Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 25:1-28:13

Awit ng Papuri sa Panginoon

25 O Panginoon, ikaw ay Diyos ko;
    aking dadakilain ka, aking pupurihin ang pangalan mo;
sapagkat ikaw ay gumawa ng kagila-gilalas na bagay,
    samakatuwid ay ang iyong binalak noong una, tapat at tiyak.
Sapagkat iyong ginawang isang bunton ang lunsod,
    ang bayang matibay ay ginawang isang guho;
ang palasyo ng mga dayuhan ay di na bayan,
    ito'y hindi na maitatayo kailanman.
Kaya't luluwalhatiin ka ng malalakas na mamamayan,
    ang mga lunsod ng malulupit na mga bansa ay matatakot sa iyo.
Sapagkat ikaw sa mga dukha ay naging kanlungan,
    isang kanlungan sa nangangailangan sa kanyang kahirapan,
    silungan sa bagyo at lilim sa init,
sapagkat ang ihip ng mga malulupit ay parang bagyo laban sa pader,
    gaya ng init sa tuyong dako.
Sinupil mo ang ingay ng mga dayuhan;
    gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap,
    ang awit ng mga malulupit ay napatahimik.

At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan ng isang kapistahan ng matatabang bagay, ng isang kapistahan ng mga nilumang alak, ng matatabang bagay na punô ng utak, ng mga lumang alak na totoong dinalisay.

At kanyang wawasakin sa bundok na ito ang takip na inilagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na iniladlad sa lahat ng bansa.

Lulunukin(A) niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang Panginoon ang nagsalita.

At sasabihin sa araw na iyon, “Ito'y ating Diyos; hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matuwa at magalak sa kanyang pagliligtas.”

10 Sapagkat(B) ang kamay ng Panginoon ay magpapahinga sa bundok na ito. Ang Moab ay mayayapakan sa kanyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi.

11 At kanyang iuunat ang kanyang mga kamay sa gitna niyon, gaya ng manlalangoy na nag-uunat ng kanyang mga kamay sa paglangoy; ngunit ibababa ng Panginoon ang kanyang kapalaluan kasama ng kakayahan ng kanyang mga kamay.

12 At ang matataas na muog ng kanyang mga kuta ay kanyang ibababa, ilulugmok, at ibabagsak sa lupa, hanggang sa alabok.

Awit ng Pagtitiwala sa Panginoon

26 Sa araw na iyon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda,
“Tayo ay may matibay na lunsod;
    kanyang inilalagay ang kaligtasan
    bilang mga pader at tanggulan.
Buksan ninyo ang mga pintuan,
    upang makapasok ang matuwid na bansa na nag-iingat ng katotohanan.
Iyong iingatan siya sa ganap na kapayapaan,
    na ang pag-iisip ay nananatili sa iyo, sapagkat siya'y nagtitiwala sa iyo.
Magtiwala kayo sa Panginoon magpakailanman,
    sapagkat ang Panginoong Diyos
    ay isang batong walang hanggan.
Sapagkat ibinaba niya
    ang mga naninirahan sa kaitaasan,
    ang mapagmataas na lunsod.
Kanyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa;
    ibinagsak ito hanggang sa alabok.
Niyayapakan ito ng paa,
    ng mga paa ng dukha,
    ng mga hakbang ng nangangailangan.”

Ang daan ng matuwid ay patag,
    iyong pinakinis ang landas ng matuwid.
Sa daan ng iyong mga hatol,
    O Panginoon, naghihintay kami sa iyo;
ang pangalan ng iyong alaala
    ay siyang nasa ng aming kaluluwa.
Kinasasabikan ka sa gabi ng kaluluwa ko,
    ang espiritu sa loob ko ay masikap na naghahanap sa iyo.
Sapagkat kapag nasa lupa ang mga hatol mo,
    ang mga naninirahan sa sanlibutan sa katuwiran ay natututo.
10 Kapag nagpapakita ng lingap sa masama,
    hindi siya matututo ng katuwiran;
sa lupain ng katuwiran ay nakikitungo siya na may kasamaan,
    at hindi nakikita ang sa Panginoon na kamahalan.
11 Panginoon,(C) ang iyong kamay ay nakataas,
    gayunma'y hindi nila nakikita.
Ipakita mo ang iyong sigasig para sa bayan, at sila'y mapapahiya;
    lamunin nawa sila ng apoy na para sa iyong mga kaaway.
12 Panginoon, ikaw ay magtatalaga ng kapayapaan para sa amin,
    ikaw ang gumawa para sa amin ng lahat naming mga gawa.
13 O Panginoon naming Diyos,
    ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay namuno sa amin;
    ngunit ang pangalan mo lamang ang kinikilala namin.
14 Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay;
    sila'y mga lilim, sila'y hindi babangon.
Kaya't iyong dinalaw at winasak sila,
    at pinawi mo ang lahat ng alaala nila.
15 Ngunit iyong pinarami ang bansa, O Panginoon,
    iyong pinarami ang bansa; ikaw ay niluwalhati;
    iyong pinalaki ang lahat ng hangganan ng lupain.

16 Panginoon, sa kabalisahan ay dinalaw ka nila,
    sila'y sumambit ng dalangin,
    noong pinarurusahan mo sila.
17 Gaya ng babae na nagdadalang-tao
    na namimilipit at dumaraing sa kanyang panganganak,
    kapag siya'y malapit na sa kanyang panahon,
naging gayon kami dahilan sa iyo, O Panginoon.
18     Kami ay nagdalang-tao, kami ay namilipit,
    kami ay tila nanganak ng hangin.
Kami ay hindi nagkamit ng tagumpay sa lupa;
    at ang mga naninirahan sa sanlibutan ay hindi nabuwal.
19 Ang iyong mga patay ay mabubuhay; ang kanilang mga katawan ay babangon.
    Magsigising at magsiawit sa kagalakan, kayong naninirahan sa alabok!
Sapagkat ang iyong hamog ay hamog na makinang,
    at sa lupain ng mga lilim ay hahayaan mong bumagsak ito.

20 Ikaw ay pumarito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid,
    at isara mo ang iyong mga pintuan sa likuran mo.
Magkubli kang sandali,
    hanggang sa ang galit ay makalampas.
21 Sapagkat ang Panginoon ay lumalabas mula sa kanyang dako
    upang parusahan ang mga naninirahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan.
Ililitaw naman ng lupa ang dugo na nabuhos doon
    at hindi na tatakpan ang kanyang napatay.

Ililigtas ang Israel

27 Sa(D) araw na iyon ay parurusahan ng Panginoon, ng kanyang matigas, malaki, at matibay na tabak ang leviatan na tumatakas na ahas, ang leviatan na pumupulupot na ahas, at kanyang papatayin ang dambuhala na nasa dagat.

Sa araw na iyon:

“Isang magandang ubasan, umawit kayo tungkol doon!
    Akong Panginoon ang siyang nag-aalaga,
    bawat sandali ay dinidilig ko iyon.
Baka saktan ng sinuman,
    aking binabantayan ito gabi't araw.
Wala akong galit.
Kung mayroon sana akong mga dawag at mga tinik para makipaglaban!
    Ako'y hahayo laban sa kanila, sama-sama ko silang susunugin.
O kung hindi ay kumapit sila sa akin upang mapangalagaan,
    makipagpayapaan sila sa akin,
    makipagpayapaan sila sa akin.”

Sa mga araw na darating ay mag-uugat ang Jacob,
    ang Israel ay uusbong at mamumulaklak
    at pupunuin nila ng bunga ang buong sanlibutan.

Kanya bang sinaktan siya na gaya ng pananakit niya sa mga nanakit sa kanila?
    O pinatay ba sila na gaya ng pagpatay sa mga pumatay sa kanila?
Sa pamamagitan ng pagpapalayas, sa pamamagitan ng pagkabihag ay nakipagtunggali ka laban sa kanila,
    kanyang inalis siya ng kanyang malakas na ihip sa araw ng hangin mula sa silangan.
Kaya't sa pamamagitan nito ay mapagbabayaran ang pagkakasala ng Jacob,
    at ito ang buong bunga ng pag-aalis ng kanyang kasalanan:
kapag kanyang pinagdurug-durog na gaya ng batong tisa
    ang lahat ng mga bato ng dambana,
    walang Ashera o dambana ng insenso ang mananatiling nakatayo.
10 Sapagkat ang lunsod na may kuta ay nag-iisa,
    isang tahanang pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang.
Doon manginginain ang guya,
    doo'y humihiga siya, at babalatan ang mga sanga niyon.
11 Kapag ang mga sanga niyon ay natuyo, ang mga iyon ay babaliin;
    darating ang mga babae at gagawa ng apoy mula sa mga iyon.
Sapagkat ito ay isang bayan na walang unawa;
    kaya't ang gumawa sa kanila ay hindi mahahabag sa kanila,
    siya na humubog sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.

12 Sa araw na iyon, mula sa Ilog Eufrates hanggang sa batis ng Ehipto, gigiikin ng Panginoon ang bunga niyon, at kayo'y titipuning isa-isa, O kayong mga anak ni Israel.

13 At sa araw na iyon, ang malaking trumpeta ay hihipan; at silang nawala sa lupain ng Asiria, at silang mga itinaboy sa lupain ng Ehipto ay darating upang sumamba sa Panginoon sa banal na bundok sa Jerusalem.

Babala sa Efraim

28 Kahabag-habag ang palalong korona ng mga maglalasing ng Efraim,
    at sa kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan,
    na nasa ulunan ng mayamang libis na nadaig ng alak!
Ang Panginoon ay may isa na makapangyarihan at malakas;
    na tulad ng bagyo ng yelo, isang mangwawasak na bagyo,
parang bagyo ng malakas at bumabahang mga tubig,
    kanyang ibubuwal sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kamay.
Ang palalong korona ng mga maglalasing ng Efraim
    ay mayayapakan ng paa,
at ang kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan,
    na nasa ulunan ng mayamang libis,
ay magiging gaya ng unang hinog na bunga ng igos bago magtag-init:
    kapag ito'y nakikita ng tao,
    kinakain niya ito paglapat nito sa kanyang kamay.

Sa araw na iyon ay magiging korona ng kaluwalhatian ang Panginoon ng mga hukbo,
    at putong ng kagandahan, sa nalabi sa kanyang bayan;
at espiritu ng katarungan sa kanya na nakaupo sa paghatol,
    at lakas sa kanila na nagpaurong ng labanan sa pintuan.

Ang mga ito ay sumusuray din dahil sa alak,
    at dahil sa matapang na alak ay pahapay-hapay;
ang pari at ang propeta ay sumusuray dahil sa matapang na alak,
    sila'y nililito ng alak,
    sila'y pahapay-hapay dahil sa matapang na alak;
sila'y nagkakamali sa pangitain,
    sila'y natitisod sa paghatol.
Sapagkat lahat ng mga hapag ay punô ng suka,
    walang dakong walang karumihan.

“Kanino siya magtuturo ng kaalaman?
    At kanino niya ipapaliwanag ang balita?
Sa mga inilayo sa gatas,
    at inihiwalay sa suso?
10 Sapagkat tuntunin sa tuntunin, tuntunin sa tuntunin,
    bilin at bilin, bilin at bilin;
    dito'y kaunti, doo'y kaunti.”

11 Hindi,(E) kundi sa pamamagitan ng mga utal na labi
at ng ibang wika ay magsasalita ang Panginoon sa bayang ito,
12     na sa kanya'y sinabi niya,
“Ito ang kapahingahan,
    papagpahingahin ninyo ang pagod;
at ito ang kaginhawahan;”
    gayunma'y hindi nila pinakinggan.
13 Kaya't ang salita ng Panginoon
    ay magiging sa kanila'y tuntunin sa tuntunin, tuntunin sa tuntunin,
    bilin at bilin, bilin at bilin;
    dito'y kaunti, doo'y kaunti;
upang sila'y makahayo, at umatras,
    at mabalian, at masilo, at mahuli.

Galacia 3:10-22

10 Sapagkat(A) ang lahat na umaasa sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa; sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat isang hindi sumusunod sa lahat ng bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan.”

11 Ngayon(B) ay maliwanag na walang sinumang inaaring-ganap sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[a]

12 Subalit(C) ang kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya; sa halip, “Ang gumagawa ng mga iyon ay mabubuhay sa mga iyon.”

13 Tinubos(D) tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin—sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punungkahoy”—

14 upang kay Cristo Jesus ang pagpapala ni Abraham ay dumating sa mga Hentil, upang ating tanggapin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.

Ang Pangako kay Abraham

15 Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa tao, kapag napagtibay na ang tipan ng isang tao, walang makapagdaragdag o makapagpapawalang-bisa nito.

16 Ngayon, ang mga pangako ay ginawa kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi, “At sa mga binhi,” na tungkol sa marami; kundi tungkol sa iisa, “At sa iyong binhi,” na si Cristo.

17 Ito(E) ang ibig kong sabihin: “Ang kautusan, na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon, ay hindi nagpapawalang-bisa sa tipan na dati nang pinagtibay ng Diyos, upang pawalang-saysay ang pangako.

18 Sapagkat(F) kung ang mana ay sa pamamagitan ng kautusan, ito ay hindi na sa pamamagitan ng pangako, subalit ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako.

Ang Layunin ng Kautusan

19 Bakit pa mayroong kautusan? Ito ay idinagdag dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito'y ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan.

20 Ngayon, ang tagapamagitan ay nangangahulugan na may higit sa iisang panig; subalit ang Diyos ay iisa.

21 Kung gayon, ang kautusan ba ay salungat sa mga pangako ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat kung ibinigay ang isang kautusan na makapagbibigay-buhay, samakatuwid, ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan.

22 Subalit ibinilanggo ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang ipinangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa mga sumasampalataya.

Mga Awit 61

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.

61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
    dinggin mo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
    kapag nanlulupaypay ang aking puso.

Ihatid mo ako sa bato
    na higit na mataas kaysa akin;
sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
    isang matibay na muog laban sa kaaway.

Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
    Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
    ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.

Pahabain mo ang buhay ng hari;
    tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
    italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!

Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
    habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.

Mga Kawikaan 23:17-18

17 Huwag mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan,
    kundi magpatuloy ka sa takot sa Panginoon sa buong araw.
18 Sapagkat tunay na may kinabukasan,
    at ang iyong pag-asa ay hindi mapaparam.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001