Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 43:14-45:10

Ang Pagtakas mula sa Babilonia

14 Ganito ang sabi ng Panginoon,
    na inyong Manunubos, ang Banal ng Israel:
“Dahil sa inyo ay magsusugo ako sa Babilonia,
    at aking ibinaba silang lahat na parang mga palaboy,
    at ang sigawan ng mga Caldeo ay magiging panaghoy.
15 Ako ang Panginoon, ang inyong Banal,
    ang Maylalang ng Israel, ang inyong Hari.”
16 Ganito ang sabi ng Panginoon,
    na gumagawa ng daan sa dagat,
    at sa malalawak na tubig ay mga landas,
17 na nagpalabas ng karwahe at kabayo,
    ng hukbo at ng mandirigma;
sila'y magkasamang humihiga, hindi sila makabangon,
    sila'y namamatay, nauupos na parang mitsa.
18 “Huwag ninyong alalahanin ang mga dating bagay,
    o isaalang-alang man ang mga bagay nang una.
19 Narito, ako'y gagawa ng isang bagong bagay;
    ngayon iyon ay lalabas; hindi ba ninyo malalaman iyon?
Gagawa ako ng daan sa ilang,
    at ng mga ilog sa disyerto.
20 Pararangalan ako ng mababangis na hayop
    ng mga asong-gubat at ng mga avestruz;
sapagkat ako'y nagbibigay ng tubig sa ilang,
    at ng mga ilog sa disyerto,
upang bigyan ng inumin ang pinili kong bayan,
21     ang bayan na aking inanyuan para sa aking sarili,
upang kanilang ipahayag ang aking kapurihan.

Ang Kasalanan ng Israel

22 “Gayunma'y hindi ka tumawag sa akin, O Jacob;
    kundi ikaw ay nayamot sa akin, O Israel!
23 Hindi mo dinala sa akin ang iyong tupa para sa handog na sinusunog,
    o pinarangalan mo man ako ng iyong mga handog.
Hindi ko ipinapasan sa iyo ang mga handog,
    o pinahirapan ka man sa pamamagitan ng kamanyang.
24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong kalamo sa halaga ng salapi,
    o binusog mo man ako ng taba ng iyong mga handog.
Kundi pinagpasan mo ako ng iyong mga kasalanan,
    iyong pinahirapan ako ng iyong mga kasamaan.

Ang Pagpapatawad ng Panginoon

25 Ako, ako nga
    ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway alang-alang sa akin,
    at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.
26 Ilagay mo ako sa alaala, tayo'y kapwa mangatuwiran;
    sabihin mo upang ikaw ay mapatunayang matuwid.
27 Ang iyong unang ama ay nagkasala,
    at ang iyong mga tagapagsalita ay nagsisalangsang laban sa akin.
28 Kaya't aking durungisan ang mga pinuno ng santuwaryo,
    at dadalhin ko ang Jacob sa pagkawasak
    at ang Israel sa pagkakutya.

Walang Ibang Diyos

44 “Ngunit ngayo'y pakinggan mo, O Jacob na aking lingkod,
    at Israel na aking pinili!
Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo,
    at mula sa sinapupunan ay nagbigay sa iyo ng anyo, na siyang tutulong sa iyo:
Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod;
    Jeshurun, na aking pinili.
Sapagkat bubuhusan ko ng tubig ang uhaw na lupa,
    at ng mga bukal ang tuyong lupa;
aking ibubuhos ang aking Espiritu sa lahi mo,
    at ang aking pagpapala sa mga anak mo.
Sila'y sisibol sa gitna ng mga damo, gaya ng sauce,
    tulad ng mga halaman sa dumadaloy na batis.
Sasabihin ng isang ito, ‘Ako'y sa Panginoon,’
    at tatawaging Jacob ng iba ang kanyang sarili,
at isusulat ng iba sa kanyang kamay, ‘Sa Panginoon,’
    at tatawagin ang kanyang sarili sa pangalang Israel.”

Ganito(A) ang sabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel,
    at ng kanyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo:
“Ako ang una at ang huli;
    at liban sa akin ay walang Diyos.
At sino, na gaya ko, tatawag, at magpapahayag,
    at mag-aayos sa ganang akin,
mula nang aking itatag ang matandang bayan?
    At ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila.
Kayo'y huwag matakot, o mangilabot man
    hindi ko ba ipinahayag sa iyo nang una, at sinabi iyon?
    At kayo ang aking mga saksi!
May Diyos ba liban sa akin?
    Oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”

Walang Kabuluhang Pagtitiwala

Lahat ng gumagawa ng mga diyus-diyosan ay walang kabuluhan, at ang mga bagay na kanilang kinalulugdan ay hindi mapapakinabangan. At ang kanilang mga saksi ay hindi nakakakita ni nakakaalam, upang sila'y mapahiya.

10 Sino ang nag-anyo sa isang diyos, o naghulma ng larawang inanyuan, na di pakikinabangan sa anuman?

11 Narito, lahat ng kanyang kasama ay mapapahiya; ang mga manggagawa ay mga tao lamang. Hayaang magtipon silang lahat, hayaan silang magsitayo; sila'y matatakot, sila'y sama-samang mapapahiya.

12 Ang panday na may kagamitang bakal ay gumagawa nito sa mga baga, at sa pamamagitan ng mga pamukpok, siya'y humuhugis sa pamamagitan ng malakas na bisig. Siya'y nagugutom, at ang kanyang lakas ay nawawala, siya'y hindi umiinom ng tubig, at nanghihina.

13 Ang karpintero ay nag-uunat ng isang pising panukat, kanyang tinatandaan iyon ng lapis, kanyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam at tinatandaan ng mga kompas. Hinuhugisan niya ito ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang manirahan sa bahay.

14 Pumuputol siya para sa kanya ng mga sedro, at kumukuha siya ng puno ng roble at ng ensina, pinapatibay niya para sa kanya sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat. Siya'y nagtatanim ng puno ng abeto, at pinalalago iyon ng ulan.

15 Pagkatapos iyon ay magiging panggatong para sa tao; kumukuha siya ng bahagi nito upang ipagpainit sa sarili. Siya'y nagsisindi ng apoy at nagluluto ng tinapay. Gagawa rin siya ng isang diyos, at sasambahin iyon; ginagawa niya itong larawang inanyuan at lumuluhod sa harapan niyon.

16 Kanyang iginagatong ang kalahati niyon sa apoy, at ang kalahati nito ay ikinakain niya ng karne, siya'y nag-iihaw ng iihawin at nasisiyahan. Siya'y nagpapainit din at nagsasabi, “Aha, ako'y naiinitan, aking nakikita ang apoy!”

17 At ang nalabi ay ginagawa niyang diyos, ang kanyang diyus-diyosan. Kanya itong niluluhuran at sinasamba, dinadalanginan, at nagsasabi, “Iligtas mo ako; sapagkat ikaw ay aking diyos!”

18 Hindi nila nalalaman, o nauunawaan man; sapagkat ipinikit niya ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita; at ang kanilang mga puso, upang huwag silang makaunawa.

19 At walang nakakaalala o mayroon mang kaalaman, o pang-unawa upang magsabi, “Aking sinunog ang kalahati niyon sa apoy; ako ay nagluto din ng tinapay sa mga baga niyon; ako'y nag-ihaw ng karne at kinain ko; at gagawin ko ba ang nalabi niyon na kasuklamsuklam? Magpapatirapa ba ako sa isang pirasong kahoy?”

20 Siya'y kumakain ng abo; iniligaw siya ng nadayang kaisipan, at hindi niya mailigtas ang kanyang kaluluwa, o makapagsabi, “Wala bang kasinungalingan sa aking kanang kamay?”

Ang Tagapagligtas ng Israel

21 Iyong alalahanin ang mga bagay na ito, O Jacob,
    at Israel, sapagkat ikaw ay aking lingkod;
aking inanyuan ka, ikaw ay aking lingkod;
    O Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan.
22 Aking pinawi na parang ulap ang mga pagsuway mo,
    at ang iyong mga kasalanan na gaya ng ambon,
manumbalik ka sa akin sapagkat ikaw ay tinubos ko.

23 Umawit ka, O langit, sapagkat ginawa iyon ng Panginoon;
    kayo'y sumigaw, O mga mababang bahagi ng lupa;
kayo'y biglang mag-awitan, O mga bundok,
    O gubat, at bawat punungkahoy doon!
Sapagkat tinubos ng Panginoon ang Jacob,
    at luluwalhatiin ang kaniyang sarili sa Israel.

24 Ganito ang sabi ng Panginoon, ang iyong Manunubos,
    at nag-anyo sa iyo mula sa sinapupunan:
“Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay;
    na mag-isang nagladlad ng mga langit,
    na naglatag ng lupa—sinong kasama ko?
25 na(B) bumibigo sa mga tanda ng mga sinungaling,
    at ginagawang hangal ang mga manghuhula;
na nagpapaurong sa mga pantas,
    at ginagawang kahangalan ang kanilang kaalaman;
26 na nagpapatunay sa salita ng kanyang lingkod,
    at nagsasagawa ng payo ng kanyang mga sugo;
na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, ‘Siya'y paninirahan;’
    at tungkol sa mga lunsod ng Juda, ‘Matatayo sila,
    at aking ibabangon ang kanilang pagkaguho.’
27 Na nagsasabi sa kalaliman, ‘Ikaw ay matuyo,
    aking tutuyuin ang iyong mga ilog;’
28 na(C) nagsasabi tungkol kay Ciro, ‘Siya'y aking pastol,
    at kanyang tutuparin ang lahat ng aking kaligayahan’;
na nagsasabi tungkol sa Jerusalem, ‘Siya'y matatayo,’
    at sa templo, ‘Ang iyong pundasyon ay ilalagay.’”

Ang Paghirang kay Ciro

45 Ganito ang sabi ng Panginoon sa kanyang pinahiran ng langis, kay Ciro,
    na ang kanang kamay ay aking hinawakan,
upang pasukuin ang mga bansa sa harap niya;
    at kalagan ang mga balakang ng mga hari,
upang magbukas ng mga pintuan sa harapan niya,
    upang ang mga pintuan ay hindi masarhan:
“Ako'y magpapauna sa iyo,
    at papatagin ko ang mga baku-bakong dako,
ang mga pintuang tanso ay aking wawasakin,
    at ang mga harang na bakal ay aking puputulin,
at ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanan ng kadiliman,
    at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako,
upang inyong malaman na ako ang Panginoon,
    ang Diyos ng Israel na tumatawag sa iyo sa iyong pangalan.
Alang-alang kay Jacob na aking lingkod,
    at sa Israel na aking pinili,
sa iyong pangalan ay tinawag kita,
    aking pinangalanan ka, bagaman hindi mo ako kilala.
Ako ang Panginoon, at walang iba;
    liban sa akin ay walang Diyos.
    Aking binibigkisan ka, bagaman hindi mo ako kilala,
upang malaman ng mga tao mula sa sikatan ng araw,
    at mula sa kanluran, na walang iba liban sa akin;
    ako ang Panginoon, at walang iba.
Aking inilagay ang liwanag at nililikha ko ang kadiliman;
    ako'y gumagawa ng kaginhawahan at lumilikha ako ng kapahamakan;
    ako ang Panginoon, na gumagawa ng lahat ng mga bagay na ito.

Ang Panginoon ang Manlilikha

“Maghulog ka, O mga langit, mula sa itaas,
    at ang kalangitan ay magpaulan ng katuwiran;
bumuka ang lupa, at lumitaw ang kaligtasan,
    at upang ang katuwiran ay lumitaw na kasama nito,
    akong Panginoon ang lumikha nito.

“Kahabag-habag(D) siya na makikipagpunyagi sa Maylalang sa kanya!
    Isang luwad na sisidlan sa isang magpapalayok!
Sinasabi ba ng luwad sa nagbibigay anyo sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’
    o ‘ang iyong gawa ay walang mga kamay?’
10 Kahabag-habag siya na nagsasabi sa ama, ‘Ano ang naging anak mo?’
    o sa babae, ‘Ano ang ipinaghihirap mo?’”

Efeso 3

Ang Gawain ni Pablo sa mga Hentil

Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil,—

kung tunay na inyong narinig ang pagkakatiwala ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo;

na sa pamamagitan ng pahayag ay ipinaalam sa akin ang hiwaga, gaya ng nauna kong isinulat sa iilang mga salita.

Sa(A) inyong pagbasa ay mauunawaan ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo.

Sa naunang mga salinlahi ay hindi ito ipinaalam sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag na sa kanyang mga banal na apostol at propeta sa pamamagitan ng Espiritu:

na ang mga Hentil ay mga kapwa tagapagmana, at mga bahagi ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo.

Tungkol sa ebanghelyong ito ako'y naging lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kanyang kapangyarihan.

Bagaman ako ang pinakahamak sa lahat ng mga banal, ang biyayang ito ay ibinigay sa akin upang ipangaral sa mga Hentil ang mga di-masukat na mga kayamanan ni Cristo;

at maliwanagan ang lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga, na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Diyos na lumalang ng lahat ng mga bagay,

10 upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pinuno at sa mga kapamahalaan sa sangkalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos.

11 Ito ay ayon sa walang hanggang panukala na kanyang ginawa kay Cristo Jesus na Panginoon natin,

12 na sa kanya'y makakalapit tayo sa Diyos na may lakas ng loob at pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya.

13 Kaya't hinihiling ko na huwag kayong manlupaypay sa mga pagdurusa ko dahil sa inyo, na ito'y para sa inyong kaluwalhatian.

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,[a]

15 na sa kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa,

16 upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong-loob;

17 upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig.

18 Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim,

19 at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

20 Ngayon, sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen.

Mga Awit 68:1-18

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
    tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
    kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
    gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
    magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
    oo, magalak nawa sila sa kasayahan!

Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
    magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
    magalak kayo sa kanyang harapan.

Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
    ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
    kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
    ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
    nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
ang(A) lupa ay nayanig,
    ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
    ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
    iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
    sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.

11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
    malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12     “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13     kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
    ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
    ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.

15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
    bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
    sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
    oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
    samakatuwid ay libu-libo.
    Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
    pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
    tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.

Mga Kawikaan 24:1-2

24 Huwag kang maiinggit sa taong masasama,
    ni maghangad man na sila'y makasama.
Sapagkat ang kanilang puso ay nagbabalak ng karahasan,
    at ang kanilang mga labi ay nagsasalita ng kalikuan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001