Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the MEV. Switch to the MEV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 19-20

Kinuha ng Isang Levita ang Kanyang Asawang-lingkod

19 Nang mga araw na iyon, nang walang hari sa Israel, may isang Levita na naninirahan sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim, ang kumuha ng asawang-lingkod mula sa Bethlehem sa Juda.

Ngunit ang kanyang asawang-lingkod ay nagalit sa kanya[a] at iniwan siya at nagtungo sa bahay ng kanyang ama sa Bethlehem sa Juda, at nanatili roon sa loob ng apat na buwan.

Ang kanyang asawa ay humayo at sumunod sa kanya, upang makiusap na mabuti sa kanya na bumalik siya. Kasama niya ang kanyang tauhan at ang dalawang magkatuwang na asno. Nang makarating siya sa bahay ng kanyang ama, nakita siya ng ama ng asawang-lingkod, at magalak nitong sinalubong siya.

Pinigil siya ng kanyang biyenan, ng ama ng asawang-lingkod; at siya'y nanatiling kasama niya ng tatlong araw. Sa gayon sila'y nagkainan at nag-inuman, at nanatili roon.

Kinaumagahan nang ikaapat na araw, sila'y bumangong maaga, at siya'y naghanda upang humayo. Sinabi ng ama ng babae sa kanyang manugang, “Palakasin mo muna ang iyong sarili ng kaunting pagkain, at pagkatapos ay saka kayo lumakad.”

Sa gayo'y naupo silang dalawa, at kumain at uminom na magkasama, at sinabi ng ama ng babae sa lalaki, “Bakit hindi ka muna magpalipas dito ng buong gabi at magsaya?”

Nang ang lalaki ay tumayo upang umalis; pinigil siya ng kanyang biyenan at siya'y tumigil uli roon.

Kinaumagahan nang ikalimang araw, siya'y maagang bumangon upang umalis, at sinabi ng ama ng babae, “Palakasin mo ang iyong sarili.” Kaya't sila'y nanatili hanggang sa dumilim ang araw, at ang dalawa ay kumain.

Nang ang lalaki at ang kanyang asawang-lingkod, at ang kanyang tauhan ay tumayo upang umalis ay sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, “Tingnan ninyo, gumagabi na. Dito na kayo magpalipas ng gabi. Tingnan ninyo ang araw ay lumulubog na. Dito na kayo magpalipas ng gabi at kayo ay magsaya. Bukas ay maaga kayong bumangon para sa inyong paglakad, at kayo'y umuwi na.”

10 Ngunit ayaw ng lalaki na magpalipas ng gabi, kundi siya'y tumindig at umalis at nakarating sa tapat ng Jebus (na siyang Jerusalem). May dala siyang dalawang magkatuwang na asno at ang kanyang asawang-lingkod ay kasama niya.

11 Nang sila'y nasa tabi na ng Jebus, ang araw ay lumulubog at sinabi ng tauhan sa kanyang panginoon, “Dito na tayo sa bayan ng mga Jebuseo, at magpalipas ng gabi rito.”

12 Sinabi ng kanyang panginoon sa kanya, “Hindi tayo pupunta sa bayan ng mga dayuhan, na hindi kabilang sa mga anak ni Israel; kundi magpapatuloy tayo hanggang sa Gibea.”

13 At sinabi niya sa kanyang alipin, “Halika at sikapin nating marating ang isa sa mga dakong ito; at tayo'y magpapalipas ng gabi sa Gibea o sa Rama.”

14 Sa gayo'y nagdaan sila at nagpatuloy ng kanilang paglakad, at nilubugan sila ng araw sa malapit sa Gibea, na sakop ng Benjamin.

15 Sila'y lumiko roon, upang pumasok at nagpalipas ng gabi sa Gibea. Sila'y pumasok at umupo sa liwasan ng lunsod, sapagkat walang taong magpatuloy sa kanila.

16 Kinagabihan, may dumating na isang matandang lalaki na galing sa kanyang paggawa sa bukid. Ang lalaki ay taga-lupaing maburol ng Efraim at naninirahan sa Gibea; ang mga tao sa dakong iyon ay mga Benjaminita.

17 Nang tumingin ang matandang lalaki at nakita niya ang manlalakbay sa liwasan ng lunsod ay itinanong niya, “Saan ka pupunta? At saan ka nanggaling?”

18 At sinabi niya sa kanya, “Kami ay nagdaraan mula sa Bethlehem sa Juda na patungo sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim na aking pinanggalingan. Ako'y galing sa Bethlehem sa Juda at ako'y patungo sa bahay ng Panginoon,[b] at walang taong magpatuloy sa akin.

19 Kami ay may dayami at damo para sa aming mga asno at may tinapay at alak naman para sa akin, sa lingkod na babae, at sa kabataang kasama namin. Wala na kaming kailangan pa.”

20 At sinabi ng matandang lalaki, “Kapayapaan nawa ang sumaiyo; ipaubaya mo sa akin ang lahat ng iyong mga pangangailangan; huwag ka lamang magpalipas ng gabi sa liwasan.”

21 Kanyang pinapasok sila sa kanyang bahay at binigyan ng pagkain ang mga asno. Sila'y naghugas ng kanilang mga paa, kumain at uminom.

Ang Kahalayang Ginawa sa Gibea

22 Samantalang(A) sila'y nagkakasayahan, pinalibutan ng masasamang tao sa lunsod ang bahay at pinaghahampas ang pintuan. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, “Ilabas mo ang lalaking pumasok sa iyong bahay upang makilala namin siya.”

23 At lumabas sa kanila ang lalaki, ang may-ari ng bahay at sinabi sa kanila, “Huwag, mga kapatid ko. Isinasamo ko sa inyong huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan; yamang ang lalaking ito'y aking panauhin, ay huwag ninyong gawin ang gayong kasamaan.

24 Narito ang aking anak na dalaga, at ang asawang-lingkod ng lalaki.[c] Ilalabas ko sila ngayon; halayin ninyo, at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo. Ngunit sa lalaking ito ay huwag kayong gumawa ng anumang masama.”

25 Ngunit hindi siya pinakinggan ng mga lalaki. Sa gayo'y hinawakan ng lalaki ang kanyang asawang-lingkod at inilabas sa kanila. Kanilang sinipingan[d] siya at hinalay buong gabi hanggang sa kinaumagahan; at nang magbukang-liwayway ay kanilang pinaalis siya.

26 Nang mag-uumaga na, dumating ang babae, at nabuwal sa pintuan ng bahay ng lalaki, na kinaroroonan ng kanyang panginoon, hanggang sa magliwanag.

27 Kinaumagahan, bumangon ang kanyang panginoon at binuksan ang mga pinto ng bahay. Nang siya'y lumabas upang magpatuloy sa kanyang lakad, naroon ang kanyang asawang-lingkod ay nakabuwal sa pintuan ng bahay, na ang mga kamay ay nasa bungad.

28 At sinabi niya sa kanya, “Bumangon ka at umalis na tayo.” Ngunit walang sagot. Nang magkagayo'y kanyang isinakay ang babae sa asno; at ang lalaki ay tumindig at nagpatuloy pauwi sa kanilang tahanan.

29 Nang(B) siya'y makapasok sa kanyang bahay, ay kumuha siya ng isang patalim, at paghawak niya sa kanyang asawang-lingkod ay kanyang pinagputul-putol ito sa labindalawang bahagi; at ipinadala siya sa lahat ng nasasakupan ng Israel.

30 At ang lahat ng nakakita nito ay nagsabi, “Walang ganitong bagay na nangyari o nakita man mula sa araw na umahon ang mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito. Pag-isipan ninyo ito, pag-usapan at magsalita kayo.”

Nagpasiya ang Bayan na Parusahan ang mga Nagkasala

20 Nang magkagayo'y lumabas ang lahat ng mga anak ni Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at ang kapulungan ay nagtipon sa Panginoon gaya ng isang tao sa Mizpa, kabilang ang lupain ng Gilead.

Ang mga pinuno ng buong bayan, ang lahat ng mga lipi ng Israel ay humarap sa kapulungan ng bayan ng Diyos, na apatnaraang libong lalaki na humahawak ng tabak.

(Nabalitaan ng mga anak ni Benjamin na umahon ang mga anak ni Israel sa Mizpa.) At sinabi ng mga anak ni Israel, “Sabihin ninyo sa amin kung paanong ang kasamaang ito ay nangyari?”

Ang Levita na asawa ng babaing pinatay ay sumagot at kanyang sinabi, “Ako at ang aking asawang-lingkod ay dumating sa Gibea na sakop ng Benjamin upang magpalipas ng gabi.

Bumangon ang mga lalaki sa Gibea laban sa akin, at kinubkob ang bahay sa palibot laban sa akin nang kinagabihan. Ako'y kanilang pinag-isipang patayin, at kanilang hinalay ang aking asawang-lingkod, at siya'y namatay.

Kaya't aking kinuha ang aking asawang-lingkod at aking pinagputul-putol, at ipinadala ko sa buong lupain ng mana ng Israel, sapagkat sila'y gumawa ng karumaldumal at ng kahalayan sa Israel.

Kaya't ngayon, kayong mga anak ni Israel, kayong lahat, ibigay ninyo rito ang inyong payo at pasiya rito.”

At ang buong bayan ay tumindig na parang isang tao na nagsasabi, “Hindi babalik ang sinuman sa amin sa kanyang tolda, ni uuwi man ang sinuman sa amin sa kanyang bahay.

Kundi ngayo'y ito ang aming gagawin sa Gibea; aahon kami laban sa kanya sa pamamagitan ng palabunutan.

10 Kukuha kami ng sampung lalaki sa isandaan, sa lahat ng mga lipi ng Israel, at isandaan sa bawat isang libo, at isang libo sa bawat sampung libo, upang ipagbaon ng pagkain ang taong-bayan, upang sa kanilang pagtungo ay pagbayarin nila ang Gibea ng Benjamin ayon sa lahat ng kahihiyan na kanilang ginawa sa Israel.”

11 Sa gayo'y nagtipon ang lahat ng mga lalaki ng Israel laban sa lunsod na iyon, na nagkakaisang parang isang tao.

12 At nagsugo ang mga lipi ng Israel ng mga lalaki sa buong lipi ng Benjamin, na sinasabi, “Anong kasamaan ito na nangyari sa gitna ninyo?

13 Ngayon nga'y ibigay ninyo ang mga lalaki, ang masasamang tao na nasa Gibea upang aming patayin sila, at alisin ang kasamaan sa Israel.” Ngunit hindi pinakinggan ng mga anak ni Benjamin ang tinig ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Israel.

14 Nagtipon ang mga anak ni Benjamin sa mga lunsod na patungo sa Gibea upang lumabas sa pakikidigma laban sa mga anak ni Israel.

15 Ang mga anak ni Benjamin ay bumilang nang araw na iyon sa kanilang mga bayan, ng dalawampu't anim na libong lalaki na humahawak ng tabak, bukod pa ang mga naninirahan sa Gibea na bumilang ng pitong daang piling lalaki.

16 Sa kabuuan ng hukbong ito ay may pitong daang piling lalaki na kaliwete; na bawat isa'y nakakapaghagis ng bato sa isang buhok, at hindi sumasala.

17 Ang mga lalaki sa Israel, bukod pa ang sa Benjamin, ay nakabilang ng apatnaraang libong lalaki na humahawak ng tabak; lahat ng mga ito ay mga lalaking mandirigma.

18 At ang mga anak ni Israel ay umahon sa Bethel upang sumangguni sa Diyos; at kanilang sinabi, “Sino ang unang aahon sa amin upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin?” At sinabi ng Panginoon, “Ang Juda ang unang aahon.”

19 Kinaumagahan, bumangon ang mga anak ni Israel, at nagkampo sa tapat ng Gibea.

20 Lumabas ang mga lalaki ng Israel upang makipaglaban sa Benjamin; at humanay ang mga lalaki ng Israel sa Gibea, sa pakikipaglaban sa kanila.

21 Lumabas ang mga anak ni Benjamin sa Gibea at ang napatay sa mga Israelita sa araw na iyon ay dalawampu't dalawang libong lalaki.

22 Ngunit ang bayan, ang mga lalaki ng Israel ay nagpakatapang, at muling humanay sa pakikipaglaban sa dakong pinagtipunan nila nang unang araw.

23 At umahon ang mga anak ni Israel, at umiyak sa harap ng Panginoon hanggang sa kinahapunan. Sila'y sumangguni sa Panginoon, na sinasabi “Lalapit ba uli ako upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid?” At sinabi ng Panginoon, “Umahon ka laban sa kanila.”

24 Kaya't muling sumalakay ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikalawang araw.

25 At lumabas ang Benjamin sa Gibea laban sa kanila nang ikalawang araw, at nakapatay muli sa mga anak ni Israel ng labingwalong libong lalaki; lahat ng mga ito ay may sandata.

26 Nang magkagayo'y umahon ang lahat ng mga anak ni Israel, ang buong bayan, bumalik sa Bethel, umiyak, at umupo roon sa harap ng Panginoon. Nag-ayuno nang araw na iyon hanggang sa gabi. Sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan sa harap ng Panginoon.

27 At itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon (sapagkat ang kaban ng tipan ng Diyos ay naroon nang mga araw na iyon,

28 at si Finehas na anak ni Eleazar na anak ni Aaron, ang naglilingkod nang mga araw na iyon,) na sinasabi, “Lalabas ba akong muli upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid, o titigil na ako?” At sinabi ng Panginoon, “Umahon ka, sapagkat bukas ay ibibigay ko siya sa iyong kamay.”

29 Kaya't ang Israel ay naglagay ng mananambang sa buong palibot ng Gibea.

30 At umahon ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikatlong araw, at humanay laban sa Gibea, gaya ng dati.

31 Nilabanan ng mga anak ni Benjamin ang taong-bayan, at sila'y inilayo sa lunsod. Gaya ng dati, kanilang pinasimulang saktan ang taong-bayan sa mga pangunahing lansangan, na ang isa'y paahon sa Bethel, at ang isa'y sa Gibea, gayundin sa parang at nakapatay ng halos tatlumpung lalaki ng Israel.

32 At inakala ng mga anak ni Benjamin, “Sila'y nagapi sa harapan natin, gaya ng una.” Ngunit sinabi ng mga anak ni Israel, “Tayo'y tumakas at ilayo natin sila mula sa bayan patungo sa mga lansangan.”

33 Ang malaking bahagi ng mga Israelita ay umatras patungo sa Baal-tamar samantalang ang mga Israelita na nakaabang ay lumabas mula sa kanilang lugar, sa kanluran ng Geba.

34 At dumating laban sa Gibea ang sampung libong piling lalaki ng Israel, at ang paglalaban ay tumindi, ngunit hindi nalalaman ng mga Benjaminita na ang kapahamakan ay malapit na sa kanila.

35 Ginapi ng Panginoon ang Benjamin sa harap ng Israel; at ang pinatay ng mga anak ni Israel sa Benjamin nang araw na iyon ay dalawampu't limang libo at isandaang lalaki. Lahat ng mga ito ay may sandata.

Ang Benjamin ay Tinalo

36 Sa gayo'y nakita ng mga anak ni Benjamin na sila'y nagapi. Binigyang kaluwagan ng mga lalaki ng Israel ang Benjamin, sapagkat sila'y umaasa sa mga nakaabang na kanilang inilagay laban sa Gibea.

37 Mabilis na sumalakay ang mga nag-aabang sa Gibea at pinagtataga ang lahat ng tao sa lunsod.

38 Nagkaroon ng kasunduan ang mga anak ng Israel at ang mga nakaabang, na kapag sila'y nagpailanglang ng makapal na usok mula sa bayan,

39 ang mga lalaki ng Israel ay dapat humarap para sa pakikipaglaban. Noon ay pinasisimulan nang saktan at patayin ng Benjamin ang may tatlumpung lalaki ng Israel. At kanilang sinabi, “Tiyak na sila'y natalo sa harap natin gaya nang unang pakikipaglaban.”

40 Ngunit nang ang hudyat na haliging usok ay magpasimulang pumailanglang mula sa bayan, ang mga Benjaminita ay lumingon sa likuran nila, at nakita nila na ang buong bayan ay nasusunog hanggang sa langit.

41 Humarap ang mga lalaki ng Israel, at ang mga lalaki ng Benjamin ay natakot, sapagkat kanilang nakita na ang kasamaan ay malapit na sa kanila.

42 Kaya't sila'y tumalikod papalayo sa mga lalaki ng Israel patungo sa ilang; ngunit inabutan sila ng labanan at ang mga lumabas sa mga bayan ang lumipol sa kanila sa gitna ng ilang.

43 Kanilang pinalibutan ang mga Benjaminita at kanilang hinabol at kanilang inabutan sa pahingang dako hanggang sa tapat ng Gibea, sa dakong sinisikatan ng araw.

44 At ang napatay sa Benjamin ay labingwalong libong lalaki; lahat ng mga ito ay mga matatapang na mga mandirigma.

45 Nang sila'y lumiko at tumakas sa dakong ilang sa bato ng Rimon limang libong lalaki sa kanila ang napatay sa mga pangunahing lansangan at sila'y hinabol hanggang sa Gidom, at napatay sa kanila ang dalawang libong lalaki.

46 Kaya't lahat ng napatay nang araw na iyon sa Benjamin ay dalawampu't limang libong lalaki na may sandata; lahat ng mga ito ay mga matatapang na mandirigma.

47 Ngunit animnaraang lalaki ang bumalik at tumakas sa dakong ilang sa bato ng Rimon, at nanatili sa bato ng Rimon sa loob ng apat na buwan.

48 Binalikan ng mga lalaki ng Israel ang mga anak ni Benjamin at sila'y pinagtataga, ang buong lunsod, ang mga tao, ang kawan, at ang lahat ng kanilang natagpuan. Bukod dito'y ang lahat ng mga bayan na kanilang natagpuan ay kanilang sinunog.

Juan 3:22-4:3

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo

22 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon ay nanatili siyang kasama nila at nagbabautismo.

23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat doo'y maraming tubig. Ang mga tao'y pumunta roon at nabautismuhan.

24 Sapagkat(A) si Juan ay hindi pa ipinapasok sa bilangguan.

25 Noon ay nagkaroon ng isang pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paglilinis.

26 Sila'y lumapit kay Juan, at sa kanya'y sinabi, “Rabi, iyong kasama mo sa kabila ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo at ang lahat ay lumalapit sa kanya.”

27 Sumagot si Juan, “Hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kanya mula sa langit.

28 Kayo(B) mismo ay aking mga saksi na sinabi kong, ‘Hindi ako ang Cristo, kundi ako'y sinugong una sa kanya.’

29 Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ngunit ang kaibigan ng lalaking ikakasal na nakatayo at nakikinig sa kanya ay lubos na nagagalak dahil sa tinig ng lalaking ikakasal. Kaya't ang kaligayahan kong ito ay ganap na.

30 Siya'y kailangang tumaas, nguni't ako'y kailangang bumaba.”[a]

Siya na Mula sa Langit

31 Ang nanggagaling sa itaas ay mataas sa lahat, ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa; ang nanggagaling sa langit ay mataas sa lahat.

32 Nagpapatotoo siya ng kanyang nakita at narinig, ngunit walang taong tumatanggap ng kanyang patotoo.

33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay[b] dito na ang Diyos ay totoo.

34 Sapagkat siya na sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, sapagkat hindi niya sinusukat ang pagbibigay niya ng Espiritu.

35 Minamahal(C) ng Ama ang Anak at inilagay sa kanyang kamay ang lahat ng mga bagay.

36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanya.

Si Jesus at ang Babaing Samaritana

Nang malaman ni Jesus[c] na nabalitaan ng mga Fariseo na siya ay gumagawa at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan,

(kahit hindi nagbabautismo si Jesus, kundi ang kanyang mga alagad)

umalis siya sa Judea at muling bumalik sa Galilea.

Mga Awit 104:24-35

24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
    Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
    ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
    na punô ng mga bagay na di mabilang,
    ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(A) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
    at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.

27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
    upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
    iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
    iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
    at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
    at iyong binabago ang balat ng lupa.

31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
    magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
    na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
    ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
    para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
    at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 14:22-23

22 Hindi ba nagkakamali silang kumakatha ng kasamaan?
    Ngunit katapatan at katotohanan ay sasakanila na kumakatha ng kabutihan.
23 Sa lahat ng pagsisikap ay may pakinabang,
    ngunit ang pagsasalita lamang ay naghahatid sa kahirapan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001