Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 48:12-50:11

Si Ciro ang Pinunong Pinili ng Panginoon

12 “Makinig(A) ka sa akin, O Jacob,
    at Israel na tinawag ko;
ako nga; ako ang una,
    ako rin ang huli.
13 Ang aking kamay ang siyang naglagay ng pundasyon ng lupa,
    at ang aking kanan ang siyang nagladlad ng mga langit;
kapag ako'y tumatawag sa kanila,
    sila'y nagsisitayong magkakasama.
14 “Kayo'y magtipon, kayong lahat, at pakinggan ninyo!
    Sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito?
Minamahal siya ng Panginoon;
    kanyang tutuparin ang kanyang mabuting hangarin sa Babilonia,
    at ang kanyang kamay ay magiging laban sa mga Caldeo.
15 Ako, ako nga'y nagsalita; oo, aking tinawag siya;
    aking dinala siya, at kanyang pagtatagumpayin ang mga lakad niya.
16 Kayo'y lumapit sa akin, pakinggan ninyo ito:
    mula sa pasimula ay hindi ako nagsalita ng lihim,
    mula nang panahon na nangyari ito ay naroon na ako.”
At ngayo'y sinugo ako ng Panginoong Diyos at ng kanyang Espiritu.

Ang Plano ng Diyos sa Kanyang Bayan

17 Ganito ang sabi ng Panginoon,
    ng inyong Manunubos, ang Banal ng Israel:
“Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na nagtuturo sa iyo para sa iyong kapakinabangan,
    na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.
18 O kung dininig mo sana ang aking mga utos!
    Ang iyong kapayapaan sana ay naging parang ilog,
    at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat.
19 Ang iyong lahi sana ay naging parang buhangin
    at ang iyong mga supling ay parang mga butil niyon;
ang kanilang pangalan ay hindi tatanggalin
    o mawawasak man sa harapan ko.”

20 Kayo'y(B) lumabas sa Babilonia, tumakas kayo sa Caldea,
    ipahayag ninyo ito sa tinig ng sigaw ng kagalakan, ipahayag ninyo ito,
ibalita ninyo hanggang sa dulo ng lupa;
    inyong sabihin, “Tinubos ng Panginoon si Jacob na kanyang lingkod!”
21 At sila'y hindi nauhaw nang patnubayan niya sila sa mga ilang;
    kanyang pinaagos ang tubig mula sa bato para sa kanila;
    kanyang nilagyan ng guwang ang bato, at ang tubig ay bumukal.
22 “Walang(C) kapayapaan para sa masama,” sabi ng Panginoon.

Ang Israel ang Tanglaw ng mga Bansa

49 Kayo'y(D) makinig sa akin, O mga pulo;
    at inyong pakinggan, kayong mga bayan sa malayo.
Tinawagan ako ng Panginoon mula sa sinapupunan,
    mula sa katawan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan.
Ang(E) aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak,
    sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako;
ginawa niya akong makinang na palaso,
    sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako.
At sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking lingkod;
    Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.”
Ngunit aking sinabi, “Ako'y gumawang walang kabuluhan,
    ginugol ko ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan;
gayunma'y ang aking katarungan ay nasa Panginoon,
    at ang aking gantimpala ay nasa aking Diyos.”

At ngayo'y sinabi ng Panginoon,
    na nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan upang maging kanyang lingkod,
upang ibalik uli ang Jacob sa kanya,
    at ang Israel ay matipon sa kanya;
sapagkat sa mga mata ng Panginoon ako'y pinarangalan,
    at ang aking Diyos ay aking kalakasan—
oo, kanyang(F) sinasabi:
“Napakagaan bang bagay na ikaw ay naging aking lingkod
upang ibangon ang mga lipi ni Jacob,
    at panumbalikin ang iningatan ng Israel;
ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga bansa
    upang ang aking kaligtasan ay makarating hanggang sa dulo ng lupa.”

Ganito ang sabi ng Panginoon,
    ng Manunubos ng Israel at ng kanyang Banal,
sa lubos na hinamak, sa kinasuklaman ng bansa,
    ang lingkod ng mga pinuno:
“Ang mga hari at ang mga pinuno,
    ay makakakita at babangon, at sila'y magsisisamba;
dahil sa Panginoon na tapat,
    sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.”

Ganito(G) ang sabi ng Panginoon:

“Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita,
    at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita;
aking iningatan ka, at ibinigay kita
    bilang isang tipan sa bayan,
upang itatag ang lupain,
    upang ipamahagi ang mga sirang mana;
na sinasabi sa mga bilanggo, ‘Kayo'y magsilabas;’
    sa mga nasa kadiliman, ‘Magpakita kayo.’
Sila'y magsisikain sa mga daan,
    at ang lahat ng bukas na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10 Sila'y(H) hindi magugutom, o mauuhaw man;
    at hindi rin sila mapapaso ng maiinit na hangin ni sasaktan man sila ng araw.
Sapagkat siyang may awa sa kanila ang sa kanila ay papatnubay,
    at aakayin sila sa tabi ng mga bukal ng tubig.
11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok,
    at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12 Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo,
    at, narito, ang mga ito ay mula sa hilaga, at mula sa kanluran,
    at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.”

13 Umawit ka sa kagalakan, O kalangitan, at magalak ka, O lupa;
    kayo'y biglang umawit, O mga kabundukan!
Sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at mahahabag sa kanyang mga nahihirapan.

14 Ngunit sinabi ng Zion, “Pinabayaan ako ng Panginoon,
    kinalimutan ako ng aking Panginoon.”
15 “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin,
    na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan?
Oo, ang mga ito'y makakalimot,
    ngunit hindi kita kalilimutan.
16 Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko,
    ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko.
17 Ang iyong mga tagapagtayo ay magmamadali,
    at ang sumisira, at ang nagwawasak sa iyo ay lalayo.
18 Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo;
    silang lahat ay nagtitipon, sila'y lumalapit sa iyo.
Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoon,
    silang lahat ay isusuot mo na gaya ng panggayak,
    gaya ng ginagawa ng babaing ikakasal, bibigkisan mo silang lahat.

19 “Sapagkat ang iyong mga sira at mga gibang dako
    at ang iyong lupaing nawasak—
tiyak na ngayon ikaw ay magiging totoong napakakipot
    para sa iyong mga mamamayan, at silang lumamon sa iyo ay mapapalayo.
20 Ang mga anak na ipinanganak sa panahon ng inyong kapanglawan
    ay magsasabi pa sa iyong pandinig:
‘Ang lugar ay napakakipot para sa akin.
    Bigyan mo ako ng lugar na aking matitirahan.’
21 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong puso:
    ‘Sinong nagsilang ng mga ito sa akin?
Ako'y namanglaw at walang anak,
    itinapon at palabuy-laboy,
    ngunit sinong nagpalaki sa mga ito?
Narito, ako'y naiwang mag-isa;
    saan nagmula ang mga ito?’”

22 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“Itataas ko ang aking kamay sa mga bansa,
    at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan;
at ilalagay nila ang inyong mga anak na lalaki sa kanilang sinapupunan,
    at ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga balikat ay ipapasan.
23 At mga hari ang magiging iyong mga tagapag-alaga,
    at ang kanilang mga reyna ay siyang mag-aaruga.
Sila'y yuyukod sa iyo na ang kanilang mga mukha ay nakatungo sa lupa,
    at hihimurin ang alabok ng inyong mga paa.
At iyong makikilala na ako ang Panginoon;
    ang mga naghihintay sa akin ay hindi mapapahiya.

24 Makukuha ba ang biktima mula sa makapangyarihan,
    o maililigtas ba ang nabiktima ng malupit?”
25 Ngunit, ganito ang sabi ng Panginoon:
“Pati ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin,
    at ang biktima ng malupit ay maliligtas,
sapagkat ako'y makikipaglaban sa mga nakikipaglaban sa iyo,
    at aking ililigtas ang mga anak mo.
26 At ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang kanilang sariling laman,
    at sila'y malalasing sa kanilang sariling dugo na gaya ng matamis na alak.
At makikilala ng lahat ng laman
    na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas,
    at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ng Jacob.”

50 Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Nasaan ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina,
    na aking ipinaghiwalay sa kanya?
O kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita?
Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay ipinagbili kayo,
    at dahil sa inyong mga pagsuway ay inilayo ang ina ninyo.
Bakit nang ako'y pumarito ay walang tao?
    Nang ako'y tumawag, bakit walang sumagot?
Naging maikli na ba ang aking kamay, anupa't hindi makatubos?
    O wala akong kapangyarihang makapagligtas?
Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat,
    aking ginawang ilang ang mga ilog.
Ang kanilang isda ay bumabaho sapagkat walang tubig,
    at namamatay dahil sa uhaw.
Aking binibihisan ng kaitiman ang langit,
    at aking ginagawang damit-sako ang kanyang panakip.”

Ang Pagsunod ng Lingkod ng Diyos

Binigyan ako ng Panginoong Diyos
    ng dila ng mga naturuan,
upang aking malaman kung paanong aalalayan
    ng mga salita ang nanlulupaypay.
Siya'y nagigising tuwing umaga,
    ginigising niya ang aking pandinig
    upang makinig na gaya ng mga naturuan.
Binuksan ng Panginoong Diyos ang aking pandinig,
    at ako'y hindi naging mapaghimagsik,
    o tumalikod man.
Iniharap(I) ko ang aking likod sa mga tagahampas,
    at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng balbas;
hindi ko ikinubli ang aking mukha
    sa kahihiyan at sa paglura.

Sapagkat tinulungan ako ng Panginoong Diyos;
    kaya't hindi ako napahiya;
kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong kiskisan,
    at alam ko na hindi ako mapapahiya.
    Siya(J) na magpapawalang-sala sa akin ay malapit.
Sinong makikipaglaban sa akin?
    Tayo'y tumayong magkakasama.
Sino ang aking kaaway?
    Bayaang lumapit siya sa akin.
Narito, tinutulungan ako ng Panginoong Diyos;
    sino ang magsasabi na ako ay nagkasala?
Tingnan mo, silang lahat ay malulumang parang bihisan;
    lalamunin sila ng tanga.

10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon,
    na sumusunod sa tinig ng kanyang lingkod,
na lumalakad sa kadiliman,
    at walang liwanag?
Magtiwala siya sa pangalan ng Panginoon,
    at umasa sa kanyang Diyos.
11 Narito, kayong lahat na nagpapaningas ng apoy,
    na nagsisindi ng mga suló!
Lumakad kayo sa liyab ng inyong apoy,
    at sa gitna ng mga suló na inyong sinindihan!
Ito ang makakamit ninyo sa aking kamay:
    kayo'y hihiga sa pagpapahirap.

Efeso 4:17-32

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa Panginoon, na kayo'y hindi na dapat lumakad na gaya ng lakad ng mga Hentil, sa kawalang-saysay ng kanilang mga pag-iisip.

18 Nagdilim ang kanilang mga pang-unawa, palibhasa'y nahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso;

19 sila'y naging manhid at ibinigay ang kanilang sarili sa kahalayan, sakim sa paggawa ng bawat uri ng karumihan.

20 Ngunit hindi sa gayong paraan ninyo natutunan si Cristo!

21 Kung tunay na siya'y inyong narinig at tinuruan sa kanya, kung paanong ang katotohanan ay na kay Jesus,

22 alisin(A) ninyo ang dating paraan ng inyong pamumuhay, ang dating pagkatao na pinasama sa pamamagitan ng mapandayang pagnanasa,

23 at magbago sa espiritu ng inyong pag-iisip,

24 at(B) kayo'y magbihis ng bagong pagkatao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.

25 Kaya't(C) pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa.

26 Magalit(D) kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit,

27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo.

28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibahagi sa nangangailangan.

29 Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay,[a] ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig.

30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan niya kayo'y tinatakan para sa araw ng pagtubos.

31 Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang-puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan,

32 at(E) maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.

Mga Awit 69:1-18

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.

69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
    Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
    ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
    at ang baha ay tumatangay sa akin.
Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
    ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
    sa kahihintay sa aking Diyos.

Higit(A) kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang
    ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan;
ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian.
Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli.
O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko;
    ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo.

Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo,
    O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo,
    O Diyos ng Israel.
Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
    at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
    sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.

Sapagkat(B) ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
    at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10 Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
    iyon ay naging kahihiyan ko.
11 Nang magsuot ako ng damit-sako,
    naging bukambibig nila ako.
12 Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
    at ako ang awit ng mga lasenggo.

13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
    sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
    sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14     sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
    at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
    mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
    ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
    ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.

16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
    ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
    sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18 O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
    dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!

Mga Kawikaan 24:5-6

Ang taong pantas ay mas makapangyarihan kaysa sa malakas,
    at ang taong may kaalaman kaysa sa may kalakasan.
Sapagkat maaari kang makidigma kapag may matalinong pamamatnubay,
    at sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong tagumpay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001