Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 12-14

Awit ng Pasasalamat

12 At sa araw na iyon ay iyong sasabihin,
“Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon,
    bagaman ikaw ay nagalit sa akin,
ang iyong galit ay napawi,
    at iyong inaaliw ako.

“Ang(A) Diyos ay aking kaligtasan;
    ako'y magtitiwala, at hindi ako matatakot
sapagkat ang Panginoong Diyos ay aking kalakasan at awit;
    at siya'y naging aking kaligtasan.”

Kaya't kayo'y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.

At sa araw na iyon ay inyong sasabihin,

“Magpasalamat kayo sa Panginoon,
    kayo'y tumawag sa kanyang pangalan,
ipaalam ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bansa,
    ipahayag ninyo na ang kanyang pangalan ay marangal.

“Umawit kayo sa Panginoon; sapagkat siya'y gumawang may kaluwalhatian,
    ipaalam ito sa buong lupa.
Sumigaw ka at umawit nang malakas, ikaw na naninirahan sa Zion,
    sapagkat dakila ang Banal ng Israel na nasa gitna mo.”

Ang Babala Laban sa Babilonia

13 Ang(B) pahayag tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.

Maglagay kayo ng isang hudyat sa bundok na walang tanim,
    sumigaw kayo nang malakas sa kanila,
inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok
    sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.
Aking inutusan ang aking mga itinalaga,
    aking ipinatawag ang aking mga mandirigma, ang aking mga anak na nagsasayang may pagmamalaki,
    upang isagawa ang aking galit.

Pakinggan ninyo ang ingay sa mga bundok,
    na gaya ng napakaraming tao!
Pakinggan ninyo ang ingay ng mga kaharian,
    ng mga bansa na nagtitipon!
Tinitipon ng Panginoon ng mga hukbo
    ang hukbo para sa pakikipaglaban.
Sila'y nagmumula sa malayong lupain,
    mula sa dulo ng kalangitan,
ang Panginoon at ang mga sandata ng kanyang galit,
    upang wasakin ang buong lupain.

Manangis(C) kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
    ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!
Kaya't lahat ng kamay ay manghihina,
    at bawat puso ng tao ay manlulumo,
    at sila'y mababalisa.
Mga pagdaramdam at mga kapanglawan ang daranasin nila;
    sila'y maghihirap na gaya ng babaing nanganganak.
Sila'y magtitinginan na nanghihilakbot
    ang kanilang mga mukha ay magliliyab.

Tingnan ninyo, ang araw ng Panginoon ay dumarating,
    mabagsik, na may poot at mabangis na galit;
upang gawing wasak ang lupa,
    at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon.
10 Sapagkat(D) ang mga bituin ng langit at ang mga buntala nito,
    ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag;
ang araw ay magdidilim sa kanyang pagsikat,
    at hindi ibibigay ng buwan ang kanyang liwanag.
11 Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan,
    at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan;
at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo,
    at aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit.
12 Aking gagawin na mas bihira ang mga tao kaysa dalisay na ginto,
    at ang sangkatauhan kaysa ginto ng Ofir.
13 Kaya't aking yayanigin ang kalangitan,
    at ang lupa ay yayanigin mula sa kanyang dako,
sa poot ng Panginoon ng mga hukbo,
    at sa araw ng kanyang mabangis na galit.
14 At gaya ng isang usang hinahabol,
    o gaya ng mga tupa na walang magtitipon sa kanila,
bawat tao ay babalik sa kanyang sariling bayan,
    at bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.
15 Bawat matagpuan ay uulusin,
    at bawat mahuli ay mabubuwal sa tabak.
16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
    sa harapan ng kanilang mga mata;
ang kanilang mga bahay ay pagnanakawan,
    at ang kanilang mga asawa ay gagahasain.

17 Tingnan ninyo, aking kinikilos ang mga taga-Media laban sa kanila,
    na hindi nagpapahalaga sa pilak,
    at hindi nalulugod sa ginto.
18 Papatayin ng kanilang mga pana ang mga binata;
    at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata;
    ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.
19 At(E) ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian,
    ang kariktan at ipinagmamalaki ng mga Caldeo,
ay magiging gaya ng Sodoma at Gomorra
    kapag ibinagsak sila ng Diyos.
20 Hindi ito matitirahan kailanman,
    ni matitirahan sa lahat ng mga salinlahi,
ni magtatayo roon ng tolda ang taga-Arabia,
    ni pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan.
21 Kundi(F) maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon,
    at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga hayop na nagsisiungal;
at mga avestruz ay maninirahan doon,
    at ang mga demonyong kambing ay magsasayaw doon.
22 At ang mga asong-gubat ay magsisihiyaw sa kanilang mga muog,
    at ang mga chakal sa magagandang palasyo;
at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit,
    at ang kanilang mga araw ay hindi pahahabain.

Pagbabalik mula sa Pagkabihag

14 Ang Panginoon ay maaawa sa Jacob, at muling pipiliin ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain. Ang dayuhan ay makikisama sa kanila, at sila'y mapapasama sa sambahayan ni Jacob.

At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako; at aariin sila ng sambahayan ng Israel sa lupain ng Panginoon bilang mga aliping lalaki at babae. Kanilang bibihagin sila na bumihag sa kanila at mamumuno sa kanila na umapi sa kanila.

Kapag bibigyan ka na ng Panginoon ng kapahingahan mula sa iyong kahirapan, kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod mo,

ay iyong dadalhin ang pagkutyang ito laban sa hari ng Babilonia:

“Huminto na ang pang-aapi!
    Huminto na ang matinding kalapastanganan!
Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama,
    ang setro ng mga pinuno;
na nagpahirap sa mga tao sa pamamagitan ng poot
    ng walang tigil na bugbog,
na namuno sa mga bansa sa galit,
    na may walang tigil na pag-uusig.
Ang buong lupa ay tiwasay at tahimik;
    sila'y biglang nagsisiawit.
Ang mga puno ng sipres ay nagagalak dahil sa iyo,
    at ang mga sedro sa Lebanon, na nagsasabi,
‘Mula nang ikaw ay ibagsak,
    wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.’
Ang Sheol sa ibaba ay kinilos
    upang salubungin ka sa iyong pagdating;
pinupukaw nito ang mga lilim upang batiin ka,
    ang lahat na mga pinuno ng lupa;
itinatayo nito mula sa kanilang mga trono,
    ang lahat na hari ng mga bansa.
10 Silang lahat ay magsasalita
    at magsasabi sa iyo:
‘Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin?
    Ikaw ba'y naging gaya namin?’
11 Ang iyong kahambugan ay ibinaba sa Sheol
    pati na ang tunog ng iyong mga alpa;
ang uod ay higaan sa ilalim mo,
    at ang mga uod ang iyong pantakip.

12 “Ano't(G) nahulog ka mula sa langit,
    O Tala sa Umaga, anak ng Umaga!
Paanong ikaw ay lumagpak sa lupa,
    ikaw na siyang nagpabagsak sa mga bansa!
13 Sinabi(H) mo sa iyong puso,
    ‘Ako'y aakyat sa langit;
sa itaas ng mga bituin ng Diyos
    aking itatatag ang aking trono sa itaas;
ako'y uupo sa bundok na pinagtitipunan,
    sa malayong hilaga.
14 Ako'y aakyat sa itaas ng mga kaitaasan ng mga ulap,
    gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan.’
15 Gayunma'y ibinaba ka sa Sheol,
    sa mga pinakamalalim na bahagi ng Hukay.
16 Silang nakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo,
    at mag-iisip tungkol sa iyo:
‘Ito ba ang lalaki na nagpayanig ng lupa,
    na nagpauga ng mga kaharian;
17 na ginawang gaya ng ilang ang sanlibutan,
    at gumiba ng mga bayan nito;
    na hindi nagpahintulot sa kanyang mga bilanggo upang magsiuwi?’
18 Lahat ng mga hari ng mga bansa ay nahihiga sa kaluwalhatian,
    bawat isa'y sa kanyang sariling libingan.
19 Ngunit ikaw ay itinapon papalayo sa iyong libingan
    na gaya ng kasuklamsuklam na sanga,
binihisang kasama ng mga patay, ang mga tinaga ng tabak,
    na bumaba sa mga bato ng Hukay,
    gaya ng bangkay na nayapakan ng paa.
20 Ikaw ay hindi mapapasama sa kanila sa libingan,
    sapagkat sinira mo ang iyong lupain,
    pinatay mo ang iyong bayan.

“Ang angkan nawa ng mga gumagawa ng kasamaan
    ay huwag nang tawagin magpakailanman!
21 Maghanda kayong patayin ang kanilang mga anak
    dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang;
baka sila'y magsibangon at angkinin ang lupain,
    at punuin ng mga lunsod ang ibabaw ng lupa.”

Babala Laban sa Babilonia

22 “At ako'y babangon laban sa kanila,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “at tatanggalin ko sa Babilonia ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak,” sabi ng Panginoon.

23 “Iyon ay aking gagawing ari-arian ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig, at aking papalisin ng walis ng pagkawasak,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Babala Laban sa Asiria

24 Ang(I) Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa:

“Gaya ng aking binalak,
    gayon ang mangyayari;
at gaya ng aking pinanukala,
    gayon ang mananatili.
25 Aking lalansagin ang taga-Asiria sa aking lupain,
    at sa aking mga bundok ay yayapakan ko siya sa ilalim ng paa;
kung magkagayo'y maaalis ang kanyang pamatok sa kanila,
    at ang ipinasan niya sa kanilang balikat.”
26 Ito ang panukala na ipinanukala tungkol sa buong lupa;
at ito ang kamay na iniunat
    sa lahat ng mga bansa.
27 Sapagkat pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo,
    at sinong magpapawalang-bisa nito?
Ang kanyang kamay ay nakaunat,
    at sinong mag-uurong nito?

Babala Laban sa mga Filisteo

28 Dumating(J) ang pahayag na ito nang taong mamatay si Haring Ahaz.

29 “Ikaw(K) ay huwag magalak, O Filistia, kayong lahat,
    sa pagkabali ng pamalo na sumakit sa iyo;
sapagkat sa ahas ay lalabas ang ulupong,
    at ang kanyang anak ay magiging mabangis na ahas na lumilipad.
30 At ang panganay ng dukha ay kakain,
    at ang nangangailangan ay nahihigang tiwasay;
ngunit aking papatayin ng taggutom ang iyong ugat,
    at ang nalabi sa iyo ay aking papatayin.
31 Ikaw ay tumaghoy, O pintuan, ikaw ay sumigaw, O lunsod;
    matunaw ka sa takot, O Filistia, kayong lahat!
Sapagkat lumalabas ang usok mula sa hilaga,
    at walang pagala-gala sa kanyang mga kasamahan.”

32 Ano nga ang isasagot sa mga sugo ng bansa?
“Itinayo ng Panginoon ang Zion,
    at sa kanya ay nanganganlong ang nagdadalamhati sa kanyang bayan.”

2 Corinto 13

Mga Panghuling Babala at Pagbati

13 Ito(A) ang ikatlong pagkakataon na ako'y darating sa inyo. Anumang bintang ay dapat pagtibayin ng dalawa o tatlong saksi.

Aking binabalaan ang mga nagkasala noong una at lahat ng iba pa, at binabalaan ko sila ngayon habang wala pa, gaya ng ginawa ko nang ako'y kaharap sa ikalawa kong pagdalaw, na kapag ako'y muling dumating, sila ay hindi ko na pagbibigyan.

Yamang naghahanap kayo ng katibayan na si Cristo ay nagsasalita sa akin, na siya ay hindi mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan sa inyo.

Sapagkat siya'y ipinako mula sa kahinaan, subalit nabubuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Kami ay mahihina sa kanya, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay mabubuhay na kasama niya sa kapangyarihan ng Diyos.

Siyasatin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y nasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo nalalaman na si Jesu-Cristo ay nasa inyo? malibang kayo'y nabigo sa pagsubok.

Ngunit ako'y umaasa na kami ay inyong matatagpuang hindi nabigo.

Subalit nananalangin kami sa Diyos na kayo'y huwag gumawa ng anumang masama; hindi upang kami'y magmukhang nakapasa sa pagsubok, kundi upang inyong magawa kung ano ang mabuti, bagaman kami ay nagmistulang mga nabigo.

Sapagkat kami'y walang magagawang anuman laban sa katotohanan, kundi tanging para sa katotohanan.

Sapagkat kami'y natutuwa kung kami'y mahihina at kayo'y malalakas. At ito naman ang idinadalangin namin na kayo ay maging sakdal.

10 Kaya't isinusulat ko ang mga bagay na ito samantalang ako'y wala pa sa inyo, upang kapag ako ay dumating ay hindi na ako kailangang maging mabagsik sa aking paggamit ng kapamahalaang ibinigay sa akin ng Panginoon para sa ikatatatag, at hindi sa ikawawasak.

11 Sa katapus-tapusan, mga kapatid, magalak kayo. Isaayos ninyo ang mga bagay-bagay; palakasin ninyo ang isa't isa, magkaisa kayo ng pag-iisip, mabuhay kayo sa kapayapaan at ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay mapapasainyo.

12 Magbatian ang isa't isa ng banal na halik.

13 Binabati kayo ng lahat ng mga banal.

14 Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng[a] Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat.

Mga Awit 57

Sa(A) Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wawasakin. Miktam ni David, nang siya ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Maawa ka sa akin, O Diyos, sa akin ay maawa ka,
    sapagkat nanganganlong sa iyo ang aking kaluluwa,
sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,
    hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito.
Sa Diyos na Kataas-taasan ako'y dumaraing,
    sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
Siya'y magsusugo mula sa langit at ako'y ililigtas
    ilalagay niya sa kahihiyan ang sa akin ay yumuyurak, (Selah)
Susuguin ng Diyos ang kanyang pag-ibig na tapat at ang kanyang katapatan!

Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon,
    ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy,
sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,
    at matalas na mga tabak ang kanilang dila.
Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang;
    ang aking kaluluwa ay nakayuko.
Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan,
    ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah)
Ang aking puso ay tapat, O Diyos,
    ang aking puso ay tapat!
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri!
    Gumising ka, aking kaluwalhatian!
Gumising ka, O lira at alpa!
    Gigisingin ko ang bukang-liwayway!
Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan.
    Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit,
    ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap.

11 O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Mga Kawikaan 23:9-11

Huwag kang magsalita sa pandinig ng hangal,
    sapagkat ang karunungan ng mga salita mo ay hahamakin niya lamang.
10 Huwag mong alisin ang lumang batong pananda,
    at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila,
11 sapagkat ang kanilang Manunubos ay makapangyarihan;
    ang kanilang panig laban sa iyo'y kanyang ipagsasanggalang.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001