Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 21 - Ruth 1

Mga Asawa para sa mga Benjaminita

21 Ang mga lalaki ng Israel ay sumumpa sa Mizpa na nagsasabi, “Walang sinuman sa atin na magbibigay ng kanyang anak na babae sa Benjamin upang maging asawa.”

Ang taong-bayan ay pumunta sa Bethel at umupo roon hanggang sa kinagabihan sa harap ng Diyos, at inilakas ang kanilang mga tinig, at tumangis nang matindi.

Kanilang sinabi, “O Panginoon, ang Diyos ng Israel, bakit nangyari ito sa Israel, na magkukulang ngayon ng isang lipi ang Israel?”

Kinabukasan, ang bayan ay maagang bumangon, at nagtayo roon ng dambana, at naghandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan.

At sinabi ng mga anak ni Israel, “Sino ang hindi umahon sa lahat ng mga lipi ng Israel sa kapulungan sa Panginoon?” Sapagkat sila'y gumawa ng taimtim na panata tungkol sa hindi aahon sa Panginoon sa Mizpa na sinasabi, “Siya'y tiyak na papatayin.”

Ngunit naawa ang mga anak ni Israel sa Benjamin na kanilang kapatid, at sinabi, “May isang angkan na natanggal sa Israel sa araw na ito.

Paano ang ating gagawing paghanap ng mga asawa sa kanila na naiwan, yamang tayo'y sumumpa sa Panginoon na hindi natin ibibigay sa kanila ang ating mga anak na babae upang maging asawa?”

At kanilang sinabi, “Sino sa mga lipi ng Israel ang hindi umahon sa Panginoon sa Mizpa? Natuklasan na walang pumunta sa kampo sa Jabes-gilead, sa kapulungan.”

Sapagkat nang bilangin ang bayan, wala ang mga naninirahan sa Jabes-gilead.

10 Kaya't nagsugo roon ang kapulungan ng labindalawang libong mandirigma, at iniutos sa kanila, na sinasabi, “Kayo'y humayo, tagain ninyo ng talim ng tabak ang mga mamamayan ng Jabes-gilead, pati ang mga babae at mga bata.

11 Ito ang inyong gagawin. Inyong lubos na lilipulin ang bawat lalaki, at bawat babae na sinipingan ng lalaki.”

12 Kanilang nalaman na ang mga naninirahan sa Jabes-gilead ay apatnaraang dalaga, na hindi nakakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa kanya. Kanilang dinala sila sa kampo sa Shilo na nasa lupain ng Canaan.

13 Pagkatapos ay nagsugo ang buong kapulungan at nagsalita sa mga anak ni Benjamin na nasa bato ng Rimon, at nagpahayag ng kapayapaan sa kanila.

14 Bumalik ang Benjamin nang panahong iyon, at kanilang ibinigay sa kanila ang mga babaing kanilang iniligtas na buháy sa mga babae ng Jabes-gilead. Gayunma'y hindi sila sapat para sa kanila.

15 At ang bayan ay naawa sa Benjamin, sapagkat ang Panginoon ay gumawa ng sira sa mga lipi ng Israel.

16 Nang magkagayo'y sinabi ng matatanda ng kapulungan, “Paano ang ating gagawing paghanap ng asawang babae para sa natitira, yamang wala ng nalalabing babae sa Benjamin?”

17 Kanilang sinabi, “Nararapat magkaroon ng tagapagmana para sa naligtas sa Benjamin, upang ang isang lipi ay huwag mapawi sa Israel.

18 Gayunman ay hindi natin maibibigay na asawa sa kanila ang ating mga anak na babae.” Sapagkat ang mga anak ni Israel ay sumumpa, na nagsasabi, “Sumpain ang magbigay ng asawa sa Benjamin.”

19 Kaya't kanilang sinabi, “Narito, may magaganap na taun-taong pagdiriwang sa Panginoon sa Shilo, na nasa hilaga ng Bethel, sa dakong silangan ng lansangan na paahon sa Shekem mula sa Bethel, at sa timog ng Lebona.”

20 At kanilang iniutos sa mga anak ni Benjamin na sinasabi, “Kayo'y humayo at mag-abang sa mga ubasan.

21 At bantayan ninyo, kapag ang mga anak na babae sa Shilo ay lumabas upang sumayaw, lumabas kayo sa ubasan at kumuha ang bawat lalaki sa inyo ng kanyang asawa sa mga anak sa Shilo, at pumunta kayo sa lupain ng Benjamin.

22 Kapag ang kanilang mga magulang o ang kanilang mga kapatid ay naparito upang magreklamo ay aming sasabihin sa kanila, ‘Ipagkaloob na ninyo sila sa amin, sapagkat hindi kami kumuha ng asawa para sa bawat isa sa kanila sa pakikipaglaban. Gayunman, hindi rin kayo magkakasala sa pagbibigay sa inyong mga anak na babae sa kanila.’”

23 At gayon ang ginawa ng mga anak ni Benjamin at kanilang kinuha silang asawa ayon sa kanilang bilang, mula sa mga sumasayaw na kanilang dinala. Sila'y umalis at nagbalik sa kanilang nasasakupan, at muling itinayo ang mga bayan, at nanirahan doon.

24 At umalis ang mga anak ni Israel mula roon nang panahong iyon, bawat lalaki ay sa kanyang lipi at sa kanyang angkan, at umalis mula roon ang bawat lalaki at umuwi sa kanilang nasasakupan.

25 Nang(A) mga araw na iyon ay walang hari sa Israel; ginawa ng bawat tao kung ano ang matuwid sa kanyang sariling paningin.

Si Elimelec at ang Kanyang Sambahayan sa Moab

At nangyari nang mga araw na ang mga hukom ang namumuno, nagkaroon ng taggutom sa lupain. Isang lalaking taga-Bethlehem sa Juda ang umalis upang manirahan sa lupain ng Moab, siya, ang kanyang asawa, at ang kanyang dalawang anak na lalaki.

Ang pangalan ng lalaki ay Elimelec, ang kanyang asawa ay si Naomi, at ang pangalan ng kanyang dalawang anak ay Malon at Chilion. Sila ay mga Efrateo mula sa Bethlehem sa Juda. Sila'y pumunta sa lupain ng Moab at nanatili roon.

Ngunit si Elimelec na asawa ni Naomi ay namatay. Si Naomi ay naiwang kasama ang kanyang dalawang anak.

Sila'y nag-asawa ng mga babae mula sa Moab. Ang pangalan ng isa'y Orfa, at ang ikalawa ay Ruth. Sila'y nanirahan doon nang may sampung taon.

Kapwa namatay sina Malon at Chilion, kaya't ang babae ay naiwan ng kanyang dalawang anak at ng kanyang asawa.

Nang magkagayon, siya at ang kanyang dalawang manugang ay nagsimulang bumalik mula sa lupain ng Moab sapagkat kanyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kanyang bayan at binigyan sila ng pagkain.

Kaya't siya'y umalis sa dakong kanyang kinaroroonan, kasama ang kanyang dalawang manugang at sila'y naglakbay pabalik sa lupain ng Juda.

Subalit sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Bawat isa sa inyo ay bumalik na sa bahay ng inyu-inyong ina. Gawan nawa kayo ng mabuti ng Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.

Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makatagpo ng kapahingahan, bawat isa sa inyo sa bahay ng kanyang asawa.” Pagkatapos ay kanyang hinagkan sila, at inilakas nila ang kanilang tinig at sila'y nag-iyakan.

10 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.”

11 Ngunit sinabi ni Naomi, “Kayo'y bumalik na, mga anak ko. Bakit kayo sasama sa akin? May mga anak pa ba ako sa aking sinapupunan na magiging inyong mga asawa?

12 Kayo'y bumalik na, mga anak ko, magpatuloy kayo sa inyong lakad sapagkat ako'y napakatanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, ako'y may pag-asa, kahit pa ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkaanak man,

13 maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? Nangangahulugan ba na hindi na muna kayo mag-aasawa? Huwag, mga anak ko! Magdaramdam akong mabuti dahil sa inyo, sapagkat ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa akin.”

14 Kaya't inilakas nila ang kanilang tinig at muling nag-iyakan. Hinagkan ni Orfa ang kanyang biyenan; ngunit si Ruth ay yumakap sa kanya.

Sina Naomi at Ruth ay Bumalik sa Juda

15 Sinabi niya, “Tingnan mo, ang iyong bilas ay bumalik na sa kanyang mga kababayan, at sa kanyang mga diyos; sumunod ka na sa iyong bilas.”

16 Ngunit sinabi ni Ruth, “Huwag mo akong pakiusapan na kita'y iwan, o talikuran ko na ang pagsunod sa iyo! Kung saan ka pupunta ay doon ako pupunta; kung saan ka nakatira ay doon ako maninirahan; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.

17 Kung saan ka mamatay ay doon ako mamamatay, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin ng Panginoon sa akin at higit pa, kahit na ihiwalay ako ng kamatayan sa iyo.”

18 Nang makita ni Naomi na nakapagpasiya na siyang sumama sa kanya, wala na siyang sinabi.

19 Sa gayo'y nagpatuloy silang dalawa hanggang sa sila'y makarating sa Bethlehem. Nang sila'y makarating sa Bethlehem, ang buong bayan ay nagkagulo dahil sa kanila; at sinabi ng mga babae, “Ito ba si Naomi?”

20 Sinabi niya sa kanila, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi. Tawagin ninyo akong Mara,[a] sapagkat pinakitunguhan ako nang may kapaitan ng Makapangyarihan sa lahat.[b]

21 Ako'y umalis na punó, ngunit ako'y pinauwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Naomi, gayong ang Panginoon ay nakitungo ng marahas sa akin, at pinagdalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?”

22 Sa gayo'y nagbalik si Naomi at Ruth na Moabita, na kanyang manugang na kasama niya, mula sa lupain ng Moab. Sila'y dumating sa Bethlehem sa pasimula ng pag-aani ng sebada.

Juan 4:4-42

Subalit kailangang dumaan siya sa Samaria.

Sumapit(A) siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak.

Naroon ang balon ni Jacob. Nang pagod na si Jesus sa kanyang paglalakbay, naupo siya sa tabi ng balon. Noon ay malapit nang magtanghaling-tapat.

Dumating ang isang babaing Samaritana upang umigib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bigyan mo ako ng inumin.”

Sapagkat ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lunsod upang bumili ng pagkain.

Sinabi(B) sa kanya ng babaing Samaritana, “Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? (Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.)[a]

10 Sumagot si Jesus, “Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng inumin;’ ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy.”

11 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ka ngayon kukuha ng tubig na buháy?

12 Higit ka bang dakila kaysa sa aming amang si Jacob na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop?”

13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang bawat uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw,

14 subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.

15 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako'y hindi na mauhaw o pumarito pa upang umigib.”

16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umalis ka na! Tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.”

17 Ang babae ay sumagot sa kanya, “Wala akong asawa.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sabi mo, ‘Wala akong asawa;’

18 sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang sinabi mong ito.”

19 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.

20 Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem.”

21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem.

22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala. Sinasamba namin ang nakikilala namin sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio.

23 Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.

24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”

25 Sinabi ng babae sa kanya, “Nalalaman ko na darating ang Mesiyas (ang tinatawag na Cristo). Pagdating niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.”

26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako nga iyon na kumakausap sa iyo!”

27 Nang oras na iyon ay dumating ang kanyang mga alagad. Sila'y nagtaka na siya'y nakikipag-usap sa isang babae, subalit walang nagsabi, “Ano ang gusto mo?” o, “Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?”

28 Kaya't iniwan ng babae ang kanyang banga ng tubig at pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao,

29 “Halikayo, tingnan ninyo ang isang tao na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Ito na nga kaya ang Cristo?”

30 Lumabas sila sa lunsod, at pumunta sa kanya.

31 Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, kumain ka.”

32 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman.”

33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain.

35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid[b] at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.

36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.

37 Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, ‘Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’

38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran.”

39 At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae, na nagpatotoo, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.”

40 Kaya nang dumating sa kanya ang mga Samaritano, nakiusap sila sa kanya na manatili sa kanila; at siya'y nanatili roon ng dalawang araw.

41 At marami pang sumampalataya sa kanya dahil sa kanyang salita.

42 Sinabi nila sa babae, “Ngayo'y sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi, sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”

Mga Awit 105:1-15

Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(A)

105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
    ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
    sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
    magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
    patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
    ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
    mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!

Siya ang Panginoon nating Diyos;
    ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
    ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
    ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(C) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
    sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
    bilang iyong bahaging pinakamana.”
12 Nang sila'y iilan lamang sa bilang;
    at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan;
13 na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa,
    mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi(D) niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan;
    sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili:
15 “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran;
    ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.”

Mga Kawikaan 14:24-25

24 Ang korona ng pantas ay ang kanilang kayamanan,
    ngunit kahangalan ang putong ng mga hangal.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay,
    ngunit taksil ang nagsasalita ng kasinungalingan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001