Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Eclesiastes 4-6

Ang Kasamaan ng Tao at ang Pagkakatulad sa Hayop

Muli kong nakita ang lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw. Masdan ninyo, ang mga luha ng mga inaapi at walang umaaliw sa kanila! Sa panig ng kanilang maniniil ay may kapangyarihan, at walang umaaliw sa kanila.

Kaya't aking inisip na ang patay na namatay na, ay higit na mapalad kaysa mga buháy na nabubuhay pa;

ngunit higit na mabuti kaysa kanila ang hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakita ng masasamang gawa na nagawa sa ilalim ng araw.

Nang magkagayo'y nakita ko na lahat ng pagpapagod, at lahat ng kakayahan sa paggawa ay nagmumula sa pagkainggit ng tao sa kanyang kapwa. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

Inihahalukipkip ng hangal ang kanyang mga kamay, at kinakain ang kanyang sariling laman.

Mas mabuti pa ang isang dakot na katahimikan, kaysa dalawang dakot na punô ng pagpapagod at pakikipaghabulan lamang sa hangin.

Muli kong nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw:

isang taong nag-iisa, walang anak o kapatid man; gayunma'y walang wakas ang lahat niyang pagpapagod, at ang kanyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa mga kayamanan. Kaya't hindi niya itinatanong, “Para kanino ako nagpapagod at pinagkakaitan ko ang aking sarili ng kasiyahan?” Ito man ay walang kabuluhan at malungkot na bagay.

Ang Kahalagahan ng Kaibigan

Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa; sapagkat sila'y may mabuting gantimpala sa kanilang pagpapagod.

10 Sapagkat kung sila'y bumagsak, ibabangon ng isa ang kanyang kasama; ngunit kahabag-habag siya na nag-iisa kapag siya'y bumagsak; at walang iba na magbabangon sa kanya.

11 Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila; ngunit paanong maiinitan ang nag-iisa?

12 At bagaman ang isang tao ay maaaring magtagumpay laban sa iba, ang dalawa ay magtatagumpay laban sa isa. Ang panaling may tatlong pisi ay hindi agad napapatid.

13 Mas mabuti ang dukha at pantas na kabataan kaysa matanda at hangal na hari, na hindi na tatanggap pa ng payo,

14 bagaman mula sa bilangguan ay makapaghahari siya, o siya'y ipinanganak na dukha sa kanyang sariling kaharian.

15 Aking nakita ang lahat ng may buhay na nagsisilakad sa ilalim ng araw, maging ang kabataang tatayo na kapalit niya;

16 walang wakas sa lahat ng mga tao na kanyang pinapangunahan. Gayunman, silang darating pagkatapos ay hindi magagalak sa kanya. Tunay na ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

Huwag Pabigla-bigla sa Pangangako

Ingatan mo ang iyong mga hakbang kapag ikaw ay nagtungo sa bahay ng Diyos. Ang lumapit upang makinig ay mas mabuti kaysa magbigay ng handog ng mga hangal, sapagkat hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.

Huwag kang pabigla-bigla sa iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anumang bagay sa harapan ng Diyos; sapagkat ang Diyos ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa; kaya't kaunti lamang ang iyong maging salita.

Sapagkat ang panaginip ay dumarating na kasama ng maraming pasanin, at ang tinig ng hangal na kasama ng maraming mga salita.

Kapag(A) ikaw ay gumawa ng panata sa Diyos, huwag kang magpaliban ng pagtupad; sapagkat siya'y walang kasiyahan sa mga hangal. Tuparin mo ang iyong ipinanata.

Mas mabuti pa na hindi ka gumawa ng panata, kaysa ikaw ay gumawa ng panata at hindi tumupad.

Huwag mong hayaan na akayin ka ng iyong bibig sa pagkakasala, at huwag mong sabihin sa harapan ng anghel na iyon ay isang kamalian. Bakit magagalit ang Diyos sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?

Sa maraming mga panaginip, sa maraming mga salita ay kawalang-kabuluhan, ngunit matakot ka sa Diyos.

Ang Buhay ay Walang Kabuluhan

Kung iyong nakita sa isang lalawigan na ang dukha ay inapi, at ang katarungan at katuwiran ay inalis, huwag kang magtaka sa pangyayari, sapagkat ang mataas na pinuno ay minamasdan ng mas mataas, at may lalong mataas pa kaysa kanila.

Ngunit kapag isinasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang hari ay pakinabang sa lupaing may binubungkal na lupa.

10 Siyang umiibig sa salapi ay hindi masisiyahan sa salapi; o siya mang umiibig sa kayamanan na may pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.

11 Kapag ang mga ari-arian ay dumarami, dumarami silang kumakain ng mga iyon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyon, kundi ang mamasdan iyon ng kanyang mga mata?

12 Masarap ang tulog ng manggagawa; kumakain man siya nang kaunti o marami; ngunit ang pagpapakasawa ng mayaman ay hindi magpapatulog sa kanya.

13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: ang mga yaman ay iniingatan ng may-ari niyon sa ikapapahamak niya,

14 at ang mga yamang iyon ay nawawala sa isang masamang pakikipagsapalaran; at kahit na sila'y magulang ng mga anak, walang naiwan sa kanilang mga kamay.

15 Kung(B) paanong siya'y lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina, gayon siya muling aalis, hubad siyang dumating, wala siyang anumang madadala mula sa kanyang pagpapagod, na kanyang madadala sa kanyang kamay.

16 Ito man ay isang malubhang kasamaan: kung paano siya dumating ay gayon siya aalis; at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa siya para sa hangin,

17 na lahat naman ng mga araw niya ay ginugol niya sa kadiliman at kalungkutan, sa maraming pagkainis, pagkakasakit, at pagsisisi?

18 Ito ang aking nakita na mabuti: nararapat na kumain, uminom, at magalak sa lahat ng kanyang pinagpaguran na kanyang ginagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng kakaunting araw ng kanyang buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos, sapagkat ito ang kanyang kapalaran.

19 Gayundin sa bawat tao na binigyan ng Diyos ng kayamanan at mga ari-arian, at binigyan ng kapangyarihan na masiyahan sa mga ito, at tanggapin ang kanyang kapalaran, at magalak sa kanyang pagpapagod—ito'y kaloob ng Diyos.

20 Sapagkat hindi na niya gaanong maaalala ang mga araw ng kanyang buhay sapagkat ginagawa siyang abala ng Diyos sa kagalakan ng kanyang puso.

May kasamaan akong nakita sa ilalim ng araw, at ito'y mabigat sa mga tao:

isang tao na binibigyan ng Diyos ng kayamanan, mga ari-arian, at karangalan, na anupa't walang kulang sa lahat ng kanyang ninanasa. Gayunma'y hindi siya binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan na tamasahin ang mga iyon, kundi dayuhan ang nagtatamasa sa mga iyon; ito'y walang kabuluhan at mabigat na kapighatian.

Kung ang isang tao ay magkaanak ng isandaan, at mabuhay ng maraming taon, at ang mga araw ng kanyang mga taon ay dumami, ngunit hindi niya tinatamasa ang mabubuting bagay sa buhay, at hindi rin siya maililibing, aking masasabi na ang pagkapanganak na wala sa panahon ay mas mabuti pa kaysa kanya.

Sapagkat iyon ay dumarating sa walang kabuluhan at papunta sa kadiliman, at ang pangalan niyon ay natatakpan ng kadiliman.

Bukod dito, hindi nito nakita ang araw o nakilala man; gayunma'y nakatagpo ito ng kapahingahan na di gaya niya.

Kahit na siya'y mabuhay ng isang libong taon na dalawang ulit na sinabi, ngunit hindi nagtamasa ng mabuti—hindi ba tutungo ang lahat sa iisang dako?

Lahat ng pagpapagod ng tao ay para sa kanyang bibig, gayunma'y hindi nasisiyahan ang kanyang panlasa.

Sapagkat anong kalamangan mayroon ang pantas sa hangal? At anong mayroon ang dukha na marunong kumilos sa harapan ng mga buháy?

Mas mabuti pa ang nakikita ng mga mata kaysa pagala-galang pagnanasa, ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

10 Anumang nangyari ay matagal nang alam, at nalalaman na kung ano ang tao, na hindi niya kayang makipagtalo sa higit na malakas kaysa kanya.

11 Mas maraming salita, mas maraming walang kabuluhan, kaya't paanong nakakahigit ang isa?

12 Sapagkat sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao habang nabubuhay siya ng ilang araw sa kanyang walang kabuluhang buhay, na kanyang ginugol na gaya ng anino? Sapagkat sinong makapagsasabi sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?

2 Corinto 6:14-7:7

Ang Templo ng Diyos na Buháy

14 Huwag kayong makipamatok sa mga hindi mananampalataya, sapagkat anong pagsasama mayroon ang katuwiran at kasamaan? O anong pagsasama mayroon ang liwanag sa kadiliman?

15 At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya?

16 Anong(A) pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo'y[a] templo ng Diyos na buháy; gaya ng sinabi ng Diyos,

“Ako'y mananahan sa kanila, at lalakad sa gitna nila,
    ako'y magiging kanilang Diyos,
    at sila'y magiging aking bayan.
17 Kaya(B) nga lumabas kayo sa kanila,
    at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon,
    at huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi,
    at kayo'y aking tatanggapin,
18 at(C) ako'y magiging ama sa inyo,
    at kayo'y magiging aking mga anak na lalaki at babae,
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.”

Mga minamahal, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu, na ginagawang sakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.

Ang Kagalakan ni Pablo

Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong mga puso; hindi namin inapi ang sinuman, hindi namin sinira ang sinuman, hindi namin pinagsamantalahan ang sinuman.

Hindi ko sinasabi ito upang hatulan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa na kayo'y nasa aming mga puso, upang mamatay at mabuhay na kasama ninyo.

Ako ay may malaking pagtitiwala sa inyo, ako ay may malaking pagmamapuri sa inyo, ako'y punô ng kaaliwan. Ako'y nag-uumapaw sa kagalakan sa lahat ng aming kapighatian.

Sapagkat(D) maging nang kami ay dumating sa Macedonia, ang aming mga katawan ay hindi nagkaroon ng kapahingahan, kundi pinipighati sa bawat paraan—sa labas ay labanan, sa loob ay takot.

Subalit ang Diyos na umaaliw sa nalulungkot ay nagpasigla sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito,

at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi maging sa kaaliwang ibinigay ninyo sa kanya, na ibinabalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong kapanglawan, ang inyong sigasig para sa akin, anupa't ako'y lalo pang nagalak.

Mga Awit 47

Kataas-taasang Pinuno

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
    Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
    isang dakilang hari sa buong lupa.
Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
    at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
    ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)

Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
    ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
    Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
    magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!

Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
    ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
    bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
    siya'y napakadakila.

Mga Kawikaan 22:16

16 Ang umaapi sa dukha upang magpalago ng kanyang kayamanan,
    at nagbibigay sa mayaman, ay hahantong lamang sa kasalatan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001