Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the VOICE. Switch to the VOICE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Awit ng mga Awit 1-4

Ang(A) awit ng mga awit na kay Solomon.

Babae

Hagkan niya sana ako ng mga halik ng kanyang bibig!
Sapagkat mas mabuti kaysa alak ang iyong pag-ibig,
    ang iyong mga langis na pambuhos ay mabango;
langis na ibinuhos ang pangalan mo;
    kaya't ang mga dalaga'y umiibig sa iyo.
Palapitin mo ako sa iyo, magmadali tayo.
    Dinala ako ng hari sa mga silid niya.
Kami ay matutuwa at sa iyo'y magsasaya.
    Aming itataas ng higit kaysa alak ang pag-ibig mo,
    matuwid ang pag-ibig nila sa iyo.

Ako'y maitim, ngunit kahali-halina,
    O kayong mga anak na babae ng Jerusalem,
gaya ng mga tolda sa Kedar,
    gaya ng mga tabing ni Solomon.
Huwag ninyo akong masdan dahil sa ako'y maitim,
    sapagkat sinunog ako ng araw.
Ang mga anak ng aking ina ay galit sa akin,
    ginawa nila akong tagapangalaga ng mga ubasan;
    ngunit ang sarili kong ubasan ay hindi ko nabantayan.
Sabihin mo sa akin, ikaw na minamahal ng aking kaluluwa,
    saan ka nagpapastol ng iyong kawan,
    saan mo pinahihiga sa katanghalian;
sapagkat bakit ako'y magiging gaya ng nalalambungan,
    sa tabi ng mga kawan ng iyong mga kasamahan?

Mangingibig

Kung hindi mo nalalaman,
    O ikaw na pinakamaganda sa mga babae,
sumunod ka sa mga landas ng kawan,
    at ipastol mo ang mga anak ng kambing
    sa tabi ng mga tolda ng mga pastol.

Pag-uusap ng Magkasuyo

Aking itinutulad ka, O aking sinta,

    sa isang kabayo sa mga karwahe ni Faraon.
10 Pinagaganda ng mga pahiyas ang iyong mga pisngi,
    ang iyong leeg ng mga kuwintas na palamuti.
11 Igagawa ka namin ng mga gintong kuwintas,
    na may mga pilak na pahiyas.

Babae

12 Samantalang ang hari ay nasa kanyang hapag,
    ang aking nardo ay nagsasabog ng kanyang kabanguhan.
13 Ang aking mahal ay gaya ng supot ng mira para sa akin,
    na humihilig sa pagitan ng aking dibdib.
14 Ang aking sinta para sa akin ay kumpol na bulaklak ng hena
    sa mga ubasan ng En-gedi.

Lalaki

15 O napakaganda mo, aking sinta,
    totoong, ikaw ay maganda;
    mga kalapati ang iyong mga mata.

Babae

16 O napakaganda mo, aking sinta,
    kaakit-akit na tunay,
ang ating higaan ay luntian.
17 Ang mga biga ng ating bahay ay mga sedro,
    ang kanyang mga bubong ay mga sipres.

Ako'y rosas[a] ng Sharon,

    isang liryo ng mga libis.

Lalaki

Kung ano ang liryo sa gitna ng mga tinikan,
    gayon ang aking pag-ibig sa gitna ng mga kadalagahan.

Babae

Kung ano ang puno ng mansanas sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan,
    gayon ang aking sinta sa gitna ng mga kabinataan.
Ako'y naupo sa ilalim ng kanyang anino na may malaking pagsasaya,
    at ang kanyang bunga ay matamis sa aking panlasa.
Dinala niya ako sa bahay na may handaan,
    at ang watawat niya sa akin ay pagmamahal.
Bigyan ninyo ako ng mga pasas,
    aliwin ninyo ako ng mga mansanas;
    sapagkat ako'y may sakit na pagsinta.
Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo,
    at ang kanyang kanang kamay ay niyayakap ako!
O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
    alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin, o gisingin man ang pagmamahal,
    hanggang sa kanyang maibigan.

Babae

Ang tinig ng aking giliw!
    Narito, siya'y dumarating,
palukso-lukso sa mga bundok,
    palundag-lundag sa mga burol.
Ang aking sinta ay gaya ng usa
    o ng batang usa.
Tingnan mo, siya'y nakatayo
    sa likod ng aming bakod,
sa mga bintana'y sumisilip,
    sa mga durungawa'y nagmamasid.
10 Ang aking sinta ay nagsalita, at nagsabi sa akin,
“Bumangon ka, maganda kong sinta,
    at tayo'y umalis;
11 Sapagkat, ang taglamig ay lumipas na;
    ang ulan ay tapos na at wala na.
12 Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa lupa;
    ang panahon ng pag-aawitan ay dumating,
at ang tinig ng batu-bato
    ay naririnig sa ating lupain.
13 Lumalabas na ang mga bunga ng puno ng igos,
    at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak,
    ang kanilang bango'y humahalimuyak.
Bumangon ka, maganda kong sinta,
    at tayo'y umalis.
14 O kalapati ko, na nasa mga bitak ng bato,
    sa puwang ng bangin,
ipakita mo sa akin ang iyong mukha,
    iparinig mo sa akin ang iyong tinig;
sapagkat matamis ang iyong tinig,
    at ang iyong mukha ay kaibig-ibig.
15 Ihuli ninyo kami ng mga asong-gubat,
    ng mga munting asong-gubat,
na sumisira ng mga ubasan,
    sapagkat ang aming mga ubasan ay namumulaklak na.”

Babae

16 Ang sinta ko ay akin, at kanya ako;
    ipinapastol niya ang kanyang kawan sa gitna ng mga liryo.
17 Hanggang sa ang araw ay huminga,
    at ang mga anino'y tumakas,
pumihit ka, sinta ko, at ikaw ay maging gaya ng usa
    o ng batang usa sa mga bundok ng Bether.

Sa ibabaw ng aking higaan sa gabi,
    hinanap ko siyang iniibig ng aking kaluluwa;
hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
“Ako'y babangon at lilibot sa lunsod,
    sa mga lansangan at sa mga liwasan,
hahanapin ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.”
    Hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
Nakita ako ng mga tanod,
    habang sila'y naglilibot sa lunsod.
“Nakita ba ninyo siya na sinisinta ng aking kaluluwa?”
Halos di pa ako nakakalayo sa kanila,
    nang masumpungan ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.
Pinigilan ko siya, at hindi ko hinayaang umalis,
    hanggang sa siya'y aking nadala sa bahay ng aking ina,
    at sa silid niya na naglihi sa akin.
O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
    alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal,
    hanggang sa kanyang maibigan.

Ang Pangkasalang Pagdating

Babae

Ano itong umaahon mula sa ilang,
    na gaya ng haliging usok,
na napapabanguhan ng mira at ng kamanyang,
    ng lahat ng mabangong pulbos ng mangangalakal?
Tingnan ninyo, iyon ang higaan ni Solomon!
Animnapung magigiting na lalaki ang nasa palibot niyon,
    sa magigiting na lalaki ng Israel.
Silang lahat ay may sakbat na tabak,
    at sanay sa pakikidigma:
bawat isa'y may tabak sa kanyang hita,
    sa mga hudyat sa gabi ay laging handa.
Si Haring Solomon ay gumawa para sa sarili ng higaang binubuhat
    mula sa kahoy ng Lebanon.
10 Ginawa niyang pilak ang mga haligi niyon,
    ang likod niyon ay ginto, at ang upuan ay kulay ube;
ang loob niyon ay hinabi ng may pag-ibig
    ng mga anak na babae ng Jerusalem.
11 Humayo kayo,
O mga anak na babae ng Zion,
    at inyong masdan si Haring Solomon,
na may korona na ipinutong sa kanya ng kanyang ina,
    sa araw ng kanyang kasal,
    sa araw ng katuwaan ng kanyang puso.

Mangingibig

O napakaganda mo, mahal ko;
    talagang ikaw ay maganda;
Ang iyong mga mata ay mga kalapati
    sa likod ng iyong talukbong.
Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing,
    na bumababa sa gulod ng bundok ng Gilead.
Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga batang tupa na bagong gupit,
    na nagsiahon mula sa paglilinis,
    na bawat isa'y may anak na kambal,
    at walang nagluluksa isa man sa kanila.
Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula,
    at ang iyong bibig ay kahali-halina.
Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada,
    sa likod ng iyong talukbong.
Ang iyong leeg ay gaya ng tore ni David,
    na itinayo upang pagtaguan ng mga sandata,
na kinabibitinan ng libong kalasag,
    na ang lahat ay mga kalasag ng mga mandirigma.
Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa
    na mga kambal ng isang inahing usa,
    na nanginginain sa gitna ng mga liryo.
Hanggang sa ang araw ay huminga
    at ang mga anino ay tumakas,
ako'y paroroon sa bundok ng mira,
    at sa burol ng kamanyang.
Ikaw ay totoong maganda, sinta ko;
    walang kapintasan sa iyo.
Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, kasintahan ko.
    Sumama ka sa akin mula sa Lebanon.
Tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana,
    mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon,
mula sa mga yungib ng mga leon,
    mula sa mga bundok ng mga leopardo.

Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko,
    inagaw mo ang aking puso ng isang sulyap ng mga mata mo,
    ng isang hiyas ng kuwintas mo.
10 Napakatamis ng iyong pag-ibig, kapatid ko, kasintahan ko!
    Higit na mainam ang iyong pagsinta kaysa alak!
    At ang amoy ng iyong mga langis kaysa anumang pabango!
11 Ang iyong mga labi, O kasintahan ko, ay nagbibigay ng katas,
    pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila;
    at ang bango ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Lebanon.
12 Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko;
    halamanang nababakuran, isang bukal na natatakpan.
13 Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada,
    na may piling-piling mga bunga;
    hena na may nardo,
14 may nardo at safro, kalamo at kanela,
    sampu ng lahat na puno ng kamanyang;
mira at mga aloe,
    sampu ng lahat ng pabangong pinakamainam—
15 isang bukal ng mga halamanan, balon ng mga tubig na buháy,
    at dumadaloy na batis mula sa Lebanon.

Babae

16 Gumising ka, O hanging amihan,
    at pumarito ka, O hanging habagat!
Humihip ka sa aking halamanan,
    upang ang bango niya'y humalimuyak.
Pumasok ang aking sinta sa halamanan niya,
    at kumain siya ng mga piling-piling bunga.

2 Corinto 8:16-24

Si Tito at ang mga Sugo ng Iglesya

16 Subalit salamat sa Diyos na naglagay ng gayunding pagsisikap para sa inyo sa puso ni Tito.

17 Sapagkat tinanggap niya hindi lamang ang aming pakiusap at palibhasa siya'y lalong sumigasig, siya ay patungo sa inyo sa kanyang sariling kalooban.

18 Isinusugo namin kasama niya ang kapatid na tanyag sa mga iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng ebanghelyo.

19 At hindi lamang iyon, kundi siya ay hinirang ng mga iglesya na maglakbay na kasama namin ukol sa biyayang ito na aming pinangangasiwaan, sa ikaluluwalhati ng Panginoon, at upang ipakita ang aming pagnanais.

20 Iniiwasan namin ito upang huwag kaming sisihin tungkol sa kasaganaang ito na aming pinangangasiwaan;

21 sapagkat(A) isinasaalang-alang namin ang mga bagay na kapuri-puri hindi lamang sa harapan ng Panginoon, kundi maging sa harapan ng mga tao.

22 At kasama nila ay isinusugo namin ang aming kapatid na maraming ulit naming napatunayang masikap sa maraming bagay, subalit ngayon ay higit pang masikap, dahil sa kanyang malaking pagtitiwala sa inyo.

23 Tungkol kay Tito, siya'y aking katuwang at kamanggagawa sa paglilingkod sa inyo; at para sa aming mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesya, ang kaluwalhatian ni Cristo.

24 Kaya't ipakita ninyo sa kanila sa harapan ng mga iglesya ang katunayan ng inyong pag-ibig, at ng aming pagmamalaki tungkol sa inyo.

Mga Awit 50

Ang Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
    ay nagsalita at tinatawag ang lupa
    mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
    nagliliwanag ang Diyos.

Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
    nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
    at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
    at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
“Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
    yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
    sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)

“Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
    O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
    Ako'y Diyos, Diyos mo.
Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
    laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
    ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
    ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
    at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.

12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
    sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
    o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
    at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
    ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”

16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
    “Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
    o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
    at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
    at sumasama ka sa mga mangangalunya.

19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
    at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
    iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
    iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.

22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
    baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
    sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
    ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”

Mga Kawikaan 22:22-23

22 Huwag mong nakawan ang dukha, sapagkat siya'y dukha,
    ni gipitin man ang nagdadalamhati sa pintuang-bayan;
23 sapagkat ipinaglalaban ng Panginoon ang panig nila,
    at sinasamsaman ng buhay ang sumasamsam sa kanila.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001