Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 15-18

Ang Pahayag tungkol sa Moab

15 Ang(A) pahayag tungkol sa Moab.

Sapagkat sa loob ng isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba,
    ang Moab ay wala na;
sapagkat sa loob ng isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab,
    ang Moab ay wala na.
Ang anak na babae ng Dibon ay umahon
    sa matataas na dako upang umiyak;
tinatangisan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Ang lahat ng ulo ay kalbo,
    bawat balbas ay ahit.
Sa kanilang mga lansangan ay nagbibigkis sila ng damit-sako,
    sa mga bubungan at sa mga liwasan,
    tumatangis ang bawat isa at natutunaw sa pag-iyak.
Ang Hesbon at ang Eleale ay sumisigaw,
    ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahaz.
Kaya't ang mga lalaking may sandata sa Moab ay sumigaw nang malakas;
    ang kanyang kaluluwa ay nanginginig.
Ang aking puso ay dumadaing para sa Moab;
    ang kanyang mga tao ay nagsisitakas sa Zoar,
    sa Eglat-shelishiya.
Sapagkat sa ahunan sa Luhith
    ay umaahon silang nag-iiyakan;
sa daan patungong Horonaim
    ay humahagulhol sila sa kapahamakan.
Ang mga tubig ng Nimrim
    ay natuyo,
ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta,
    walang sariwang bagay.
Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo,
    at ang kanilang tinipon
ay kanilang dinala
    sa Sapa ng Sauce.
Sapagkat ang daing ay nakarating
    sa paligid ng lupain ng Moab;
ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Eglaim,
    ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Beer-elim.
Sapagkat ang mga tubig ng Dimon ay punô ng dugo,
    gayunma'y magpapadala pa ako sa Dimon ng higit pa,
isang leon para sa nakatakas sa Moab,
    para sa nalabi sa lupain.

16 Nagpadala sila ng mga kordero
    sa pinuno ng lupain,
mula sa Sela, sa daan ng ilang,
    hanggang sa bundok ng anak na babae ng Zion.
Sapagkat gaya ng kalat na pugad,
    ng mga nagsisigalang ibon,
gayon ang mga anak na babae ng Moab
    sa mga tawiran ng Arnon.
“Magpayo ka,
    magbigay ka ng katarungan,
gawin mo ang iyong lilim na gaya ng gabi
    sa gitna ng katanghaliang-tapat;
ikubli mo ang mga itinapon,
    huwag mong ipagkanulo ang takas.
Patirahin mong kasama mo ang itinapon mula sa Moab,
maging kanlungan ka niya
    mula sa mangwawasak.

Kapag wala nang mang-aapi,
    at huminto na ang pagkawasak,
at ang yumayapak sa ilalim ng paa ay wala na sa lupain,
kung magkagayo'y matatatag ang trono sa tapat na pag-ibig,
    at uupo roon sa katapatan,
    sa tabernakulo ni David
ang isa na humahatol at humahanap ng katarungan,
    at mabilis na nagsasagawa ng katuwiran.”

Aming nabalitaan ang pagyayabang ng Moab,
    na siya'y totoong mapagmataas;
ang kanyang kahambugan, at ang kanyang kapalaluan, at ang kanyang poot—
    ang kanyang paghahambog ay huwad.
Kaya't hayaang tumangis ang Moab,
    bawat isa'y tumangis para sa Moab.
Manangis kayong lubha
    dahil sa mga tinapay na pasas ng Kir-hareseth.
Sapagkat ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina,
    at ang ubasan ng Sibma;
sinira ng mga panginoon ng mga bansa ang mga piling pananim niyon;
na nakarating hanggang sa Jazer,
    at sa ilang ay lumaboy;
ang kanyang mga sanga ay kumalat,
    at nagsitawid sa dagat.
Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer
    dahil sa puno ng ubas ng Sibma;
didiligin kita ng aking mga luha,
    O Hesbon at Eleale;
sapagkat ang sigawan sa iyong bunga
    at sa iyong pag-aani ay nahinto.
10 At ang kasayahan at kagalakan ay inalis
    mula sa mabungang lupain,
at sa mga ubasan ay hindi inawit ang mga awitin,
    walang ginawang mga pagsigaw,
walang manyayapak na gumagawa ng alak sa pisaan;
    aking pinatigil ang awitan sa pag-aani.
11 Kaya't ang aking kaluluwa ay tumataghoy na parang alpa para sa Moab,
    at ang aking puso para sa Kir-heres.

12 At kapag ang Moab ay humarap, kapag siya'y pagod na sa mataas na dako, kapag siya'y pumaroon sa kanyang santuwaryo upang manalangin, ay hindi siya mananaig.

13 Ito ang salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa Moab noong nakaraan.

14 Ngunit ngayo'y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, “Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab, sampu ng lahat niyang karamihan; at ang mga nalabi ay magiging kakaunti at mahihina.”

Parurusahan ng Diyos ang Damasco

17 Isang(B) pahayag tungkol sa Damasco.

Narito, ang Damasco ay hindi na magiging lunsod,
    at magiging isang buntong sira.
Ang mga lunsod ng Aroer ay napapabayaan;[a]
    iyon ay magiging para sa mga kawan,
    na hihiga, at walang mananakit sa kanila.
Ang kuta ay mawawala sa Efraim,
    at ang kaharian sa Damasco;
at ang nalabi sa Siria ay magiging
    gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Sa araw na iyon,
    ang kaluwalhatian ng Jacob ay ibababa,
    at ang katabaan ng kanyang laman ay mangangayayat.
At ito'y magiging gaya nang kapag tinitipon ng mang-aani ang nakatayong trigo,
    at ginagapas ng kanyang kamay ang mga uhay;
oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay
    sa Libis ng Refaim.
Gayunma'y maiiwan doon ang mga pinulot,
    gaya ng kapag niyugyog ang puno ng olibo—
na dalawa o tatlong bunga
    ay naiiwan sa dulo ng kataas-taasang sanga,
apat o lima
    sa mga sanga ng mabungang punungkahoy, sabi ng Panginoong Diyos ng Israel.

Matatapos ang Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

Sa araw na iyon ay pahahalagahan ng mga tao ang Maylalang sa kanila, ang kanilang mga mata ay titingin sa Banal ng Israel.

Hindi nila pahahalagahan ang mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, at hindi sila titingin sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa mga sagradong poste,[b] o sa mga altar ng insenso.

Sa araw na iyon, ang kanilang matitibay na lunsod ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan dahil sa mga anak ni Israel; at magiging wasak.

10 Sapagkat kinalimutan mo ang Diyos ng iyong kaligtasan,
    at hindi mo inalala ang Malaking Bato ng iyong kanlungan.
Kaya't bagaman nagtatanim ka ng mabubuting pananim,
    at naglagay ka ng ibang sangang pananim.
11 Bagaman sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong inalagaan,
    at pinamumulaklak mo ang mga iyon sa kinaumagahan,
gayunma'y mawawala ang ani
    sa araw ng kalungkutan at walang lunas na hapdi.
12 Ah, ang ingay ng maraming bansa,
    na umuugong na gaya ng ugong ng mga dagat;
Ah, ang ingay ng mga bansa,
    na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng malakas na mga tubig!
13 Ang mga bansa ay umuugong na parang agos ng maraming tubig,
    ngunit sila'y sasawayin niya, at sila'y magsisitakas sa malayo,
at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin,
    at gaya ng ipu-ipong alabok sa harap ng bagyo.
14 Sa gabi, ay narito ang nakakatakot!
    At bago dumating ang umaga, ay wala na sila!
Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin,
    at ang kapalaran nila na nagnakaw sa atin.

18 Ah,(C) ang lupain ng pakpak na pumapagaspas,
    na nasa kabila ng mga ilog ng Etiopia;
na nagpapadala ng mga sugo sa gilid ng Nilo,
    sa mga sasakyang-papiro sa ibabaw ng karagatan!
Humayo kayo, maliliksing sugo,
    sa bansang mataas at patag,
sa bayang kinatatakutan sa malayo at malapit;
    isang bansang makapangyarihan at nananakop,
    na ang lupain ay hinahati ng mga ilog!

Kayong lahat na nananahan sa sanlibutan,
    at kayong mga naninirahan sa lupa,
kapag ang isang hudyat ay itinaas sa mga bundok, ay inyong tingnan!
    Kapag ang trumpeta ay hinipan, makinig kayo!
Sapagkat ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ako'y tahimik na titingin mula sa aking tinitirhan,
    gaya ng malinaw na init sa sikat ng araw,
    gaya ng ulap na hamog sa init ng pag-aani.”
Sapagkat bago mag-ani, kapag ang pamumulaklak ay tapos na,
    at ang bulaklak ay nagiging ubas na nahihinog,
kanyang puputulin ng karit na pangkapon ang mga usbong,
    at ang nakaladlad na mga sanga ay kanyang puputulin.
Ang mga iyon ay pawang maiiwan
    sa mga ibong mandaragit sa mga bundok,
    at sa mga hayop sa lupa.
At kakainin ang mga iyon ng mga ibong mandaragit sa panahon ng tag-init,
    at kakainin ang mga iyon ng lahat na hayop sa lupa sa taglamig.

Sa panahong iyon ay dadalhin ang mga kaloob sa Panginoon ng mga hukbo
    ng mga taong matataas at makikisig,
    at mula sa bayang kinatatakutan sa malapit at malayo;
    isang bansang makapangyarihan at nananakop,
    na ang lupain ay hinahati ng mga ilog,
    sa Bundok ng Zion, sa dako ng pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.

Galacia 1

Si Pablo na apostol—hindi mula sa mga tao, o sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay—

at ang lahat ng mga kapatid na kasama ko,

Sa mga iglesya ng Galacia:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama, at sa ating Panginoong Jesu-Cristo,

na nagbigay ng kanyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y kanyang mailigtas mula sa kasalukuyang masamang kapanahunan, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama,

sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Kaisa-isang Ebanghelyo

Ako'y namamangha na napakabilis ninyong iniwan siya na tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo at bumaling kayo sa ibang ebanghelyo.

Hindi sa may ibang ebanghelyo, kundi mayroong ilan na nanggugulo sa inyo at nagnanais na baluktutin ang ebanghelyo ni Cristo.

Subalit kahit kami, o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba sa aming ipinangaral sa inyo, ay hayaan siyang sumpain!

Gaya ng aming sinabi noong una, at muli kong sinasabi ngayon, kung ang sinuman ay mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba kaysa inyong tinanggap na ay hayaan siyang sumpain!

10 Ako ba'y naghahangad ngayon ng pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? O sinisikap ko bang bigyang-lugod ang mga tao? Kung ako'y nagbibigay-lugod pa rin sa mga tao, hindi sana ako naging alipin ni Cristo.

Ang Pagkatawag kay Pablo

11 Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinangaral ay hindi ayon sa tao.

12 Sapagkat hindi ko ito tinanggap mula sa tao, o itinuro man sa akin, kundi sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo.

13 Sapagkat(A) inyong narinig ang uri ng aking dating pamumuhay sa Judaismo, kung paanong marahas kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na wasakin ito.

14 At(B) ako'y nanguna sa Judaismo nang higit kaysa marami sa mga kasing-gulang ko sa aking mga kababayan, higit na masigasig ako sa mga tradisyon ng aking mga ninuno.

15 Ngunit(C) nang malugod ang Diyos na sa akin ay nagbukod, buhat pa sa sinapupunan ng aking ina, at sa akin ay tumawag sa pamamagitan ng kanyang biyaya,

16 na ipahayag ang kanyang Anak sa akin, upang siya'y aking ipangaral sa mga Hentil; hindi ako sumangguni sa sinumang laman at dugo;

17 o nagtungo man ako sa Jerusalem sa mga apostol na una sa akin, kundi nagtungo ako sa Arabia at muli akong nagbalik sa Damasco.

18 Nang(D) makaraan ang tatlong taon, nagtungo ako sa Jerusalem upang dalawin si Cefas,[a] at namalaging kasama niya ng labinlimang araw.

19 Ngunit wala akong nakita sa mga ibang apostol, maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.

20 Tungkol sa mga bagay na isinusulat ko sa inyo, sa harapan ng Diyos, hindi ako nagsisinungaling.

21 Pagkatapos ay nagtungo ako sa mga lupain ng Siria at Cilicia.

22 Ngunit hindi pa ako mukhaang nakikilala sa mga iglesya ng Judea na kay Cristo.

23 Narinig lamang nila na sinasabi, “Siya na dating umuusig sa atin ngayo'y ipinangangaral niya ang pananampalataya na dati'y sinikap niyang wasakin.”

24 At kanilang niluwalhati ang Diyos dahil sa akin.

Mga Awit 58

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.

58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
    Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
    sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.

Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
    silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
    gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
    ni ang tusong manggagayuma.

O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
    tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
    kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
    gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
    kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.

10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
    kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
    tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”

Mga Kawikaan 23:12

12 Ihilig mo ang iyong puso sa pangaral,
    at ang iyong mga tainga sa mga salita ng kaalaman.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001