Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 28:14-30:11

14 Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, kayong mga mangungutya,
    na namumuno sa bayang ito sa Jerusalem!
15 Sapagkat inyong sinabi, “Tayo'y nakipagtipan sa kamatayan,
    at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo;
kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaan,
    ito'y hindi darating sa atin;
sapagkat ating ginawang kanlungan ang mga kabulaanan,
    at sa ilalim ng kasinungalingan ay nagkubli tayo.”
16 Kaya't(A) ganito ang sabi ng Panginoong Diyos,
“Aking inilalagay sa Zion bilang pundasyon ang isang bato,
    isang batong subok,
isang mahalagang batong panulok, na isang tiyak na pundasyon:
    ‘Siyang naniniwala ay hindi magmamadali.’
17 At aking ilalagay na pising panukat ang katarungan,
    at ang katuwiran bilang pabigat;
at papalisin ng yelo ang kanlungan ng mga kabulaanan,
    at aapawan ng tubig ang kanlungan.”
18 At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan,
    at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi;
kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaraan,
    kayo nga'y ibabagsak niyon.
19 Sa tuwing daraan kayo, tatangayin kayo niyon,
    sapagkat tuwing umaga ay daraan iyon,
    sa araw at sa gabi.
at magiging kakilakilabot na maunawaan ang balita.
20 Sapagkat ang higaan ay napakaikli upang makaunat ang isa,
    at ang kumot ay napakakitid upang maibalot sa kanya.
21 Sapagkat(B) ang Panginoon ay babangon na gaya sa Bundok ng Perasim,
    siya'y mapopoot na gaya sa libis ng Gibeon;
upang gawin ang kanyang gawain—kataka-taka ang kanyang gawa!
    at upang gawin ang kanyang gawain—kakaiba ang kanyang gawain!
22 Kaya't ngayo'y huwag kayong manuya,
    baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay,
sapagkat ako'y nakarinig ng utos ng pagwasak,
    mula sa Panginoong Diyos ng mga hukbo, sa buong lupa.

23 Makinig kayo, at pakinggan ninyo ang aking tinig,
    inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita.
24 Nag-aararo bang lagi ang mag-aararo upang maghasik?
    Patuloy ba niyang binubungkal at dinudurog ang kanyang lupa?
25 Kapag kanyang napatag ang ibabaw niyon
    hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ipinupunla ang binhing komino,
at inihahanay ang trigo,
    at ang sebada sa tamang lugar,
    at ang espelta bilang hangganan niyon?
26 Sapagkat siya'y naturuan ng matuwid,
    ang kanyang Diyos ang nagtuturo sa kanya.

27 Ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na mabigat,
    o ang gulong man ng karwahe ay iginugulong sa komino;
kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod,
    at ang komino ay ng pamalo.
28 Ang trigo ay dinudurog upang gawing tinapay,
    sapagkat ito'y hindi laging ginigiik,
kapag ito'y kanyang pinagulungan ng kanyang karwahe
    at ng kanyang mga kabayo, hindi niya ito nadudurog.
29 Ito man ay mula rin sa Panginoon ng mga hukbo;
    siya'y kahanga-hanga sa payo,
    at nangingibabaw sa karunungan.

Ang mga Kaaway ng Jerusalem

29 Kahabag-habag ka, Ariel, Ariel,
    na bayang pinagkampuhan ni David!
Magdagdag kayo ng taon sa taon;
    hayaang matapos ang kanilang mga kapistahan.
Gayunma'y aking pahihirapan ang Ariel,
    at magkakaroon ng pagtangis at panaghoy,
    at sa akin siya'y magiging gaya ng Ariel.
Ako'y magtatayo ng kampo laban sa iyo sa palibot,
    at kukubkubin kita ng mga kuta,
    at ako'y maglalagay ng mga pangkubkob laban sa iyo.
Ikaw ay magsasalita mula sa kalaliman ng lupa,
    at mula sa kababaan ng alabok ay darating ang iyong salita,
at ang iyong tinig ay magmumula sa lupa na gaya ng tinig ng multo,
    at ang iyong pananalita ay bubulong mula sa alabok.

Ngunit ang karamihan sa iyong mga kaaway ay magiging gaya ng munting alabok,
    at ang karamihan ng mga malulupit ay gaya ng ipang inililipad ng hangin.
At sa isang iglap, bigla,
    ikaw ay dadalawin ng Panginoon ng mga hukbo
na may kulog, at may lindol, at ng malaking ingay,
    ng ipu-ipo at bagyo, at ng liyab ng tumutupok na apoy.
At ang karamihan ng lahat ng mga bansang nakikidigma laban sa Ariel,
    lahat na lumaban sa kanya at sa kanyang kuta, at ang nagpapahirap sa kanya,
    ay magiging gaya ng panaginip, ng isang pangitain sa gabi.
At gaya ng kung ang isang gutom ay nananaginip na siya ay kumakain,
    at nagising na ang kanyang pagkagutom ay hindi napawi,
o gaya ng kung ang isang taong uhaw ay nananaginip na siya'y umiinom,
    at gumising na nanghihina, at ang kanyang pagkauhaw ay di napawi,
gayon ang mangyayari sa karamihan ng lahat ng mga bansa,
    na lumalaban sa Bundok ng Zion.

Bulag at Mapagmalaki ang Israel

Kayo'y matigilan at matuliro,
    kayo'y magpakabulag at maging bulag!
Magpakalasing, ngunit hindi sa alak;
    sumuray, ngunit hindi sa matapang na alak!
10 Sapagkat(C) ibinuhos ng Panginoon sa inyo
    ang espiritu ng mahimbing na pagkakatulog,
at ipinikit ang inyong mga mata, kayong mga propeta;
    at tinakpan ang inyong mga ulo, kayong mga tagakita.

11 At ang pangitain ng lahat ng ito ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatakan. Kapag ibibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, “Iyong basahin ito,” kanyang sinasabi, “Hindi ko mababasa, sapagkat natatatakan.”

12 Nang ang aklat ay ibigay sa isa na hindi marunong bumasa, na sinasabi, “Iyong basahin ito,” kanyang sinasabi, “Ako'y hindi marunong bumasa.”

13 At(D) sinabi ng Panginoon,
“Sapagkat ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig,
    at pinapupurihan ako ng kanilang labi,
    samantalang malayo ang kanilang puso sa akin,
at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na natutunan sa pamamagitan ng pagsasaulo;
14 dahil(E) dito,
    muli akong gagawa ng kahanga-hangang mga gawa sa bayang ito,
    kahanga-hanga at kagila-gilalas,
at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi,
    at ang unawa ng kanilang mga taong may unawa ay malilihim.”

15 Kahabag-habag sila, na itinatago nang malalim ang kanilang payo sa Panginoon
    at ang mga gawa ay nasa kadiliman,
    at kanilang sinasabi, “Sinong nakakakita sa atin? At sinong nakakakilala sa atin?”
16 Inyong(F) binabaligtad ang mga bagay!
    Ituturing bang putik ang magpapalayok;
upang sabihin ng bagay na niyari sa gumawa sa kanya,
    “Hindi niya ako ginawa”;
o sabihin ng bagay na inanyuan sa kanya na nag-anyo nito,
    “Siya'y walang unawa”?

Ang Pagtubos sa Israel

17 Hindi ba sandaling-sandali na lamang,
    at ang Lebanon ay magiging mabungang lupain,
    at ang mabungang lupain ay ituturing na gubat?
18 At sa araw na iyon ay maririnig ng bingi
    ang mga salita ng isang aklat,
at mula sa kanilang kapanglawan at kadiliman
    ang mga mata ng bulag ay makakakita.
19 Ang maamo ay magtatamo ng sariwang kagalakan sa Panginoon,
    at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.
20 Sapagkat ang malupit ay mauuwi sa wala,
    at ang manlilibak ay tumigil,
    at ang lahat ng naghihintay sa paggawa ng kasamaan ay tatanggalin,
21 iyong mga nagdadala sa tao sa kahatulan,
    at naglalagay ng bitag para sa tagahatol sa may pintuan,
    at walang dahilang ipinagkakait ang katarungan sa nasa katuwiran.

22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sambahayan ni Jacob,

“Si Jacob ay hindi na mapapahiya,
    hindi na mamumutla ang kanyang mukha.
23 Sapagkat kapag kanyang nakikita ang kanyang mga anak,
    ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya,
    ay kanilang pababanalin ang aking pangalan;
kanilang pababanalin ang Banal ni Jacob,
    at tatayong may paggalang sa Diyos ng Israel.
24 Sila namang nagkakamali sa espiritu ay darating sa pagkaunawa,
    at silang nagbubulung-bulungan ay tatanggap ng aral.”

Bigong Pagtitiwala sa Ehipto

30 “Kahabag-habag ang mga mapaghimagsik na mga anak,” sabi ng Panginoon,
“na nagsasagawa ng panukala, ngunit hindi mula sa akin;
na nakikipagkasundo, ngunit hindi sa aking Espiritu,
    upang sila'y makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan;
na pumupunta na lumulusong sa Ehipto,
    na hindi humihingi ng payo,
upang manganlong sa pag-iingat ng Faraon,
    at manirahan sa lilim ng Ehipto!
Kaya't ang pag-iingat ng Faraon ay magiging inyong kahihiyan,
    at ang tirahan sa lilim ng Ehipto ay inyong pagkapahiya.
Sapagkat bagaman ang kanyang mga pinuno ay nasa Zoan,
    at ang kanilang mga sugo ay nakarating sa Hanes,
silang lahat ay mapapahiya
    sa pamamagitan ng isang bayan na hindi nila mapapakinabangan,
na magdadala hindi ng tulong o pakinabang man,
    kundi kahihiyan at kasiraan.”

Ang pahayag tungkol sa mga hayop ng Negeb.

Sa lupain ng kabagabagan at ng hapis,
    na pinanggagalingan ng leong babae at lalaki,
    ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas,
kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno,
    at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo,
    sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan.
Sapagkat ang tulong ng Ehipto ay walang kabuluhan at walang halaga,
    kaya't aking tinawag siyang
    “Rahab na nakaupong walang kibo.”

Ngayo'y humayo ka, isulat mo sa harapan nila sa isang tapyas na bato,
    at ititik mo sa isang aklat,
upang sa darating na panahon
    ay maging saksi magpakailanman.
Sapagkat sila'y mapaghimagsik na bayan,
    mga sinungaling na anak,
mga anak na ayaw makinig sa kautusan ng Panginoon,
10 na nagsasabi sa mga tagakita, “Huwag kayong makakita ng pangitain;”
    at sa mga propeta, “Huwag kayong magpahayag sa amin ng matutuwid na bagay,
magsalita kayo sa amin ng mga kawili-wiling bagay,
    magpropesiya kayo ng mga haka-haka.
11 Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas,
    huwag na tayong makinig sa Banal ng Israel.”

Galacia 3:23-4:31

23 Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag.

24 Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.

25 Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil.

26 Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.

27 Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.

28 Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.

29 At(A) kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.

Ganito ang ibig kong sabihin: ang tagapagmana, habang bata pa ay hindi nakahihigit sa mga alipin bagama't siya ang may-ari ng lahat,

subalit siya ay nasa ilalim ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng ama.

Gayundin tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y naalipin sa mga panimulang aral ng sanlibutan.

Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan,

upang(B) tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak.

At sapagkat kayo'y mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating[a] mga puso, na sumisigaw, “Abba,[b] Ama!”

Kaya't hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana.

Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia

Subalit noong una, nang hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kayo'y naging mga alipin ng mga hindi likas na diyos.

Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o sa halip ay kinikilala na kayo ng Diyos, bakit muli kayong nagbabalik sa mahihina at hamak na mga panimulang aral, na sa mga iyon ay nais ninyong muling maging mga alipin?

10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon.

11 Ako'y natatakot na nagpagal ako sa inyo nang walang kabuluhan.

12 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, kayo'y maging kagaya ko, sapagkat ako'y naging katulad din ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin.

13 Nalalaman ninyo na dahil sa karamdaman ng katawan ay una kong ipinangaral sa inyo ang ebanghelyo.

14 Bagaman ang aking kalagayan ay naging isang pagsubok sa inyo, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman kundi tinanggap na gaya sa isang anghel ng Diyos, gaya ni Cristo Jesus.

15 Nasaan na ngayon ang inyong kagandahang-loob?[c] Sapagkat ako'y nagpapatotoo sa inyo, na kung maaari sana ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata at ibinigay sa akin.

16 Ako ba ngayo'y naging kaaway ninyo sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan?

17 Sila'y masigasig sa inyo, subalit hindi para sa mabuting layunin; nais nilang ihiwalay kayo, upang kayo'y maging masigasig sa kanila.

18 Subalit mabuti ang maging laging masigasig sa mabuting bagay at hindi lamang kapag ako'y kaharap ninyo.

19 Minamahal kong mga anak, na para sa inyo ay muli akong nakakaranas ng hirap ng panganganak hanggang si Cristo ay mabuo sa inyo.

20 Nais kong makaharap kayo ngayon at baguhin ang aking tono, sapagkat ako'y nag-aalinlangan tungkol sa inyo.

Paghahambing kina Hagar at Sarah

21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang kautusan?

22 Sapagkat(C) nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, isa mula sa aliping babae, at ang isa ay sa babaing malaya.

23 Subalit ang mula sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman, at ang mula sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako.

24 Ang mga bagay na ito ay isang paghahambing, sapagkat ang mga babaing ito'y dalawang tipan. Ang isa ay si Hagar na mula sa bundok ng Sinai na nanganganak para sa pagkaalipin.

25 Ngayon, si Hagar ay bundok ng Sinai sa Arabia at katumbas ng kasalukuyang Jerusalem, sapagkat siya'y nasa pagkaalipin kasama ng kanyang mga anak.

26 Ngunit ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ating ina.

27 Sapagkat(D) nasusulat,

“Magalak ka, ikaw na baog, ikaw na hindi nanganganak;
    bigla kang umawit at sumigaw, ikaw na hindi nakakaranas ng sakit sa panganganak;
sapagkat mas marami pa ang mga anak ng pinabayaan
    kaysa mga anak ng may asawa.”

28 At kayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak ng pangako.

29 Subalit(E) kung paanong inusig noon ng ipinanganak ayon sa laman ang ipinanganak ayon sa Espiritu, gayundin naman ngayon.

30 Subalit(F) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin ang aliping babae at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya.”

31 Kaya, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.

Mga Awit 62

Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Awit ni David.

62 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa;
    ang aking kaligtasan ay nanggagaling sa kanya.
Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
    ang aking muog; hindi ako lubhang matitinag.

Hanggang kailan kayo magtatangka laban sa isang tao,
    upang patayin siya, ninyong lahat,
    gaya ng pader na nakahilig, o bakod na nabubuwal?
Sila'y nagbabalak lamang upang ibagsak siya sa kanyang kadakilaan.
    Sila'y nasisiyahan sa mga kasinungalingan.
Sila'y nagpupuri ng bibig nila,
    ngunit sa kalooban sila'y nanunumpa. (Selah)

Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa,
    sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.
Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
    ang aking muog, hindi ako mayayanig.
Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan;
    ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan.

Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, O bayan;
    ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan;
    para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah)

Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan,
    ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan;
sumasampa sila sa mga timbangan;
    silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga.
10 Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala,
    sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa;
    kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso.

11 Ang Diyos ay nagsalitang minsan,
    dalawang ulit kong narinig ito:
na ang kapangyarihan ay sa Diyos;
12     at(A) sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig,
sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa.

Mga Kawikaan 23:19-21

19 Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakatalino,
    at iyong patnubayan sa daan ang puso mo.
20 Huwag kang makisama sa mga maglalasing,
    at silang sa karne ay matatakaw kumain.
21 Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa kahirapan,
    at ang pagkaantukin ay magbibihis sa tao ng basahan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001