Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 30:12-33:9

12 Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel,
“Sapagkat inyong hinamak ang salitang ito,
    at nagtiwala kayo sa pang-aapi at kasamaan,
    at umasa sa mga iyon;
13 kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y
    gaya ng butas sa isang mataas na pader, nakalabas at malapit nang bumagsak,
    na biglang dumarating ang pagbagsak sa isang iglap.
14 At ang pagkabasag nito ay gaya ng pagkabasag ng sisidlan ng magpapalayok,
    na walang awang dinurog
na anupa't walang natagpuang isang kapiraso sa mga bahagi niyon,
    na maikukuha ng apoy mula sa apuyan,
    o maisasalok ng tubig sa balon.”

15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, ng Banal ng Israel,
“Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay maliligtas kayo;
    sa katahimikan at pagtitiwala ay magiging inyong lakas.”
Ngunit ayaw ninyo,
16 kundi inyong sinabi,
“Hindi! Kami ay tatakas na sakay sa mga kabayo.”
    Kaya kayo'y tatakas,
at, “Kami ay sasakay sa mabibilis na kabayo,”
    kaya't ang mga humahabol sa inyo ay magiging mabilis.
17 Isang libo ay tatakas sa banta ng isa,
    sa banta ng lima ay tatakas kayo,
hanggang sa kayo'y maiwang parang isang tagdan ng watawat
    sa tuktok ng bundok,
    at gaya ng isang hudyat sa isang burol.

Ang Pangako sa mga Hinirang

18 Kaya't naghihintay ang Panginoon, na maging mapagbiyaya sa inyo;
    kaya't siya'y babangon, upang magpakita ng habag sa inyo.
Sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng katarungan;
    mapapalad ang lahat na naghihintay sa kanya.

19 Ang bayan ng Zion na naninirahan sa Jerusalem; tiyak na hindi ka iiyak. Siya'y tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; kapag kanyang maririnig, sasagutin ka niya.

20 At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng paghihirap at ng tubig ng kapighatian, gayunma'y hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo.

21 At ang iyong mga pandinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, “Ito ang daan, lakaran ninyo,” kapag kayo'y pumipihit sa kanan, at kapag kayo'y pumipihit sa kaliwa.

22 At inyong lalapastanganin ang inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang inyong mga hinulmang larawan na tubog sa ginto. Iyong ikakalat ang mga iyon na gaya ng maruming bagay. Iyong sasabihin sa mga iyon, “Lumayas kayo.”

23 At siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi na iyong inihasik sa lupa, at ng tinapay na bunga ng lupa na magiging mataba at sagana. Sa araw na iyon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.

24 Ang mga baka at ang mga batang asno na nagbubungkal ng lupa ay kakain ng masarap na pagkain, na pinahanginan ng pala at kalaykay.

25 At sa bawat matataas na bundok at bawat mataas na burol ay magkakaroon ng sapa na may umaagos na tubig, sa araw ng malaking patayan, kapag ang mga muog ay mabuwal.

26 Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magiging pitong ulit, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan, at pagalingin ang sugat na dulot ng kanyang pagpalo.

Ang Hatol sa Asiria

27 Ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo,
    ang kanyang galit ay nagniningas at ito'y makapal na usok,
ang kanyang mga labi ay punô ng pagkagalit,
    at ang kanyang dila ay gaya ng tumutupok na apoy.
28 At ang kanyang hininga ay gaya ng umaapaw na ilog,
    na umaabot hanggang sa leeg,
upang salain ang mga bansa sa pangsala ng pagkawasak
    at ilagay sa mga panga ng mga tao ang pamingkaw na nakapagpapaligaw.

29 Kayo'y magkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi kapag ang banal na kapistahan ay ipinagdiriwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng humahayo sa tunog ng plauta upang pumunta sa bundok ng Panginoon, sa Malaking Bato ng Israel.

30 At iparirinig ng Panginoon ang kanyang maluwalhating tinig, at ipapakita ang bumababang dagok ng kanyang bisig, sa matinding galit, at liyab ng tumutupok na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo.

31 Ang mga taga-Asiria ay masisindak sa takot sa tinig ng Panginoon, kapag siya'y nananakit ng kanyang pamalo.

32 At bawat hampas ng tungkod ng kaparusahan na ibabagsak ng Panginoon sa kanila ay sa saliw ng tunog ng pandereta at lira. Nakikipaglaban sa pamamagitan ng bisig na iwinawasiwas, siya ay makikipaglaban sa kanila.

33 Sapagkat ang Tofet[a] na sunugan ay matagal nang handa. Oo, para sa hari ay inihanda ito; ang gatungan ay pinalalim at pinaluwang na may maraming apoy at mga kahoy. Ang hininga ng Panginoon na gaya ng sapa ng asupre, ay nagpapaningas niyon.

Ipagsasanggalang ng Diyos ang Jerusalem

31 Kahabag-habag sila na sa Ehipto ay lumulusong upang humingi ng tulong,
    at umaasa sa mga kabayo;
na nagtitiwala sa mga karwahe sapagkat marami sila,
    at sa mga mangangabayo sapagkat napakalakas nila,
ngunit hindi sila nagtitiwala sa Banal ng Israel,
    o sumasangguni man sa Panginoon!
Gayunman siya'y pantas at nagdadala ng kapahamakan,
    hindi niya iniurong ang kanyang mga salita,
kundi mag-aalsa laban sa sambahayan ng mga gumagawa ng kasamaan,
    at laban sa tumutulong sa mga gumagawa ng kasamaan.
Ang mga Ehipcio ay mga tao, at hindi Diyos;
    at ang kanilang mga kabayo ay laman, at hindi espiritu.
Kapag iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay,
    siyang tumutulong ay matitisod, at siyang tinutulungan ay mabubuwal,
    at silang lahat ay sama-samang mapapahamak.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon sa akin,
Kung paanong ang leon at ang batang leon ay umuungal sa kanyang biktima,
    at kapag ang isang pangkat ng mga pastol ay tinatawag laban sa kanya,
ay hindi natatakot sa kanilang sigaw,
    o naduduwag man dahil sa kanilang ingay,
gayon bababa ang Panginoon ng mga hukbo
    upang lumaban sa Bundok ng Zion, at sa burol niyon.
Gaya ng mga ibong nagsisilipad
    gayon iingatan ng Panginoon ng mga hukbo ang Jerusalem;
iyon ay kanyang iingatan at ililigtas,
    kanyang ililigtas at iingatan iyon.

Kayo'y manumbalik sa kanya na inyong pinaghimagsikang lubha, O mga anak ni Israel.

Sapagkat sa araw na iyon ay itatapon ng bawat tao ang kanyang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanyang mga diyus-diyosang ginto, na ginawa ng inyong mga kamay na para sa inyo ay naging kasalanan.

“Kung magkagayo'y mabubuwal ang taga-Asiria sa pamamagitan ng tabak, hindi sa tao;
    at ang tabak, na hindi sa mga tao, ang lalamon sa kanya;
at kanyang tatakasan ang tabak,
    at ang kanyang mga binata ay ilalagay sa sapilitang paggawa.
Ang kanyang bato ay mawawala dahil sa pagkasindak,
    at ang kanyang mga pinuno ay manginginig sa watawat,”
sabi ng Panginoon, na ang kanyang apoy ay nasa Zion,
    at ang kanyang hurno ay nasa Jerusalem.

Ang Matuwid na Hari

32 Narito, ang isang hari ay maghahari sa katuwiran,
    at ang mga pinuno ay mamumuno na may katarungan.
Bawat isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako laban sa hangin,
    at kanlungan mula sa bagyo,
gaya ng mga agos ng tubig sa tuyong dako,
    gaya ng lilim ng malaking bato sa pagod na lupain.
At ang mga mata nila na nakakakita ay hindi lalabo,
    at ang mga tainga nila na nakikinig ay makikinig.
Ang isipan ng padalus-dalos ay magkakaroon ng mabuting pagpapasiya,
    at ang dila ng mga utal ay agad makakapagsalita ng malinaw.
Ang hangal ay hindi na tatawagin pang marangal,
    at ang walang-hiya ay hindi sasabihing magandang loob.
Sapagkat ang taong hangal ay magsasalita ng kahangalan,
    at ang kanyang puso ay nagbabalak ng kasamaan:
upang magsanay ng kasamaan,
    at siya'y magsasalita ng kamalian laban sa Panginoon,
upang gawing walang laman ang gutom na kaluluwa,
    at upang pagkaitan ng inumin ang nauuhaw.
Ang mga sandata ng mandaraya ay masama;
    siya'y nagbabalak ng masasamang pakana
upang wasakin ang mga dukha sa pamamagitan ng mga salitang kasinungalingan,
    bagaman matuwid ang pakiusap ng nangangailangan.
Ngunit ang marangal ay kumakatha ng mga bagay na marangal
    at sa mga mararangal na bagay siya'y naninindigan.

Paghatol at Pagpapanumbalik

Kayo'y bumangon, kayong mga babaing tiwasay, pakinggan ninyo ang tinig ko;
    kayong mga anak na babaing walang pakialam, pakinggan ninyo ang aking pananalita.
10 Kayo'y mangangatog sa isang taon at ilang mga araw
    kayong mga babaing walang pakialam;
sapagkat ang ani ng ubas ay magkukulang,
    ang pag-aani ay hindi darating.
11 Kayo'y magsipanginig, kayong mga babaing tiwasay;
    kayo'y mabagabag, kayong mga walang pakialam,
kayo'y maghubad, at mag-alis ng damit,
    at magbigkis kayo ng damit-sako sa inyong mga baywang.
12 Sila'y magsisidagok sa mga dibdib dahil sa mga maligayang parang,
    dahil sa mabungang puno ng ubas.
13 Sa lupain ng aking bayan
    ay tutubo ang mga tinik at mga dawag;
oo, para sa lahat ng nagagalak na bahay
    sa masayang lunsod.
14 Sapagkat ang palasyo ay mapapabayaan;
    ang maraming tao ng lunsod ay mapapabayaan;
ang burol at ang bantayang tore
    ay magiging mga yungib magpakailanman,
isang kagalakan para sa maiilap na asno,
    at pastulan ng mga kawan;
15 hanggang sa ibuhos sa atin ang Espiritu mula sa itaas,
    at ang ilang ay maging mabungang kabukiran,
    at ang mabungang bukid ay ituring na kagubatan.
16 Kung magkagayo'y ang katarungan ay maninirahan sa ilang,
    at mananatili sa mabungang bukid ang katuwiran.
17 At ang gawa ng katuwiran ay kapayapaan;
    at ang gawa ng katuwiran ay katahimikan at pagtitiwala kailanman.
18 At ang bayan ko ay maninirahan sa payapang tahanan,
    at sa mga ligtas na tirahan, at sa mga tiwasay na dakong pahingahan.
19 Ngunit uulan ng yelo sa pagbagsak ng kagubatan,
    at ang lunsod ay lubos na ibabagsak.
20 Mapapalad kayo na naghahasik sa tabi ng lahat ng tubig,
    na nagpapahintulot na malayang makagala ang mga paa ng baka at ng asno.

Ang Panginoon ang Magliligtas

33 Kahabag-habag ka na mangwawasak;
    ikaw na hindi nawasak;
ikaw na taksil,
    na hindi ginawan ng kataksilan ng sinuman!
Kapag ikaw ay tumigil sa pagwasak,
    ikaw ay wawasakin;
at kapag iyong winakasan ang paggawa ng kataksilan,
    ikaw ay gagawan ng kataksilan.

O Panginoon, mahabag ka sa amin; kami'y umaasa sa iyo.
    Ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga;
    aming kaligtasan sa panahon ng pagkabalisa.
Sa ingay ng kaguluhan ay tumakas ang mga tao,
    sa pagbangon mo ay nangalat ang mga bansa;
at ang iyong samsam ay tinitipon na gaya nang pagtitipon ng mga uod;
    kung paanong ang mga balang ay lumulukso, gayon niluluksuhan ito ng mga tao.
Ang Panginoon ay dinakila, sapagkat sa mataas siya'y tumatahan,
    kanyang pupunuin ang Zion ng katarungan at katuwiran;
at siya ang magiging katatagan ng iyong mga panahon,
    kalakasan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman;
    ang takot sa Panginoon ay kanyang kayamanan.

Narito, ang kanilang mga bayani ay nagsisisigaw sa labas;
    ang mga sugo ng kapayapaan ay matinding nagsisiiyak.
Ang mga lansangan ay iniwanan,
    ang manlalakbay ay huminto.
Kanyang sinisira ang mga tipan,
    kanyang tinanggihan ang mga lunsod,
    hindi niya iginalang ang tao.
Ang lupain ay nananangis at nagdurusa,
    ang Lebanon ay napapahiya;
ang Sharon ay natutuyo gaya ng isang disyerto;
    at nalalagas ang mga dahon ng Basan at Carmel.

Galacia 5:1-12

Ang Kalayaan kay Cristo

Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya't magpakatatag kayo at huwag pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.

Makinig kayo! Akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo na kung kayo'y patutuli, si Cristo ay hindi magiging pakinabang sa inyo.

At muli kong pinatotohanan sa bawat taong nagpatuli na siya'y may pananagutang tumupad sa buong kautusan.

Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong mga nagnanais ariing-ganap sa pamamagitan ng kautusan; nahulog kayo mula sa biyaya.

Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya ay naghihintay tayo sa pag-asa ng katuwiran.

Sapagkat kay Cristo Jesus, ang pagtutuli o di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

Kayo ay tumatakbo noon ng mabuti, sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan?

Ang paghikayat na iyon ay hindi nagmula sa tumatawag sa inyo.

Ang(A) kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa.

10 Ako'y nagtitiwala sa Panginoon, na hindi kayo mag-iisip ng iba pa. Subalit sinuman siyang nanggugulo sa inyo ay tatanggap ng parusa.

11 Ngunit ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? Kung gayon, ang katitisuran ng krus ay inalis na.

12 Ibig ko sana na ang mga nanggugulo sa inyo ay kapunin nila ang kanilang sarili.

Mga Awit 63

Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
    nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
    gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
    na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
    pupurihin ka ng aking mga labi.
Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
    itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.

Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
    at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
kapag naaalala kita sa aking higaan,
    ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
sapagkat naging katulong kita,
    at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
    inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.

Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
    ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
    sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
    lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
    sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.

Mga Kawikaan 23:22

22 Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka,
    at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y matanda na.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001