Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 14

Ang Mapangahas na Ginawa ni Jonathan

14 Isang araw, sinabi ni Jonathan na anak ni Saul sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo'y dumaan sa himpilan ng mga Filisteo na nasa kabilang ibayo.” Ngunit hindi niya ipinagbigay-alam sa kanyang ama.

Si Saul ay namamalagi sa mga karatig-pook ng Gibea sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron. Ang mga taong kasama niya ay may animnaraang lalaki,

at si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Icabod, na anak ni Finehas, na anak ni Eli, na pari ng Panginoon sa Shilo, na may suot na efod. Hindi nalalaman ng taong-bayan na si Jonathan ay nakaalis na.

Sa pagitan ng mga lagusan na pinagsikapan ni Jonathan na daanan tungo sa himpilan ng mga Filisteo ay mayroong isang batong maraming tulis sa isang dako at isang batong maraming tulis sa kabilang dako. Ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan ng isa pa ay Sene.

Ang isang tulis ay pataas sa hilaga sa tapat ng Mikmas, at ang isa ay sa timog sa tapat ng Geba.

Sinabi ni Jonathan sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo ay dumaan sa himpilan ng mga hindi tuling ito. Marahil ang Panginoon ay tutulong sa atin sapagkat walang makakahadlang sa Panginoon na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.”

At sinabi sa kanya ng kanyang tagadala ng sandata, “Gawin mo ang lahat ng nasa isip mo; ako'y kasama mo, kung ano ang nasa isip mo ay gayundin ang sa akin.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ngayon ay lampasan natin ang mga lalaking iyon, at ipakita natin ang ating sarili sa kanila.

Kapag sinabi nila sa atin, ‘Maghintay kayo hanggang sa kami ay dumating sa inyo;’ ay maghihintay nga tayo sa ating lugar at hindi aahon sa kanila!

10 Ngunit kapag sinabi nila, ‘Umahon kayo sa amin,’ ay aahon nga tayo sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa ating kamay. Ito ang magiging tanda sa atin.”

11 Kaya't kapwa sila nagpakita sa himpilan ng mga Filisteo. Sinabi ng mga Filisteo, “Tingnan ninyo, ang mga Hebreo ay lumabas sa mga lungga na kanilang pinagtaguan.”

12 Tinawag ng mga lalaki sa himpilan si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata, at sinabi, “Umahon kayo rito at mayroon kaming ipapakita sa inyo.” At sinabi ni Jonathan sa kanyang tagadala ng sandata, “Umahon ka na kasunod ko, sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel.”

13 At umakyat si Jonathan sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at paa at ang kanyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. Ang mga Filisteo[a] ay nabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga iyo'y pinagpapatay ng kanyang tagadala ng sandata na kasunod niya.

14 Sa unang pagpatay na iyon na ginawa ni Jonathan at ng kanyang tagadala ng sandata, may dalawampung lalaki ang napatay sa nasasakupan ng kalahating tudling sa isang acre[b] ng lupa.

15 Nagkaroon ng kaguluhan sa kampo, sa parang, at sa buong bayan. Ang himpilan at ang mga mandarambong ay nanginig din; nayanig ang lupa, at ito'y naging isang napakalaking pagkasindak.

Nagapi ang mga Filisteo

16 Ang mga bantay ni Saul sa Gibea ng Benjamin ay nakamasid habang ang napakaraming tao ay nagpaparoo't parito.

17 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa mga taong kasama niya, “Magbilang kayo ngayon at tingnan ninyo kung sino ang umalis sa atin.” Nang sila'y magbilang, si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata ay wala roon.

18 Sinabi ni Saul kay Achias, “Dalhin dito ang kaban ng Diyos.” Ang kaban ng Diyos nang panahong iyon ay kasama ng mga anak ni Israel.

19 Samantalang nakikipag-usap si Saul sa pari, ang kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo ay lumaki nang lumaki. Sinabi ni Saul sa pari, “Iurong mo ang iyong kamay.”

20 At si Saul at ang buong bayang kasama niya ay nagsama-sama at pumunta sa labanan. Ang tabak ng bawat isa ay laban sa kanyang kapwa at nagkaroon ng malaking pagkalito.

21 Ang mga Hebreo na nakasama ng mga Filisteo nang una pa at umahong kasama nila sa kampo ay pumanig na rin sa mga Israelita na kasama nina Saul at Jonathan.

22 Gayundin, nang mabalitaan ng mga lalaki ng Israel na nagkubli sa lupaing maburol ng Efraim na ang mga Filisteo ay tumakas, sila man ay humabol rin sa kanila sa pakikipaglaban.

23 Kaya't iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon; at ang pakikipaglaban ay lumampas pa sa kabila ng Bet-haven.

Ang Pangyayari Pagkalipas ng Digmaan

24 Ang mga lalaki ng Israel ay namanglaw nang araw na iyon. Sumumpa si Saul sa taong-bayan, na sinasabi, “Sumpain ang taong kumain ng anumang pagkain hanggang sa kinahapunan at ako'y makaganti sa aking mga kaaway.” Kaya't walang sinuman sa bayan ang tumikim ng pagkain.

25 Ang buong bayan ay dumating sa gubat at may pulot sa ibabaw ng lupa.

26 Nang makapasok ang bayan sa gubat, ang pulot ay tumutulo ngunit walang tao na naglagay ng kanyang kamay sa kanyang bibig sapagkat ang taong-bayan ay natakot sa sumpa.

27 Ngunit hindi narinig ni Jonathan nang magbilin ang kanyang ama sa taong-bayan na may sumpa. Kaya't kanyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay at inilubog ito sa pulot, at inilagay ang kanyang kamay sa kanyang bibig, at ang kanyang mga mata ay nagliwanag.

28 Nang magkagayo'y sinabi ng isa sa mga tauhan, “Ang iyong ama ay mahigpit na nagbilin na may sumpa sa taong-bayan, na sinasabi, ‘Sumpain ang taong kumain ng pagkain sa araw na ito.’” At ang taong-bayan ay patang-pata.

29 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ginugulo ng aking ama ang lupain. Tingnan ninyo, kung paanong ang aking mga mata ay nagliwanag nang ako'y tumikim ng kaunti sa pulot na ito.

30 Gaano pa kaya kung ang taong-bayan ay malayang kumain ngayon mula sa sinamsam sa kanilang mga kaaway na kanilang natagpuan. Sa ngayon, ang pagpatay sa mga Filisteo ay hindi gaanong malaki.”

31 Kanilang pinatay ang mga Filisteo nang araw na iyon mula sa Mikmas hanggang sa Aijalon; at ang taong-bayan ay talagang patang-pata.

32 Kaya't ang taong-bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, mga baka, mga guyang baka, at pinagpapatay ang mga iyon sa lupa. Kinain ng taong-bayan ang mga iyon, pati ang dugo.

33 At(A) kanilang sinabi kay Saul, “Tingnan mo, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon dahil sa kanilang pagkain ng may dugo.” At kanyang sinabi, “Kayo'y gumawa ng kasamaan. Igulong ninyo rito ang isang malaking bato sa harapan ko.”

34 At sinabi ni Saul, “Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, ‘Dalhin sa akin dito ng bawat tao ang kanyang baka, at tupa, at patayin dito, at kainin at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkain ng dugo.’” Kaya't dinala ng bawat isa sa buong bayan ang kanyang baka nang gabing iyon at pinatay roon.

35 At nagtayo si Saul ng isang dambana sa Panginoon; iyon ang unang dambana na itinayo niya sa Panginoon.

36 Sinabi ni Saul, “Ating lusungin ang mga Filisteo sa gabi at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong magtira ng isang tao sa kanila.” At kanilang sinabi, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo.” Subalit sinabi ng pari, “Tayo'y lumapit dito sa Diyos.”

37 At si Saul ay sumangguni sa Diyos, “Lulusungin ko ba ang mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel?” Ngunit hindi siya sinagot nang araw na iyon.

38 Sinabi ni Saul, “Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng taong-bayan. Alamin natin kung paano bumangon ang kasalanang ito sa araw na ito.

39 Sapagkat kung paanong buháy ang Panginoon na nagliligtas sa Israel, kahit na ito ay si Jonathan na aking anak, siya ay tiyak na mamamatay.” Ngunit walang sinumang tao sa buong bayan na sumagot sa kanya.

40 Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, “Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako.” At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti para sa iyo.”

41 Kaya(B) sinabi ni Saul, “O Panginoong Diyos ng Israel, bakit hindi mo sinasagot ang iyong lingkod sa araw na ito? Kung ang pagkakasalang ito ay nasa akin o kay Jonathan na aking anak, O Panginoon, Diyos ng Israel, ibigay mo ang Urim. Ngunit kung ang pagkakasala ay nasa iyong bayang Israel, ibigay mo ang Tumim.” At sina Jonathan at Saul ang napili, ngunit ang bayan ay nakaligtas.

42 At sinabi ni Saul, “Magpalabunutan sa pagitan ko at ni Jonathan na aking anak.” At si Jonathan ang napili.

43 Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay Jonathan, “Sabihin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa.” At sinabi ni Jonathan sa kanya, “Talagang ako'y tumikim ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay. Narito ako, ako'y nararapat mamatay.”

44 Sinabi ni Saul, “Gayon ang gawin ng Diyos sa akin at higit pa, sapagkat ikaw ay tiyak na mamamatay, Jonathan!”

45 At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Mamamatay ba si Jonathan, siya na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Huwag nawang mangyari! Habang buháy ang Panginoon, hindi malalaglag kahit ang isang buhok ng kanyang ulo sa lupa, sapagkat siya'y gumawang kasama ng Diyos sa araw na ito.” Kaya't tinubos ng taong-bayan si Jonathan, at siya'y hindi namatay.

46 Pagkatapos ay huminto na si Saul sa pagtugis sa mga Filisteo; at ang mga Filisteo ay umuwi sa kanilang sariling lugar.

Ang Paghahari ni Saul at ang Kanyang Sambahayan

47 Nang makuha na ni Saul ang paghahari sa Israel, nakipaglaban siya sa lahat niyang mga kaaway sa bawat lugar, laban sa Moab, sa mga anak ni Ammon, sa Edom, sa mga hari ng Soba, at laban sa mga Filisteo. Saanman siya bumaling ay kanyang tinatalo sila.

48 Siya'y lumabang may katapangan, pinatay ang mga Amalekita, at iniligtas ang Israel sa kamay ng mga sumamsam sa kanila.

49 Ang mga anak ni Saul ay sina Jonathan, Isui, at Malkishua, at ito ang pangalan ng kanyang dalawang anak na babae: ang pangalan ng panganay ay Merab, at ang pangalan ng nakababata ay Mical;

50 ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam, na anak ni Ahimaaz; at ang pangalan ng kanyang kapitan sa hukbo ay Abner na anak ni Ner, amain ni Saul.

51 Si Kish ang ama ni Saul; at si Ner na ama ni Abner ay anak ni Abiel.

52 Nagkaroon ng mahigpit na pakikipaglaban sa mga Filisteo sa lahat ng mga araw ni Saul; at sa tuwing makakakita si Saul ng sinumang malakas o matapang na lalaki ay kanyang kinukuha upang maglingkod sa kanya.

Juan 7:31-53

31 Gayunma'y marami sa mga tao ang sumampalataya sa kanya at kanilang sinabi, “Pagdating ng Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?”

Nagpadala ng mga Kawal upang Dakpin si Jesus

32 Narinig ng mga Fariseo ang bulung-bulungan ng mga tao tungkol kay Jesus.[a] Nagsugo ang mga punong pari at ang mga Fariseo ng mga kawal upang siya'y hulihin.

33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako ng kaunting panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.

34 Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makakapunta roon.”

35 Kaya't sinabi ng mga Judio sa isa't isa, “Saan pupunta ang taong ito na hindi natin siya matatagpuan? Pupunta kaya siya sa mga lupain kung saan nagkalat[b] ang ating mga kababayan sa lupain ng mga Griyego at magtuturo sa mga Griyego?

36 Ano ang salitang ito na kanyang sinabi, ‘Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makakapunta roon’!”

Mga Daloy ng Tubig na Buháy

37 Nang(A) huling araw ng dakilang araw ng pista, si Jesus ay tumayo at sumigaw na nagsasabi, “Kung ang sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom.

38 Ang(B) sumasampalataya sa akin,[c] gaya ng sinasabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso[d] ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buháy.’”

39 Ngunit ito'y sinabi niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya, sapagkat hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu, sapagkat si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.

40 Nang marinig ng ilan mula sa maraming tao ang mga salitang ito, sila ay nagsabi, “Tunay na ito nga ang propeta.”

41 Sinasabi ng iba, “Ito ang Cristo.” Subalit sinasabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo?

42 Hindi(C) ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa binhi ni David, at mula sa Bethlehem, ang bayan ni David?”

43 Kaya't nagkaroon ng pagkakahati-hati sa maraming tao dahil sa kanya.

44 Nais ng ilan sa kanila na siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya.

Ang Di-Paniniwala ng mga Pinunong Judio

45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at sa mga Fariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dinakip?”

46 Sumagot ang mga kawal, “Kailanma'y walang taong nagsalita nang gayon.”

47 Sinagot sila ng mga Fariseo, “Kayo ba naman ay nailigaw na rin?

48 Mayroon ba sa mga pinuno, o sa mga Fariseo na sumasampalataya sa kanya?

49 Subalit ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga sinumpa.”

50 Sinabi(D) sa kanila ni Nicodemo (iyong pumunta kay Jesus noon at isa sa kanila),

51 “Hinahatulan ba ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya'y atin munang dinggin at alamin kung ano ang kanyang ginagawa?”

52 Sila'y sumagot sa kanya, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Siyasatin mo at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.”

[53 At ang bawat isa sa kanila ay umuwi sa kanya-kanyang sariling bahay.

Mga Awit 109

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

109 Huwag kang manahimik, O Diyos ng aking pagpupuri!
Sapagkat ang masama at mandarayang bibig ay nabuksan laban sa akin,
    na nagsasalita laban sa akin na may dilang sinungaling.
May mga salita ng pagkapoot na ako'y kanilang pinalibutan,
    at lumaban sa akin nang walang kadahilanan.
Kapalit ng aking pag-ibig sila ay mga tagausig ko,
    ngunit ako ay nasa panalangin.
Kaya't ginantihan nila ng masama ang kabutihan ko,
    at pagkapoot sa pag-ibig ko.

“Pumili kayo ng masamang tao laban sa kanya,
    at tumayo nawa ang isang tagausig sa kanyang kanang kamay.
Kapag siya'y nilitis, lumabas nawa siyang nagkasala,
    at ibilang nawang kasalanan ang kanyang dalangin!
Maging(A) kakaunti nawa ang kanyang mga araw,
    kunin nawa ng iba ang kanyang katungkulan.
Ang kanyang mga anak nawa ay maulila,
    at mabalo ang kanyang asawa!
10 Magsilaboy nawa ang kanyang mga anak, at mamalimos;
    at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga guhong tahanan.
11 Samsamin nawa ng nagpapautang ang lahat niyang kayamanan;
    nakawin nawa ang mga bunga ng kanyang paggawa ng mga dayuhan!
12 Wala nawang maging mabait sa kanya;
    ni maawa sa kanyang mga anak na ulila!
13 Maputol nawa ang kanyang susunod na lahi,
    mapawi nawa ang kanyang pangalan sa ikalawang salinlahi!
14 Maalala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kanyang mga magulang,
    huwag nawang mapawi ang kasalanan ng kanyang ina!
15 Malagay nawa silang patuloy sa harapan ng Panginoon,
    at maputol nawa ang kanyang alaala mula sa lupa!
16 Sapagkat hindi niya naalalang magpakita ng kabaitan,
    kundi inusig ang dukha at nangangailangan,
    at ang may bagbag na puso upang patayin.
17 Iniibig niya ang manumpa, kaya't dumating sa kanya!
    At hindi siya nalugod sa pagpapala, kaya't malayo sa kanya!
18 Nagsusuot siya ng sumpa na parang kanyang damit,
    at pumasok sa kanyang katawan na parang tubig,
    sa kanyang mga buto na gaya ng langis!
19 Ito nawa'y maging gaya ng kasuotang kanyang ibinabalabal,
    gaya ng pamigkis na kanyang ipinamimigkis araw-araw!”

20 Ito nawa ang maging ganti sa mga nagbibintang sa akin mula sa Panginoon,
    sa mga nagsasalita ng kasamaan laban sa aking buhay!
21 Ngunit ikaw, O Diyos kong Panginoon,
    gumawa ka para sa akin alang-alang sa iyong pangalan,
    sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti, iligtas mo ako!
22 Sapagkat ako'y dukha at nangangailangan,
    at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y naglalahong gaya ng anino kapag ito'y humahaba,
    ako'y nililiglig na gaya ng balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina dahil sa pag-aayuno,
    ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako(B) nama'y naging hamak sa kanila,
    kapag nakikita nila ako, ang ulo nila ay kanilang iniiling.

26 O Panginoon kong Diyos! Tulungan mo ako;
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig ako ay iligtas mo.
27 Hayaan mong malaman nila na ito'y iyong kamay;
    ikaw, O Panginoon, ang gumawa nito!
28 Hayaang sumumpa sila, ngunit magpala ka!
    Kapag sila'y bumangon sila'y mapapahiya, ngunit ang iyong lingkod ay magagalak!
29 Ang akin nawang mga kaaway ay masuotan ng kawalang-dangal;
    mabalot nawa sila sa kanilang kahihiyan na gaya ng sa isang balabal!
30 Sa pamamagitan ng aking bibig ay magpapasalamat ako nang napakalaki sa Panginoon,
    pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao.
31 Sapagkat siya'y tumatayo sa kanang kamay ng nangangailangan,
    upang iligtas siya sa mga nagsisihatol sa kanyang kaluluwa.

Mga Kawikaan 15:5-7

Hinahamak ng hangal ang turo ng kanyang ama,
    ngunit ang sumusunod sa pangaral ay may karunungan.
Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan,
    ngunit sa mga pakinabang ng masama ay may dumarating na kaguluhan.
Ang mga labi ng marunong ay nagsasabog ng kaalaman,
    ngunit hindi gayon ang mga puso ng hangal.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001