Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 54:1-57:14

Ang Walang Hanggang Pag-ibig ng Diyos sa Israel

54 “Umawit(A) ka, O baog, ikaw na hindi nanganak;
    ikaw ay biglang umawit, at sumigaw nang malakas,
    ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat ang mga anak ng babaing iniwan ay magiging higit na marami
    kaysa mga anak ng may asawa, sabi ng Panginoon.
Palawakin mo ang lugar ng iyong tolda,
    at iladlad mo ang mga tabing ng iyong mga tahanan;
huwag kang umurong, habaan mo ang iyong mga lubid,
    at patibayin mo ang iyong mga tulos.
Sapagkat ikaw ay kakalat nang malayo sa kanan at sa kaliwa;
    at aangkinin ng iyong lahi ang mga bansa,
    at patitirahan ang mga bayang giba.

“Huwag kang matakot; sapagkat ikaw ay hindi mapapahiya;
    huwag kang malilito sapagkat hindi ka malalagay sa kahihiyan;
sapagkat iyong malilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan,
    at hindi mo na maaalala pa ang iyong pagkabalo na dala'y kasiraan.
Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay iyong asawa;
     Panginoon ng mga hukbo ay kanyang pangalan.
Ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos,
    ang Diyos ng buong lupa ang tawag sa kanya.
Sapagkat tinawag ka ng Panginoon,
    gaya ng asawang kinalimutan at nagdadalamhati ang espiritu,
parang asawa ng kabataan nang siya'y itakuwil,
    sabi ng iyong Diyos.
Sa ilang sandali ay kinalimutan kita;
    ngunit titipunin kita sa pamamagitan ng malaking pagkahabag!
Sa nag-uumapaw na poot nang sandali,
    ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo,
ngunit kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob,
    sabi ng Panginoon, na iyong Manunubos.

“Sapagkat(B) para sa akin ito ay parang tubig sa panahon ni Noe;
    gaya ng aking ipinangako,
    na ang tubig sa panahon ni Noe ay hindi na aapaw pa sa lupa,
gayon ako'y nangako na hindi ako magagalit sa iyo,
    at hindi ka na kagagalitan.
10 Sapagkat ang mga bundok ay maaaring umalis,
    at ang mga burol ay mapalipat;
ngunit ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo,
    o ang aking tipan ng kapayapaan ay hindi maaalis,
    sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.

Bagong Jerusalem

11 “O(C) ikaw na nagdadalamhati, na pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw,
    narito, aking ilalagay ang iyong mga bato na may magagandang kulay,
    at lalagyan ko ng mga zafiro ang iyong pundasyon.
12 At gagawin kong mga rubi ang iyong mga tore,
    at mga karbungko ang iyong mga pintuan,
    at mahahalagang bato ang lahat mong mga pader.
13 Lahat(D) ng iyong anak ay tuturuan ng Panginoon;
    at magiging malaki ang kasaganaan ng iyong mga anak.
14 Sa katuwiran ay matatatag ka.
    Ikaw ay malalayo sa pang-aapi sapagkat ikaw ay hindi matatakot,
    at sa pagkasindak, sapagkat ito'y hindi lalapit sa iyo.
15 Kung may magsimula ng alitan,
    ito'y hindi mula sa akin.
Sinumang makipag-away sa iyo
    ay mabubuwal dahil sa iyo.
16 Narito, ako ang lumalang sa panday
    na humihihip sa apoy ng mga baga,
    at naglalabas ng sandata para sa kanyang gawa.
Akin ding nilalang ang mangwawasak upang mangwasak.
17     Walang sandata na ginawa laban sa iyo ang magtatagumpay,
    at bawat dila na babangon laban sa iyo sa kahatulan, ay iyong hahatulan.
Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon,
    at ang pagiging matuwid nila ay mula sa akin, sabi ng Panginoon.”

Habag para sa Lahat

55 “O(E) lahat ng nauuhaw,
    pumarito kayo sa tubig
at siyang walang salapi,
    pumarito kayo, kayo'y bumili at kumain!
Pumarito kayo, kayo'y bumili ng alak at gatas
    ng walang salapi at walang halaga.
Ano't kayo'y gumugugol ng salapi sa hindi pagkain,
    at ng inyong sahod sa hindi nakakabusog?
Pakinggan ninyo akong mabuti, at kainin ninyo kung ano ang mabuti,
    at malugod kayo sa katabaan.
Ang(F) inyong tainga ay inyong ikiling, at pumarito kayo sa akin;
    kayo'y makinig upang ang inyong kaluluwa ay mabuhay.
Ako'y makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan,
    ayon sa tapat na kahabagang ipinakita kay David.
Narito, ginawa ko siyang saksi sa mga bayan,
    isang pinuno at punong-kawal para sa mga bayan.
Narito, ang mga bansa na hindi mo nakikilala ay tatawagin mo,
    at ang bansa na hindi ka nakikilala ay tatakbo sa iyo,
dahil sa Panginoon mong Diyos, at para sa Banal ng Israel;
    sapagkat kanyang niluwalhati ka.

“Inyong hanapin ang Panginoon habang siya'y matatagpuan,
    tumawag kayo sa kanya habang siya'y malapit.
Lisanin ng masama ang kanyang lakad,
    at ng liko ang kanyang mga pag-iisip;
at manumbalik siya sa Panginoon, at kanyang kaaawaan siya;
    at sa aming Diyos, sapagkat siya'y magpapatawad ng sagana.
Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip,
    ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon.
Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa,
    gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan,
    at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.

10 “Sapagkat(G) kung paanong ang ulan at ang niyebe ay bumabagsak mula sa langit,
    at hindi bumabalik doon kundi dinidilig ang lupa,
at ito'y pinasisibulan at pinatutubuan,
    at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa kumakain,
11 magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko;
    hindi ito babalik sa akin na walang bunga,
kundi gaganapin ang ayon sa layunin ko,
    at magtatagumpay sa bagay na kung saan ay sinugo ko ito.

12 “Sapagkat kayo'y lalabas na may kagalakan,
    at papatnubayang may kapayapaan.
Ang mga bundok at ang mga burol sa harapan ninyo
    ay magbubulalas ng pag-awit,
    at ipapalakpak ng lahat ng punungkahoy sa parang ang kanilang mga kamay.
13 Sa halip na tinik, puno ng sipres ang tutubo;
    sa halip na dawag, tutubo ang punong mirtol;
at ito'y magiging sa Panginoon bilang isang alaala,
    para sa walang hanggang tanda na hindi maglalaho.”

Ang Bayan ng Diyos ay Bubuuin

56 Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Kayo'y magpairal ng katarungan, at gumawa ng matuwid;
sapagkat ang aking pagliligtas ay malapit nang dumating,
    at ang aking katuwiran ay mahahayag.

Mapalad ang taong gumagawa nito,
    at ang anak ng tao na nanghahawak dito;
na nangingilin ng Sabbath at hindi ito nilalapastangan,
    at umiiwas sa paggawa ng anumang kasamaan.”

Ang dayuhan na sumanib sa Panginoon ay huwag magsasabi,
    “Tiyak na ihihiwalay ako ng Panginoon sa kanyang bayan”;
at huwag sasabihin ng eunuko,
    “Narito, ako'y punungkahoy na tuyo.”

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:

“Tungkol sa mga eunuko na nangingilin ng aking mga Sabbath,
    at pumipili ng mga bagay na nakakalugod sa akin,
    at nag-iingat ng aking tipan,
ibibigay ko sa kanila sa aking bahay at sa loob ng aking mga pader,
    ang isang alaala at pangalan
    na higit na mabuti kaysa mga anak na lalaki at babae;
bibigyan ko sila ng walang hanggang pangalan,
    na hindi maglalaho.

“At ang mga dayuhan na sumanib sa Panginoon,
    upang maglingkod sa kanya at ibigin ang pangalan ng Panginoon,
    at maging kanyang mga lingkod,
bawat nangingilin ng Sabbath at hindi nilalapastangan ito,
    at nag-iingat ng aking tipan—
sila(H) ay dadalhin ko sa aking banal na bundok,
    at pasasayahin ko sila sa aking bahay dalanginan.
Ang kanilang mga handog na sinusunog at ang kanilang mga alay
    ay tatanggapin sa aking dambana;
sapagkat ang aking bahay ay tatawaging bahay panalanginan
    para sa lahat ng mga bayan.
Gayon ang sabi ng Panginoong Diyos,
    na nagtitipon ng mga itinapon mula sa Israel,
titipunin ko pa ang iba sa kanya
    bukod sa mga natipon na.”

Hinatulan ang mga Pinuno ng Israel

Kayong lahat na mga hayop sa parang,
    kayo'y pumarito upang manakmal—
    kayong lahat na mga hayop sa gubat.
10 Ang kanyang mga bantay ay mga bulag,
    silang lahat ay walang kaalaman;
silang lahat ay mga piping aso,
    sila'y hindi makatahol;
nananaginip, nakahiga,
    maibigin sa pagtulog.
11 Ang mga aso ay matatakaw,
    sila'y kailanman ay walang kabusugan.
At sila'y mga pastol na walang pang-unawa,
    silang lahat ay lumihis sa kanilang sariling daan,
    bawat isa'y sa kanyang pakinabang hanggang sa kahuli-hulihan.
12 “Kayo'y pumarito,” sabi nila, “kumuha tayo ng alak,
    at punuin natin ang ating sarili ng matapang na inumin;
at ang bukas ay magiging gaya ng araw na ito,
    dakila at walang katulad.”

Hinatulan ang Pagsamba sa Diyus-diyosan

57 Ang matuwid ay namamatay,
    at walang taong nagdaramdam;
ang mga taong tapat ay pumapanaw,
    samantalang walang nakakaunawa.
Sapagkat ang matuwid na tao ay inilalayo sa kasamaan.
    Siya'y pumapasok sa kapayapaan;
sila'y nagpapahinga sa kanilang mga higaan
    bawat isa'y lumalakad sa kanyang katuwiran.
Ngunit kayo, magsilapit kayo rito,
    kayong mga anak ng babaing manghuhula,
    mga supling ng masamang babae[a] at mangangalunya.
Sino ang inyong tinutuya?
    Laban kanino kayo nagbubukas ng bibig,
    at naglalawit ng dila?
Hindi ba kayo'y mga anak ng pagsuway,
    supling ng pandaraya,
kayong mga nag-aalab na may pagnanasa sa gitna ng mga ensina,
    sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy;
na pumapatay ng inyong mga anak sa mga libis,
    sa mga bitak ng mga bato sa mga bangin?
Sa gitna ng mga makinis na bato sa libis ang iyong bahagi;
    sila, sila ang iyong bahagi;
sa kanila ka nagbuhos ng inuming handog,
    ikaw ay nag-alay ng handog na butil.
    Mapapayapa ba ako sa mga bagay na ito?
Sa isang mataas at matayog na bundok
    ay inilagay mo ang iyong higaan;
    doon ka naman sumampa upang maghandog ng alay.
At sa likod ng mga pintuan at ng mga hamba
    ay itinaas mo ang iyong sagisag;
sapagkat hinubaran mo ang iyong sarili sa iba kaysa akin,
    at ikaw ay sumampa roon,
    iyong pinaluwang ang iyong higaan;
at nakipagtipan ka sa kanila,
    iyong inibig ang kanilang higaan,
    minasdan mo ang kanilang pagkalalaki.
Ikaw ay naglakbay sa hari na may dalang langis,
    at pinarami mo ang iyong mga pabango;
at iyong ipinadala ang iyong mga sugo sa malayo,
    at iyong pinababa hanggang sa Sheol.
10 Ikaw ay napagod sa kahabaan ng iyong lakad,
    gayunma'y hindi mo sinabi, “Ito'y walang pag-asa”;
ikaw ay nakasumpong ng bagong buhay para sa iyong lakas,
    kaya't hindi ka nanlupaypay.

11 At kanino ka nangilabot at natakot,
    anupa't ikaw ay nagsinungaling,
at hindi mo ako inalaala,
    o inisip mo man?
Hindi ba ako tumahimik nang matagal na panahon,
    at hindi mo ako kinatatakutan?
12 Aking ipahahayag ang iyong katuwiran at ang iyong mga gawa,
    ngunit hindi mo mapapakinabangan.
13 Kapag ikaw ay sumigaw, iligtas ka nawa ng mga diyus-diyosang iyong tinipon!
    Ngunit tatangayin sila ng hangin,
    isang hinga ang tatangay sa kanila.
Ngunit siyang nanganganlong sa akin ay mag-aari ng lupain,
    at magmamana ng aking banal na bundok.

Ang Pangakong Tulong at Pagpapagaling ng Diyos

14 At kanyang sasabihin,
“Inyong patagin, inyong patagin, ihanda ninyo ang lansangan,
    inyong alisin ang bawat sagabal sa lansangan ng aking bayan.”

Efeso 6

Mga Anak at mga Magulang

Mga(A) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito'y matuwid.

“Igalang(B) mo ang iyong ama at ina”—ito ang unang utos na may pangako,

“upang maging mabuti ang inyong kalagayan at ikaw ay mabuhay nang matagal sa ibabaw ng lupa.”

At(C) mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, kundi akayin ninyo sila sa pagsasanay at pangaral ng Panginoon.

Mga Alipin at mga Panginoon

Mga(D) alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon sa laman na may takot at panginginig, sa katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo,

hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay-lugod sa mga tao, kundi gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa ang kalooban ng Diyos mula sa puso,

naglilingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng paglilingkod sa Panginoon, at hindi sa mga tao,

yamang nalalaman na anumang mabuting bagay na gawin ng bawat tao, ito ay kanyang muling tatanggapin mula sa Panginoon, maging alipin o malaya.

At(E) mga panginoon, gayundin ang inyong gawin sa kanila, iwasan ang pananakot yamang nalalaman ninyo na kayo ay may iisang Panginoon sa langit, at siya'y walang itinatanging tao.

Ang Buong Kasuotang Pandigma

10 Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas.

11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo'y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo.

12 Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan.

13 Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag.

14 Kaya't(F) tumindig kayo, na ang inyong mga baywang ay nabibigkisan ng katotohanan na suot ang baluti ng katuwiran,

15 at(G) nakasuot sa inyong mga paa ang pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan.

16 Kasama ng lahat ng mga ito, taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na sa pamamagitan nito ay inyong masusugpo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama.

17 At(H) taglayin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos.

18 Manalangin kayo sa Espiritu sa lahat ng panahon sa bawat panalangin at pagsamo. At sa bagay na ito ay maging handa na may buong pagtitiyaga at pagsusumamo para sa lahat ng mga banal.

19 Idalangin din ninyo ako upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubukas ng aking bibig, upang ipahayag na may katapangan ang hiwaga ng ebanghelyo,

20 na dahil dito ako'y isang sugong may tanikala; upang ito'y aking maipahayag na may katapangan gaya ng nararapat na aking sabihin.

Pangwakas na Pagbati

21 At(I) (J) upang malaman din ninyo ang mga bagay tungkol sa akin at ang aking kalagayan, si Tiquico ang siyang magsasalaysay sa inyo ng lahat ng mga bagay. Siya na aking minamahal na kapatid at tapat na lingkod sa Panginoon.

22 Isinusugo ko siya sa inyo para sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa amin, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso.

23 Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

24 Ang biyaya nawa'y sumakanilang lahat na mayroong pag-ibig na di-kumukupas sa ating Panginoong Jesu-Cristo.[a]

Mga Awit 70

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
    O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
Mapahiya at malito nawa sila
    na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
    silang nagnanais na ako'y masaktan!
Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
    silang nagsasabi, “Aha, Aha!”

Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
    ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
    ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
    magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
    O Panginoon, huwag kang magtagal!

Mga Kawikaan 24:8

Siyang nagbabalak ng paggawa ng kasamaan,
    ay tatawaging manggagawa ng kalokohan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001