Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the VOICE. Switch to the VOICE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 3-5

Kaguluhan sa Jerusalem

Sapagkat, inaalis ng Makapangyarihan, ng Panginoon ng mga hukbo,
    sa Jerusalem at sa Juda
ang panustos at tungkod,
    ang lahat na panustos na tinapay
    at ang lahat na panustos na tubig;
ang magiting na lalaki at ang mandirigma
    ang hukom at ang propeta,
    ang manghuhula at ang matanda;
ang kapitan ng limampu,
    at ang marangal na tao,
ang tagapayo, at ang bihasang salamangkero,
    at ang dalubhasa sa pag-eengkanto.
Gagawin kong pinuno nila ang mga batang lalaki,
    at ang mga sanggol ang mamumuno sa kanila.
Aapihin ng mga tao ang isa't isa,
    bawat isa'y ang kanyang kapwa,
ang kabataan ay magpapalalo laban sa matanda
    at ang hamak laban sa marangal.

Kapag hinawakan ng lalaki ang kanyang kapatid
    sa bahay ng kanyang ama, na nagsasabi:
“Ikaw ay may damit,
    ikaw ay maging aming pinuno,
at ang wasak na ito
    ay mapapasailalim ng iyong pamamahala”;
sa araw na iyon ay magsasalita siya na nagsasabi:
“Hindi ako magiging tagapagpagaling;
    sa aking bahay ay wala kahit tinapay o damit man;
huwag ninyo akong gawing
    pinuno ng bayan.”
Sapagkat ang Jerusalem ay giba,
    at ang Juda ay bumagsak;
sapagkat ang kanilang pananalita at ang kanilang mga gawa ay laban sa Panginoon,
    na nilalapastangan ang kanyang maluwalhating presensiya.

Ang kanilang pagtatangi ng mga tao ay sumasaksi laban sa kanila;
    at kanilang ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma,
    hindi nila ikinukubli ito.
Kahabag-habag sila!
    Sapagkat sila'y nagdala ng kasamaan sa kanilang sarili.
10 Sabihin ninyo sa matuwid, na iyon ay sa ikabubuti nila,
    sapagkat sila'y kakain ng bunga ng kanilang mga gawa.
11 Kahabag-habag ang masama! Ikasasama nila iyon,
    sapagkat ang ginawa ng kanyang mga kamay ay gagawin sa kanya.
12 Tungkol sa aking bayan, mga bata ang nang-aapi sa kanila,
    at ang mga babae ang namumuno sa kanila.
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
    at ginugulo ang daan ng iyong mga landas.

Hinatulan ang Kanyang Bayan

13 Ang Panginoon ay tumayo upang magsanggalang,
    kinuha niya ang kanyang lugar upang ang kanyang bayan ay hatulan.
14 Ang Panginoon ay papasok sa paghatol
    kasama ng matatanda at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Kayo ang lumamon ng ubasan,
    ang samsam ng mga dukha ay nasa inyong mga bahay.
15 Anong ibig ninyong sabihin na inyong dinudurog ang aking bayan,
    at ginigiling ang mukha ng mga dukha?” sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.

Babala sa Kababaihan ng Jerusalem

16 Sinabi ng Panginoon:

Sapagkat ang mga anak na babae ng Zion ay mapagmataas,
    at nagsisilakad na may naghahabaang mga leeg,
    at mga matang nagsisiirap,
na lumalakad na pakendeng-kendeng habang humahayo,
    at ipinapadyak ang kanilang mga paa;
17 kaya't sasaktan ng Panginoon
    ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Zion,
    at ilalantad ng Panginoon ang kanilang mga lihim na bahagi.

18 Sa araw na iyon ay aalisin ng Panginoon ang mga hiyas ng kanilang mga paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may hugis ng kalahating buwan;

19 ang mga kuwintas, ang mga pulseras, at ang mga belo;

20 ang mga laso ng buhok, ang mga palamuti sa braso, ang mga pamigkis, ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga anting-anting,

21 ang mga singsing, ang mga hiyas na pang-ilong;

22 ang mga damit na pamista, ang mga balabal, ang mga kapa, ang mga pitaka;

23 ang maninipis na kasuotan, ang pinong lino, ang mga turbante, at ang mga belo.

24 Sa halip na maiinam na pabango ay kabulukan;
    at sa halip na pamigkis ay lubid;
at sa halip na ayos na buhok ay kakalbuhan;
    at sa halip na pamigkis na maganda ay pamigkis na damit-sako;
    kahihiyan sa halip na kagandahan.
25 Ang iyong mga lalaki ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak,
    at ang iyong magigiting ay sa pakikipagdigma.
26 At ang kanyang mga pintuan ay tataghoy at tatangis;
    at siya'y wasak na uupo sa ibabaw ng lupa.

Pitong babae ang hahawak sa isang lalaki sa araw na iyon, na magsasabi, “Kami ay kakain ng aming sariling tinapay at magsusuot ng aming sariling kasuotan, hayaan mo lamang na tawagin kami sa iyong pangalan; alisin mo ang aming kahihiyan.”

Muling Itatayo ang Jerusalem

Sa araw na iyon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay ipagmamalaki at sa ikaluluwalhati ng mga nakaligtas na taga-Israel.

Siyang naiwan sa Zion, at siyang nanatili sa Jerusalem ay tatawaging banal, bawat nakatala sa mga nabubuhay sa Jerusalem,

kapag hinugasan ng Panginoon ang karumihan ng mga anak na babae ng Zion, at nilinis ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng espiritu ng paghuhukom at ng espiritu ng pagsunog.

At(A) ang Panginoon ay lilikha sa itaas ng buong kinalalagyan ng Bundok ng Zion, at sa itaas ng kanyang mga kapulungan ng isang ulap sa araw, at ng usok at liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi; sapagkat sa itaas ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang bubong at kanlungan.

At iyon ay magiging kanlungan kapag araw laban sa init, at kanlungan at kublihan mula sa bagyo at ulan.

Ang Awit tungkol sa Ubasan

Paawitin(B) ninyo ako sa aking pinakamamahal,
    ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:
Ang aking pinakamamahal ay may ubasan
    sa matabang burol.
Kanyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato,
    at tinamnan ng piling puno ng ubas,
nagtayo siya ng isang toreng bantayan sa gitna niyon,
    at humukay doon ng isang pisaan ng ubas;
at kanyang hinintay na magbunga ng ubas,
    ngunit nagbunga ito ng ligaw na ubas.

At ngayon, O mga mamamayan ng Jerusalem
    at mga kalalakihan ng Juda,
hatulan ninyo, hinihiling ko sa inyo,
    ako at ang aking ubasan.
Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan
    na hindi ko nagawa? Sino ang nakakaalam?
Bakit, nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas,
    ito'y nagbunga ng ubas na ligaw?

Ngayo'y aking sasabihin sa inyo
    ang gagawin ko sa aking ubasan.
Aking aalisin ang halamang-bakod niyon,
    at ito ay susunugin,
aking ibabagsak ang pader niyon
    at ito'y magiging lupang yapakan.
Aking pababayaang sira;
    hindi aalisan ng sanga o bubungkalin man;
    magsisitubo ang mga dawag at mga tinik;
akin ding iuutos sa mga ulap,
    na huwag nila itong paulanan ng ulan.

Sapagkat ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo
    ay ang sambahayan ng Israel,
at ang mga tao ng Juda
    ay ang kanyang maligayang pananim;
at siya'y naghintay ng katarungan,
    ngunit narito, pagdanak ng dugo;
ng katuwiran,
    ngunit narito, pagdaing!

Ang Kasamaan ng Tao

Kahabag-habag sila na nagdudugtong ng bahay sa bahay,
    na nagdaragdag ng bukid sa bukid
hanggang sa mawalan na ng pagitan,
    at kayo'y patirahing nag-iisa
    sa gitna ng lupain!
Sa aking pandinig ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa:
“Tiyak na maraming bahay ang magigiba,
    malalaki at magagandang bahay, na walang naninirahan.
10 Sapagkat ang walong ektarya[a] ng ubasan ay magbubunga lamang ng limang galon,[b]
    at sampung omer[c] ng binhi ay magbubunga lamang ng isang efa.”[d]

11 Kahabag-habag sila na bumabangong maaga sa umaga,
    upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin;
na nagpupuyat hanggang sa kalaliman ng gabi,
    hanggang sa mag-alab ang alak sa kanila!
12 Sila'y may lira at alpa,
    pandereta at plauta, at alak sa kanilang mga kapistahan;
ngunit hindi nila pinahalagahan ang mga gawa ng Panginoon,
    o minasdan man nila ang gawa ng kanyang mga kamay.
13 Kaya't ang aking bayan ay pupunta sa pagkabihag dahil sa kawalan ng kaalaman;
ang kanilang mararangal na tao ay namamatay sa gutom,
    at ang napakarami nilang tao ay nalulugmok sa uhaw.

14 Kaya't pinalaki ng Sheol ang kanyang panlasa,
    at ibinuka nito ang kanyang bibig na hindi masukat,
at ang kaluwalhatian ng Jerusalem,[e] at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan,
    at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.
15 Ang tao ay pinayuyukod, at ang tao ay pinapagpapakumbaba,
    at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba.
16 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo ay itinaas sa katarungan,
    at ang Diyos na Banal ay napatunayang banal sa katuwiran.
17 Kung magkagayo'y manginginain ang mga kordero na gaya sa kanilang pastulan,
    at ang mga patabain sa mga wasak na lugar ay kakainin ng mga dayuhan.

18 Kahabag-habag sila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng pagkukunwari,
    at ng kasalanan na tila lubid ng kariton,
19 na nagsasabi, “Pagmadaliin siya,
    madaliin niya ang kanyang gawain
    upang iyon ay aming makita;
at dumating nawa ang layunin ng Banal ng Israel
    upang iyon ay aming malaman!”
20 Kahabag-habag sila na tinatawag na mabuti ang masama,
    at ang masama ay mabuti;
na inaaring dilim ang liwanag,
    at liwanag ang dilim;
na inaaring mapait ang matamis,
    at matamis ang mapait!
21 Kahabag-habag sila na pantas sa kanilang sariling mga mata,
    at marunong sa kanilang sariling paningin!
22 Kahabag-habag sila na mga malakas sa pag-inom ng alak,
    at mga taong matatapang sa paghahalo ng matapang na inumin,
23 na pinawawalang-sala ang masama dahil sa suhol,
    at ang katuwiran ng matuwid ay inaalis sa kanya!

24 Kaya't kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami,
    at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab,
magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat,
    at ang kanilang bulaklak ay papailanglang na gaya ng alabok;
sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng Panginoon ng mga hukbo,
    at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.

25 Kaya't nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
    at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila,
    at ang mga bundok ay nayanig;
at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi
    sa gitna ng mga lansangan.
Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit,
    kundi laging nakaunat ang kanyang kamay.

26 Siya'y magtataas ng hudyat sa mga bansa mula sa malayo,
    at sisipulan sila mula sa mga dulo ng lupa;
at, narito, ito'y dumarating na napakatulin!
27 Walang napapagod o natitisod man,
    walang umiidlip o natutulog man;
walang pamigkis na maluwag,
    o napatid man ang mga panali ng mga sandalyas;
28 ang kanilang mga palaso ay matalas,
    at lahat nilang pana ay nakahanda
ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay parang batong hasaan,
    at ang kanilang mga gulong ay parang ipu-ipo.
29 Ang kanilang ungal ay gaya ng sa leon,
    sila'y nagsisiungal na gaya ng mga batang leon;
sila'y nagsisiungal, at nanghuhuli ng biktima,
    at kanilang tinatangay, at walang makapagliligtas.
30 Ang mga iyon ay uungal laban sa kanila sa araw na iyon
    na gaya ng ugong ng dagat.
Kung may tumingin sa lupain,
    narito, kadiliman at kahirapan,
at ang liwanag ay pinadilim ng mga ulap niyon.

2 Corinto 11:1-15

Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol

11 Sana'y mapagtiisan ninyo ako sa kaunting kahangalan. Subalit tunay na nagtitiis kayo sa akin!

Ako'y nakakaramdam sa inyo ng maka-Diyos na panibugho, sapagkat kayo'y itinakda kong mapangasawa ng isang lalaki, na kayo'y maiharap ko kay Cristo bilang isang malinis na birhen.

Ngunit(A) ako'y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw mula sa katapatan at kadalisayan[a] kay Cristo.

Sapagkat kung may dumating na nangangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, kayo ay kaagad na napapasakop doon.

Sa palagay ko ay hindi ako pahuhuli sa mga dakilang apostol na ito.

Bagaman ako'y hindi bihasa sa pagsasalita, gayunma'y hindi sa kaalaman, kundi sa bawat paraan ay ginawa namin itong hayag sa inyo sa lahat ng mga bagay.

Ako ba'y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil sa ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos?

Aking ninakawan ang ibang mga iglesya sa pamamagitan ng pagtanggap ng sahod mula sa kanila upang makapaglingkod sa inyo.

At(B) nang ako'y kasama ninyo at nasa pangangailangan, ako'y hindi naging pasanin sa kanino man, sapagkat ang aking mga pangangailangan ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Kaya't aking iniwasan at iiwasan na maging pasanin ninyo sa anumang paraan.

10 Kung paanong ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, walang makakapigil sa akin sa pagmamalaking ito sa mga lupain ng Acaia.

11 At bakit? Sapagkat hindi ko kayo minamahal? Alam ito ng Diyos!

12 At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisin ang pagkakataon doon sa mga nagnanais ng pagkakataon na kilalanin bilang mga kapantay namin tungkol sa ipinagmamalaki nila.

13 Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, na nagpapanggap na mga apostol ni Cristo.

14 At hindi nakapagtataka! Sapagkat maging si Satanas man ay nagpapanggap na anghel ng liwanag.

15 Kaya't hindi nakapagtataka na ang kanyang mga ministro naman ay magpanggap na mga ministro ng katuwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.

Mga Awit 53

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath. Isang Maskil ni David.

53 “Walang(A) Diyos,” sinasabi ng pusong hangal.
Sila'y masasama at gumagawa ng kasamaang karumaldumal,
    wala isa mang gumagawa ng mabuti.

Ang Diyos ay tumutunghay mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang matalino,
    na naghahanap sa Diyos.

Silang lahat ay tumalikod; sila'y pawang masasama,
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala, wala kahit isa.

Wala bang kaalaman ang mga gumagawa ng kasamaan?
    Sila na kumakain ng aking bayan na tila sila'y kumakain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Diyos?

Doon sila'y nasa matinding takot,
    na kung saan ay walang dapat ikatakot.
Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob laban sa iyo,
sila'y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakuwil sila ng Diyos.

O, nawa'y ang pagliligtas para sa Israel ay dumating mula sa Zion!
    Kapag ibinalik ng Diyos ang kapalaran ng kanyang bayan,
    magagalak ang Jacob at matutuwa ang Israel.

Mga Kawikaan 22:28-29

28 Huwag mong alisin ang lumang batong hangganan,
    na inilagay ng iyong mga magulang.
29 Nakikita mo ba ang taong mahusay[a] sa kanyang gawain?
    Siya'y tatayo sa harap ng mga hari,
    hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001