Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 6:12-8:10

Ang Panalangin ni Solomon(A)

12 Pagkatapos si Solomon ay tumayo sa harapan ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at iniunat ang kanyang mga kamay.

13 Si Solomon ay may ginawang isang tuntungang tanso na limang siko ang haba, limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas. Inilagay niya ito sa gitna ng bulwagan at tumayo siya sa ibabaw nito. Pagkatapos ay lumuhod siya sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at itinaas ang kanyang mga kamay sa langit.

14 Kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit o sa lupa, na nag-iingat ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad nang buong puso sa harapan mo;

15 ikaw na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kanya. Tunay na ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at sa pamamagitan ng iyong kamay ay tinupad mo sa araw na ito.

16 Ngayon,(B) O Panginoon, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang iyong ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi ka mawawalan ng kahalili sa aking paningin na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa aking kautusan, gaya ng paglakad mo sa harapan ko.’

17 Kaya't ngayon, O Panginoon, Diyos ng Israel, pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David.

18 “Ngunit(C) totoo bang ang Diyos ay maninirahang kasama ng mga tao sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!

19 Isaalang-alang mo ang panalangin ng iyong lingkod at ang kanyang pagsamo, O Panginoon kong Diyos, iyong pakinggan ang daing at dalangin na idinudulog ng iyong lingkod sa iyo.

20 Ang(D) iyong mga mata ay maging bukas nawa sa araw at gabi sa bahay na ito, ang dakong iyong ipinangako na paglalagyan mo ng iyong pangalan, at nawa'y pakinggan mo ang panalangin na iniaalay ng iyong lingkod sa dakong ito.

21 Pakinggan mo ang mga samo ng iyong lingkod at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalangin paharap sa dakong ito; pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tirahan; at kapag iyong narinig, magpatawad ka.

22 “Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa at pinasumpa siya, at siya'y dumating at nanumpa sa harapan ng iyong dambana sa bahay na ito,

23 ay pakinggan mo nawa mula sa langit, at kumilos ka, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang nagkasala sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo at pawalang-sala ang matuwid sa pamamagitan ng pagganti sa kanya ayon sa kanyang matuwid na gawa.

24 “Kung ang iyong bayang Israel ay matalo ng kaaway, sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, kapag sila'y nanumbalik at kilalanin ang iyong pangalan, at manalangin at dumaing sa iyo sa bahay na ito,

25 dinggin mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at muli mo silang dalhin sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga ninuno.

26 “Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, kung sila'y manalangin paharap sa dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikuran ang kanilang kasalanan, kapag pinarurusahan mo sila,

27 pakinggan mo nawa mula sa langit, at patawarin ang kasalanan ng iyong mga lingkod, ng iyong bayang Israel, kapag iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na dapat nilang lakaran; at bigyan ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana.

28 “Kung may taggutom sa lupain, kung may salot o pagkalanta, o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa alinman sa kanilang mga lunsod, anumang salot o anumang sakit mayroon;

29 anumang panalangin, anumang pagsamong gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, na bawat isa'y nakakaalam ng sarili niyang kahirapan, at sarili niyang kalungkutan at iniunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito,

30 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan, at magpatawad ka, at humatol sa bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman, ayon sa lahat niyang mga lakad (sapagkat ikaw, ikaw lamang, ang nakakaalam ng puso ng mga anak ng mga tao);

31 upang sila'y matakot sa iyo at lumakad sa iyong mga daan sa lahat ng mga araw na sila'y nabubuhay sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno.

32 “Gayundin naman, kapag ang isang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel ay dumating mula sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig, kapag siya'y dumating at nanalangin paharap sa bahay na ito,

33 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng itinatawag sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan at matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.

34 “Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makipagdigma sa kanilang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa iyo paharap sa lunsod na ito na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,

35 pakinggan mo nawa mula sa langit ang kanilang panalangin at ang kanilang samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan.

36 “Kung sila'y magkasala laban sa iyo,—sapagkat walang taong hindi nagkakasala,—at ikaw ay galit sa kanila, at ibinigay mo sila sa isang kaaway, kaya't sila'y dinalang-bihag sa isang lupaing malayo o malapit;

37 ngunit kung sila'y magising sa lupaing pinagdalhan sa kanila bilang bihag, at sila'y magsisi at magsumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sinasabi, ‘Kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng may kalikuan at kasamaan,’

38 kung sila'y magsisi ng kanilang buong pag-iisip at buong puso sa lupain ng kanilang pagkabihag, kung saan sila'y dinalang-bihag at manalangin paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,

39 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan ang kanilang panalangin at ang kanilang mga samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.

40 Ngayon, O Diyos ko, mabuksan nawa ang iyong mga mata at makinig ang iyong mga tainga sa panalangin sa dakong ito.

41 “Ngayon(E) nga'y bumangon ka, O Panginoong Diyos, at pumunta ka sa iyong pahingahang dako, ikaw at ang kaban ng iyong kapangyarihan. Mabihisan nawa ng kaligtasan, O Panginoong Diyos, ang iyong mga pari, at ang iyong mga banal ay magalak sa iyong kabutihan.

42 O Panginoong Diyos, huwag mong tatalikuran ang iyong hinirang.[a] Alalahanin mo ang iyong tapat na pag-ibig kay David na iyong lingkod.”

Ang Pagtatalaga ng Templo(F)

Nang(G) matapos na ni Solomon ang kanyang panalangin, bumaba ang isang apoy mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang mga alay at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang templo.

Ang mga pari ay hindi makapasok sa bahay ng Panginoon, sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.

Nang(H) makita ng lahat ng mga anak ni Israel ang apoy na bumaba at ang kaluwalhatian ng Panginoon na nasa templo, iniyuko nila ang kanilang mga mukha sa lupa at sumamba, at nagpasalamat sa Panginoon, na nagsasabi, “Sapagkat siya'y mabuti; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”

Pagkatapos ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng alay sa harapan ng Panginoon.

Si Haring Solomon ay naghandog bilang alay ng dalawampu't dalawang libong baka at isandaan at dalawampung libong tupa. Sa gayon itinalaga ng hari at ng buong bayan ang bahay ng Diyos.

Ang mga pari ay nakatayo sa kanilang mga lugar; gayundin ang mga Levita na may mga kagamitang panugtog sa Panginoon na ginawa ni Haring David para sa pasasalamat sa Panginoon—sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman—tuwing si David ay mag-aalay ng papuri sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa. Katapat nila, ang mga pari ay nagpatunog ng mga trumpeta at ang buong Israel ay tumayo.

Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan na nasa harapan ng bahay ng Panginoon; sapagkat doon niya inialay ang mga handog na sinusunog at ang taba ng mga handog pangkapayapaan, sapagkat hindi makaya ng tansong dambana na ginawa ni Solomon ang handog na sinusunog, ang handog na butil at ang taba.

Ang Pista ng Pagtatalaga

Nang panahong iyon ipinagdiwang ni Solomon at ng buong Israel na kasama niya ang kapistahan sa loob ng pitong araw. Iyon ay isang napakalaking kapulungan, mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Ehipto.

Nang ikawalong araw, sila ay nagdaos ng isang taimtim na pagtitipon; sapagkat kanilang isinagawa ang pagtatalaga sa dambana sa loob ng pitong araw at ang kapistahan ay pitong araw.

10 Sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, kanyang pinauwi ang bayan sa kani-kanilang mga tolda, na nagagalak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, kay Solomon, at sa Israel na kanyang bayan.

Muling Nagpakita ang Diyos kay Solomon(I)

11 Sa gayon tinapos ni Solomon ang bahay ng Panginoon at ang bahay ng hari. Lahat ng pinanukalang gawin ni Solomon sa bahay ng Panginoon at sa kanyang sariling bahay ay matagumpay niyang nagawa.

12 Pagkatapos ang Panginoon ay nagpakita kay Solomon sa gabi, at sinabi sa kanya, “Narinig ko ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito para sa aking sarili bilang bahay ng pag-aalay.

13 Kapag aking isinara ang langit upang huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang upang lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;

14 at kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako[b] at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang papakinggan mula sa langit, at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain.

15 Ngayon ang aking mga mata ay mabubuksan, at ang aking mga tainga ay makikinig sa panalangin na ginagawa sa dakong ito.

16 Sapagkat ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito upang ang aking pangalan ay manatili roon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay mananatili roon sa lahat ng panahon.

17 Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harapan ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas,

18 aking(J) patatatagin ang trono ng iyong kaharian, gaya ng aking ipinakipagtipan kay David na iyong ama, na sinasabi, ‘Hindi ka magkukulang ng lalaki na mamumuno sa Israel.’

19 “Ngunit kung kayo[c] ay humiwalay at talikuran ninyo ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harapan ninyo, at humayo at maglingkod sa ibang mga diyos at sambahin sila,

20 aking bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan ay itataboy ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng mga bayan.

21 Sa bahay na ito na dakila, bawat magdaraan ay magtataka at magsasabi, ‘Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa lupaing ito at sa bahay na ito?’

22 Kanilang sasabihin, ‘Sapagkat kanilang pinabayaan ang Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, at bumaling sa ibang mga diyos, at sinamba at pinaglingkuran ang mga ito; kaya't kanyang dinala ang lahat ng kasamaang ito sa kanila.’”

Ang mga Nagawa ni Solomon(K)

Sa pagtatapos ng dalawampung taon, na sa panahong iyon ay naitayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon at ang kanyang sariling bahay,

muling itinayo ni Solomon ang mga lunsod na ibinigay ni Huram sa kanya, at pinatira roon ang mga anak ni Israel.

Si Solomon ay pumaroon laban sa Hamatsoba, at sinakop ito.

Kanyang itinayo ang Tadmor sa ilang at ang lahat ng bayang imbakan na kanyang itinayo sa Hamat.

Itinayo rin niya ang Itaas na Bet-horon at ang Ibabang Bet-horon, mga may pader na lunsod, may mga pintuan, at mga halang,

at ang Baalat at ang lahat ng bayang imbakan na pag-aari ni Solomon, at lahat ng bayan para sa kanyang mga karwahe, at ang mga bayan para sa kanyang mga mangangabayo, at anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa buong lupain na kanyang nasasakupan.

Lahat ng mga taong natira sa mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at mga Jebuseo, na hindi kabilang sa Israel;

mula sa kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain, na hindi pinuksa ng mga anak ni Israel—ang mga ito ay sapilitang pinagawa ni Solomon, hanggang sa araw na ito.

Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon sa kanyang gawain; sila'y mga kawal, kanyang mga pinuno, mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at kanyang mga mangangabayo.

10 Ito ang mga pangunahing pinuno ni Haring Solomon, dalawandaan at limampu, na may kapamahalaan sa taong-bayan.

Roma 7:14-8:8

Ang Pagnanais ng Mabuti

14 Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.

15 Sapagkat(A) ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.

16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.

17 Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

18 Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.

19 Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.

20 Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

21 Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit.

22 Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao.

23 Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.

24 Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?

25 Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.

Pamumuhay ayon sa Espiritu

Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus.

Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin[a] mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.

Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman,

upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.

Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.

Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.

Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari;

at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.

Mga Awit 18:1-15

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:

18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
    aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
    aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
    at naligtas ako sa aking mga kaaway.

Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
    inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
    hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.

Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
    sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
    At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.

Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
    ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
    at nauga, sapagkat siya'y galit.
Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
    at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
    at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
    ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
    siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
    ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
    ay lumabas ang kanyang mga ulap,
    ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
    at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
    nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
    at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
    sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.

Mga Kawikaan 19:24-25

24 Ibinabaon ng tamad ang kanyang kamay sa pinggan,
    at hindi niya ibabalik pa sa kanyang bibig man lamang.
25 Saktan mo ang manlilibak, at ang walang muwang ay matututo ng karunungan;
    sawayin mo ang may unawa, at siya'y magkakaroon ng kaalaman.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001