Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 45:11-48

11 Ganito ang sabi ng Panginoon,
    ng Banal ng Israel, at ng Maylalang sa kanya:
“Magtanong ka sa akin tungkol sa mga bagay na darating;
    tungkol sa aking mga anak, at tungkol sa gawa ng aking mga kamay, mag-utos kayo sa akin.
12 Aking ginawa ang lupa,
    at nilikha ko ang tao sa ibabaw nito;
ako, ang aking mga kamay ang nagladlad ng mga langit,
    at inuutusan ko ang lahat ng naroroon.
13 Aking ibinangon siya sa katuwiran,
    at aking tutuwirin ang lahat niyang lakad;
kanyang itatayo ang aking lunsod,
    at kanyang palalayain ang aking mga binihag,
hindi sa halaga o sa gantimpala man,”
    sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ang Panginoon Lamang ang Tagapagligtas

14 Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Ang yari ng Ehipto at ang kalakal ng Etiopia,
    at ang mga Sabeo, mga taong matatangkad,
ay paparito sa iyo, at sila'y magiging iyo;
    sila'y susunod sa iyo.
    Sila'y darating na may tanikala at sila'y magpapatirapa sa iyo.
Sila'y makikiusap sa iyo, na nagsasabi,
    ‘Tunay na ang Diyos lamang ang nasa iyo, at walang iba,
    walang ibang Diyos.’”
15 Katotohanang ikaw ay Diyos na nagkukubli,
    O Diyos ng Israel, ang Tagapagligtas.
16 Silang lahat ay napahiya at nalito,
    ang mga manggagawa ng mga diyus-diyosan ay magkakasamang nalilito.
17 Ngunit ang Israel ay ililigtas ng Panginoon
    ng walang hanggang kaligtasan;
kayo'y hindi mapapahiya o malilito man
    hanggang sa walang hanggan.

18 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon
na lumikha ng langit
    (siya ay Diyos!),
na nag-anyo ng lupa at gumawa niyon,
    (na kanyang itinatag;
hindi niya ito nilikha na sira,
    ito ay kanyang inanyuan upang tirhan!):
“Ako ang Panginoon, at wala nang iba.
19 Ako'y hindi nagsalita ng lihim,
    sa dako ng lupain ng kadiliman;
hindi ko sinabi sa lahi ni Jacob,
    ‘Hanapin ninyo ako nang walang kabuluhan.’
Akong Panginoon ay nagsasalita ng katuwiran,
    ako'y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid.

Ang Diyus-diyosan at ang Panginoon

20 “Kayo'y magtipon at pumarito,
    magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakaligtas sa mga bansa!
Sila'y walang kaalaman
    na nagdadala ng kanilang kahoy na larawang inanyuan,
at nananalangin sa diyos
    na hindi makapagliligtas.
21 Kayo'y magpahayag at maglahad;
    oo, magsanggunian silang magkakasama!
Sinong nagsabi nito nang unang panahon?
    Sinong nagpahayag niyon nang una?
Hindi ba ako, na Panginoon?
    At walang Diyos liban sa akin,

isang matuwid na Diyos at Tagapagligtas;
    walang iba liban sa akin.

22 “Kayo'y bumaling sa akin, at kayo'y maliligtas,
    lahat ng dulo ng lupa!
    Sapagkat ako'y Diyos, at walang iba liban sa akin.
23 Aking(A) isinumpa sa aking sarili,
    mula sa aking bibig ay lumabas sa katuwiran,
    ang isang salita na hindi babalik:
‘Na sa akin ay luluhod ang bawat tuhod,
    bawat dila ay susumpa.’

24 “Kanyang sasabihin sa Panginoon lamang,
    ang katuwiran at kalakasan,
    iyon ang sasabihin tungkol sa akin;
    sa kanya'y magsisiparoon ang mga tao,
    at ang lahat ng nagagalit sa kanya ay mapapahiya.
25 Sa Panginoon ang lahat ng anak ng Israel
    ay aariing-ganap at luluwalhatiin.”

46 Si Bel ay nagpapatirapa, si Nebo ay yumuyukod;
    ang kanilang mga diyus-diyosan ay pasan ng mga baka at mga hayop;
ang mga bagay na ito na inyong dala-dala
    ay mabigat na pasan sa pagod.
Sila'y yumuyukod, sila'y nagpapatirapang magkakasama;
    hindi nila mailigtas ang pasan,
    kundi sila ma'y tutungo sa pagkabihag.

“Inyong dinggin ako, O sambahayan ni Jacob,
    at lahat na nalabi sa sambahayan ni Israel,
na kinalong ko mula sa iyong pagsilang,
    na dinala mula sa sinapupunan;
at hanggang sa katandaan mo ay ako siya,
    at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita.
Ginawa kita at aking dadalhin ka.
    Aking dadalhin at ililigtas ka.

“Kanino ninyo ako itutulad,
    at ihahambing ako upang kami ay maging magkatulad?
Sila'y dumudukot ng maraming ginto sa supot,
    at nagtitimbang ng pilak sa timbangan,
na nagsisiupa ng panday-ginto, at kanyang ginagawang diyos;
    oo, sila'y nagpapatirapa, at nagsisisamba!
Ipinapasan nila iyon sa balikat, dinadala nila iyon,
    inilalagay nila iyon sa kanyang lugar, at iyon ay nakatayo roon;
    mula sa kanyang dako ay hindi siya makakilos.
Oo, may dadaing sa kanya, gayon ma'y hindi siya makasasagot,
    o makapagliligtas man sa kanya sa kanyang kabagabagan.

“Inyong alalahanin ito, at maging tiyak,
    isaisip ninyo uli, kayong mga masuwayin,
    inyong alalahanin ang mga dating bagay nang una,
sapagkat ako'y Diyos, at walang iba;
    ako'y Diyos, at walang gaya ko,
10 na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula,
    at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari;
na nagsasabi, ‘Ang layunin ko ay maitatatag,
    at gagawin ko ang lahat ng aking kaligayahan,’
11 na tumatawag ng ibong mandaragit mula sa silangan,
    ng taong gumagawa ng aking layunin mula sa malayong lupain;
oo, aking sinabi, oo, aking papangyayarihin,
    aking pinanukala, at akin itong gagawin.

12 “Makinig kayo sa akin, kayong matitigas ang puso,
    kayo na malayo sa katuwiran:
13 Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi ito malayo,
    at ang aking pagliligtas ay hindi magtatagal;
at aking ilalagay ang kaligtasan sa Zion,
    para sa Israel na aking kaluwalhatian.”

Hahatulan ang Babilonia

47 Ikaw(B) ay bumaba at umupo sa alabok,
    O anak na dalagang birhen ng Babilonia;
maupo ka sa lupa na walang trono,
    O anak na babae ng mga Caldeo!
Sapagkat hindi ka na tatawaging
    maselan at mahinhin.
Ikaw ay kumuha ng gilingang bato, at gumiling ka ng harina;
    mag-alis ka ng iyong belo,
maghubad ka ng balabal, ilitaw mo ang iyong binti,
    tumawid ka sa mga ilog.
Ang iyong kahubaran ay malalantad,
    ang iyong kahihiyan ay makikita,
ako'y maghihiganti,
    at wala akong ililigtas na tao.
Ang aming Manunubos— Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan—
    ay ang Banal ng Israel.

Maupo kang tahimik, at pumasok ka sa kadiliman,
    O anak na babae ng mga Caldeo;
sapagkat hindi ka na tatawaging
    maybahay ng mga kaharian.
Ako'y nagalit sa aking bayan,
    ang aking mana ay aking dinungisan;
ibinigay ko sila sa iyong kamay,
    hindi mo sila pinagpakitaan ng kaawaan;
sa matatanda ay pinabigat mong lubha ang iyong pasan.
At iyong sinabi, “Ako'y magiging maybahay mo magpakailanman,”
    na anupa't hindi mo inilagay ang mga bagay na ito sa iyong puso,
    o inalaala mo man ang kanilang wakas.

Ngayon(C) nga'y pakinggan mo ito, ikaw na namumuhay sa mga kalayawan,
    na tumatahang matiwasay,
na nagsasabi sa kanyang puso,
    “Ako nga, at walang iba liban sa akin;
hindi ako uupong gaya ng babaing balo
    o mararanasan man ang pagkawala ng mga anak”:
Ngunit ang dalawang bagay na ito ay darating sa iyo
    sa isang sandali, sa isang araw;
ang pagkawala ng mga anak at pagkabalo
    ay buong-buong darating sa iyo,
sa kabila ng iyong maraming pangkukulam,
    at sa malaking kapangyarihan ng iyong panggagayuma.

10 Sapagkat ikaw ay nagtiwala sa iyong kasamaan,
    iyong sinabi, “Walang nakakakita sa akin”;
ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman
    ang nagligaw sa iyo,
at iyong sinabi sa iyong puso,
    “Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
11 Ngunit ang kasamaan ay darating sa iyo,
    na hindi mo malalaman ang pinagmulan;
at ang kapahamakan ay darating sa iyo;
    na hindi mo maaalis;
at ang pagkawasak ay biglang darating sa iyo,
    na hindi mo nalalaman.

12 Tumayo ka ngayon sa iyong panggagayuma,
    at sa marami mong pangkukulam,
    na iyong ginawa mula sa iyong kabataan;
marahil ay makikinabang ka,
    marahil ay mananaig ka.
13 Ikaw ay pagod na sa dinami-dami ng iyong mga payo;
patayuin sila at iligtas ka,
    sila na nanghuhula sa pamamagitan ng langit,
    na nagmamasid sa mga bituin,
na nanghuhula sa pamamagitan ng buwan,
    kung anong mangyayari sa iyo.

14 Narito, sila'y gaya ng pinagputulan ng trigo,
    sinusunog sila ng apoy;
hindi nila maililigtas ang kanilang kaluluwa
    mula sa kapangyarihan ng liyab.
Walang baga na pagpapainitan sa kanila,
    o apoy na sa harapan nito'y makakaupo ang sinuman.
15 Ganito ang mangyayari sa kanila na kasama mong gumawa,
    silang nangalakal na kasama mo mula sa iyong kabataan,
bawat isa ay nagpalabuy-laboy sa kanyang sariling lakad;
    walang sinumang sa iyo ay magliligtas.

Pahayag sa mga Bagay na Darating

48 Pakinggan mo ito, O sambahayan ni Jacob,
    na tinatawag sa pangalan ng Israel,
    at lumabas mula sa balakang ng Juda;
na sumumpa sa pangalan ng Panginoon,
    at nagpahayag sa Diyos ng Israel,
    ngunit hindi sa katotohanan, o sa katuwiran man.
(Sapagkat tinatawag nila ang kanilang mga sarili ayon sa lunsod na banal,
    at nagtiwala sa Diyos ng Israel;
    ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan).

“Aking ipinahayag ang mga dating bagay mula nang una,
    iyon ay lumabas sa aking bibig, at aking ipinakilala;
    at bigla kong ginawa at ang mga iyon ay nangyari.
Sapagkat alam ko, na ikaw ay mapagmatigas,
    at ang iyong leeg ay parang litid na bakal,
    at ang iyong noo ay parang tanso,
aking ipinahayag sa iyo mula nang una;
    bago nangyari ay ipinaalam ko sa iyo,
baka iyong sabihin, ‘Mga diyus-diyosan ko ang gumawa ng mga ito,
    ang aking larawang inanyuan at ang aking larawang hinulma, ang nag-utos sa kanila.’

“Iyong narinig; ngayo'y tingnan mong lahat ito;
    at hindi mo ba ipahahayag?
Mula sa panahong ito ay magpaparinig ako sa iyo ng mga bagong bagay,
    mga kubling bagay na hindi mo pa nalalaman.
Ang mga ito ay nilikha ngayon, at hindi noong una;
    bago dumating ang araw na ito ay hindi mo pa iyon narinig;
    baka iyong sabihin, ‘Aking nalaman ang mga ito.’
Oo, hindi mo pa narinig, hindi mo pa nalalaman;
    mula nang una ang iyong pandinig ay hindi pa nabuksan.
Sapagkat alam ko na ikaw ay gagawa ng may kataksilan,
    at tinawag na suwail mula sa iyong pagsilang.

“Alang-alang sa aking pangalan ay iniurong ko ang galit ko,
    at dahil sa kapurihan ko ay pinigil ko iyon para sa iyo,
    upang hindi kita ihiwalay.
10 Dinalisay kita, ngunit hindi tulad ng pilak;
    sinubok kita sa hurno ng kapighatian.
11 Alang-alang sa akin, alang-alang sa akin, aking gagawin iyon;
    sapagkat paanong lalapastanganin ang aking pangalan?
    At ang kaluwalhatian ko sa iba'y di ko ibinigay.

Efeso 4:1-16

Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo

Kaya't ako na bilanggo sa Panginoon ay nagsusumamo sa inyo na kayo'y lumakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag,

na(A) may lubos na kapakumbabaan at kaamuan, may pagtitiyaga, na magparaya sa isa't isa sa pag-ibig;

na nagsisikap na mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan.

May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo,

isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,

isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang nasa ibabaw ng lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.

Subalit sa bawat isa sa atin ay ibinigay ang biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo.

Kaya't(B) sinasabi,

“Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag,
    at nagbigay siya ng mga kaloob sa mga tao.”

(Nang sabihing, “Umakyat siya,” anong ibig sabihin nito, kundi siya'y bumaba rin sa mas mababang bahagi ng lupa?

10 Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kaitaasan ng sangkalangitan upang kanyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)

11 Pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at mga guro;

12 upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo,

13 hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.

14 Tayo'y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya.

15 Kundi humahawak sa katotohanan na may pag-ibig, lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo,

16 na(C) sa kanya ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakaisa sa pamamagitan ng bawat litid, ayon sa paggawa sa sukat ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan tungo sa ikatitibay ng sarili sa pag-ibig.

Mga Awit 68:19-35

19 Purihin ang Panginoon
    na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
    samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
    at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.

21 Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway,
    ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan.
22 Sinabi ng Panginoon,
    “Ibabalik ko sila mula sa Basan,
ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan,
23 upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan,
    upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway.”

24 Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos,
ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo—
25 ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan,
    sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan:
26 “Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan,
    ang Panginoon, kayong mga mula sa bukal ng Israel!”
27 Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna,
    ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat,
    ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali.

28 Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan,
    ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
    ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo.
30 Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan,
    ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan.
Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak,
    pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa.
31 Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto;
    magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito.

32 Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa;
    magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah)
33 sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una,
    narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig.
34 Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan,
    na nasa Israel ang kanyang kadakilaan,
    at nasa mga langit ang kanyang kalakasan.
35 O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo,
    ang Diyos ng Israel,
    nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan.

Purihin ang Diyos!

Mga Kawikaan 24:3-4

Sa pamamagitan ng karunungan ay naitatayo ang bahay;
    at naitatatag sa pamamagitan ng kaunawaan.
Napupuno ang mga silid sa pamamagitan ng kaalaman,
    ng lahat ng mahahalaga at kaaya-ayang kayamanan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001