Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 11-12

Si Jefta ay Ginawang Pinuno

11 Si Jefta na Gileadita ay isang malakas na mandirigma, ngunit siya'y anak ng isang upahang babae.[a] Si Gilead ang ama ni Jefta.

Ang asawa ni Gilead ay nagkaanak sa kanya ng mga lalaki. Nang lumaki ang mga anak ng kanyang asawa ay kanilang pinalayas si Jefta, at sinabi nila sa kanya, “Ikaw ay hindi magmamana sa sambahayan ng aming ama sapagkat ikaw ay anak ng ibang babae.”

Nang magkagayo'y tumakas si Jefta sa kanyang mga kapatid, at tumira sa lupain ng Tob. Doon ay nakasama ni Jefta ang mga lalaking bandido at sumasalakay na kasama niya.

Pagkaraan ng ilang panahon, ang mga anak ni Ammon ay nakipagdigma sa Israel.

Nang lumaban ang mga anak ni Ammon sa Israel, ang mga matanda sa Gilead ay naparoon upang sunduin si Jefta mula sa lupain ng Tob.

At kanilang sinabi kay Jefta, “Halika't ikaw ang maging pinuno namin upang kami ay makalaban sa mga anak ni Ammon.”

Subalit sinabi ni Jefta sa matatanda sa Gilead, “Di ba kayo'y napoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Kung gayo'y bakit kayo naparito sa akin ngayong kayo'y nasa paghihirap?”

At sinabi ng matatanda sa Gilead kay Jefta, “Kaya kami ay bumabalik sa iyo ngayon ay upang makasama ka namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pinuno naming lahat na taga-Gilead.”

Sinabi ni Jefta sa mga matanda sa Gilead, “Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay sila ng Panginoon sa harap ko, magiging pinuno ba ninyo ako?”

10 At sinabi kay Jefta ng matatanda sa Gilead, “Ang Panginoon ang maging saksi natin. Tiyak na aming gagawin ang ayon sa iyong salita.”

11 Kaya't si Jefta ay umalis na kasama ng matatanda sa Gilead, at ginawa nila siyang pinuno at sinabi ni Jefta sa Mizpa ang lahat ng kanyang salita sa harap ng Panginoon.

Ang Sugo sa Hari ng Ammon

12 At nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, “Anong mayroon ka laban sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain?”

13 Sinagot ng hari ng mga anak ni Ammon ang mga sugo ni Jefta, “Sapagkat sinakop ng Israel ang aking lupain nang siya'y umahon galing sa Ehipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan. Kaya't ngayo'y isauli mo nang payapa ang mga lupaing iyon.”

14 Muling nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon.

15 At kanyang sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Jefta, Hindi inagaw ng Israel ang lupain ng Moab, o ang lupain ng mga anak ni Ammon;

16 kundi nang sila'y umahon mula sa Ehipto, ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Pula, at dumating sa Kadesh,

17 Nagpadala(A) noon ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, ‘Ipinapakiusap ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain,’ ngunit hindi ito pinakinggan ng hari ng Edom. Nagsugo siya sa hari ng Moab. Ngunit tumanggi siya at ang Israel ay tumahan sa Kadesh.

18 Nang(B) magkagayo'y naglakad sila sa ilang at lumigid sa lupain ng Edom at Moab. Dumaan sila sa dakong silangan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon, ngunit hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab sapagkat ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab.

19 Nagpadala(C) noon ang Israel ng mga sugo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kanya, ‘Ipinapakiusap namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aming dakong patutunguhan.’

20 Ngunit si Sihon ay hindi nagtiwala na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan, kaya't pinisan ni Sihon ang kanyang buong bayan, at nagkampo sa Jahaz, at lumaban sa Israel.

21 At ibinigay ng Panginoon, ng Diyos ng Israel si Sihon at ang kanyang buong bayan sa kamay ng Israel, at kanilang tinalo sila. Sa gayo'y inangkin ng Israel ang buong lupain ng mga Amoreo na nanirahan sa lupaing iyon.

22 Kanilang inangkin ang buong nasasakupan ng mga Amoreo, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Jordan.

23 Kaya ngayon ang ari-arian ng mga Amoreo sa harap ng bayang Israel ay inalis ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, at iyo bang aariin ang mga iyan?

24 Hindi mo ba aangkinin upang maging sa iyo ang ibinigay sa iyo ni Cemos na iyong diyos? Kaya sinumang inalisan ng Panginoon naming Diyos ng ari-arian sa harap namin ay aming aangkinin.

25 At(D) ngayo'y mas magaling ka pa ba sa anumang paraan kay Balak na anak ni Zipor, na hari sa Moab? Siya ba'y nakipagdigma kailanman sa Israel o lumaban kaya sa kanila?

26 Samantalang ang Israel ay naninirahan ng tatlong daang taon sa Hesbon at sa mga nayon nito, sa Aroer at sa mga nayon nito, at sa lahat ng mga bayang nasa pampang ng Arnon, bakit hindi ninyo binawi ang mga iyon sa loob ng panahong iyon?

27 Hindi ako ang nagkasala laban sa iyo, kundi ikaw ang gumagawa ng masama sa pamamagitan ng pakikidigma mo sa akin. Ang Panginoon, na siyang Hukom ang hahatol sa araw na ito sa mga anak ni Israel at sa mga anak ni Ammon.”

28 Ngunit hindi dininig ng hari ng mga Ammonita ang mga salita ni Jefta na ipinaabot sa kanya.

Ang Pagtatagumpay at ang Panata ni Jefta

29 Pagkatapos ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jefta, at siya'y nagdaan sa Gilead at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Gilead, at mula sa Mizpa ng Gilead ay nagdaan siya sa mga Ammonita.

30 At nagbitaw si Jefta ng isang panata sa Panginoon, at nagsabi, “Kung iyong ibibigay ang mga Ammonita sa aking kamay,

31 ay mangyayari na sinumang lumabas sa mga pintuan ng aking bahay upang sumalubong sa akin, sa aking pagbalik na mapayapa galing sa mga anak ni Ammon ay magiging sa Panginoon, at iaalay ko iyon bilang handog na sinusunog.”

32 Sa gayo'y tinawid ni Jefta ang mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay.

33 Sila'y pinagpapatay niya mula sa Aroer hanggang sa Minit, na may dalawampung lunsod, at hanggang sa Abel-keramim. Sa gayo'y nagapi ang mga anak ni Ammon sa harap ng mga anak ni Israel.

34 Pagkatapos si Jefta ay umuwi sa kanyang bahay sa Mizpa. Ang kanyang anak na babae ay lumabas upang salubungin siya ng alpa at ng sayaw. Siya ang kanyang kaisa-isang anak at liban sa kanya'y wala na siyang anak na lalaki o babae man.

35 Pagkakita(E) niya sa kanya, kanyang pinunit ang kanyang damit at sinabi, “Anak ko! Pinababa mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin; sapagkat gumawa na ako ng panata sa Panginoon, at hindi ko na mababawi.”

36 At sinabi niya sa kanya, “Ama ko, kung iyong ibinuka ang iyong bibig sa Panginoon, gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig; yamang ipinaghiganti ka ng Panginoon sa iyong mga kaaway, samakatuwid ay sa mga Ammonita.”

37 Sinabi niya sa kanyang ama, “Hayaan mong gawin ang bagay na ito sa akin. Hayaan mo lamang ako ng dalawang buwan, upang ako'y humayo't gumala sa mga bundok at tangisan ko at ng aking mga kasama ang aking pagkabirhen.”

38 At kanyang sinabi, “Humayo ka.” At siya'y kanyang pinaalis nang dalawang buwan. Siya at ang kanyang mga kasama ay umalis, at tinangisan ang kanyang pagkabirhen sa mga bundok.

39 Sa katapusan ng dalawang buwan, siya'y nagbalik sa kanyang ama, at ginawa sa kanya ang ayon sa kanyang panata na kanyang binitiwan. Siya'y hindi kailanman nasipingan ng lalaki. At naging kaugalian sa Israel,

40 na ang mga anak na babae ng Israel ay pumupunta taun-taon upang alalahanin ang anak ni Jefta na Gileadita, apat na araw sa loob ng isang taon.

Tumutol ang Efraimita

12 Ang mga lalaki ng Efraim ay nagtipon at tumawid patungo sa Zafon at sinabi nila kay Jefta, “Bakit ka tumawid upang lumaban sa mga anak ni Ammon, at hindi mo kami tinawag upang sumama sa iyo? Susunugin namin ang iyong bahay na kasama ka.”[b]

Sinabi ni Jefta sa kanila, “Ako at ang aking bayan ay may matinding labanan sa mga anak ni Ammon; at nang tawagan ko kayo ay hindi ninyo ako iniligtas sa kanilang kamay.

Nang makita ko na ako'y hindi ninyo iniligtas ay inilagay ko ang aking buhay sa aking kamay. Ako'y tumawid laban sa mga anak ni Ammon, at sila'y ibinigay ng Panginoon sa aking kamay. Bakit kayo umahon dito sa akin sa araw na ito upang makipaglaban sa akin?”

Nang magkagayo'y tinipon ni Jefta ang mga lalaki sa Gilead, at nakipaglaban sa Efraim. Ginapi ng mga lalaki ng Gilead ang Efraim, sapagkat kanilang sinabi, “Kayo'y mga takas sa Efraim, kayong mga Gileadita, sa gitna ng Efraim, at Manases.”

At sinakop ng mga Gileadita ang mga tawiran sa Jordan sa gitna ng mga Efraimita. At kapag sinabi ng mga takas sa Efraim na, “Paraanin mo ako,” ay sinasabi ng mga lalaki ng Gilead sa kanya, “Ikaw ba'y Efraimita?” Kung kanyang sabihin, “Hindi,”

ay sinasabi nga nila sa kanya, “Sabihin mo ang Shibolet” at sinabi niya, “Sibolet;” sapagkat hindi niya mabigkas ito nang tama. Kaya't kanilang darakpin at papatayin siya sa mga tawiran ng Jordan. At ang napatay nang panahong iyon sa Efraim ay apatnapu't dalawang libo.

Namatay si Jefta

Naghukom si Jefta sa Israel nang anim na taon. Pagkatapos ay namatay si Jefta na Gileadita, at inilibing sa kanyang lunsod sa Gilead.[c]

Pagkatapos niya, si Ibzan na taga-Bethlehem ang naghukom sa Israel.

Siya'y mayroong tatlumpung anak na lalaki, at ang tatlumpung anak na babae ay kanyang pinapag-asawa sa labas ng kanyang angkan, at tatlumpung anak na babae naman ay kanyang ipinasok mula sa labas para sa kanyang mga anak na lalaki. At naghukom siya sa Israel nang pitong taon.

10 Si Ibzan ay namatay at inilibing sa Bethlehem.

11 Pagkatapos niya, si Elon na Zebulonita ay naghukom sa Israel; at naghukom siya sa Israel nang sampung taon.

12 At si Elon na Zebulonita ay namatay, at inilibing sa Aijalon sa lupain ng Zebulon.

13 Pagkatapos niya, si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ay naghukom sa Israel.

14 Siya'y nagkaroon ng apatnapung anak na lalaki at tatlumpung apo na sumasakay sa pitumpung asno, at siya'y naghukom sa Israel nang walong taon.

15 At si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ay namatay, at inilibing sa Piraton sa lupain ng Efraim, sa lupaing maburol ng mga Amalekita.

Juan 1:1-28

Ang Salita ng Buhay

Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.

Sa simula ay kasama na siya ng Diyos.

Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa.

Nasa sa kanya ang buhay at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.

Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi nagapi ng kadiliman.

Mayroong(A) isang tao na isinugo mula sa Diyos na ang pangalan ay Juan.

Siya ay dumating bilang saksi, upang magpatotoo tungkol sa ilaw, upang sa pamamagitan niya'y sumampalataya ang lahat.

Hindi siya ang ilaw, kundi dumating siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.

Siya ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan.

10 Siya noon ay nasa sanlibutan at ang sanlibutan ay ginawa sa pamamagitan niya, gayunma'y hindi siya nakilala ng sanlibutan.

11 Siya'y naparito sa kanyang sariling tahanan at siya'y hindi tinanggap ng kanyang sariling bayan.

12 Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos,

13 na ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.

14 At naging tao[a] ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw, “Siya yaong aking sinasabi, ‘Ang dumarating na kasunod ko ay naging una sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’”

16 At mula sa kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya.

17 Sapagkat ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

18 Walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos. Ang Diyos na tanging Anak[b] na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya.

Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(B)

19 Ito ang patotoo ni Juan nang suguin ng mga Judio ang mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang siya'y tanungin, “Sino ka ba?”

20 Siya'y nagpahayag at hindi ikinaila kundi sinabing, “Hindi ako ang Cristo.”

21 Siya'y(C) kanilang tinanong, “Kung gayo'y, ikaw ba si Elias?” At sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At siya'y sumagot, “Hindi.”

22 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba? Bigyan mo kami ng isasagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”

23 Sinabi(D) niya, “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang na lugar, ‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.’”

24 Sila'y mga sugo buhat sa mga Fariseo.

25 Siya'y tinanong nila, “Kung gayo'y bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang propeta?”

26 Sila'y sinagot ni Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig; sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo kilala,

27 na pumaparitong kasunod ko at hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang sandalyas.”

28 Ang mga bagay na ito'y nangyari sa Betania, sa kabilang ibayo ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.

Mga Awit 101

Awit ni David.

101 Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan,
    sa iyo, O Panginoon, aawit ako.
Aking susundin ang daang matuwid.
    O kailan ka darating sa akin?
Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay
    na may tapat na puso.
Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata
    ang anumang hamak na bagay.
Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod;
hindi ito kakapit sa akin.
Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin,
    hindi ako makakaalam ng masamang bagay.

Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa
    ay aking pupuksain.
Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso
    ay hindi ko titiisin.

Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain,
    upang sila'y makatirang kasama ko.
Siya na lumalakad sa sakdal na daan
    ay maglilingkod sa akin.

Walang taong gumagawa ng pandaraya
    ang tatahan sa aking bahay;
walang taong nagsasalita ng kasinungalingan
    ang mananatili sa aking harapan.

Tuwing umaga ay aking lilipulin
    ang lahat ng masama sa lupain,
upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan
    sa lunsod ng Panginoon.

Mga Kawikaan 14:13-14

13 Maging sa pagtawa ang puso ay mapanglaw,
    at ang wakas ng kasayahan ay kalungkutan.
14 Bubusugin ang masama sa bunga ng sariling mga lakad niya,
    at ang mabuting tao sa bunga ng kanyang mga gawa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001