Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 20-21

Tinulungan ni Jonathan si David

20 Si David ay tumakas mula sa Najot na nasa Rama. Siya'y dumating doon at sinabi niya kay Jonathan, “Ano bang aking nagawa? Ano ang aking pagkakasala? At ano ang aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kanyang pagtangkaan ang aking buhay?”

At sinabi niya sa kanya, “Malayong mangyari iyon! Hindi ka mamamatay. Ang aking ama ay hindi gumagawa ng anumang bagay na malaki o maliit na hindi niya ipinaaalam sa akin; at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? Hindi gayon.”

Subalit sumagot muli si David, “Nalalaman ng iyong ama na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at kanyang iniisip, ‘Huwag itong ipaalam kay Jonathan, baka siya'y maghinagpis.’ Ngunit sa katotohanan, habang buháy ang Panginoon, at buháy ka, iisang hakbang ang nasa pagitan ko at sa kamatayan.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, “Anumang nais ng iyong kaluluwa ay gagawin ko para sa iyo.”

Kaya't(A) sinabi ni David kay Jonathan, “Bukas ay bagong buwan, at hindi maaaring hindi ko saluhan sa pagkain ang hari; ngunit bayaan mo akong umalis upang makapagtago sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.

Kapag ako'y hinanap ng iyong ama, iyo ngang sabihing, ‘Nakiusap sa akin si David na siya'y papuntahin sa Bethlehem na kanyang bayan, sapagkat doon ay mayroong taunang paghahandog para sa buong angkan.’

Kung kanyang sabihing, ‘Mabuti!’ ang iyong lingkod ay matitiwasay; ngunit kung siya'y magalit, tandaan mo na ang kasamaan ay ipinasiya na niya.

Kaya't gawan mo ng mabuti ang iyong lingkod sapagkat dinala mo ang iyong lingkod sa isang banal na pakikipagtipan sa iyo. Ngunit kung mayroon akong pagkakasala ay ikaw mismo ang pumatay sa akin, sapagkat bakit mo pa ako dadalhin sa iyong ama?”

At sinabi ni Jonathan, “Malayong mangyari iyon. Kung alam ko na ipinasiya ng aking ama na ang kasamaan ay sumapit sa iyo, hindi ko ba sasabihin sa iyo?”

10 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, “Sino ang magsasabi sa akin kung ang iyong ama ay sumagot sa iyo nang may galit?”

11 At sinabi ni Jonathan kay David, “Halika, tayo'y lumabas sa parang.” At sila'y kapwa lumabas sa parang.

12 Sinabi ni Jonathan kay David, “Sa pamamagitan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel! Kapag natunugan ko na ang aking ama, sa mga oras na ito, bukas, o sa ikatlong araw, kapag mabuti na ang kalooban niya kay David, hindi ko ba ipapaabot at ipapaalam sa iyo?

13 Ngunit kung gusto ng aking ama na gawan ka ng masama, ay gawin ng Panginoon kay Jonathan at higit pa, kapag hindi ko ipaalam sa iyo at paalisin ka, upang ligtas kang makaalis. Ang Panginoon nawa ay sumama sa iyo gaya ng pagiging kasama siya ng aking ama.

14 Kung ako'y buháy pa, ipakita mo sa akin ang tapat na pag-ibig ng Panginoon, ngunit kung ako'y mamatay;

15 huwag(B) mong puputulin ang iyong kagandahang-loob sa aking sambahayan, kahit ginantihan na ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.”

16 Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sambahayan ni David, na sinasabi, “Gantihan nawa ng Panginoon ang mga kaaway ni David.”

17 Muling pinasumpa ni Jonathan si David ng pagmamahal niya sa kanya; sapagkat kanyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sariling buhay.[a]

18 Pagkatapos ay sinabi ni Jonathan sa kanya, “Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay hahanapin sapagkat walang uupo sa iyong upuan.

19 Sa ikatlong araw ay bumaba ka agad at pumunta ka sa lugar na iyong pinagtaguan nang araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng batong Ezel.

20 Ako'y papana ng tatlong palaso sa tabi niyon na parang ako'y may pinatatamaan.

21 Pagkatapos, aking susuguin ang bata na sinasabi, ‘Hanapin mo ang mga palaso.’ Kung aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay narito sa dako mo rito, kunin ang mga iyon,’ kung gayon ay pumarito ka, sapagkat habang buháy ang Panginoon, ligtas para sa iyo at walang panganib.

22 Ngunit kapag aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay nasa kabila mo pa roon,’ ay umalis ka na, sapagkat pinaaalis ka ng Panginoon.

23 Tungkol sa bagay na ating pinag-usapan, ang Panginoon ay nasa pagitan natin magpakailanman.”

24 Kaya't nagkubli si David sa parang. Nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupo upang kumain.

25 Umupo ang hari sa kanyang upuan gaya nang kinaugalian niya, sa upuang nasa tabi ng dingding. Umupo sa tapat si Jonathan, samantalang nakaupo si Abner sa tabi ni Saul, ngunit sa upuan ni David ay walang nakaupo.

26 Gayunma'y hindi nagsalita si Saul ng anuman sa araw na iyon, sapagkat kanyang iniisip, “May nangyari sa kanya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.”

27 Subalit nang ikalawang araw, kinabukasan pagkaraan ng bagong buwan, sa upuan ni David ay walang nakaupo. Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak, “Bakit wala pa ang anak ni Jesse upang kumain, kahit kahapon, o ngayon?”

28 Sumagot si Jonathan kay Saul, “Nakiusap si David na hayaan ko siyang pumunta sa Bethlehem;

29 kanyang sinabi, ‘Nakikiusap ako sa iyo na hayaan mo akong umalis sapagkat ang aming angkan ay may paghahandog sa bayan at iniutos sa akin ng aking kapatid na pumunta roon. Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hayaan mo akong umalis at makita ko ang aking mga kapatid.’ Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakarating sa hapag ng hari.”

30 Nang magkagayo'y nag-init ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw na anak ng isang masama at mapaghimagsik na babae! Hindi ko ba alam na iyong pinili ang anak ni Jesse sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?

31 Sapagkat habang nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw ni ang iyong kaharian ay hindi mapapanatag. Kaya't ngayo'y ipasundo mo at dalhin siya sa akin, sapagkat siya'y tiyak na mamamatay.”

32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kanyang ama, “Bakit kailangang siya'y patayin? Anong kanyang ginawa?”

33 Ngunit siya ay sinibat ni Saul upang patayin siya; kaya't nalaman ni Jonathan na ipinasiya ng kanyang ama na patayin si David.

34 Kaya't galit na galit na tumindig si Jonathan sa hapag at hindi kumain nang ikalawang araw ng buwan sapagkat siya'y nagdalamhati para kay David, yamang hiniya siya ng kanyang ama.

35 Kinaumagahan, si Jonathan ay pumunta sa parang ayon sa napag-usapan nila ni David, at kasama niya ang isang munting bata.

36 Sinabi niya sa bata, “Takbo, hanapin mo ang mga palaso na aking ipinana.” Habang tumatakbo ang bata, kanyang ipinana ang palaso sa unahan niya.

37 Nang dumating ang bata sa lugar ng palaso na ipinana ni Jonathan, tinawagan ni Jonathan ang bata, at sinabi, “Hindi ba ang palaso ay nasa unahan mo?”

38 At tinawagan ni Jonathan ang bata, “Bilis, magmadali ka, huwag kang tumigil.” Kaya't pinulot ng batang kasama ni Jonathan ang mga palaso, at pumunta sa kanyang panginoon.

39 Ngunit walang nalalamang anuman ang bata. Sina Jonathan at David lamang ang nakakaalam ng tungkol sa kasunduan.

40 Ibinigay ni Jonathan ang kanyang sandata sa bata at sinabi sa kanya, “Umalis ka na at dalhin mo ang mga ito sa lunsod.”

41 Pagkaalis ng bata, si David ay tumindig mula sa tabi ng bato[b] at sumubsob sa lupa, at yumukod ng tatlong ulit. Hinalikan nila ang isa't isa, kapwa umiyak ngunit si David ay umiyak nang labis.

42 At sinabi ni Jonathan kay David, “Umalis kang payapa, yamang tayo'y kapwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, ‘Ang Panginoon ay lalagay sa pagitan natin, at sa pagitan ng aking mga anak at ng iyong mga anak, magpakailanman.’” At siya'y tumayo at umalis; at pumasok si Jonathan sa lunsod.[c]

Tumakas si David kay Saul

21 Nang(C) magkagayo'y pumunta si David sa Nob kay Ahimelec na pari. Nanginginig na sinalubong ni Ahimelec si David at itinanong sa kanya, “Bakit ka nag-iisa, at wala kang kasama?”

At sinabi ni David kay Ahimelec na pari, “Inatasan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, ‘Huwag ipaalam sa sinuman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking ibinilin sa iyo. Mayroon akong pakikipagtagpo sa mga kabataang lalaki sa gayo't gayong dako.’

Ngayon, anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay o anumang mayroon dito.”

At sumagot ang pari kay David, “Wala akong karaniwang tinapay dito, ngunit mayroong banal na tinapay—malibang inilayo ng mga kabataang lalaki ang kanilang sarili sa mga babae.”

Sumagot si David sa pari, “Sa katotohanan, ang mga babae ay laging inilalayo sa amin kapag mayroon kaming lakad. Ang mga sisidlan ng mga kabataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakbay; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga sisidlan?”

Kaya't(D) binigyan siya ng pari ng banal na tinapay. Walang tinapay roon maliban sa tinapay na handog na kinuha sa harap ng Panginoon, na papalitan ng mainit na tinapay sa araw na iyon ay kunin.

Noon ay may isang lalaki sa mga lingkod ni Saul na naroon nang araw na iyon na nakabilanggo sa Panginoon. Ang pangalan niya ay Doeg na Edomita, ang pinuno ng mga pastol ni Saul.

At sinabi ni David kay Ahimelec, “Wala ka ba ritong sibat o tabak? Hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bilin ng hari ay madalian.”

Sinabi(E) ng pari, “Ang tabak ni Goliat na Filisteo na iyong pinatay sa libis ng Ela, ay nakabalot sa isang tela na nasa likod ng efod. Kung iyong kukunin iyon ay kunin mo, sapagkat walang iba rito liban doon.” At sinabi ni David, “Walang ibang gaya niyon. Ibigay mo sa akin.”

10 Tumindig si David at tumakas kay Saul nang araw na iyon at pumunta kay Achis na hari ng Gat.

11 At(F) sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kanya, “Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba't nag-aawitan sila sa isa't isa tungkol sa kanya sa mga sayaw, na sinasabi,

‘Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
    at ni David ang kanyang laksa-laksa’?”

12 Iningatan(G) ni David ang mga salitang ito sa kanyang puso at siya'y naging takot na takot kay Achis na hari ng Gat.

13 Kaya't(H) kanyang binago ang kanyang kilos sa harap nila, at nagkunwaring baliw sa harapan nila. Gumawa siya ng mga guhit sa mga pinto ng tarangkahan, at pinatulo ang laway sa kanyang balbas.

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kanyang mga lingkod, “Tingnan ninyo, ang lalaki ay baliw. Bakit ninyo siya dinala sa akin?

15 Kulang ba ako ng mga taong ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kabaliwan sa aking harapan? Papasok ba ang taong ito sa aking bahay?”

Juan 9

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag

Sa kanyang paglalakad, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkapanganak.

Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, kaya siya'y ipinanganak na bulag?”

Sumagot si Jesus, “Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.”

Kailangan nating[a] gawin ang mga gawa niyong nagsugo sa akin,[b] samantalang araw pa. Dumarating ang gabi, na walang taong makakagawa.

Habang(A) ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.”

Nang masabi niya ang mga bagay na ito, siya'y dumura sa lupa, at gumawa ng putik mula sa dura, at pinahiran ng putik ang mga mata ng lalaki.

At sinabi sa kanya, “Humayo ka, maghugas ka sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang kahulugan ay Sinugo). Humayo nga siya at naghugas at bumalik na nakakakita.

Kaya't ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya nang una, na siya'y pulubi, ay nagsabi, “Hindi ba ito ang nakaupo noon at nagpapalimos?”

Sinabi ng iba, “Siya nga.” Ang sabi ng iba, “Hindi, subalit kamukha niya.” Sinabi niya, “Ako nga iyon.”

10 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Paanong nabuksan ang iyong mga mata?”

11 Sumagot siya, “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloam, at maghugas ka.’ Kaya't ako'y umalis at naghugas, at nagkaroon ako ng paningin.”

12 Sinabi nila sa kanya, “Saan siya naroon?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.”

Siniyasat ng mga Fariseo ang Pagpapagaling

13 Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaki na dating bulag.

14 Noon ay araw ng Sabbath nang gumawa ng putik si Jesus, at binuksan ang kanyang mga mata.

15 Muli na naman siyang tinanong ng mga Fariseo kung paano siya nagkaroon ng paningin. At sinabi niya sa kanila, “Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata, at hinugasan ko, at ako'y nakakita.”

16 Kaya't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, “Ang taong ito'y hindi mula sa Diyos, sapagkat hindi siya nangingilin ng Sabbath.” Subalit sinabi ng iba, “Paanong makakagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan?” At nagkaroon ng pagkakahati-hati sa kanila.

17 Muling sinabi nila sa bulag, “Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, sapagkat binuksan niya ang iyong mga mata?” At kanyang sinabi, “Siya'y isang propeta.”

18 Hindi naniwala ang mga Judio na siya'y dating bulag at nagkaroon ng kanyang paningin, hanggang sa kanilang tinawag ang mga magulang ng lalaki na nagkaroon ng paningin,

19 at tinanong sila, “Ito ba ang inyong anak, na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Paanong nakakakita na siya ngayon?”

20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming ito'y aming anak, at siya'y ipinanganak na bulag.

21 Subalit kung paanong siya'y nakakakita ngayon, ay hindi namin alam, o kung sino ang nagbukas ng kanyang mga mata, ay hindi namin kilala. Tanungin ninyo siya, siya'y may sapat na gulang na, at siya'y magsasalita para sa kanyang sarili.”

22 Ang mga bagay na ito'y sinabi ng kanyang mga magulang sapagkat natatakot sila sa mga Judio. Sapagkat pinagkaisahan na ng mga Judio, na kung ang sinuman ay magpahayag na si Jesus[c] ang Cristo ay palalayasin mula sa sinagoga.

23 Kaya't sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya'y may sapat na gulang na, tanungin ninyo siya.”

24 Dahil dito'y tinawag nilang muli ang taong dating bulag, at sinabi sa kanya, “Luwalhatiin mo ang Diyos. Nalalaman naming makasalanan ang taong ito.”

25 Sumagot siya, “Kung siya'y makasalanan ay hindi ko alam. Isang bagay ang nalalaman ko, bagaman ako'y dating bulag, ngayo'y nakakakita na ako.”

26 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya binuksan ang iyong mga mata?”

27 Kanyang sinagot sila, “Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo nakinig. Bakit ibig ninyong marinig uli? Ibig din ba ninyong maging mga alagad niya?”

28 At siya'y kanilang nilait at sinabi, “Ikaw ay alagad niya, subalit kami'y mga alagad ni Moises.

29 Alam naming nagsalita ang Diyos kay Moises, subalit tungkol sa taong ito, ay hindi namin nalalaman kung saan siya nagmula.”

30 Sumagot ang tao at sa kanila'y sinabi, “Ito ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nagmula, subalit binuksan niya ang aking mga mata.

31 Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, subalit kung ang sinuman ay sumasamba sa Diyos at gumaganap ng kanyang kalooban, ito ang kanyang pinapakinggan.

32 Buhat nang magsimula ang sanlibutan ay hindi narinig kailanman na binuksan ng sinuman ang mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag.

33 Kung ang taong ito'y hindi galing sa Diyos, siya ay hindi makakagawa ng anuman.”

34 Kanilang sinagot siya, “Ipinanganak kang lubos sa kasalanan, at tuturuan mo pa kami?” At siya'y pinalayas nila.

Espirituwal na Pagkabulag

35 Nabalitaan ni Jesus na siya'y pinalayas nila at nang kanyang makita siya, ay sinabi niya, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?”[d]

36 Sumagot siya, “Sino ba siya, Ginoo, upang ako'y sumampalataya sa kanya?”

37 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Siya'y nakita mo na, at siya ang nakikipag-usap sa iyo.”

38 Sinabi niya, “Panginoon, sumasampalataya ako.” At siya'y sumamba sa kanya.

39 Sinabi ni Jesus, “Pumarito ako sa sanlibutang ito para sa paghatol, upang ang mga hindi nakakakita ay makakita, at upang ang mga nakakakita ay maging mga bulag.”

40 Ang ilan sa mga Fariseo na kasama niya ay nakarinig ng mga bagay na ito, at sinabi sa kanya, “Kami ba naman ay mga bulag din?”

41 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mga bulag, hindi kayo magkakaroon ng kasalanan. Subalit ngayong sinasabi ninyo, ‘Kami'y nakakakita,’ nananatili ang inyong kasalanan.”

Mga Awit 113-114

Bilang Pagpupuri sa Kabutihan ng Panginoon

113 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo, O mga lingkod ng Panginoon,
    purihin ang pangalan ng Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat purihin!
Ang Panginoon ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa,
    at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan.

Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos,
    na nakaupo sa itaas,
na nagpapakababang tumitingin
    sa kalangitan at sa lupa?
Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,
    at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,
    mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,
    isang masayang ina ng mga anak.
Purihin ang Panginoon!

114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
    ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
    ang Israel ay kanyang sakop.

Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
    ang Jordan ay umatras.
Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
    ang mga burol na parang mga batang tupa.
Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
    O Jordan, upang umurong ka?
O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
    O mga burol, na parang mga batang tupa?

Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Diyos ni Jacob;
na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
    na bukal ng tubig ang hasaang bato.

Mga Kawikaan 15:15-17

15 Lahat ng mga araw ng naaapi ay kasamaan,
    ngunit siyang may masayahing puso ay laging may kapistahan.
16 Mas mabuti ang kaunti kung may takot sa Panginoon,
    kaysa malaking kayamanan na may kaguluhan doon.
17 Mabuti pa ang pagkaing gulay na may pag-ibig,
    kaysa pinatabang baka na may poot na kalakip.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001