Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Eclesiastes 7-9

Ang(A) mabuting pangalan ay mas mabuti kaysa mamahaling pamahid,
    at ang araw ng kamatayan kaysa araw ng kapanganakan.
Mas mabuti pang magtungo sa bahay ng pagluluksa
    kaysa bahay ng pagdiriwang;
sapagkat ito ang katapusan ng lahat ng mga tao;
    at ilalagak ito ng may buhay sa kanyang puso.
Mas mabuti ang kalungkutan kaysa tawanan,
    sapagkat sa kalungkutan ng mukha ang puso ay sumasaya.
Ang puso ng pantas ay nasa bahay ng pagluluksa;
    ngunit ang puso ng mga hangal ay nasa bahay ng kasayahan.
Mas mabuti ang makinig sa saway ng pantas,
    kaysa makinig sa awit ng mga hangal.
Sapagkat kung paano ang lagitik ng mga tinik sa ilalim ng palayok,
    gayon ang halakhak ng hangal;
    ito ma'y walang kabuluhan.
Tiyak na ginagawang hangal ng pang-aapi ang pantas,
    at ang suhol ay sumisira ng isipan.
Mas mabuti ang wakas ng isang bagay kaysa pasimula nito;
    ang matiising espiritu ay mas mabuti kaysa palalong espiritu.
Huwag(B) kang maging magagalitin,
    sapagkat ang galit ay naninirahan sa dibdib ng mga hangal.
10 Huwag mong sabihin, “Bakit ang mga unang araw ay mas mabuti kaysa mga ito?”
    Sapagkat hindi mula sa karunungan na itinatanong mo ito.
11 Mabuting gaya ng mana ang karunungan,
    isang kalamangan sa mga nakakakita ng araw.
12 Sapagkat ang pag-iingat ng karunungan ay gaya ng pag-iingat ng salapi;
    at ang kalamangan ng kaalaman ay iniingatan ng karunungan ang buhay ng sa kanya'y may taglay.
13 Isaalang-alang mo ang gawa ng Diyos;
    sinong makapagtutuwid sa ginawa niyang baluktot?

14 Sa araw ng kasaganaan ay magalak ka, at sa araw ng kahirapan ay magsaalang-alang ka. Ginawa ng Diyos ang isa pati ang isa pa, upang hindi malaman ng tao ang anumang bagay na darating pagkamatay niya.

15 Lahat ng ito ay nakita ko sa mga araw ng aking walang kabuluhang buhay; may matuwid na namamatay sa kanyang katuwiran, at may masama na pinahahaba ang kanyang buhay sa kanyang masamang gawa.

16 Huwag kang lubhang magpakamatuwid; ni huwag kang lubhang magpakapantas; bakit sisirain mo ang iyong sarili?

17 Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakahangal man; bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan?

18 Mabuti na panghawakan mo ito, at mula roon ay huwag mong iurong ang iyong kamay; sapagkat siyang natatakot sa Diyos ay magtatagumpay sa lahat ng iyon.

19 Ang karunungan ay nagbibigay ng lakas sa pantas, na higit kaysa sampung pinuno na nasa lunsod.

20 Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.

21 Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasabi ng mga tao, baka marinig mong sinusumpa ka ng iyong alipin;

22 sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso, na sinumpa mo rin ang iba.

23 Lahat ng ito ay sinubukan ko sa karunungan; aking sinabi, “Ako'y magiging matalino”; ngunit iyon ay malayo sa akin.

24 Yaong bagay na malayo at malalim, totoong malalim; sinong makakatagpo niyon?

25 Ibinaling ko ang aking isip upang alamin, siyasatin at hanapin ang karunungan, at ang kabuuan ng mga bagay, at alamin ang kasamaan ng kahangalan at ang kahangalan na ito ay kaululan.

26 At natuklasan kong mas mapait kaysa kamatayan ang babaing ang puso ay mga silo at mga bitag, na ang kanyang mga kamay ay mga panali. Ang nagbibigay-lugod sa Diyos ay tatakas sa kanya; ngunit ang makasalanan ay nakukuha niya.

27 Tingnan ninyo, ito'y aking natuklasan, sabi ng Mangangaral, na idinadagdag ang isang bagay sa iba, upang matagpuan ang kabuuan,

28 na paulit-ulit na hinahanap ng aking isipan, ngunit hindi ko natagpuan. Isang tao mula sa isang libo ang aking natagpuan, ngunit ang isang babae sa lahat ng mga ito ay hindi ko natagpuan.

29 Tingnan ninyo, ito lamang ang aking natagpuan, na ginawang matuwid ng Diyos ang tao; ngunit nagbalak sila ng maraming pamamaraan.

Sino ang gaya ng pantas na lalaki? At sinong nakakaalam ng kahulugan ng isang bagay? Ang karunungan ng tao ay nagbibigay-liwanag sa kanyang mukha, at ang katigasan ng kanyang mukha ay nababago.

Sundin ang Hari

Ingatan mo ang utos ng hari, dahil sa iyong banal na sumpa.

Magmadali kang umalis sa kanyang harapan; huwag kang magtagal kapag ang bagay ay hindi kasiya-siya, sapagkat kanyang ginagawa ang anumang kanyang maibigan.

Sapagkat ang salita ng hari ay makapangyarihan; at sinong makapagsasabi sa kanya, “Anong ginagawa mo?”

Ang sumusunod sa utos ay hindi mapapahamak, at malalaman ng isipan ng matalinong tao ang panahon at daan.

Sapagkat bawat bagay ay may kapanahunan at paraan, bagaman ang kabalisahan ng tao ay mabigat sa kanya.

Sapagkat hindi niya nalalaman ang mangyayari; sapagkat sinong makapagsasabi sa kanya, kung paanong mangyayari?

Walang taong may kapangyarihang pumigil ng espiritu, ni kapangyarihan sa araw ng kamatayan. Walang paghinto sa pakikidigma, ni maililigtas ng kasamaan ang mga ibinigay roon.

Lahat ng ito ay nakita ko, habang ginamit ko ang aking isipan sa lahat ng gawa na ginawa sa ilalim ng araw, samantalang ang tao ay may kapangyarihan sa tao sa kanyang ikapapahamak.

10 Pagkatapos nakita ko ang masama na inilibing; noon ay labas-masok sila sa dakong banal, at pinuri sila sa lunsod na doon ay ginawa nila ang gayong mga bagay. Ito man ay walang kabuluhan.

11 Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi agad isinasagawa, kaya't ang puso ng mga tao ay lubos na nakatuon sa paggawa ng kasamaan.

12 Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisandaang ulit at humahaba ang kanyang buhay, gayunma'y tunay na nalalaman ko, na magiging tiwasay para sa mga natatakot sa Diyos, na natatakot sila sa harapan niya;

13 ngunit hindi ikabubuti ng masama, ni pahahabain man ang kanyang buhay na parang isang anino; sapagkat siya'y hindi natatakot sa harapan ng Diyos.

14 Mayroong walang kabuluhan na nangyayari sa lupa, na may matutuwid na tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng masasama, at may masasamang tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng matuwid. Aking sinabi, na ito man ay walang kabuluhan.

15 Nang magkagayo'y pinuri ko ang kasiyahan, sapagkat ang tao ay walang mabuting bagay sa ilalim ng araw, kundi ang kumain, uminom, at magsaya, sapagkat ito'y kasama niya sa kanyang pagpapagod sa mga araw ng kanyang buhay na ibinigay ng Diyos sa kanya sa ilalim ng araw.

Ang Hiwaga ng mga Gawa ng Panginoon

16 Nang gamitin ko ang aking isipan upang makaalam ng karunungan, at upang makakita ng gawain na ginagawa sa lupa, kung saan hindi nakakakita ng tulog ang kanyang mga mata sa araw man o sa gabi;

17 ay nakita ko nga ang lahat ng gawa ng Diyos, na hindi matutuklasan ng tao ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw. Ngunit gaano man magsikap ang isang tao sa paghahanap, hindi rin niya ito matatagpuan, kahit na sabihin ng pantas na alam niya, hindi rin niya ito matatagpuan.

Ngunit ang lahat ng ito ay inilagak ko sa aking puso, na sinisiyasat ang lahat ng ito; kung paanong ang matuwid, ang pantas, at ang kanilang mga gawa ay nasa kamay ng Diyos; kung ito man ay pag-ibig o poot ay hindi nalalaman ng tao. Lahat ng nasa harapan nila ay walang kabuluhan,

yamang isang kapalaran ang dumarating sa lahat, sa matuwid at sa masama; sa mabuti at sa masama, sa malinis at sa marumi, sa kanya na naghahandog at sa kanya na hindi naghahandog. Kung paano ang mabuti, gayon ang makasalanan; at ang sumusumpa ay gaya ng umiiwas sa sumpa.

Ito'y isang kasamaan sa lahat na ginawa sa ilalim ng araw, na isang kapalaran ang dumarating sa lahat. Gayundin, ang puso ng mga tao ay punô ng kasamaan, at ang kaululan ay nasa kanilang puso habang sila'y nabubuhay, at pagkatapos niyon ay nagtutungo sila sa kamatayan.

Subalit siya, na kasama ng lahat na nabubuhay ay may pag-asa, sapagkat ang buháy na aso ay mas mabuti kaysa patay na leon.

Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila'y mamamatay, ngunit hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay, at wala na silang gantimpala; sapagkat ang alaala nila ay nakalimutan na.

Ang kanilang pag-ibig, pagkapoot, at ang pagkainggit ay nawala na, wala na silang anumang bahagi pa magpakailanman sa anumang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.

Humayo ka, kumain ka ng iyong tinapay na may kagalakan, at inumin mo ang iyong alak na may masayang puso; sapagkat sinang-ayunan na ng Diyos ang iyong ginagawa.

Maging laging maputi ang iyong mga suot; at huwag magkulang ng langis ang iyong ulo.

Magpakasaya ka sa buhay sa piling ng iyong asawang babaing minamahal sa lahat ng mga araw ng buhay mong walang kabuluhan, na kanyang ibinigay sa iyo sa ilalim ng araw, sapagkat iyan ang iyong bahagi sa buhay, at sa iyong gawa na iyong ginagawa sa ilalim ng araw.

10 Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kalakasan; sapagkat walang gawa, kaisipan, kaalaman, ni karunungan man sa Sheol, na iyong patutunguhan.

11 Muli kong nakita sa ilalim ng araw na ang takbuhan ay hindi para sa matutulin, ni ang paglalaban man ay sa malalakas, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang kayamanan man ay sa mga matatalino, ni ang kaloob man ay sa taong may kakayahan, kundi ang panahon at pagkakataon ay nangyayari sa kanilang lahat.

12 Sapagkat hindi nalalaman ng tao ang kanyang kapanahunan. Kagaya ng mga isda na nahuhuli sa malupit na lambat, at kagaya ng mga ibon na nahuhuli sa bitag, gayon ang mga tao ay nasisilo sa masamang kapanahunan, kapag biglang nahulog sa kanila.

Ang Kadakilaan ng Karunungan

13 Nakita ko rin ang ganitong halimbawa ng karunungan sa ilalim ng araw, at ito'y naging tila dakila sa akin.

14 Mayroong isang maliit na lunsod, at iilan ang tao sa loob niyon. May dumating na dakilang hari laban doon at kinubkob iyon at nagtayo ng mga malaking tanggulan laban doon.

15 Ngunit natagpuan roon ang isang dukhang lalaking pantas, at iniligtas niya ng kanyang karunungan ang lunsod. Gayunma'y walang nakakaalala sa dukhang lalaking iyon.

16 Ngunit sinasabi ko na ang karunungan ay mas mabuti kaysa kalakasan, bagaman ang karunungan ng taong dukha ay hinamak, at ang kanyang mga salita ay hindi pinakinggan.

17 Ang mga salita ng pantas na narinig sa katahimikan ay higit na mabuti kaysa sigaw ng pinuno sa gitna ng mga hangal.

18 Ang karunungan ay mas mabuti kaysa mga sandata ng digmaan, ngunit sumisira ng maraming kabutihan ang isang makasalanan.

2 Corinto 7:8-16

Sapagkat bagaman pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam: (bagama't aking dinamdam, sapagkat aking nalaman na ang sulat na ito ay nakapagpalungkot sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang).

Ngayon, ako'y nagagalak hindi sapagkat kayo'y nalungkot, kundi sapagkat kayo'y nalungkot tungo sa pagsisisi, sapagkat kayo'y pinalumbay nang naaayon sa Diyos, upang kayo'y huwag magdusa ng kalugihan sa pamamagitan namin.

10 Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan.

11 Sapagkat tingnan ninyo ang ibinunga sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos, kung anong pagtatanggol sa inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong takot, pananabik, sigasig, at kaparusahan! Sa bawat bagay ay pinatunayan ninyo ang inyong pagiging malinis sa bagay na ito.

12 Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, o dahil doon sa ginawan ng kamalian, kundi upang ang inyong pagmamalasakit para sa amin ay mahayag sa inyo sa paningin ng Diyos.

13 Kaya't kami'y naaliw. At sa aming kaaliwan ay lalo pa kaming nagalak dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat ang kanyang espiritu ay pinayapa ninyong lahat.

14 Sapagkat kung ako ay nagpahayag sa kanya ng anumang pagmamalaki sa inyo, ay hindi ako nalagay sa kahihiyan; subalit kung paanong ang lahat ng aming sinabi ay totoo, kaya't ang aming pagmamalaki sa harap ni Tito ay napapatunayang totoo.

15 At ang damdamin niya ay lalo pang sumagana para sa inyo, na kanyang naaalala ang pagtalima ninyong lahat, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig.

16 Ako'y nagagalak sapagkat ako'y mayroong buong pagtitiwala sa inyo.

Mga Awit 48

Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.

48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
    sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
    ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
    ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.

Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
    sila'y dumating na magkakasama.
Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
    sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
Sila'y nanginig,
    nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
Sa pamamagitan ng hanging silangan
    ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
    sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
    na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)

Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
    sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
    ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11     Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
    dahil sa iyong mga paghatol!

12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
    inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
    inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14     na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
    Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.

Mga Kawikaan 22:17-19

17 Ito ang mga salita ng pantas:
Ikiling mo ang iyong pandinig, at dinggin mo ang aking mga salita,
    at gamitin mo ang iyong isip sa aking kaalaman.
18 Sapagkat magiging kaaya-aya kung ito'y iyong iingatan sa loob mo,
    kung mahahandang magkakasama sa mga labi mo.
19 Upang malagak sa Panginoon ang tiwala mo,
    aking ipinakilala sa iyo sa araw na ito, oo, sa iyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001