Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 57:15-59:21

15 Sapagkat ganito ang sabi ng Mataas at Matayog
    na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal:
“Ako'y naninirahan sa mataas at banal na dako,
    at gayundin sa may pagsisisi at mapagpakumbabang-loob,
upang buhayin ang loob ng mapagpakumbaba,
    at upang buhayin ang puso ng may pagsisisi.
16 Sapagkat hindi ako makikipagtalo magpakailanman,
    o magagalit man akong lagi;
sapagkat ang espiritu ay manlulupaypay sa harap ko,
    at ang mga kaluluwa na aking ginawa.
17 Dahil sa kasamaan ng kanyang kasakiman ay nagalit ako,
    sinaktan ko siya, ikinubli ko ang aking mukha at ako'y nagalit;
    ngunit nagpatuloy siya sa pagtalikod sa lakad ng kanyang puso.
18 Aking nakita ang kanyang mga lakad, ngunit pagagalingin ko siya;
    aking papatnubayan siya, at panunumbalikin ko sa kanya ang kaaliwan,
    at sa mga nananangis sa kanya.
19 Aking(A) nilikha ang bunga ng mga labi.
    Kapayapaan, kapayapaan, sa kanya na malayo at sa kanya na malapit, sabi ng Panginoon;
    at aking pagagalingin siya.
20 Ngunit ang masama ay parang maunos na dagat;
    sapagkat hindi matatahimik,
    at ang kanyang tubig ay naglalabas ng burak at dumi.
21 Walang(B) kapayapaan, sabi ng aking Diyos, para sa masasama.”

Ang Tumpak na Pag-aayuno

58 “Sumigaw ka nang malakas, huwag kang magpigil,
    ilakas mo ang iyong tinig na parang trumpeta;
at iyong ipahayag sa aking bayan ang kanilang pagsuway,
    at sa sambahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan.
Gayunma'y hinahanap nila ako araw-araw,
    at kinalulugdan nilang malaman ang aking mga daan;
na parang sila'y isang bansa na gumawa ng kabutihan,
    at ang tuntunin ng kanilang Diyos ay hindi tinalikuran;
hinihingan nila ako ng matutuwid na kahatulan,
    sila'y nalulugod sa paglapit sa Diyos.
‘Bakit kami ay nag-ayuno, at hindi mo nakikita?
    Bakit hindi mo napapansin ang aming pagpapakumbaba?’
Sa araw ng inyong pag-aayuno ay hinahanap ninyo ang inyong sariling kalayawan,
    at inyong pinahihirapan ang lahat ninyong mga manggagawa.
Narito, kayo'y nag-aayuno upang makipag-away at makipagtalo,
    at upang manakit ng masamang kamao.
Hindi kayo nag-aayuno sa araw na ito,
    upang maiparinig ang inyong tinig sa itaas.
Iyan ba ang ayuno na aking pinili?
    Isang araw upang magpakumbaba ang tao sa kanyang sarili?
Iyon ba'y ang iyuko ang kanyang ulo na parang yantok,
    at maglatag ng damit-sako at abo sa ilalim niya?
Iyo bang tatawagin ito na ayuno,
    at araw na katanggap-tanggap sa Panginoon?

“Hindi ba ito ang ayuno na aking pinili:
    na kalagin ang mga tali ng kasamaan,
    na kalasin ang mga panali ng pamatok,
na palayain ang naaapi,
    at baliin ang bawat pamatok?
Hindi(C) ba ito ay upang ibahagi ang iyong tinapay sa nagugutom,
    at dalhin sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan?
Kapag nakakita ka ng hubad, iyong bihisan;
    at huwag kang magkubli sa iyong sariling laman?
Kung magkagayo'y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga,
    at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw;
at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo;
    ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay sa likod.
Kung magkagayo'y tatawag ka at ang Panginoon ay sasagot;
    ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako.

“Kung iyong alisin sa gitna mo ang pamatok,
    ang pang-alipusta, at ang pagsasalita ng masama;
10 kung magmamagandang-loob ka sa gutom,
    at iyong tugunin ang nais ng nagdadalamhati,
kung magkagayo'y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman,
    at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang-tapat.
11 At patuloy na papatnubayan ka ng Panginoon,
    at masisiyahan ang iyong kaluluwa sa tuyong dako,
    at palalakasin ang iyong mga buto;
at ikaw ay magiging parang halamanang nadilig,
    at parang bukal na ang tubig ay hindi nauubos.
12 At mula sa inyo ay itatayo ang dating sirang dako;
    ikaw ay magbabangon ng mga saligan ng maraming salinlahi;
at ikaw ay tatawaging tagapag-ayos ng sira,
    ang tagapagsauli ng mga landas na matatahanan.

13 “Kapag iyong iurong ang iyong paa dahil sa Sabbath,
    sa paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na araw;
at iyong tinawag ang Sabbath bilang isang kasiyahan,
    at marangal ang banal na araw ng Panginoon,
at ito'y iyong pinarangalan, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad,
    ni hahanap ng iyong sariling kalayawan ni magsasalita ng iyong mga salita;
14 kung magkagayo'y malulugod ka sa Panginoon,
    at pasasakayin kita sa mga matataas na dako sa lupa;
at pakakainin kita ng mana ni Jacob na iyong ama,
    sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon.”

Laganap na Kasamaan

59 Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi maikli na di makapagligtas;
    ni hindi mahina ang kanyang pandinig, na ito'y di makarinig.
Ngunit pinaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Diyos,
    at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagkubli ng kanyang mukha sa inyo,
    anupa't siya'y hindi nakikinig.
Sapagkat ang inyong mga kamay ay nadungisan ng dugo,
    at ang inyong mga daliri ng kasamaan;
ang inyong mga labi ay nagsalita ng mga kasinungalingan,
    ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.
Walang nagdadala ng usapin na may katarungan,
    at nagtutungo sa batas na may katapatan;
sila'y nagtitiwala sa kalituhan, sila'y nagsasalita ng mga kasinungalingan;
    sila'y naglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.
Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas,
    at gumagawa ng bahay ng gagamba;
ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay,
    at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.
Ang kanilang mga bahay ng gagamba ay hindi magiging mga kasuotan,
    hindi nila matatakpan ang kanilang sarili ng kanilang mga ginawa.
Ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan,
    at ang mararahas na gawa ay nasa kanilang mga kamay.
Ang(D) kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan,
    at sila'y nagmamadaling nagpapadanak ng dugong walang kasalanan,
ang kanilang mga pag-iisip ay mga pag-iisip ng kasamaan,
    pagwasak at paggiba ang nasa kanilang mga daan.
Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman,
    sa kanilang mga lakad ay walang katarungan,
ginawa nilang liku-liko ang kanilang mga daan,
    sinumang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.

Inamin ng mga Tao ang Kanilang Kasalanan

Kaya't malayo sa amin ang katarungan,
    at hindi umaabot sa amin ang katuwiran,
kami'y naghahanap ng liwanag, ngunit, narito ang kadiliman;
    at ng kaliwanagan, ngunit naglalakad kami sa kadiliman.
10 Kami'y nangangapa sa bakod na parang bulag,
    oo, kami'y nangangapa na gaya nila na walang mga mata,
kami'y natitisod sa katanghaliang-tapat na gaya sa gabi,
    sa gitna ng malalakas, kami'y parang mga patay.
11 Kaming lahat ay umuungol na parang mga oso,
    kami'y dumaraing nang may kalungkutan parang mga kalapati,
kami'y naghahanap ng katarungan, ngunit wala;
    ng kaligtasan, ngunit iyon ay malayo sa amin.
12 Sapagkat ang aming mga pagsuway ay dumami sa harapan mo,
    at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin,
sapagkat ang aming mga pagsuway ay kasama namin,
    at ang sa aming mga kasamaan ay nalalaman namin;
13 na sinusuway at itinatatwa ang Panginoon,
    at lumalayo sa pagsunod sa aming Diyos,
na nagsasalita ng pang-aapi at paghihimagsik,
    na nagbabalak at nagsasalita mula sa puso ng mga salitang kasinungalingan.
14 Ang katarungan ay tumatalikod,
    at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo;
sapagkat ang katotohanan ay nahulog sa lansangan,
    at hindi makapasok ang katuwiran.
15 Nagkukulang sa katotohanan,
    at ang humihiwalay sa kasamaan ay ginagawang biktima ang kanyang sarili.

Ito'y nakita ng Panginoon,
    at ikinasama ng kanyang loob na walang katarungan.
16 Kanyang(E) nakita na walang tao,
    at namangha na walang sinumang mamamagitan;
kaya't ang kanyang sariling bisig ay nagdala ng tagumpay sa kanya,
    at ang kanyang katuwiran ay umalalay sa kanya.
17 At(F) bilang baluti ay nagsuot siya ng katuwiran,
    at sa kanyang ulo ay helmet ng kaligtasan;
siya'y nagdamit ng mga bihisan ng paghihiganti bilang kasuotan,
    at bilang balabal ang sarili ay binalutan ng sikap.
18 Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin,
    poot sa kanyang mga kalaban, ganti sa kanyang mga kaaway;
    sa mga pulo ay ganti ang kanyang ipapataw.
19 Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kanluran,
    at ang kanyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw,
sapagkat siya'y darating na parang bugso ng tubig
    na itinataboy ng hininga ng Panginoon.

20 “Ang(G) isang Manunubos ay darating sa Zion,
    at sa kanila sa Jacob na humihiwalay sa pagsuway, sabi ng Panginoon.

21 “At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, ay hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailanpaman.”

Filipos 1:1-26

Pagbati

Si(A) Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga obispo at ang mga diakono:[a]

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Ako'y nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing kayo'y aking naaalala,

na laging nananalanging may kagalakan sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat,

dahil sa inyong pakikibahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon.

Ako'y panatag sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ay siyang magtatapos nito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo.

Matuwid na aking isipin ang gayon tungkol sa inyong lahat, sapagkat kayo'y nasa aking puso,[b] yamang kayong lahat ay kabahagi ko sa biyaya, sa aking mga tanikala, at sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo.

Sapagkat saksi ko ang Diyos, kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa pagmamahal[c] ni Cristo Jesus.

Idinadalangin ko na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa;

10 upang inyong makilala ang mga bagay na magaling; at kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo;

11 na mapuspos ng mga bunga ng katuwiran, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.

Ang Mabuhay ay si Cristo

12 Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nakatulong sa paglago ng ebanghelyo,

13 anupa't(B) ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba pa,

14 at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na nagkaroon ng tiwala dahil sa aking mga tanikala ay lalong nagkaroon ng katapangang ipahayag ng walang takot ang salita ng Diyos.

15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo dahil sa pagkainggit at sa pakikipagpaligsahan, ngunit ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban.

16 Ang huli ay gumagawa dahil sa pag-ibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo;

17 ngunit ipinangangaral ng una si Cristo dahil sa pagkakampi-kampi, hindi sa katapatan, na ang hangarin ay dagdagan ng hirap ang aking mga tanikala.

18 Ano nga? Kahit sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, ay ipinahahayag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako. Oo, at ako'y patuloy na magagalak,

19 sapagkat nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa saganang tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo.

20 Ayon sa aking lubos na inaasahan at pag-asa, na sa anuman ay hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayundin naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng buhay, o sa pamamagitan ng kamatayan.

21 Sapagkat sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.

22 Ngunit kung ako ay mabubuhay sa laman, ito'y magiging mabungang pagpapagal para sa akin. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin.

23 Sapagkat ako'y naiipit sa pagitan ng dalawa: ang aking nais ay umalis at makasama si Cristo, sapagkat ito'y higit na mabuti.

24 Gayunma'y ang manatili sa laman ay higit na kailangan dahil sa inyo.

25 At sa paniniwalang ito, aking nalalaman na ako'y mananatili at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya;

26 upang sumagana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking muling pagharap sa inyo.

Mga Awit 71

71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
    huwag nawa akong mapahiya kailanman!
Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
    ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
    na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.

Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
    mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
    ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
    ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.

Sa marami ako'y naging kagila-gilalas;
    ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan.
Ang bibig ko'y punô ng pagpupuri sa iyo,
    at ng iyong kaluwalhatian buong araw.
Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan;
    huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan.
10 Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway,
    silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian,
11 at nagsasabi, “Pinabayaan na siya ng Diyos:
    habulin at hulihin siya;
    sapagkat walang magliligtas sa kanya.”

12 O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin;
    O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako!
13 Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol;
    matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan
    ang mga nagnanais na ako'y masaktan.
14 Ngunit ako'y laging aasa,
    at pupurihin kita nang higit at higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran,
    ng iyong mga kaligtasan buong araw;
    sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman.
16 Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Diyos,
    aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.

17 O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata;
    at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.
18 Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban,
    O Diyos, huwag mo akong pabayaan;
hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan
    sa lahat ng darating na salinlahi.
Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating,
19 at ang iyong katuwiran, O Diyos,
    ay umabot sa mataas na kalangitan.

Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay,
    O Diyos, sino ang gaya mo?
20 Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan,
    ang sa akin ay muling bubuhay;
mula sa mga kalaliman ng lupa,
ay muli mo akong ibabangon.
21 Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin,
    at muli akong aliwin.

22 Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio,
    dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko;
sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa,
    O Banal ng Israel.
23 Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko,
    kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo;
    gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo.
24 At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon,
sapagkat sila'y napahiya at napahamak,
    sila na nagnanais na ako'y saktan.

Mga Kawikaan 24:9-10

Ang pagbabalak ng kahangalan ay kasalanan,
    at ang manlilibak, sa mga tao ay karumaldumal.

10 Kung manlupaypay ka sa araw ng kahirapan,
    maliit ang iyong kalakasan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001