Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 62:6-65:25

Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga pader, O Jerusalem;
    sila'y hindi tatahimik kailanman sa araw o sa gabi.
Kayong mga umaalala sa Panginoon,
    huwag kayong magpahinga,
at huwag ninyo siyang bigyan ng kapahingahan,
    hanggang sa maitatag niya
    at gawing kapurihan ang Jerusalem sa daigdig.
Ang Panginoon ay sumumpa ng kanyang kanang kamay,
    at ng bisig ng kanyang kalakasan:
“Hindi ko na muling ibibigay ang iyong trigo
    upang maging pagkain ng mga kaaway mo,
at ang mga dayuhan ay hindi iinom ng alak
    na pinagpagalan mo.
Kundi silang nag-imbak niyon ay kakain niyon,
    at magpupuri sa Panginoon,
at silang nagtipon niyon ay iinom niyon
    sa mga looban ng aking santuwaryo.”

10 Kayo'y dumaan, kayo'y dumaan sa mga pintuan,
    inyong ihanda ang lansangan para sa bayan;
inyong itayo, inyong gawin ang maluwang na lansangan,
    inyong alisin ang mga bato;
    sa ibabaw ng mga bayan ang watawat ay itaas ninyo.
11 Narito,(A) ipinahayag ng Panginoon
    hanggang sa dulo ng lupa:
Inyong sabihin sa anak na babae ng Zion,
    “Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating;
ang kanyang gantimpala ay nasa kanya,
    at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.”
12 At sila'y tatawaging “Ang banal na bayan,
    Ang tinubos ng Panginoon”;
at ikaw ay tatawaging “Hinanap,
    Lunsod na hindi pinabayaan.”

Ang Tagumpay ng Panginoon

63 Sino(B) ito na nanggagaling sa Edom,
    na may mga kasuotang matingkad na pula mula sa Bosra?
Siya na maluwalhati sa kanyang suot,
    na lumalakad sa kadakilaan ng kanyang lakas?

“Ako iyon na nagsasalita ng katuwiran,
    makapangyarihang magligtas.”

Bakit pula ang iyong kasuotan,
    at ang iyong damit ay gaya niyong yumayapak sa pisaan ng alak?
“Aking(C) niyapakan ang pisaan ng alak na mag-isa,
    at mula sa mga bayan ay wala akong kasama;
sa aking galit ay akin silang niyapakan,
    at sa aking poot ay akin silang niyurakan;
at ang kanilang dugo ay tumilamsik sa mga suot ko,
    at namantsahan ang lahat ng suot ko.
Sapagkat ang araw ng paghihiganti ay nasa aking puso,
    at ang aking taon ng pagtubos ay dumating.
Ako'y(D) tumingin, ngunit walang sinumang tutulong,
    ako'y namangha ngunit walang umalalay;
kaya't iniligtas ako ng aking sariling kamay,
    at ang aking poot sa akin ay umalalay.
Aking niyapakan ang mga bayan sa aking galit,
    nilasing ko sila sa aking poot,
    at ibinuhos ko sa lupa ang kanilang dugo.

Ang Kabutihan ng Panginoon sa Israel

Aking aalalahanin ang kagandahang-loob ng Panginoon,
    at ang mga kapurihan ng Panginoon,
ayon sa lahat na ipinagkaloob ng Panginoon sa amin,
    at ang dakilang kabutihan na kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel
na kanyang ipinagkaloob sa kanila ayon sa kanyang kaawaan,
    at ayon sa kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob.
Sapagkat kanyang sinabi, “Tunay na sila'y aking bayan,
    mga anak na hindi gagawang may kasinungalingan;
at siya'y naging kanilang Tagapagligtas.
    Sa lahat nilang pagdadalamhati ay nadalamhati siya,
    at iniligtas sila ng anghel na nasa kanyang harapan;
sa kanyang pag-ibig at sa kanyang pagkaawa ay tinubos niya sila;
    at kanyang itinaas at kinalong sila sa lahat ng mga araw noong una.

10 Ngunit sila'y naghimagsik,
    at pinighati ang kanyang Banal na Espiritu;
kaya't siya'y naging kaaway nila,
    at siya mismo ay lumaban sa kanila.
11 Nang magkagayo'y naalala ng kanyang bayan ang mga araw nang una,
    tungkol kay Moises.
Nasaan siya na nag-ahon mula sa dagat,
    na kasama ng mga pastol ng kanyang kawan?
Nasaan siya na naglagay sa gitna nila
    ng kanyang Banal na Espiritu?
12 Sinong(E) naglagay ng kanyang maluwalhating bisig
    na humayong kasama ng kanang kamay ni Moises,
na humawi ng tubig sa harapan nila,
    upang gumawa para sa kanyang sarili ng walang hanggang pangalan?
13     Sinong pumatnubay sa kanila sa mga kalaliman?
Gaya ng isang kabayo sa ilang
    ay hindi sila natisod.
14 Gaya ng kawan na bumababa sa libis,
    ay pinapagpapahinga sila ng Espiritu ng Panginoon.
Gayon mo pinatnubayan ang iyong bayan,
    upang gumawa para sa iyong sarili ng isang maluwalhating pangalan.

15 Tumingin ka mula sa langit, at iyong masdan,
    mula sa iyong banal at maluwalhating tahanan.
Nasaan ang iyong sigasig at ang iyong kapangyarihan?
    Ang hangad ng iyong puso at ang iyong habag
    ay iniurong mo sa akin.
16 Sapagkat ikaw ay aming Ama,
    bagaman hindi kami nakikilala ni Abraham,
    at hindi kami kinikilala ng Israel.
Ikaw, O Panginoon, ay aming Ama,
    aming Manunubos noong una pa ay ang iyong pangalan.
17 O Panginoon, bakit mo kami iniligaw sa iyong mga daan,
    at pinapagmatigas mo ang aming puso na anupa't hindi kami natakot sa iyo?
Ikaw ay magbalik alang-alang sa iyong mga lingkod,
    na mga lipi ng iyong mana.
18 Inaring sandali lamang ng iyong banal na bayan ang santuwaryo,
    niyapakan ito ng aming mga kaaway.
19 Kami ay naging gaya ng mga hindi mo pinamahalaan kailanman,
    gaya ng mga hindi tinatawag sa iyong pangalan.

64 O buksan mo sana ang langit at ikaw ay bumaba,
    upang ang mga bundok ay mayanig sa iyong harapan—
gaya nang kapag tinutupok ng apoy ang kakahuyan,
    at pinakukulo ng apoy ang tubig—
upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway,
    at upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan!
Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay,
    ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay nayanig sa iyong harapan.
Sapagkat(F) hindi narinig ng mga tao mula nang una,
    o naulinigan man ng pandinig,
o ang mata man ay nakakita ng Diyos liban sa iyo,
    na gumagawa para sa mga naghihintay sa kanya.
Iyong sinasalubong siya na nagagalak na gumagawa ng katuwiran,
    ang mga umaalala sa iyo sa iyong mga daan.
Narito, ikaw ay nagalit, at kami ay nagkasala;
    matagal na panahon na kami sa aming mga kasalanan, at maliligtas ba kami?
Kaming lahat ay naging gaya ng isang marumi,
    at ang lahat naming katuwiran ay naging parang maruming kasuotan.
Kaming lahat ay nalalantang gaya ng dahon,
    at tinatangay kami ng aming mga kasamaan na parang hangin.
At walang tumatawag sa iyong pangalan,
    na gumigising upang sa iyo ay manangan;
sapagkat ikinubli mo ang iyong mukha sa amin,
    at ibinigay mo kami sa kamay ng aming mga kasamaan.
Ngunit ngayon, O Panginoon, ikaw ay aming Ama;
    kami ang luwad, at ikaw ang aming magpapalayok;
    at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.
Huwag kang lubhang magalit, O Panginoon,
    at huwag mong alalahanin ang kasamaan magpakailanman.
    Narito, tingnan mo, ngayon kaming lahat ay iyong bayan.
10 Ang iyong mga lunsod na banal ay naging ilang,
    ang Zion ay naging giba,
    ang Jerusalem ay sira.
11 Ang aming banal at magandang bahay,
    kung saan ka pinuri ng aming mga magulang
ay nasunog sa apoy;
    at lahat naming mahahalagang bagay ay nasira.
12 Magpipigil ka ba sa mga bagay na ito, O Panginoon?
    Ikaw ba'y tatahimik, at paghihirapan mo kaming mabuti?

Ang Parusa sa Pagmamatigas

65 Ako'y(G) nakahandang tumugon sa mga hindi nagtatanong sa akin.
    Ako'y nakahandang matagpuan noong mga naghahanap sa akin.
Aking sinabi, “Narito ako, narito ako,”
    sa isang bansa na hindi tumawag sa pangalan ko.
Iniunat(H) ko ang aking mga kamay buong araw
    sa mapaghimagsik na bayan,
na lumalakad sa hindi mabuting daan,
    na sumusunod sa kanilang sariling mga kalooban;
isang Bayan na lagi akong ginagalit nang mukhaan,
na naghahandog sa mga halamanan,
    at nagsusunog ng insenso sa ibabaw ng mga bato;
na umuupo sa gitna ng mga libingan,
    at ginugugol ang magdamag sa lihim na dako;
na kumakain ng laman ng baboy,
    at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;
na nagsasabi, “Lumayo ka,
    huwag kang lumapit sa akin, sapagkat ako'y higit na banal kaysa iyo.”
Ang mga ito ay usok sa aking ilong,
    apoy na nagliliyab buong araw.
Narito, nasusulat sa harap ko:
    “Hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti,
oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan.
Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga sama-samang kasamaan ng inyong mga magulang, sabi ng Panginoon;
sapagkat nagsunog sila ng insenso sa mga bundok,
    at inalipusta nila ako sa mga burol,
susukatin ko sa kanilang kandungan
    ang kabayaran sa kanilang ginawa noong una.”

Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Kung paanong natatagpuan ang bagong alak sa kumpol,
    at kanilang sinasabi, ‘Huwag mong sirain,
    sapagkat diyan ay may pagpapala;’
gayon ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod,
    at hindi ko sila pupuksaing lahat.
At ako'y maglalabas ng mga lahi na mula sa Jacob,
    at mula sa Juda ay mga tagapagmana ng aking mga bundok;
iyon ay mamanahin ng aking hinirang,
    at ang aking mga lingkod doon ay maninirahan.
10 Ang(I) Sharon ay magiging pastulan ng mga kawan,
    at ang Libis ng Acor ay dakong higaan ng mga bakahan,
    para sa aking bayan na humanap sa akin.
11 Ngunit kayo na tumalikod sa Panginoon,
    na lumimot sa aking banal na bundok,
na naghahanda ng hapag para sa Kapalaran,
    at pinupuno ang kopa ng hinalong alak para sa Tadhana;
12 itatadhana ko kayo sa tabak,
    at kayong lahat ay yuyuko sa katayan;
sapagkat nang ako'y tumawag, kayo'y hindi sumagot,
    nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nakinig;
kundi inyong ginawa ang masama sa aking paningin,
    at inyong pinili ang di ko kinaluluguran.”
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain,
    ngunit kayo'y magugutom;
narito, ang aking mga lingkod ay iinom,
    ngunit kayo'y mauuhaw;
narito, magagalak ang aking mga lingkod,
    ngunit kayo'y mapapahiya;
14 Narito, ang aking mga lingkod ay aawit dahil sa kagalakan ng puso,
    ngunit kayo'y dadaing dahil sa kalungkutan ng puso,
    at tatangis dahil sa pagkabagbag ng loob.
15 Inyong iiwan ang inyong pangalan sa aking mga pinili bilang isang sumpa,
    at papatayin ka ng Panginoong Diyos;
    ngunit ang kanyang mga lingkod ay tatawagin niya sa ibang pangalan.
16 Upang siya na nagpapala sa sarili sa lupa
    sa pamamagitan ng Diyos ng katotohanan ay magpapala;
at siyang sumusumpa sa lupa
    sa pangalan ng Diyos ng katotohanan ay susumpa;
sapagkat ang mga dating kabagabagan ay nalimutan na,
    at nakubli sa aking mga mata.

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

17 “Sapagkat(J) narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit
    at bagong lupa;
at ang mga dating bagay ay hindi na maaalala,
    o darating man sa isipan.
18 Ngunit kayo'y matuwa at magalak magpakailanman
    sa aking nilikha;
sapagkat, aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan,
    at ang kanyang bayan na isang kaluguran.
19 Ako'y(K) magagalak sa Jerusalem,
    at maliligayahan sa aking bayan;
at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kanya,
    o ang tinig man ng daing.
20 Hindi na magkakaroon doon
    ng sanggol na nabuhay lamang ng ilang araw,
    o ng matanda man na hindi nalubos ang kanyang mga araw;
sapagkat ang kabataan ay mamamatay na may isandaang taong gulang,
    at susumpain ang taong hindi makaabot sa isandaang taong gulang.
21 At sila'y magtatayo ng mga bahay at kanilang titirahan ang mga iyon;
    at sila'y magtatanim ng ubasan at kakain ng bunga niyon.
22 Sila'y hindi magtatayo at iba ang titira,
    sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain;
sapagkat gaya ng mga araw ng punungkahoy, ay magiging gayon ang mga araw ng aking bayan,
    at matagal na tatamasahin ng aking pinili ang gawa ng kanilang mga kamay.
23 Sila'y hindi gagawa nang walang kabuluhan,
    o manganganak man para sa kapahamakan,
sapagkat sila ang magiging supling ng mga pinagpala ng Panginoon,
    at ang kanilang mga anak na kasama nila.
24 At mangyayari na bago pa sila tumawag ay sasagot ako,
    samantalang sila'y nagsasalita ay makikinig ako.
25 Ang(L) asong-gubat at ang kordero ay manginginaing magkasama,
    at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka;
    at alabok ang magiging pagkain ng ahas.
Sila'y hindi mananakit o maninira man
    sa lahat kong banal na bundok,
sabi ng Panginoon.”

Filipos 2:19-3:3

Sina Timoteo at Epafrodito

19 Ngunit umaasa ako sa Panginoong Jesus na suguin kaagad sa inyo si Timoteo, upang ako naman ay mapanatag sa pagkaalam ko ng mga bagay tungkol sa inyo.

20 Sapagkat wala akong sinuman na katulad niya na tunay na magmamalasakit sa inyong kapakanan.

21 Sapagkat pinagsisikapan nilang lahat ang para sa kanilang sariling kapakanan, hindi ang mga bagay ni Jesu-Cristo.

22 Ngunit nalalaman ninyong subok na si Timoteo,[a] kung paanong naglilingkod ang anak sa ama ay kasama ko siyang naglingkod sa ebanghelyo.

23 Siya nga ang aking inaasahang suguin kaagad, kapag nakita ko kung ano ang mangyayari sa akin.

24 At nagtitiwala ako sa Panginoon na di-magtatagal at makakarating din naman ako.

25 Ngunit iniisip kong kailangan pa ring isugo sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid, kamanggagawa, at kapwa kawal, ang inyong sugo at lingkod para sa aking pangangailangan.

26 Yamang siya'y nananabik sa inyong lahat at siya'y namanglaw, sapagkat inyong nabalitaan na siya'y nagkasakit.

27 Totoo ngang nagkasakit siya na malapit nang mamatay. Ngunit kinahabagan siya ng Diyos; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng patung-patong na kalungkutan.[b]

28 Kaya't higit akong masigasig na suguin siya, upang, pagkakitang muli ninyo sa kanya, kayo'y magalak at mabawasan ang aking kalungkutan.

29 Kaya tanggapin ninyo siya sa Panginoon nang buong galak; at ang gayong mga tao ay parangalan ninyo,

30 sapagkat dahil sa pagpapagal kay Cristo ay nabingit siya sa kamatayan, na isinusuong sa panganib ang kanyang buhay upang punan ang kakulangan sa inyong paglilingkod sa akin.

Paghiwalay sa Nakaraan

Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay hindi kalabisan sa akin kundi para sa inyong ikaliligtas.

Mag-ingat kayo sa mga aso, mag-ingat kayo sa masasamang manggagawa, mag-ingat kayo sa mga hindi totoong pagtutuli.[c]

Sapagkat tayo ang pagtutuli, na sumasamba sa Diyos sa espiritu at nagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anumang pagtitiwala sa laman—

Mga Awit 73

IKATLONG AKLAT

Awit ni Asaf.

73 Tunay na ang Diyos ay mabuti sa Israel,
    sa mga taong ang puso'y malilinis.
Ngunit tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos natisod,
    ang mga hakbang ko'y muntik nang nadulas.
Sapagkat ako'y nainggit sa palalo;
    aking nakita ang kaginhawahan ng masama.

Sapagkat walang mga hapdi ang kanilang kamatayan,
    at ang kanilang katawan ay matataba.
Sila'y wala sa kaguluhan na gaya ng ibang mga tao;
    hindi sila nagdurusa na gaya ng ibang mga tao.
Kaya't ang kanilang kuwintas ay kapalaluan,
    ang karahasan ay tumatakip sa kanila bilang bihisan.
Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan,
    ang kanilang mga puso ay umaapaw sa kahangalan.
Sila'y nanlilibak at nagsasalita na may kasamaan,
    sila'y nagsasalita mula sa kaitaasan.
Kanilang inilagay ang kanilang mga bibig sa mga langit,
    at ang kanilang dila ay nagpapagala-gala sa ibabaw ng lupa.

10 Kaya't bumabalik dito ang kanyang bayan,
    at tubig ng kasaganaan ay iniinom nila.
11 At kanilang sinasabi, “Paanong nalalaman ng Diyos?
    May kaalaman ba sa Kataas-taasan?”
12 Narito, ang mga ito ang masasama;
    laging tiwasay, sa kayamanan ay sumasagana.
13 Sa walang kabuluhan ay pinanatili kong malinis ang aking puso,
    at ang aking mga kamay sa kawalang-sala ay hinuhugasan ko.
14 Sapagkat buong araw ako ay pinahihirapan,
    at tuwing umaga ay napaparusahan.

15 Kung aking sinabi, “Ako'y magsasalita ng ganito;”
    ako'y hindi magiging tapat sa salinlahi ng mga anak mo.
16 Ngunit nang aking isipin kung paano ito uunawain,
    sa akin ay parang napakahirap na gawain,
17 hanggang sa ako'y pumasok sa santuwaryo ng Diyos,
    saka ko naunawaan ang kanilang katapusan.
18 Tunay na sa madudulas na dako sila'y iyong inilalagay,
    iyong ibinabagsak sila sa kapahamakan.
19 Gaya na lamang ang pagkawasak nila sa isang iglap,
    tinatangay na lubusan ng mga sindak!
20 Sila'y gaya ng panaginip kapag nagigising ang isang tao,
    sa pagkagising ang kanilang larawan ay hinahamak mo.

21 Nang ang aking kaluluwa ay nagdamdam,
    nang ang kalooban ko'y nasaktan,
22 ako'y naging hangal at mangmang;
    ako'y naging gaya ng hayop sa harapan mo.
23 Gayunman ako'y kasama mong palagian,
    inaalalayan mo ang aking kanang kamay.
24 Sa iyong payo ako'y iyong pinapatnubayan,
    at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
25 Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw?
    at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa.
26 Ang aking laman at ang aking puso ay maaaring manghina,
    ngunit ang Diyos ang lakas ng aking puso at bahagi ko magpakailanman.

27 Sapagkat narito, malilipol silang malayo sa iyo;
    ang lahat na hindi tapat sa iyo ay winakasan mo.
28 Ngunit para sa akin, ang pagiging malapit ng Diyos ay aking kabutihan;
    ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Diyos,
    upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.

Mga Kawikaan 24:13-14

13 Anak ko, kumain ka ng pulot, sapagkat ito'y mainam,
    at matamis sa iyong panlasa ang tulo ng pulot-pukyutan.
14 Alamin mo na gayon sa iyo ang karunungan;
    kung ito'y iyong matagpuan, mayroong kinabukasan,
    at ang iyong pag-asa ay hindi mahihiwalay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001