Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 26:12-27:34

12 Sa mga ito ang mga bahagi ng mga bantay-pinto, samakatuwid ay mga pinuno na may mga katungkulang gaya ng kanilang mga kapatid na namamahala sa bahay ng Panginoon.

13 Sila'y nagpalabunutan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, hamak man o dakila, para sa kani-kanilang pinto.

14 Ang palabunutan para sa dakong silangan ay napunta kay Shelemias. Nagpalabunutan din sila para kay Zacarias na kanyang anak na isang matalinong tagapayo at ang nabunot para sa kanya ay ang dakong hilaga.

15 Ang kay Obed-edom ay ang dakong timog; at sa kanyang mga anak ay ang kamalig.

16 Kay Suppim at kay Hosa ay ang dakong kanluran, sa tabi ng pintuang-daan ng Sallechet, sa daang paahon. Bawat tanod ay may katuwang na tanod.

17 Sa dakong silangan ay anim na Levita, sa dakong hilaga ay apat araw-araw, sa dakong timog ay apat araw-araw, at sa kamalig ay dala-dalawa.

18 Sa parbar[a] sa dakong kanluran, apat sa daanan, at dalawa sa parbar.

19 Ito ang mga bahagi ng mga bantay ng pinto sa mga Korahita, at sa mga anak ni Merari.

Ang Tagapamahala ng Kayamanan sa Templo

20 Sa mga Levita, si Ahias ang namahala sa mga kayamanan ng bahay ng Diyos at sa mga kayamanan ng mga itinalagang bagay.

21 Ang mga anak ni Ladan, ang mga anak ng mga Gershonita na nauukol kay Ladan; ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno na ukol kay Ladan na Gershonita; si Jehieli.

22 Ang mga anak ni Jehieli: sina Zetam at Joel na kanyang kapatid ang nangasiwa sa mga kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.

23 Sa mga Amramita, sa mga Izarita, sa mga Hebronita, sa mga Uzielita—

24 at si Sebuel na anak ni Gershom, na anak ni Moises, ay punong-tagapamahala sa mga kabang-yaman.

25 Ang kanyang mga kapatid mula kay Eliezer ay si Rehabias na kanyang anak, at si Jeshaias na kanyang anak, si Joram na kanyang anak, si Zicri na kanyang anak, at si Shelomot na kanyang anak.

26 Ang Shelomot na ito at ang kanyang mga kapatid ang namahala sa lahat ng kabang-yaman na nakatalagang bagay na itinalaga ni Haring David, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng mga magulang, ng mga pinunong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan, at ng mga pinunong-kawal ng hukbo.

27 Mula sa mga samsam na pinanalunan sa pakikidigma ay kanilang itinalaga ang mga kaloob upang mapanatiling maayos ang bahay ng Panginoon.

28 Gayundin ang lahat ng itinalaga ni Samuel na tagakita at ni Saul na anak ni Kish, at ni Abner na anak ni Ner, at ni Joab na anak ni Zeruia; ang lahat ng mga itinalagang kaloob ay nasa ilalim ng pag-iingat ni Shelomot at ng kanyang mga kapatid.

29 Sa mga Izarita, si Kenanias at ang kanyang mga anak na lalaki ay itinalaga sa mga panlabas na tungkulin para sa Israel, bilang mga pinuno at mga hukom.

30 Sa mga Hebronita, si Hashabias at ang kanyang mga kapatid na mga magigiting na lalaki, na isang libo't pitong daan, ay namahala sa Israel sa dako roon ng Jordan sa dakong kanluran na ukol sa lahat ng gawain sa Panginoon, at sa paglilingkod sa hari.

31 Sa mga Hebronita, si Jerias ang pinuno sa mga Hebronita, mula sa anumang salinlahi o mga sambahayan. Nang ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, nagkaroon ng pagsisiyasat at may natagpuan sa kanilang magigiting na lalaki sa Jazer ng Gilead.

32 Ang kanyang mga kapatid na mga magigiting na lalaki ay dalawang libo at pitong daan, mga pinuno ng mga sambahayan na siyang ginawa ni David na mga tagapamahala sa mga Rubenita, sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ng mga Manases, sa lahat ng bagay na ukol sa Diyos, at sa mga bagay na ukol sa hari.

Mga Punong-Kawal

27 Ito ang talaan ng sambayanan ng Israel, samakatuwid ay ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinunong-kawal ng libu-libo at daan-daan, at ang kanilang mga pinuno na naglingkod sa hari, sa mga bagay tungkol sa mga pangkat na pumapasok at lumalabas, buwan-buwan sa buong taon, ang bawat pangkat ay dalawampu't apat na libo:

Sa unang pangkat na para sa unang buwan, ang tagapamahala ay si Jasobeam na anak ni Zabdiel; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

Siya'y mula sa mga anak ni Perez at pinuno ng lahat ng punong-kawal ng hukbo para sa unang buwan.

Sa pangkat na para sa ikalawang buwan ay si Dodai na Ahohita, at sa kanyang pangkat ay si Miclot ang tagapamahala, at ang kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

Ang ikatlong punong-kawal na para sa ikatlong buwan ay si Benaya, na anak ng paring si Jehoiada na siyang pinuno; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

Ito ang Benaya na magiting na lalaki sa tatlumpu, at pinuno sa tatlumpu; ang pinuno sa kanyang pangkat ay si Amisabad na kanyang anak.

Ang ikaapat na punong-kawal para sa ikaapat na buwan ay si Asahel na kapatid ni Joab, at si Zebadias na kanyang kapatid ang kasunod niya, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

Ang ikalimang punong-kawal para sa ikalimang buwan ay si Samhuth na Izrahita, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

Ang ikaanim, para sa ikaanim na buwan ay si Ira na anak ni Ikkes na Tekoita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

10 Ang ikapito, para sa ikapitong buwan ay si Heles na Pelonita, mula sa mga anak ni Efraim, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

11 Ang ikawalo, para sa ikawalong buwan ay si Shibecai na Husatita, mula sa mga Zeraita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

12 Ang ikasiyam, para sa ikasiyam na buwan ay si Abiezer na taga-Anatot, isang Benjaminita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

13 Ang ikasampu, para sa ikasampung buwan ay si Maharai na taga-Netofa mula sa mga Zeraita, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

14 Ang ikalabing-isa, para sa ikalabing-isang buwan ay si Benaya na taga-Piraton, mula sa mga anak ni Efraim, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

15 Ang ikalabindalawa, para sa ikalabindalawang buwan ay si Heldai na Netofatita, mula kay Otniel, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo.

Mga Tagapamahala sa mga Lipi

16 Ang mga tagapamahala sa mga lipi ng Israel: sa mga Rubenita, si Eliezer na anak ni Zicri, ang punong-tagapamahala; sa mga Simeonita, si Shefatias na anak ni Maaca.

17 Sa Levi, si Hashabias, na anak ni Kemuel; kay Aaron, si Zadok;

18 sa Juda, si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa Isacar, si Omri na anak ni Micael;

19 sa Zebulon, si Ismaias na anak ni Obadias; sa Neftali, si Jerimot na anak ni Azriel.

20 Sa mga anak ni Efraim, si Hosheas na anak ni Azazias; sa kalahating lipi ni Manases, si Joel na anak ni Pedaya,

21 sa kalahating lipi ni Manases sa Gilead, si Iddo na anak ni Zacarias; sa Benjamin, si Jaasiel na anak ni Abner.

22 Sa Dan, si Azarel na anak ni Jeroham. Ito ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel.

23 Ngunit(A) hindi isinama ni David sa pagbilang ang mula sa dalawampung taong gulang pababa, sapagkat ipinangako ng Panginoon na kanyang pararamihin ang Israel na gaya ng mga bituin sa langit.

24 Si(B) Joab na anak ni Zeruia ay nagpasimulang bumilang, ngunit hindi natapos; gayunma'y dumating sa Israel ang poot dahil dito, at hindi ipinasok ang bilang sa mga talaan ni Haring David.

Ang mga Ingat-yaman ni Haring David

25 Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Adiel. Ang ingat-yaman sa mga bukid, sa mga bayan, sa mga nayon, at sa mga tore ay si Jonathan na anak ni Uzias.

26 Ang namahala sa gumagawa sa bukirin at pagbubungkal ng lupa ay si Ezri na anak ni Kelub.

27 Sa mga ubasan ay si Shimei na Ramatita, at sa mga ani sa mga ubasan para sa mga imbakan ng alak ay si Zabdi na Sifmita.

28 Sa mga puno ng olibo at sa mga puno ng sikomoro na nasa Shefela ay si Baal-hanan na Gederita, at sa mga imbakan ng langis ay si Joas.

29 Sa mga bakahan na ipinapastol sa Sharon ay si Sitrai na Sharonita, at sa mga bakahan na nasa mga libis ay si Shafat na anak ni Adlai.

30 Sa mga kamelyo ay si Obil na Ismaelita, at sa mga babaing asno ay si Jehedias na Meronotita, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita.

31 Lahat ng mga ito'y mga katiwala sa mga ari-arian ni Haring David.

Ang mga Tagapayo ni David

32 Si Jonathan na amain ni David ay isang tagapayo, lalaking matalino, at isang eskriba; at si Jehiel na anak ni Hacmoni ay lingkod sa mga anak ng hari.

33 Si Ahitofel ang tagapayo ng hari; at si Husai na Arkita ang kaibigan ng hari.

34 Kasunod ni Ahitofel ay si Jehoiada na anak ni Benaya, at gayundin ni Abiatar. Si Joab ang punong-kawal sa hukbo ng hari.

Roma 4:13-5:5

Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Sapagkat(A) ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.

14 Sapagkat(B) kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako.

15 Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag.

16 Dahil(C) dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat,

17 gaya(D) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa”) sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buháy noon ay binubuhay niya ngayon.

18 Umaasa(E) kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging “ama ng maraming bansa” ayon sa sinabi, “Magiging napakarami ang iyong binhi.”

19 Hindi(F) siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah.

20 Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di-paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos,

21 at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako.

22 Kaya't ang kanyang pananampalataya[a] ay ibinilang na katuwiran sa kanya.

23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, “sa kanya'y ibinilang,”

24 kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,

25 na(G) ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap.

Mga Bunga ng Pag-aaring-ganap

Kaya't yamang tayo'y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong[b] kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Sa pamamagitan niya'y nakalapit tayo[c] sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.

At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis,

at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa.

At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.

Mga Awit 14

Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.

14 Sinasabi(A) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
    Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti.

Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
    na hinahanap ang Diyos.

Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala kahit isa.

Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
    na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Panginoon?

Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
    sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
    ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
    Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
    magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.

Mga Kawikaan 19:17

17 Ang mabait sa dukha ay sa Panginoon nagpapautang,
    at ang kanyang mabuting gawa sa kanya ay babayaran.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001