 Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailanman;
    bigyan mo ako ng pang-unawa upang ako'y mabuhay.

COPH.

145 O Panginoon, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin,
    iingatan ko ang iyong mga tuntunin.
146 Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako,
    upang aking matupad ang mga patotoo mo.
147 Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako;
    ako'y umaasa sa mga salita mo.
148 Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay,
    upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal;
    O Panginoon, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan.
150 Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit,
    sila'y malayo sa iyong mga tuntunin.
151 Ngunit ikaw ay malapit, O Panginoon;
    at lahat mong utos ay katotohanan.
152 Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo
    na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito.

Mga Kawikaan 16:12-13

12 Kasuklamsuklam para sa mga hari na gumawa ng kasamaan,
    sapagkat ang trono ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.
13 Matutuwid na labi sa hari ay kaluguran,
    at kanyang iniibig ang nagsasalita ng katuwiran.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001