Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 1-3

Nanalangin si Haring Solomon para sa Karunungan(A)

Pinatatag ni Solomon na anak ni David ang sarili sa kanyang kaharian, at ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya at ginawa siyang lubhang dakila.

Nagsalita si Solomon sa buong Israel, sa mga punong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan, sa mga hukom, at sa lahat ng mga pinuno sa buong Israel, na mga puno ng mga sambahayan.

Si Solomon at ang buong kapulungan na kasama niya ay pumunta sa mataas na dako na nasa Gibeon, sapagkat ang toldang tipanan ng Diyos na ginawa ni Moises na lingkod ng Panginoon sa ilang ay naroon.

Ngunit(B) ang kaban ng Diyos ay dinala ni David mula sa Kiryat-jearim hanggang sa dakong pinaghandaan ni David para dito sapagkat ito ay kanyang ipinagtayo ng tolda sa Jerusalem.

Bukod(C) dito, ang dambanang tanso na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri, na anak ni Hur ay naroon sa harapan ng tabernakulo ng Panginoon. Doon ay sumangguni sa Panginoon si Solomon at ang kapulungan.

Si Solomon ay umakyat sa dambanang tanso sa harapan ng Panginoon na nasa toldang tipanan at nag-alay doon ng isang libong handog na sinusunog.

Nang gabing iyon, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya, “Hingin mo ang dapat kong ibigay sa iyo.”

Sinabi ni Solomon sa Diyos, “Ikaw ay nagpakita ng malaki at tapat na pag-ibig kay David na aking ama, at ginawa mo akong hari na kapalit niya.

O(D) Panginoong Diyos, matupad nawa ngayon ang iyong pangako kay David na aking ama, sapagkat ginawa mo akong hari sa isang bayan na kasindami ng alabok sa lupa.

10 Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman upang ako'y makalabas-masok sa harapan ng bayang ito; sapagkat sinong makakapamahala dito sa iyong bayang napakalaki?”

11 Sinabi ng Diyos kay Solomon, “Sapagkat ito ay nasa iyong puso, at hindi ka humingi ng ari-arian, kayamanan, karangalan o ng buhay man ng mga napopoot sa iyo, at hindi ka man lamang humingi ng mahabang buhay, kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman para sa iyong sarili, upang iyong mapamahalaan ang aking bayan na dito ay ginawa kitang hari,

12 ang karunungan at kaalaman ay ipinagkakaloob sa iyo. Bibigyan din kita ng kayamanan, ari-arian, at karangalan, na walang haring nauna o kasunod mo ang magkakaroon nang gayon.”

Ang Kapangyarihan at Kayamanan ni Haring Solomon(E)

13 Sa gayo'y umalis si Solomon mula sa mataas na dako na nasa Gibeon, mula sa harapan ng toldang tipanan patungo sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.

14 Nagtipon(F) si Solomon ng mga karwahe at mga mangangabayo; siya'y may isang libo at apatnaraang karwahe, labindalawang libong mangangabayo, na kanyang inilagay sa bayan ng mga karwahe, at kasama ng hari sa Jerusalem.

15 Ginawa ng hari ang pilak at ginto na karaniwan sa Jerusalem na gaya ng bato, at ginawa niya ang mga sedro na kasindami ng mga sikomoro ng Shefela.

16 Ang(G) mga kabayo ni Solomon ay inangkat mula sa Ehipto at Kue, at tinanggap ito ng mga mangangalakal ng hari mula sa Kue sa halagang umiiral.

17 Sila ay umangkat mula sa Ehipto ng isang karwahe sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo sa halagang isandaan at limampu. Gayundin, sa pamamagitan nila, ang mga ito ay ipinagbili sa lahat ng mga hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria.

Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo(H)

Si Solomon ay nagpasiyang magtayo ng templo para sa pangalan ng Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.

Si(I) Solomon ay nangalap ng pitumpung libong lalaki upang magbuhat ng mga pasan at walumpung libong lalaki upang tumibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan upang mamahala sa kanila.

At si Solomon ay nagpasabi kay Huram na hari ng Tiro, “Kung ano ang iyong ginawa kay David na aking ama na pinadalhan mo ng mga sedro upang magtayo siya ng bahay na matitirahan, gayundin ang gawin mo sa akin.

Malapit na akong magtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos, at italaga ito sa kanya upang pagsunugan ng mabangong insenso sa harapan niya, at para sa palagiang handog na tinapay, at para sa mga handog na sinusunog sa umaga at hapon, sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan ng Panginoon naming Diyos, gaya ng itinalaga magpakailanman para sa Israel.

Ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila sapagkat ang aming Diyos ay higit na dakila kaysa lahat ng mga diyos.

Ngunit sinong makapagtatayo para sa kanya ng isang bahay, yamang sa langit, maging sa pinakamataas na langit ay hindi siya magkakasiya? Sino ako upang ipagtayo ko siya ng isang bahay, maliban sa isang dakong pagsusunugan ng insenso sa harapan niya?

Ngayo'y padalhan mo ako ng isang lalaki na bihasang gumawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, at sa kulay-ube, matingkad na pula, at asul na tela, na sanay rin sa pag-ukit, upang makasama ng mga bihasang manggagawang kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na inilaan ni David na aking ama.

Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres, at algum na mula sa Lebanon, sapagkat alam ko na ang iyong mga lingkod ay marunong pumutol ng troso sa Lebanon. Ang aking mga lingkod ay makakasama ng iyong mga lingkod,

upang ipaghanda ako ng napakaraming kahoy, sapagkat ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kahanga-hanga.

10 Ako'y magbibigay sa iyong mga lingkod na mga mamumutol ng kahoy ng dalawampung libong koro[a] ng binayong trigo, dalawampung libong koro,[b] ng sebada, dalawampung libong bat[c] ng alak, at dalawampung libong bat[d] ng langis.”

11 Si Huram na hari ng Tiro ay sumagot sa sulat na kanyang ipinadala kay Solomon, “Sapagkat minamahal ng Panginoon ang kanyang bayan ay ginawa ka niyang hari sa kanila.”

12 Sinabi rin ni Huram, “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel na gumawa ng langit at lupa na nagbigay kay Haring David ng isang pantas na anak, na pinagkalooban ng mahusay na pagpapasiya at pang-unawa, upang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.

13 At ngayo'y nagsugo ako ng isang bihasa at matalinong lalaki, si Huramabi,

14 na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kanyang ama ay taga-Tiro. Siya ay sinanay sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa kulay-ube, asul, at sa matingkad na pula at pinong tela, at sa lahat ng uri ng pag-ukit at sa paggawa ng anumang palamuti na maaaring ipagawa sa kanya, kasama ng iyong mga bihasang manggagawa na mga manggagawa rin ng aking panginoong si David na iyong ama.

15 Kaya't ngayon, ang trigo at sebada, ang langis at ang alak na binanggit ng aking panginoon ay ipadala niya sa kanyang mga lingkod.

16 Aming puputulin ang gaano mang karaming troso na kailangan mo mula sa Lebanon, at aming dadalhin sa iyo na parang mga balsa na idaraan sa dagat hanggang sa Joppa, upang iyong madala sa Jerusalem.”

Pinasimulan ang Pagtatayo ng Templo(J)

17 Pagkatapos ay binilang ni Solomon ang lahat ng mga dayuhan na nasa lupain ng Israel, ayon sa pagbilang na ginawa sa kanila ni David na kanyang ama; at iyon ay umabot ng isandaan limampu't tatlong libo at animnaraan.

18 Pitumpung libo sa kanila ay kanyang itinalaga na tagabuhat ng pasan, walumpung libo na mga tagatibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan bilang kapatas upang mapagtrabaho ang taong-bayan.

Pinasimulang(K) itayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem sa ibabaw ng Bundok Moria, na doon ay nagpakita ang Panginoon kay David na kanyang ama, sa lugar na itinakda ni David, sa giikan ni Ornan na Jebuseo.

Siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.

Ang mga ito ang sukat na ginamit ni Solomon para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos. Ang haba sa mga siko ayon sa matandang panukat ay animnapung siko, at ang luwang ay dalawampung siko.

Ang portiko na nasa harapan ng bahay ay dalawampung siko, kasinluwang ng bahay; at ang taas ay isandaan at dalawampung siko. Ito ay kanyang binalutan ng lantay na ginto sa loob.

Mismong ang bahay ay kanyang nilagyan ng kisame ng kahoy na sipres, at binalot ito ng lantay na ginto, at ginawan ito ng mga palma at mga tanikala.

Kanyang pinalamutian ang bahay ng mga mamahaling bato. Ang ginto ay mula sa Parvaim.

Kanyang binalutan ng ginto ang bahay, ang mga biga, mga pasukan, mga dingding, at ang mga pinto; at inukitan niya ng mga kerubin ang mga dingding.

Kanyang(L) ginawa ang dakong kabanal-banalan; ang haba nito ay katumbas ng luwang ng bahay, dalawampung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko. Kanyang binalutan ito ng dalisay na ginto na may timbang na animnaraang talento.

Ang bigat ng mga pako ay limampung siklong ginto. At kanyang binalutan ng ginto ang mga silid sa itaas.

10 Sa(M) dakong kabanal-banalan ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy at binalot ang mga ito ng ginto.

11 Ang mga pakpak ng mga kerubin na sama-samang nakabuka ay dalawampung siko ang haba; ang pakpak ng isa ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak na limang siko ay abot sa pakpak ng unang kerubin.

12 Ang pakpak ng isang kerubin ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak ay limang siko rin na nakalapat sa pakpak ng unang kerubin.

13 Ang mga pakpak ng mga kerubing ito ay umaabot ng dalawampung siko; ang mga kerubin ay nakatayo sa kanilang mga paa, nakaharap sa bahay.

14 Ginawa(N) niya ang tabing na asul, ube, matingkad na pulang tela at pinong lino, at ginawan ang mga ito ng mga kerubin.

15 Sa harapan ng bahay ay gumawa siya ng dalawang haligi na tatlumpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawat isa sa mga iyon ay limang siko.

16 Siya'y gumawa ng mga tanikalang gaya ng kuwintas at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isandaang granada, at inilagay sa mga tanikala.

17 Kanyang itinayo ang mga haligi sa harapan ng templo, ang isa'y sa timog, at ang isa'y sa hilaga; ang nasa timog ay tinawag na Jakin,[e] at ang nasa hilaga ay Boaz.[f]

Roma 6

Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy Dahil kay Cristo

Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana?

Huwag nawang mangyari. Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon?

O hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan?

Kaya't(A) tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan; na kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay.

Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay.

Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan;

sapagkat ang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.

Subalit kung tayo'y namatay na kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay ding kasama niya.

Nalalaman nating si Cristo na nabuhay mula sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamatayan ay wala nang paghahari sa kanya.

10 Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan; ngunit ang buhay na kanyang ikinabubuhay ay kanyang ikinabubuhay sa Diyos.

11 Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

12 Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

13 At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos.

14 Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo, sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano nga? Magkakasala ba tayo, dahil tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi nasa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.

16 Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili bilang alipin sa pagsunod, kayo'y mga alipin niya na inyong sinusunod; maging ng kasalanan tungo sa kamatayan, o ng pagsunod tungo sa pagiging matuwid?

17 Ngunit salamat sa Diyos, na bagama't kayo'y dating mga alipin ng kasalanan, kayo'y taos-pusong sumunod sa anyo ng aral na doon ay ipinagkatiwala kayo.

18 At pagkatapos na mapalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo sa paggawa ng matuwid.

19 Nagsasalita ako ayon sa pamamaraan ng tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan.

20 Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, kayo'y malalaya tungkol sa pagiging matuwid.

21 Kaya't ano ngang bunga mayroon kayo sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? Sapagkat ang kahihinatnan ng mga bagay na iyon ay kamatayan.

22 Subalit ngayong pinalaya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, na nagbubunga naman ng kabanalan, ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan.

23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Mga Awit 16

Miktam ni David.

16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
    ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”

Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
    sa kanila ako lubos na natutuwa.
Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
    ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
    ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.

Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
    ang aking kapalaran ay hawak mo.
Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
    oo, ako'y may mabuting mana.

Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
    maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
    hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.

Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
    ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
    ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.

11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
    sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
    sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.

Mga Kawikaan 19:20-21

20 Makinig ka sa payo, at sa pangaral ay tumanggap,
    upang magtamo ka ng karunungan para sa hinaharap.
21 Sa puso ng isang tao, ang panukala'y marami,
    ngunit ang layunin ng Panginoon ang siyang mananatili.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001