Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 22-24

Ang Hula tungkol sa Jerusalem

22 Ang pahayag tungkol sa libis ng pangitain.

Anong ibig mong sabihin na ikaw ay umakyat,
    kayong lahat, sa mga bubungan?
O ikaw na puno ng mga sigawan,
    magulong lunsod, masayang bayan?
Ang iyong mga patay ay hindi napatay ng tabak,
    o namatay man sa pakikipaglaban.
Lahat mong pinuno ay nagsitakas na magkakasama,
    sila'y nahuli bagaman di ginamitan ng busog.
Kayong lahat na natagpuan ay nahuli,
    bagaman sila'y nakatakas sa malayo.
Kaya't sinabi ko,
“Huwag kayong tumingin sa akin,
    hayaan ninyong ako'y umiyak na may kapaitan;
huwag ninyong sikaping bigyan ako ng kaaliwan,
    ng dahil sa pagkawasak sa anak na babae ng aking bayan.”

Sapagkat ang Panginoong Diyos ng mga hukbo ay may isang araw
    ng pagkakagulo at pagyapak, ng pagkalito,
    sa libis ng pangitain;
pagkabagsak ng mga pader
    at pagsigaw sa mga bundok.
Ang Elam ay may dalang lalagyan ng pana,
    may mga karwahe at mga mangangabayo;
    at inalisan ng balot ng Kir ang kalasag.
Ang iyong mga piling libis ay punô ng mga karwahe,
    at ang mga mangangabayo ay nakahanay sa mga pintuan.
At kanyang inalis ang takip ng Juda.

Sa araw na iyon ay tumingin ka sa mga sandata sa Bahay ng Gubat.

Inyong nakita na maraming butas ang lunsod ni David, at inyong tinipon ang tubig ng mababang tipunan ng tubig.

10 At inyong binilang ang mga bahay ng Jerusalem, at inyong giniba ang mga bahay upang patibayin ang kuta.

11 Kayo'y gumawa ng tipunang tubig sa pagitan ng dalawang pader para sa tubig ng dating tipunan. Ngunit hindi ninyo tiningnan ang gumawa nito, o pinahalagahan man siya na nagplano nito noon pa.

12 Nang araw na iyon ay tumawag ang Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    sa pag-iyak, sa pagtangis,
    sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng damit-sako.
13 Sa(A) halip ay nagkaroon ng kagalakan at kasayahan,
    pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa,
    pagkain ng karne, at pag-inom ng alak.
“Tayo'y kumain at uminom,
    sapagkat bukas tayo ay mamamatay.”

14 Ipinahayag ng Panginoon ng mga hukbo ang kanyang sarili sa aking mga pandinig:

“Tunay na ang kasamaang ito ay hindi ipatatawad sa inyo hanggang sa kayo'y mamatay,”
    sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.

Babala Laban kay Sebna

15 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, “Ikaw ay humayo, pumaroon ka sa katiwalang ito, sa Sebna, na siyang katiwala sa bahay, at iyong sabihin sa kanya:

16 Anong karapatan mo rito? Sinong mga kamag-anak mo rito at gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? Gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan para sa iyong sarili sa malaking bato!

17 Ibabagsak kang bigla ng Panginoon, ikaw na malakas na tao. Hahawakan ka niya ng mahigpit.

18 Paiikutin ka niya nang paiikutin, at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain. Doon ka mamamatay, at doon malalagay ang iyong magagarang mga karwahe, ikaw na kahihiyan ng sambahayan ng iyong panginoon.

19 At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka.

20 Sa araw na iyon ay aking tatawagin ang aking lingkod na si Eliakim na anak ni Hilkias,

21 at aking susuotan siya ng iyong balabal, at ibibigkis sa kanya ang iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong kapangyarihan sa kanyang kamay; at siya'y magiging ama sa mga naninirahan sa Jerusalem at sa sambahayan ni Juda.

22 Ang(B) katungkulan sa sambahayan ni David ay iaatang ko sa kanyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang makapagsasara; at siya'y magsasara, at walang makapagbubukas.

23 At aking ikakapit siya na parang tulos sa isang matibay na dako; at siya'y magiging trono ng karangalan sa sambahayan ng kanyang magulang.

24 Kanilang ibibitin sa kanya ang buong bigat ng sambahayan ng kanyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawat maliit na sisidlan, mula sa mga tasa hanggang sa mga malalaking sisidlan.

25 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, matatanggal ang tulos na ikinabit sa matibay na dako. Ito'y puputulin at mahuhulog, at ang pasan na nasa ibabaw niyon ay maglalaho, sapagkat sinabi ng Panginoon.”

Ang Pahayag tungkol sa Tiro at Sidon

23 Ang(C) pahayag tungkol sa Tiro.

Tumaghoy kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis;
    sapagkat sira ang Tiro, walang bahay o kanlungan!
Mula sa lupain ng Cyprus
    ay inihayag ito sa kanila.
Tumahimik kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin;
    O mga mangangalakal ng Sidon,
ang iyong mga sugo ay nagdaraan sa dagat,
    at nasa baybayin ng malawak na mga tubig,
ang iyong kinita ay ang binhi ng Sihor,
    ang ani ng Nilo,
    ikaw ang mangangalakal ng mga bansa.
Mahiya ka, O Sidon, sapagkat nagsalita ang dagat,
    ang tanggulan ng dagat, na nagsasabi,
“Hindi ako nagdamdam, o nanganak man,
    o nag-alaga man ako ng mga binata,
    o nagpalaki ng mga dalaga.”
Kapag ang balita ay dumating sa Ehipto,
    magdadalamhati sila dahil sa balita tungkol sa Tiro.
Dumaan kayo sa Tarsis,
    umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin!
Ito ba ang inyong masayang lunsod,
    na mula pa noong unang araw ang pinagmulan,
na dinadala ng kanyang mga paa
    upang sa malayo ay manirahan?
Sinong nagpanukala nito
    laban sa Tiro na siyang nagkakaloob ng mga korona,
na ang mga negosyante ay mga pinuno,
    na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa.
Pinanukala ito ng Panginoon ng mga hukbo,
    upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian,
    upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa.
10 Apawan mo ang iyong lupain na gaya ng Nilo,
    O anak na babae ng Tarsis;
    wala nang pampigil.
11 Kanyang iniunat ang kanyang kamay sa karagatan,
    kanyang niyanig ang mga kaharian.
Ang Panginoon ay nag-utos tungkol sa Canaan,
    upang gibain ang mga tanggulan.
12 At kanyang sinabi,
“Ikaw ay hindi na magagalak pa,
    O ikaw na aping anak na birhen ng Sidon;
bumangon ka, magdaan ka sa Chittim,
    doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.”

13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo! Ito ay ang bayan; hindi ito ang Asiria. Itinalaga nila ang Tiro para sa maiilap na hayop. Kanilang itinayo ang kanilang mga muog, giniba nila ang kanyang mga palasyo, kanyang ginawa siyang isang guho.

14 Tumangis kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis,
    sapagkat ang inyong tanggulan ay giba.

15 At sa araw na iyon ang Tiro ay malilimutan sa loob ng pitumpung taon, gaya ng mga araw ng isang hari. Pagkatapos ng pitumpung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng masamang babae:[a]

16 “Kumuha ka ng alpa,
    lumibot ka sa lunsod,
    ikaw na masamang babaing nalimutan!
Gumawa ka ng matamis na himig,
    umawit ka ng maraming awit,
    upang ikaw ay maalala.”

17 Sa katapusan ng pitumpung taon, dadalawin ng Panginoon ang Tiro, at siya'y babalik sa kanyang pangangalakal, at magiging masamang babae sa lahat ng kaharian ng sanlibutan sa ibabaw ng lupa.

18 At ang kanyang kalakal at ang kanyang upa ay itatalaga sa Panginoon. Hindi ito itatago o iimbakin man, kundi ang kanyang paninda ay magbibigay ng saganang pagkain at magarang pananamit para sa mga namumuhay na kasama ng Panginoon.

Hahatulan ng Panginoon ang mga Bansa

24 Gigibain ng Panginoon ang lupa at ito'y sisirain,
    at pipilipitin niya ang ibabaw nito at ang mga naninirahan doon ay pangangalatin.
At kung paano sa mga tao, gayon sa pari;
    kung paano sa alipin, gayon sa kanyang panginoon;
    kung paano sa alilang babae, gayon sa kanyang panginoong babae;
kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili;
    kung paano sa nagpapahiram, gayon sa manghihiram;
    kung paano sa nagpapautang, gayon sa mangungutang.
Lubos na mawawalan ng laman ang lupa, at lubos na masisira;
    sapagkat ang salitang ito ay sa Panginoon mula.

Ang lupa ay tumatangis at natutuyo,
    ang sanlibutan ay nanghihina at natutuyo,
    ang mapagmataas na bayan sa lupa ay lilipas.
Ang lupa ay nadumihan
    ng mga doo'y naninirahan,
sapagkat kanilang sinuway ang kautusan,
    nilabag ang tuntunin,
    sinira ang walang hanggang tipan.
Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa,
    at silang naninirahan doon ay nagdurusa dahil sa kanilang pagkakasala,
kaya't nasunog ang mga naninirahan sa lupa,
    at kakaunting tao ang nalabi.
Ang alak ay tumatangis,
    ang puno ng ubas ay nalalanta,
    lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga.
Ang saya ng mga alpa ay tumigil,
    ang ingay nila na nagagalak ay nagwakas,
    ang galak ng lira ay huminto.
Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan;
    ang matapang na alak ay nagiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyon.
10 Ang lunsod na magulo ay bumagsak.
    Bawat bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon.
11 May sigawan sa mga lansangan dahil sa kakulangan sa alak;
    lahat ng kagalakan ay natapos na,
    sa lupa ay nawala ang kasayahan.
12 Naiwan sa lunsod ang pagkawasak,
    at ang pintuan ay winasak.
13 Sapagkat ganito ang mangyayari sa lupa
    sa gitna ng mga bansa,
kapag inuga ang isang punong olibo,
    gaya ng pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani.
14 Inilakas nila ang kanilang mga tinig, sila'y umawit sa kagalakan,
    dahil sa kadakilaan ng Panginoon ay sumigaw sila mula sa kanluran.
15 Kaya't mula sa silangan ay luwalhatiin ninyo ang Panginoon;
    sa mga pulo ng dagat, ang pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
16 Mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit ng papuri,
    ng kaluwalhatian sa Matuwid.
Ngunit aking sinabi, “Nanghihina ako,
    nanghihina ako, kahabag-habag ako!
Sapagkat ang mga taksil ay gumagawa ng kataksilan.
    Ang mga taksil ay gumagawang may lubhang kataksilan.”

17 Ang takot, ang hukay, at ang bitag ay nasa iyo,
    O naninirahan sa lupa.
18 Siyang tumatakas sa tunog ng pagkasindak
    ay mahuhulog sa hukay;
at siyang umaakyat mula sa hukay
    ay mahuhuli sa bitag.
Sapagkat ang mga bintana ng langit ay nakabukas,
    at ang mga pundasyon ng lupa ay umuuga.
19 Ang lupa ay lubos na nagiba,
    ang lupa ay lubos na nasira,
    ang lupa ay marahas na niyanig.
20 Pagiray-giray na parang taong lasing ang lupa,
    ito'y gumigiray na parang dampa;
at ang kanyang paglabag ay nagiging mabigat sa kanya,
    at ito'y bumagsak, at hindi na muling babangon pa.

21 At sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon
    ang hukbo ng langit, sa langit,
    at ang mga hari sa lupa, sa ibabaw ng lupa.
22 At sila'y matitipong sama-sama,
    kagaya ng mga bilanggo sa hukay,
sila'y sasarhan sa bilangguan,
    at pagkaraan ng maraming araw sila'y parurusahan.
23 Kung magkagayo'y malilito ang buwan,
    at ang araw ay mapapahiya;
sapagkat ang Panginoon ng mga hukbo ay maghahari
    sa bundok ng Zion at sa Jerusalem;
at sa harapan ng kanyang matatanda ay ihahayag niya ang kanyang kaluwalhatian.

Galacia 2:17-3:9

17 Ngunit kung sa ating pagsisikap na ariing-ganap kay Cristo, tayo mismo ay natagpuang mga makasalanan, si Cristo ba ay lingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari!

18 Kung ang mga bagay na aking sinira ay aking muling itayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako'y suwail.

19 Sapagkat ako sa pamamagitan ng kautusan ay namatay sa kautusan, upang ako'y mabuhay sa Diyos.

20 Ako'y ipinakong kasama ni Cristo at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin, at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak[a] ng Diyos na sa akin ay nagmahal, at nagbigay ng kanyang sarili dahil sa akin.

21 Hindi ko pinawawalang halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pag-aaring-ganap ay sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon, si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan.

Kautusan o Pananampalataya

O hangal na mga taga-Galacia! Sino ang gumayuma sa inyo? Sa harapan ng inyong mga mata ay hayagang ipinakita si Jesu-Cristo na ipinako sa krus!

Ang tanging bagay na nais kong matutunan mula sa inyo ay ito: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig sa pananampalataya?

Napakahangal ba ninyo? Nagpasimula kayo sa Espiritu, ngayon ba'y nagtatapos kayo sa laman?

Inyo bang naranasan ang maraming bagay ng walang kabuluhan?—kung tunay nga na ito ay walang kabuluhan.

Ang Diyos[b] ba ay nagbibigay sa inyo ng Espiritu at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo sa pamamagitan ng inyong pagtupad sa mga gawa ng kautusan, o sa pakikinig sa pananampalataya?

Kung(A) paanong si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at ito'y ibinilang sa kanya na katuwiran.

Kaya't(B) inyong nakikita na ang mga sumasampalataya ay mga anak ni Abraham.

At(C) ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing-ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, “Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.”

Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ng mananampalatayang si Abraham.

Mga Awit 60

Sa(A) Punong Mang-aawit: ayon sa Shushan Eduth. Miktam ni David; para sa pagtuturo; nang siya ay makipaglaban kay Aramharain at Aram-zobah, at nang patayin ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.

60 O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami.
    Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami.
Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka;
    kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga.
Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan;
    binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin.

Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo,
    upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah)

Upang ang iyong minamahal ay mailigtas,
    bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami.

Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo,
    “Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem,
    at aking susukatin ang Libis ng Sucot.
Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin;
    ang Efraim din ay helmet ng ulo ko,
    ang Juda ay aking setro.
Ang Moab ay aking hugasan;
    sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
    Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas.”
Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
    Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos?
    At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo?
11 O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway,
    sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao!
12 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
    sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway.

Mga Kawikaan 23:15-16

15 Kung ang iyong puso ay marunong, aking anak,
    ang puso ko rin naman ay magagalak.
16 Ang kaluluwa ko'y matutuwa,
    kapag ang iyong mga labi'y nagsasalita ng tama.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001