Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the VOICE. Switch to the VOICE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 8-9

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Kumuha ka ng malapad na tabla, at sulatan mo ng pangkaraniwang titik, ‘Kay Maher-shalalhash-baz.’”

Mayroon akong mga tapat na saksi upang sumaksi sa akin, si Urias na pari at si Zacarias na anak ni Jeberekias.

At ako'y naparoon sa propetisa; at siya'y naglihi, at nanganak ng isang lalaki. At sinabi ng Panginoon sa akin, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Maher-shalalhash-baz.

Sapagkat bago ang bata ay matutong magsalita ng, ‘Ama ko,’ o ‘Ina ko,’ ang kayamanan ng Damasco at ang samsam sa Samaria ay kukunin sa harapan ng hari ng Asiria.”

At nagsalitang muli ang Panginoon sa akin:

“Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloa na umaagos na marahan, at magalak sa harapan ni Rezin at sa anak ni Remalias;

kaya't narito, iniaahon ng Panginoon sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, ang hari ng Asiria at ang lahat niyang kaluwalhatian. Siya'y aahon sa lahat niyang daluyan, at aapaw sa lahat niyang baybayin.

Ito'y aagos hanggang sa Juda, aapaw at aabot hanggang sa leeg; at ang nakabuka niyang mga pakpak ang siyang magpupuno ng lawak ng iyong lupain, O Emmanuel.”

Kayo'y magsama-sama, mga bayan, at mabalisa,
    kayo'y makinig, kayong lahat na malayong lupain;
magbigkis kayo, at kayo'y mabagabag,
    kayo'y magbigkis, at kayo'y mabagabag.
10 Magsanggunian kayo, ngunit iyon ay mauuwi sa wala;
    magsalita kayo ng salita ngunit iyon ay hindi mananatili,
    sapagkat ang Diyos ay kasama namin.

11 Sapagkat ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at binalaan ako na huwag lumakad sa lakad ng bayang ito, na sinasabi,

12 “Huwag(A) ninyong tawaging pagsasabwatan ang lahat na tinatawag na pagsasabwatan ng bayang ito, at huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan, o mangilabot man.

13 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang inyong ituturing na banal; siya ang inyong katakutan, at sa kanya kayo mangilabot.

14 At(B) siya'y magiging santuwaryo ninyo, isang batong katitisuran at malaking batong kabubuwalan ng dalawang sambahayan ng Israel, isang bitag at silo sa mga mamamayan ng Jerusalem.

15 At marami ang matitisod doon; sila'y mabubuwal at mababalian. Sila'y masisilo at mahuhuli.”

16 Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang turo sa gitna ng aking mga alagad.

17 Aking(C) hihintayin ang Panginoon na nagkukubli ng kanyang mukha sa sambahayan ni Jacob, at ako'y aasa sa kanya.

18 Ako(D) at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Panginoon ay mga tanda at kababalaghan sa Israel mula sa Panginoon ng mga hukbo, na naninirahan sa Bundok ng Zion.

19 At kapag kanilang sinabi sa inyo, “Sumangguni kayo sa mga multo at masasamang espiritu na humuhuni at bumubulong.” Hindi ba dapat sumangguni ang bayan sa kanilang Diyos, ang mga patay para sa mga buháy?

20 Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga.

Panahon ng Kaguluhan

21 At sila'y daraan sa lupain na nahihirapang lubha at gutom, at kapag sila'y nagugutom, sila'y magagalit, at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang Diyos, at ititingala ang kanilang mga mukha.

22 Sila'y titingin sa lupa ngunit ang makikita lamang ay kahirapan at kadiliman, ulap ng hapis, at itataboy sila sa makapal na kadiliman.

Kapanganakan at Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan

Gayunman(E) ay hindi magkakaroon ng kapanglawan sa kanya na nasa pagkahapis. Nang unang panahon ay dinala niya sa paghamak ang mga lupain ng Zebulon at Neftali, ngunit sa huling panahon ay gagawin niyang maluwalhati ang daang patungo sa dagat, ang lupain sa kabila ng Jordan, ang Galilea ng mga bansa.

Ang(F) bayan na lumakad sa kadiliman
    ay nakakita ng dakilang liwanag;
silang naninirahan sa lupain ng matinding kadiliman,
    sa kanila sumikat ang liwanag.
Iyong pinarami ang bansa,
    iyong pinarami ang kanilang kagalakan.
Sila'y nagagalak sa harap mo
    gaya ng kagalakan sa pag-aani,
    gaya ng mga tao na nagagalak kapag kanilang pinaghahatian ang samsam.
Sapagkat ang pamatok na kanyang pasan,
    at ang pingga sa kanyang balikat,
    ang panghampas ng nagpapahirap sa kanya,
    ay iyong sinira na gaya sa araw ng Midian.
Sapagkat lahat ng sandalyas ng naglalakad na mandirigma,
    at ang mga kasuotang tigmak ng dugo
    ay susunugin bilang panggatong para sa apoy.
Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata,
    sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki;
at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat;
    at ang kanyang pangalan ay tatawaging
“Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos,
    Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”
Ang(G) paglago ng kanyang pamamahala
    at ng kapayapaan ay hindi magwawakas,
sa trono ni David, at sa kanyang kaharian,
    upang itatag, at upang alalayan
ng katarungan at ng katuwiran
    mula sa panahong ito hanggang sa magpakailanman.
Isasagawa ito ng sigasig ng Panginoon ng mga hukbo.

Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa Jacob,
    at ito'y magliliwanag[a] sa Israel.
At malalaman ng buong bayan,
    ng Efraim at ng mga mamamayan ng Samaria,
    na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng puso:
10 “Ang mga laryo ay nahulog,
    ngunit aming itatayo ng tinabas na bato;
ang mga sikomoro ay pinutol na,
    ngunit aming papalitan ng mga sedro.”
11 Kaya't ang Panginoon ay magbabangon ng mga kaaway laban sa kanila,
    at pasisiglahin ang kanyang mga kalaban.
12 Ang mga taga-Siria sa silangan, at ang mga Filisteo sa kanluran,
    at kanilang lalamunin ang Israel sa pamamagitan ng bukas na bibig.
Sa lahat na ito ang kanyang galit ay hindi napawi,
    kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.

13 Gayunma'y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kanya na nanakit sa kanila,
    o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo.
14 Kaya't puputulin ng Panginoon ang ulo't buntot ng Israel,
    ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw—
15 ang matanda at ang marangal na tao ang siyang ulo,
    at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan ang siyang buntot.
16 Sapagkat silang umakay sa bayang ito ay siyang nagliligaw;
    at silang pinapatnubayan nila ay nilamon.
17 Kaya't ang Panginoon ay hindi nagagalak sa kanilang mga binata,
    ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing balo.
Sapagkat bawat isa ay masama at manggagawa ng kasamaan,
    at bawat bibig ay nagsasalita ng kahangalan.
Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi,
    kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.

18 Sapagkat ang kasamaan ay sumusunog na gaya ng apoy;
    ito'y tumutupok ng mga dawag at mga tinikan;
inaapuyan nito ang tinikan sa gubat,
    at pumapailanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok.
19 Sa poot ng Panginoon ng mga hukbo
    ay nasusunog ang lupain.
Ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy;
    walang taong nagpapatawad sa kanyang kapatid.
20 Sila'y sumunggab ng kanang kamay, ngunit nagugutom pa rin,
    at kakain sa kaliwa, ngunit hindi sila nasisiyahan,
nilalamon ng bawat isa ang laman ng kanyang kapwa.
21 Sinakmal ng Manases ang Efraim, at ng Efraim ang Manases;
    sila'y kapwa naging laban sa Juda.
Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi,
    kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.

2 Corinto 12:1-10

Mga Pangitain at Pagpapahayag

12 Kailangang ako'y magmalaki, kahit ito'y hindi kapaki-pakinabang, ngunit ako ay magpapatuloy sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon.

Kilala ko ang isang lalaki kay Cristo, mayroon nang labing-apat na taon ang nakakaraan, dinala sa ikatlong langit (kung nasa katawan man, o kung nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam).

At nalalaman ko na ang taong iyon (kung nasa katawan man, o nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam),

ay dinala paitaas patungo sa Paraiso, at nakarinig ng mga salitang hindi dapat sabihin, na hindi ipinahihintulot sa tao na ulitin.

Alang-alang sa taong iyon ako'y magmamalaki, ngunit alang-alang sa aking sarili ay hindi ako magmamalaki, maliban sa aking mga kahinaan.

Ngunit kung nais kong magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit nagpipigil ako upang walang sinumang mag-isip ng higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin,

lalo na dahil sa kalabisan ng mga pahayag. Kaya't upang ako'y huwag magyabang ng labis, binigyan ako ng isang tinik sa laman, isang sugo ni Satanas upang ako'y saktan, upang ako'y huwag magmalaki ng labis.

Tatlong ulit akong nanalangin sa Panginoon tungkol dito na lumayo sana ito sa akin.

Subalit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Ako'y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin.

10 Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y nasisiyahan sa mga kahinaan, paglait, kahirapan, pag-uusig, at mga sakuna, sapagkat kapag ako'y mahina, ako nga'y malakas.

Mga Awit 55

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.

55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
    at huwag kang magtago sa daing ko!
Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
    ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
    dahil sa tinig ng kaaway,
    dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
    at sa galit ay inuusig nila ako.

Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
    ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
Takot at panginginig ay dumating sa akin,
    at nadaig ako ng pagkatakot.
At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
    Lilipad ako at magpapahinga.
Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
    sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
    mula sa malakas na hangin at bagyo.”
O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
    sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
    sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
    ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.

12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
    mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
    sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
    kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
    tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
    ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
    sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.

16 Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos;
    at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat,
    ako'y dadaing at tataghoy,
at diringgin niya ang aking tinig.
18 Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan,
    mula sa pakikibaka laban sa akin,
    sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan.
19 Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila,
    siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah)
Sa kanya na walang pagbabago,
at hindi natatakot sa Diyos.

20 Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya,
    kanyang nilabag ang kanyang tipan.
21 Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita,
    ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma;
higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita,
    gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak.
22 Iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon,
    at kanyang aalalayan ka;
hindi niya pinahihintulutang
    makilos kailanman ang matuwid.

23 Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila
    sa hukay ng kapahamakan;
ang mga taong mababagsik at mandaraya
    ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw.
Ngunit magtitiwala ako sa iyo.

Mga Kawikaan 23:4-5

Huwag magpakapagod sa pagpapayaman,
    maging matalino ka na ang sarili'y mapigilan.
Kapag mapadako doon ang iyong paningin, iyon ay napaparam;
    sapagkat biglang nagkakapakpak ang kayamanan,
    lumilipad na gaya ng agila patungong kalangitan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001