Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 51-53

Salitang Pang-aliw sa Zion

51 Kayo'y makinig sa akin, kayong sumusunod sa katuwiran
    kayong naghahanap sa Panginoon;
tumingin kayo sa malaking bato na inyong pinagtapyasan,
    at sa tibagan na pinaghukayan sa inyo.
Tingnan ninyo si Abraham na ama ninyo,
    at si Sara na nagsilang sa inyo;
sapagkat nang siya'y iisa ay tinawag ko siya,
    at pinagpala ko at pinarami siya.
Sapagkat aaliwin ng Panginoon ang Zion;
    kanyang aaliwin ang lahat niyang sirang dako,
at gagawin niyang parang Eden ang kanyang ilang,
    ang kanyang disyerto na parang halamanan ng Panginoon;
kagalakan at kasayahan ay matatagpuan doon,
    pagpapasalamat at tinig ng awit.

“Makinig ka sa akin, bayan ko;
    at pakinggan mo ako, bansa ko.
Sapagkat magmumula sa akin ang isang kautusan,
    at ang aking katarungan bilang liwanag sa mga bayan.
Ang aking katuwiran ay malapit na,
    ang aking kaligtasan ay humayo na,
    at ang aking mga bisig ay hahatol sa mga bayan;
ang mga pulo ay naghihintay sa akin,
    at sa aking bisig ay umaasa sila.
Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit,
    at tingnan ninyo ang lupa sa ibaba;
sapagkat ang langit ay mapapawing parang usok,
    at ang lupa ay malulumang parang bihisan;
    at silang naninirahan doon ay mamamatay sa gayunding paraan.
Ngunit ang pagliligtas ko ay magpakailanman,
    at hindi magwawakas ang aking katuwiran.

“Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng katuwiran,
    ang bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan.
Huwag ninyong katakutan ang pagkutya ng mga tao,
    at huwag kayong mabalisa sa kanilang mga paglait.
Sapagkat sila'y lalamunin ng bukbok na parang bihisan,
    at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa;
ngunit ang aking katuwiran ay magiging magpakailanman,
    at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng salinlahi.”

Gumising ka, gumising ka, magpakalakas ka,
    O bisig ng Panginoon.
Gumising ka na gaya nang araw noong una,
    nang mga lahi ng mga dating panahon.
Hindi ba ikaw ang pumutol ng Rahab,
    na sumaksak sa dragon?
10 Hindi ba ikaw ang tumuyo sa dagat,
    sa tubig ng malaking kalaliman;
na iyong ginawang daan ang kalaliman ng dagat
    upang daanan ng tinubos?
11 At ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik,
    at darating na may awitan sa Zion;
at nasa kanilang mga ulo ang walang hanggang kagalakan,
    sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan;
    at tatakas ang kalungkutan at pagbubuntong-hininga.

12 “Ako, ako nga, ang siyang umaaliw sa inyo.
    Sino ka na natatakot sa namamatay na tao,
    at sa anak ng tao na ginawang parang damo,
13 at iyong kinalimutan ang Panginoon na iyong Manlalalang,
    na nagladlad ng mga langit,
    at siyang naglagay ng mga pundasyon ng lupa,
at ikaw ay laging natatakot sa buong araw
    dahil sa bagsik ng mang-aapi,
kapag siya'y naghahanda upang mangwasak?
    At saan naroon ang bagsik ng mang-aapi?
14 Ang inapi ay mabilis na palalayain,
    hindi siya mamamatay patungo sa Hukay,
    ni magkukulang man ang kanyang tinapay.
15 Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
    na nagpapakilos sa dagat, na ang mga alon niyon ay umuugong—
     Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan.
16 At inilagay ko ang aking mga salita sa bibig mo,
    at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay
upang mailadlad ang mga langit,
    at upang maitatag ang lupa,
    at sinasabi sa Zion, ‘Ikaw ay aking bayan.’”

Katapusan ng Paghihirap ng Jerusalem

17 Gumising(A) ka, gumising ka,
    tumayo ka, O Jerusalem.
Ikaw na uminom sa kamay ng Panginoon
    sa kopa ng kanyang poot,
na iyong sinaid ang kopa ng pampasuray.
18 Walang pumatnubay sa kanya
    sa lahat ng anak na kanyang ipinanganak;
ni humawak man sa kanya sa kamay
    sa lahat ng anak na kanyang pinalaki.
19 Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo—sinong makikiramay sa iyo?—
pagkagiba, pagkasira, taggutom at ang tabak;
    sinong aaliw sa iyo?
20 Ang iyong mga anak ay nanlupaypay,
    sila'y nahihiga sa dulo ng bawat lansangan,
    na gaya ng isang usa sa isang lambat;
sila'y puspos ng poot ng Panginoon,
    ng saway ng iyong Diyos.

21 Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati,
    at lasing, ngunit hindi ng alak.
22 Ganito ang sabi ng iyong Panginoon, ang Panginoon,
    ang iyong Diyos na nagsasanggalang ng usapin ng kanyang bayan:
“Narito, aking inalis sa iyong kamay ang kopa na pampasuray;
    ang kopa ng aking poot;
    hindi ka na muling iinom.
23 At aking ilalagay ito sa kamay ng mga nagpapahirap sa iyo,
    na nagsabi sa iyong kaluluwa,
    ‘Ikaw ay yumuko upang kami ay makaraan’;
at ginawa mo ang iyong likod na parang lupa,
    at parang lansangan na kanilang madaraanan.”

Tutubusin ng Diyos ang Jerusalem

52 Gumising(B) ka, gumising ka!
    Magsuot ka ng iyong kalakasan, O Zion.
Magsuot ka ng iyong magagandang damit,
    O Jerusalem, ang banal na lunsod,
sapagkat ang hindi tuli at ang marumi
    ay hindi na muling papasok sa iyo.
Magpagpag ka ng alabok, ikaw ay bumangon,
    O bihag na Jerusalem.
Kalagin mo ang tali sa iyong leeg,
    O bihag na anak na babae ng Zion.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Kayo'y ipinagbili sa wala, at kayo'y tutubusin na walang salapi.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Ehipto upang makipamayan doon, at inapi sila ng mga taga-Asiria ng walang kadahilanan.

Ngayon(C) anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon. Yamang ang aking bayan ay dinala nang walang dahilan? Ang mga namumuno sa kanila ay umuungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay laging hinahamak sa buong araw.

Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan. Malalaman nila sa araw na iyon, na ako ang nagsasalita. Narito ako.”

Napakaganda(D) sa mga bundok
    ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan,
na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan,
    na naghahayag ng kaligtasan,
    na nagsasabi sa Zion, “Ang iyong Diyos ay naghahari!”
Pakinggan mo! Inilakas ng mga bantay ang kanilang tinig,
    na magkakasamang nagsisiawit sa kagalakan;
sapagkat makikita ng sarili nilang mga mata
    ang pagbalik ng Panginoon sa Zion.
Magalak kayong bigla, kayo'y umawit na magkakasama,
    kayong mga sirang dako ng Jerusalem;
sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
    kanyang tinubos ang Jerusalem.
10 Hinubaran ng Panginoon ang kanyang banal na bisig
    sa mga mata ng lahat na bansa;
at makikita ng lahat ng dulo ng lupa
    ang pagliligtas ng ating Diyos.

11 Kayo'y(E) humayo, kayo'y humayo! Kayo'y umalis doon,
    huwag kayong humipo ng maruming bagay.
Kayo'y lumabas sa gitna niya, kayo'y magpakalinis,
    kayong nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.
12 Sapagkat kayo'y hindi lalabas na nagmamadali,
    o lalabas man kayo dahil sa pagtakas,
sapagkat ang Panginoon ay mauuna sa inyo;
    at ang Diyos ng Israel ay magiging inyong bantay sa likod.

Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon

13 Narito, ang lingkod ko ay magtatagumpay,
    siya'y dadakilain at itataas,
    at magiging napakataas.
14 Kung paanong marami ang namangha sa kanya[a]
    ang kanyang anyo ay napinsalang lubha, halos hindi na anyo ng tao, na hindi makilalang tao,
    at ang kanyang hugis ay higit kaysa sa mga anak ng mga tao—
15 gayon(F) siya magwiwisik sa maraming bansa;
    ititikom ng mga hari ang kanilang mga bibig dahil sa kanya;
sapagkat ang hindi nasabi sa kanila ay kanilang makikita,
    at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawaan.

53 Sinong(G) naniwala sa aming narinig?
    At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?
Sapagkat siya'y tumubo sa harapan niya na gaya ng sariwang pananim,
    at gaya ng ugat sa tuyong lupa.
Siya'y walang anyo o kagandahan man na dapat nating pagmasdan siya,
    at walang kagandahan na maiibigan natin sa kanya.
Siya'y hinamak at itinakuwil ng mga tao;
    isang taong nagdurusa, at sanay sa kalungkutan;
at gaya ng isa na pinagkublihan ng mukha ng mga tao,
    siya'y hinamak, at hindi natin siya pinahalagahan.

Tunay(H) na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman,
    at dinala ang ating mga kalungkutan;
gayunma'y ating itinuring siya na hinampas,
    sinaktan ng Diyos at pinahirapan.
Ngunit(I) siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway,
    siya'y binugbog dahil sa ating mga kasamaan;
ipinataw sa kanya ang parusa para sa ating kapayapaan,
    at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo.
Tayong(J) lahat ay gaya ng mga tupang naligaw;
    bawat isa sa atin ay lumihis sa kanyang sariling daan;
at ipinasan sa kanya ng Panginoon
    ang lahat nating kasamaan.

Siya'y(K) (L) inapi, at siya'y sinaktan,
    gayunma'y hindi niya ibinuka ang kanyang bibig;
gaya ng kordero na dinadala sa katayan,
    at gaya ng tupa na sa harapan ng mga manggugupit sa kanya ay pipi,
    kaya't hindi niya ibinuka ang kanyang bibig.
Sa pamamagitan ng pang-aapi at paghatol ay inilayo siya;
    at tungkol sa kanyang salinlahi,
na itinuring na siya'y itiniwalag sa lupain ng mga buháy,
    at sinaktan dahil sa pagsalangsang ng aking bayan.
At(M) ginawa nila ang kanyang libingan na kasama ng masasama,
    at kasama ng isang lalaking mayaman sa kanyang kamatayan;
bagaman hindi siya gumawa ng karahasan,
    o walang anumang pandaraya sa kanyang bibig.

10 Gayunma'y kinalugdan ng Panginoon na mabugbog siya;
    kanyang inilagay siya sa pagdaramdam;
kapag gagawin niya ang kanyang kaluluwa bilang handog pangkasalanan,
    makikita niya ang kanyang supling, pahahabain niya ang kanyang mga araw;
at ang kalooban ng Panginoon ay uunlad sa kanyang kamay.
11     Kanyang makikita ang bunga ng paghihirap ng kanyang kaluluwa,
at masisiyahan sa pamamagitan ng kanyang kaalaman.
    Aariing-ganap ng matuwid kong lingkod ang marami,
    at papasanin niya ang kanilang mga kasamaan.
12 Kaya't(N) hahatian ko siya ng bahagi na kasama ng dakila,
    at kanyang hahatiin ang samsam na kasama ng malakas;
sapagkat kanyang ibinuhos ang kanyang kaluluwa sa kamatayan,
    at ibinilang na kasama ng mga lumalabag;
gayunma'y pinasan niya ang kasalanan ng marami,
    at namagitan para sa mga lumalabag.

Efeso 5

Lumakad sa Liwanag

Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal,

at(A) lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy.

Ngunit ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag sanang mabanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal.

Gayundin ang karumihan at hangal na pagsasalita, o mga pagbibiro na di-nararapat, kundi ang pagpapasalamat.

Sapagkat inyong nalalaman na bawat mapakiapid, o mahalay, o sakim, na sumasamba sa mga diyus-diyosan, ay walang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Diyos.

Huwag kayong padaya sa mga salitang walang katuturan, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.

Kaya't huwag kayong makibahagi sa kanila;

sapagkat kayo'y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon. Lumakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag—

(sapagkat ang bunga ng liwanag ay nasa lahat ng mabuti, matuwid at katotohanan)

10 na inaalam kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.

11 At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito.

12 Sapagkat ang mga bagay na palihim nilang ginagawa ay kahiya-hiyang sabihin,

13 subalit ang lahat ng mga bagay na inilantad sa pamamagitan ng liwanag ay nakikita,

14 sapagkat anumang bagay na nakikita ay liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”

15 Kaya't maging maingat kayo sa inyong paglakad, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong,

16 na(B) sinasamantala ang panahon, sapagkat ang mga araw ay masasama.

17 Kaya't huwag kayong maging mga hangal, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

18 Huwag kayong magpakalasing sa alak, na ito ay labis na kahalayan, kundi mapuno kayo ng Espiritu.

19 Kayo'y(C) magsalita sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espirituwal, na sa inyong mga puso ay nag-aawitan at gumagawa ng himig sa Panginoon,

20 laging nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa Diyos na ating Ama.

Ang Relasyong Mag-asawa

21 Pasakop kayo sa isa't isa dahil sa takot kay Cristo.

22 Mga(D) asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa, gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon.

23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, gaya ni Cristo na ulo ng iglesya, na siya ang tagapagligtas ng katawan.

24 Subalit kung paanong ang iglesya ay napapasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng mga bagay.

25 Mga(E) asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, gaya ni Cristo na nagmahal sa iglesya, at ibinigay ang kanyang sarili alang-alang sa kanya;

26 upang kanyang pakabanalin siya, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita,

27 upang kanyang maiharap sa kanyang sarili ang isang maluwalhating iglesya, na walang batik, o kulubot, o anumang gayong bagay, kundi siya ay maging banal at walang dungis.

28 Gayundin naman, nararapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanya-kanyang sariling asawa gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kanyang sariling asawa ay umiibig sa kanyang sarili.

29 Sapagkat walang sinumang napoot sa kanyang sariling katawan, kundi inaalagaan at iniingatan ito, gaya naman ni Cristo sa iglesya;

30 sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan.

31 Dahil(F) dito iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.

32 Ang hiwagang ito ay dakila, subalit ako ay nagsasalita tungkol kay Cristo at sa iglesya.

33 Gayunman, dapat ibigin ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling asawa gaya ng kanyang sarili, at igalang ng babae ang kanyang asawa.

Mga Awit 69:19-36

19 Nalalaman mo ang aking kasiraan,
    ang aking kahihiyan at aking kakutyaan;
    lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo.
20 Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira;
    kaya't ako'y may sakit.
Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman;
    at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan.
21 Binigyan(A) nila ako ng lason bilang pagkain,
    at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.
22 Ang(B) kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag;
    kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.

23 Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita;

    at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.
24 Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,
    at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot.
25 Ang(C) kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw;
    sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan.
26 Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw,
    at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan.
27 Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan;
    at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran.
28 Mapawi(D) nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay,
    huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan.
29 Ngunit ako'y nagdadalamhati at nasasaktan,
    ang iyo nawang pagliligtas, O Diyos, ang magtaas sa akin!

30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
    at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
    o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
    ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
    at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.

34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
    ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
    at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36     ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
    at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.

Mga Kawikaan 24:7

Ang karunungan ay napakataas para sa isang hangal;
    hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig sa may pintuang-bayan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001