Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 24-25

Si Haring Joas ng Juda(A)

24 Si Joas ay pitong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba.

At gumawa si Joas ng matuwid sa paningin ng Panginoon sa lahat ng mga araw ng paring si Jehoiada.

Si Jehoiada ay kumuha para sa kanya ng dalawang asawang babae, at siya'y nagkaroon ng mga anak na lalaki at mga babae.

Pagkatapos nito, ipinasiya ni Joas na kumpunihin ang bahay ng Panginoon.

At kanyang tinipon ang mga pari at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa mga lunsod ng Juda, at lumikom kayo mula sa buong Israel ng salapi upang kumpunihin ang bahay ng inyong Diyos taun-taon, at sikapin ninyo na mapabilis ang bagay na ito.” Subalit hindi ito minadali ng mga Levita.

Kaya't(B) ipinatawag ng hari si Jehoiada na pinuno, at sinabi sa kanya, “Bakit hindi mo inatasan ang mga Levita na dalhin mula sa Juda at Jerusalem ang buwis na iniatang ni Moises, na lingkod ng Panginoon, sa kapulungan ng Israel para sa tolda ng patotoo?”

Sapagkat pinasok ng mga anak ni Atalia, ang masamang babaing iyon, ang bahay ng Diyos, at ginamit din nila ang lahat ng mga itinalagang bagay sa bahay ng Panginoon para sa mga Baal.

Kaya't nag-utos ang hari, at sila'y gumawa ng isang kaban, at inilagay ito sa labas ng pintuan ng bahay ng Panginoon.

Isang pahayag ang ginawa sa buong Juda at Jerusalem na dalhin para sa Panginoon ang buwis na iniatang ni Moises, na tao ng Diyos sa Israel sa ilang.

10 Lahat ng mga pinuno at ang buong bayan ay nagalak at dinala ang kanilang buwis at inihulog ito sa kaban, hanggang sa sila'y makatapos.

11 Tuwing dadalhin ng mga Levita ang kaban sa mga pinuno ng hari, kapag kanilang nakita na maraming salapi sa loob nito, ang kalihim ng hari at ang pinuno ng punong pari ay darating at aalisan ng laman ang kaban at kukunin at ibabalik ito sa kanyang kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginagawa araw-araw, at nakalikom sila ng maraming salapi.

12 Ito ay ibinigay ng hari at ni Jehoiada sa nangangasiwa ng gawain sa bahay ng Panginoon. Sila'y umupa ng mga kantero at mga karpintero upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon, gayundin ng mga manggagawa sa bakal at tanso upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon.

13 Kaya't nagtrabaho ang mga kasali sa paggawa at ang pagkukumpuni ay nagpatuloy sa kanilang mga kamay, at kanilang ibinalik ang bahay ng Diyos sa kanyang nararapat na kalagayan at pinatibay ito.

14 Nang kanilang matapos, kanilang dinala ang nalabing salapi sa harapan ng hari at ni Jehoiada, at sa pamamagitan nito ay gumawa ng mga sisidlan para sa bahay ng Panginoon, maging para sa paglilingkod at para sa mga handog na sinusunog, ng mga sandok para sa kamanyang, at mga sisidlang ginto at pilak. At sila'y patuloy na nag-alay ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga araw ni Jehoiada.

Binago ang mga Patakaran ni Jehoiada

15 Ngunit si Jehoiada ay tumanda at napuspos ng mga araw at siya'y namatay. Siya'y isandaan at tatlumpung taon nang siya'y mamatay.

16 Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David kasama ng mga hari, sapagkat siya'y gumawa ng mabuti sa Israel, sa Diyos at sa kanyang sambahayan.

17 Pagkamatay ni Jehoiada, dumating ang mga pinuno ng Juda at nagbigay-galang sa hari, at nakinig sa kanila ang hari.

18 Kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at naglingkod sa mga sagradong poste[a] at sa mga diyus-diyosan. At ang poot ay dumating sa Juda at Jerusalem dahil sa pagkakasala nilang ito.

19 Gayunma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang ibalik sila sa Panginoon; ang mga ito'y sumaksi laban sa kanila ngunit ayaw nilang makinig.

20 At(C) nilukuban ng Espiritu ng Diyos si Zacarias na anak ng paring si Jehoiada; at siya'y tumayo sa itaas ng bayan, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Diyos, ‘Bakit kayo'y lumalabag sa mga utos ng Panginoon, kaya't kayo'y hindi maaaring umunlad? Sapagkat inyong pinabayaan ang Panginoon, pinabayaan din niya kayo.’”

21 Ngunit sila'y nagsabwatan laban sa kanya, at sa utos ng hari ay pinagbabato siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon.

22 Sa ganito ay hindi naalala ng haring si Joas ang kagandahang-loob na ipinakita sa kanya ni Jehoiada na ama ni Zacarias,[b] sa halip ay pinatay ang kanyang anak. Nang siya'y naghihingalo, kanyang sinabi, “Nawa'y tumingin at maghiganti ang Panginoon!”

Ang Katapusan ng Paghahari ni Joas

23 Sa pagtatapos ng taon, ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating laban kay Joas. Sila'y dumating sa Juda at Jerusalem at nilipol ang lahat ng mga pinuno ng bayan na kasama nila, at ipinadala ang lahat ng kanilang samsam sa hari ng Damasco.

24 Bagaman ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating na may iilang tauhan, ibinigay ng Panginoon ang isang napakalaking hukbo sa kanilang kamay, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa gayo'y ginawaran nila ng hatol si Joas.

25 Nang sila'y umalis, na iniwan siyang lubhang sugatan, ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya dahil sa dugo ng mga anak[c] ni Jehoiada na pari, at pinatay siya sa kanyang higaan. Gayon siya namatay at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit siya'y hindi nila inilibing sa mga libingan ng mga hari.

26 Ang mga nagsabwatan laban sa kanya ay si Zabad na anak ni Shimeat na babaing Ammonita, at si Jehozabad na anak ni Simrit na babaing Moabita.

27 Ang tungkol sa kanyang mga anak, at ang maraming mga pahayag laban sa kanya, at ang muling pagtatayo ng bahay ng Diyos ay nakasulat sa Kasaysayan ng Aklat ng mga Hari. At si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Amasias ng Juda(D)

25 Si Amasias ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoadan na taga-Jerusalem.

At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ngunit hindi taos sa puso.

Nang ang kapangyarihang maghari ay matatag na sa kanyang kamay, kanyang pinatay ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.

Ngunit(E) hindi niya pinatay ang kanilang mga anak, ayon sa nakasulat sa kautusan sa aklat ni Moises, na doo'y iniutos ng Panginoon, “Ang mga ninuno ay hindi papatayin ng dahil sa mga anak, ni ang mga anak man ay papatayin ng dahil sa mga ninuno; kundi bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”

Pakikidigma Laban sa Edom(F)

Pagkatapos ay tinipon ni Amasias ang mga lalaki ng Juda, at inayos sila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno sa ilalim ng mga punong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan para sa buong Juda at Benjamin. Kanyang binilang ang mga mula sa dalawampung taong gulang pataas at natagpuang sila ay tatlong daang libong piling lalaki, nababagay sa pakikidigma at may kakayahang humawak ng sibat at kalasag.

Siya'y umupa rin ng isandaang libong matatapang na mandirigma mula sa Israel sa halagang isandaang talentong pilak.

Ngunit dumating sa kanya ang isang tao ng Diyos, na nagsasabi, “O hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagkat ang Panginoon ay hindi kasama ng Israel, pati ng lahat ng mga anak ni Efraim na ito.

Ngunit kung iyong inaakalang sa paraang ito ay magiging malakas ka sa digmaan, ibubuwal ka ng Diyos sa harapan ng iyong mga kaaway, sapagkat ang Diyos ay may kapangyarihang tumulong at magbuwal.”

At sinabi ni Amasias sa tao ng Diyos, “Ngunit anong aming gagawin sa isandaang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel?” At ang tao ng Diyos ay sumagot, “Ang Panginoon ay makapagbibigay sa iyo nang higit kaysa rito.”

10 Nang magkagayo'y pinaalis ni Amasias ang hukbo na dumating sa kanya mula sa Efraim, upang muling umuwi. At sila'y nagalit nang matindi sa Juda, at umuwing may malaking galit.

11 Ngunit si Amasias ay nagpakatapang at pinangunahan ang kanyang mga tauhan, at pumunta sa Libis ng Asin at pinatay ang sampung libong mga taga-Seir.

12 Ang mga lalaki ng Juda ay nakabihag ng sampung libong buháy at dinala sila sa tuktok ng isang malaking bato at inihulog sila mula sa tuktok ng bato, at silang lahat ay nagkaluray-luray.

13 Ngunit ang mga tauhan ng hukbo na pinabalik ni Amasias, upang sila'y huwag nang sumama sa kanya sa pakikipaglaban ay sumalakay sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon, at pumatay sa kanila ng tatlong libo, at kumuha ng maraming samsam.

14 Pagkatapos na si Amasias ay manggaling mula sa pagpatay sa mga Edomita, kanyang dinala ang mga diyos ng mga anak ni Seir, at inilagay ang mga iyon upang maging kanyang mga diyos, at sinamba ang mga iyon at naghandog sa kanila.

15 Kaya't ang Panginoon ay nagalit kay Amasias at nagsugo sa kanya ng isang propeta, na nagsabi sa kanya, “Bakit bumaling ka sa mga diyos ng isang bayan na hindi nakapagligtas ng kanilang sariling bayan mula sa iyong kamay?”

16 Ngunit habang siya'y nagsasalita ay sinabi sa kanya ng hari, “Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? Tumigil ka, bakit kailangang patayin ka pa?” Kaya't tumigil ang propeta, ngunit nagsabi, “Nalalaman ko na ipinasiya ng Diyos na puksain ka, sapagkat ginawa mo ito at hindi mo pinakinggan ang aking payo.”

Pakikidigma Laban sa Israel(G)

17 Pagkatapos ay humingi ng payo si Amasias na hari sa Juda, at nagsugo kay Joas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na nagsasabi, “Halika, tayo'y magharap.”

18 At si Joas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang dawag sa Lebanon ay nagsugo sa isang sedro sa Lebanon, na nagsasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae para mapangasawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon, at tinapakan ang dawag.

19 Sinasabi mo, ‘Tingnan mo, nagapi ko ang Edom,’ at itinaas ka ng iyong puso sa kayabangan. Ngunit ngayon ay manatili ka sa bahay; bakit ka lilikha ng kaguluhan na iyong ikabubuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”

20 Ngunit ayaw makinig ni Amasias, sapagkat iyon ay mula sa Diyos, upang kanyang maibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, sapagkat sinunod nila ang mga diyos ng Edom.

21 Kaya't umahon si Joas na hari ng Israel; at siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagtuos sa Bet-shemes na sakop ng Juda.

22 At ang Juda ay natalo ng Israel, at bawat isa'y tumakas pauwi sa kanyang tahanan.

23 Binihag ni Joas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Joas, na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dinala siya sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko, mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Pintuan sa Panulukan.

24 Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak, at lahat ng kagamitang natagpuan sa bahay ng Diyos, at si Obed-edom na kasama nila. Sinamsam din niya ang mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.

25 Si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nabuhay ng labinlimang taon pagkamatay ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.

26 Ang iba pa sa mga gawa ni Amasias, mula una hanggang katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel?

27 Mula nang panahong talikuran niya ang Panginoon ay nagsabwatan sila laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas sa Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish, at pinatay siya roon.

28 Dinala siya na sakay sa mga kabayo, at inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

Roma 12

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]

Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.

Sapagkat(A) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;

kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.

Tayo(B) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;

kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;

o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.

Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.

10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,

11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.

12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.

13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.

14 Pagpalain(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.

16 Magkaisa(D) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.

17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.

19 Mga(E) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”

20 Kaya't(F) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

Mga Awit 22:19-31

19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
    O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
    ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
    sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!

22 Sa(A) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
    pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
    Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
    at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
    ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.

25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
    tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
    yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
    Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.

27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
    at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
    ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
    at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
    sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
    at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
    ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
    na dito ay siya ang may kagagawan.

Mga Kawikaan 20:8-10

Ibinubukod ng haring nakaupo sa trono ng kahatulan
    sa pamamagitan ng kanyang mga mata, ang lahat ng kasamaan.
Sinong makapagsasabi, “Puso ko'y aking nalinisan;
    ako'y malinis mula sa aking kasalanan”?
10 Iba't ibang panimbang, at iba't ibang sukatan,
    parehong sa Panginoon ay karumaldumal.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001