Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 1:1-2:21

Si Elkana at ang Kanyang Sambahayan sa Shilo

May isang lalaking taga-Ramataim-zofim sa lupaing maburol ng Efraim na ang pangalan ay Elkana na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Tohu, na anak ni Zuf na Efraimita.

Siya'y may dalawang asawa. Ang pangalan ng isa'y Ana at ang isa pa ay Penina. Si Penina ay may mga anak ngunit si Ana ay walang anak.

Ang lalaking ito ay pumupunta taun-taon mula sa kanyang lunsod upang sumamba at maghandog sa Panginoon ng mga hukbo sa Shilo, na doon ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ay mga pari ng Panginoon.

Kapag dumarating ang araw na si Elkana ay naghahandog, kanyang binibigyan ng mga bahagi si Penina na kanyang asawa at ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae;

ngunit si Ana ay binibigyan niya ng dobleng bahagi sapagkat minamahal niya si Ana, kahit na sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.

Siya ay labis na ginagalit ng kanyang kaagaw upang inisin siya, sapagkat sinarhan ng Panginoon ang kanyang bahay-bata.

Gayon ang nangyayari taun-taon. Tuwing pupunta siya sa bahay ng Panginoon ay ginagalit niya si Ana. Kaya't si Ana ay tumangis at ayaw kumain.

Sinabi ni Elkana na kanyang asawa, “Ana, bakit ka umiiyak? Bakit hindi ka kumakain? At bakit nalulungkot ang iyong puso? Hindi ba ako'y higit pa sa iyo kaysa sampung anak?”

Si Ana at Eli

Tumindig si Ana, pagkatapos na sila'y makakain at makainom sa Shilo. Noon, si Eli na pari ay nakaupo sa upuan niya sa tabi ng haligi ng pintuan ng templo ng Panginoon.

10 Si Ana[a] ay labis na nabagabag at nanalangin sa Panginoon.

11 Siya'y(A) gumawa ng ganitong panata: “O Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong titingnan ang pagdurusa ng iyong lingkod, at aalalahanin ako at hindi kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa Panginoon sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo.”

12 Habang siya'y patuloy sa pananalangin sa harapan ng Panginoon, pinagmamasdan ni Eli ang kanyang bibig.

13 Si Ana ay tahimik na nananalangin; tanging ang kanyang mga labi ang gumagalaw, ngunit ang kanyang tinig ay hindi naririnig. Kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing.

14 Kaya't sinabi ni Eli sa kanya, “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak.”

15 Ngunit sumagot si Ana, “Hindi, panginoon ko. Ako'y isang babaing lubhang naguguluhan. Hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng Panginoon.

16 Huwag mong ituring na babaing hamak ang iyong lingkod, sapagkat ako'y nagsasalita mula sa aking malaking pagkabalisa at pagkayamot.”

17 Nang magkagayo'y sumagot si Eli at sinabi, “Humayo kang payapa at ipagkaloob nawa sa iyo ng Diyos ng Israel ang kahilingan na idinulog mo sa kanya.”

18 At sinabi niya, “Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin.” Sa gayo'y nagpatuloy ng kanyang lakad ang babae at kumain, at ang kanyang mukha'y hindi na malungkot.

Ipinanganak at Itinalaga si Samuel

19 Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa Panginoon, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng Panginoon.

20 Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel.[b] Sapagkat sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”

21 At ang lalaking si Elkana at ang buong sambahayan niya ay naglakbay upang maghandog sa Panginoon ng taunang alay at upang tuparin ang kanyang panata.

22 Ngunit si Ana ay hindi naglakbay sapagkat sinabi niya sa kanyang asawa, “Sa sandaling ang bata'y maihiwalay sa pagsuso ay dadalhin ko siya upang siya'y humarap sa Panginoon, at manatili roon magpakailanman.”

23 Sinabi sa kanya ni Elkana na kanyang asawa, “Gawin mo ang inaakala mong pinakamabuti sa iyo. Maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa pagsuso; lamang, nawa'y pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita.” Kaya't nanatili ang babae at inalagaan ang kanyang anak hanggang sa kanyang naihiwalay siya sa pagsuso.

24 Nang kanyang maihiwalay na siya sa pagsuso, kanyang isinama siya na may dalang tatlong guyang lalaki, at isang efang harina, at alak sa isang sisidlang balat; at kanyang dinala siya sa bahay ng Panginoon sa Shilo; at ang anak ay bata pa.

25 Pagkatapos ay kanilang pinatay ang guyang lalaki at dinala ang bata kay Eli.

26 Sinabi niya, “O panginoon ko! Habang ikaw ay buháy, aking panginoon, ako ang babaing nakatayo noon sa iyong harapan na dumadalangin sa Panginoon.

27 Dahil sa batang ito ako ay nanalangin, at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking kahilingan na idinulog sa kanya.

28 Kaya't ipinapahiram ko siya sa Panginoon; habang siya'y nabubuhay, siya ay ipinahiram sa Panginoon.” At doon ay sumamba siya sa Panginoon.

Nanalangin si Ana

Si(B) Ana ay nanalangin din at sinabi,

“Nagagalak ang aking puso sa Panginoon;
    ang aking lakas ay itinataas sa Panginoon.
Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway;
    sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan.
“Walang banal na gaya ng Panginoon;
    sapagkat walang iba maliban sa iyo,
    walang batong gaya ng aming Diyos.
Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan;
    huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman,
    at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang.
Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan,
    ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan.
Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay;
    subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam.
Ang baog ay pito ang isinilang,
    ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw.
Ang Panginoon ay pumapatay at bumubuhay;
    siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon.
Ang Panginoon ay nagpapadukha at nagpapayaman;
    siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal.
Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
    itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno,
    at magmana ng trono ng karangalan.
Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon,
    at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan.
“Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal;
    ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman;
    sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay.
10 Ang mga kaaway ng Panginoon ay madudurog;
    laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog.
Hahatulan ng Panginoon ang mga dulo ng lupa;
    bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari,
    at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang.”

11 Pagkatapos si Elkana ay umuwi sa Rama. At ang batang lalaki ay naglingkod sa Panginoon sa harapan ni Eli na pari.

Ang mga Anak ni Eli

12 Ngayon, ang mga anak ni Eli ay mga lapastangan; wala silang pakundangan sa Panginoon,

13 o sa mga katungkulan ng mga pari sa mga taong-bayan. Kapag ang sinuma'y naghahandog ng alay, lumalapit ang lingkod ng pari habang ang laman ay pinakukuluan na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong pantusok.

14 Ilalagay niya ito sa kawali, o sa kawa, o sa kaldero, o sa palayok at lahat ng mahahango ng pantusok ay kukunin ng pari para sa kanyang sarili. Gayon ang ginagawa nila sa Shilo sa lahat ng mga Israelitang nagpupunta roon.

15 Bukod dito, bago nila sunugin ang taba, lalapit ang lingkod ng pari at sasabihin sa lalaking naghahandog, “Bigyan mo ng maiihaw na laman ang pari, sapagkat hindi siya tatanggap mula sa iyo ng lutong laman, kundi hilaw.”

16 Kung sabihin ng lalaki sa kanya, “Sunugin muna nila ang taba at saka ka kumuha ng gusto mo,” ay sasabihin niya, “Hindi, dapat mong ibigay na ngayon; at kung hindi, ay kukunin ko nang sapilitan.”

17 Kaya't ang kasalanan ng mga kabataang iyon ay napakalaki sa harap ng Panginoon; sapagkat winalang kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.

Si Samuel sa Shilo

18 Si Samuel ay naglilingkod sa harap ng Panginoon, isang batang may bigkis na linong efod.

19 At iginagawa siya noon ng kanyang ina ng isang munting balabal at dinadala sa kanya taun-taon, kapag siya'y umaahong kasama ng kanyang asawa upang maghandog ng taunang alay.

20 Binabasbasan naman ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa at sinasabi, “Bigyan ka nawa ng Panginoon ng binhi sa babaing ito para sa kahilingan na kanyang hiniling sa Panginoon.”[c] Pagkatapos sila'y umuuwi sa kanilang sariling bahay.

21 Dinalaw ng Panginoon si Ana at siya'y naglihi, at nagkaanak ng tatlong lalaki at dalawang babae. At ang batang si Samuel ay lumaki sa harapan ng Panginoon.

Juan 5:1-23

Pinagaling ang Isang Lumpo

Pagkaraan nito ay nagkaroon ng pista ang mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.

Sa Jerusalem nga'y may isang tipunan ng tubig sa tabi ng Pintuan ng mga Tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bet-zatha[a] na may limang portiko.

Sa mga ito ay nakahiga ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga lumpo.[b]

[Sapagkat lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tipunan ng tubig at kinakalawkaw ang tubig; at ang unang manaog sa tipunan ng tubig, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na dinaramdam.]

Naroon ang isang lalaki na may tatlumpu't walong taon nang maysakit.

Nang makita ni Jesus na siya'y nakahiga at nalamang siya'y matagal nang may sakit, ay sinabi niya sa kanya, “Ibig mo bang gumaling?”

Sumagot sa kanya ang lalaking may sakit, “Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tipunan ng tubig kapag kinakalawkaw ang tubig; at samantalang ako'y lumalapit ay nakalusong na muna ang iba bago ako.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”

At kaagad gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng Sabbath.

10 Kaya't(A) sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling, “Ngayo'y araw ng Sabbath, at hindi ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan.”

11 Ngunit sila'y sinagot niya, “Ang nagpagaling sa akin ang siyang nagsabi sa akin, ‘Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.’”

12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang taong nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?’”

13 Ngunit hindi nakilala ng taong pinagaling kung sino iyon, sapagkat si Jesus ay umalis na sa maraming tao na naroroon.

14 Pagkatapos ay natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ikaw ay gumaling na; huwag ka nang magkasala, baka may mangyari pa sa iyo na lalong masama.”

15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya.

16 Dahil dito'y inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath.

17 Subalit sinagot sila ni Jesus, “Hanggang ngayo'y patuloy sa paggawa ang aking Ama, at ako'y patuloy rin sa paggawa.”

18 Dahil dito ay lalong pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin sapagkat hindi lamang nilabag niya ang araw ng Sabbath, kundi tinatawag din na kanyang sariling Ama ang Diyos, at ginagawa ang sarili niya na kapantay ng Diyos.

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.

20 Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha.

21 Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya.

22 Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;

23 upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo.

Mga Awit 105:37-45

37 At(A) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
    at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
    sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(B) inilatag ang ulap bilang panakip,
    at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(C) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
    at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(D) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
    ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
    at si Abraham na kanyang lingkod.

43 At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan,
    at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan.
44 At(E) ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
    at inangkin nila ang paggawa ng mga tao,
45 upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin,
    at ang kanyang mga kautusan ay sundin.
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 14:28-29

28 Ang kaluwalhatian ng isang hari ay nasa dami ng taong-bayan,
    ngunit napapahamak ang pinuno kapag walang sambayanan.
29 Ang makupad sa galit ay may malaking kaunawaan,
    ngunit ang madaling magalit ay nagbubunyi ng kahangalan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001