Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 16:37-18:17

Tagapangasiwa sa Harap ng Kaban

37 Kaya't iniwan ni David doon si Asaf at ang kanyang mga kapatid sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon, upang patuloy na mangasiwa sa harap ng kaban, gaya ng kailangang gawain sa araw-araw.

38 Gayundin si Obed-edom at ang kanyang animnapu't walong kapatid; samantalang si Obed-edom na anak ni Jedutun at si Asa ay magiging mga bantay sa pinto.

39 At kanyang iniwan ang paring si Zadok at ang kanyang mga kapatid na mga pari sa harapan ng tolda ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gibeon,

40 upang patuloy na maghandog ng mga handog na sinusunog sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog sa umaga at hapon, ayon sa lahat nang nasusulat sa kautusan ng Panginoon na kanyang iniutos sa Israel.

41 Kasama nila si Heman at si Jedutun, at ang nalabi sa mga pinili at itinalaga sa pamamagitan ng pangalan upang magpasalamat sa Panginoon, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

42 Sina Heman at Jedutun ay may mga trumpeta at mga pompiyang para sa tugtugin at mga panugtog para sa mga banal na awitin. Ang mga anak ni Jedutun ay inilagay sa pintuan.

43 At(A) ang buong bayan ay nagsiuwi sa kani-kanilang bahay, at si David ay umuwi upang basbasan ang kanyang sambahayan.

Ang Sinabi ng Panginoon kay David(B)

17 Nang si David ay nanirahan sa kanyang bahay, sinabi ni David kay propeta Natan, “Tingnan mo, ako'y nakatira sa isang bahay na sedro, ngunit ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa loob ng isang tolda.”

At sinabi ni Natan kay David, “Gawin mo ang lahat ng nasa iyong puso, sapagkat ang Diyos ay kasama mo.”

Ngunit nang gabi ring iyon ang salita ng Diyos ay dumating kay Natan,

“Humayo ka at sabihin mo kay David na aking lingkod, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Hindi mo ako ipagtatayo ng bahay na matitirahan.

Sapagkat hindi pa ako nanirahan sa isang bahay mula nang araw na aking iahon ang Israel hanggang sa araw na ito; kundi ako'y nagpalipat-lipat sa mga tolda at sa mga tirahan.

Sa lahat ng mga dako na aking nilakaran na kasama ang buong Israel, ako ba'y nagsalita sa sinuman sa mga hukom ng Israel, na siyang aking inutusang maging pastol sa aking bayan, “Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng bahay na sedro?”’

Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kinuha kita sa sabsaban, mula sa pagsunod sa mga tupa upang ikaw ay maging pinuno sa aking bayang Israel.

Ako'y naging kasama mo saan ka man pumunta, at aking pinuksa ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo. At igagawa kita ng pangalan na gaya ng pangalan ng mga dakilang tao sa lupa.

Magtatalaga ako ng isang lugar para sa aking bayang Israel, at itatatag sila, upang sila'y makapanirahan sa kanilang sariling lugar, at huwag nang magambala pa. At hindi na sila pahihirapan pa ng mga mararahas na tao, na gaya nang una,

10 mula sa panahon na nagtalaga ako ng mga hukom upang mamuno sa aking bayang Israel; at aking pasusukuin ang lahat ninyong mga kaaway. Bukod dito'y ipinahahayag ko sa iyo na ipagtatayo ka ng Panginoon ng isang bahay.

11 Kapag ang iyong mga araw ay naganap na upang ikaw ay humayo upang makasama ng iyong mga ninuno, ibabangon ko ang iyong binhi pagkamatay mo, isa sa iyong sariling mga anak, at aking itatatag ang kanyang kaharian.

12 Ipagtatayo niya ako ng isang bahay, at itatatag ko ang kanyang trono magpakailanman.

13 Ako'y(C) magiging kanyang ama, at siya'y magiging aking anak, at hindi ko aalisin ang aking tapat na pag-ibig sa kanya, gaya ng aking pagkakuha doon sa nauna sa iyo.

14 Kundi ilalagay ko siya sa aking bahay at sa aking kaharian magpakailanman; at ang kanyang trono ay matatatag magpakailanman.’”

15 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa lahat ng mga pangitaing ito, ay gayon ang sinabi ni Natan kay David.

Ang Panalangin ni David(D)

16 Pagkatapos ay pumasok si Haring David at naupo sa harap ng Panginoon, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong Diyos, at ano ang aking sambahayan at dinala mo ako sa ganitong kalagayan?

17 At ito'y munting bagay sa iyong paningin, O Diyos; sinabi mo rin ang tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa mga panahong darating, at ipinakita mo sa akin ang darating na mga salinlahi, O Diyos!

18 Ano pa ang masasabi ni David sa iyo sa pagpaparangal mo sa iyong lingkod? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod.

19 O Panginoon, alang-alang sa iyong lingkod, at ayon sa iyong sariling puso, ay iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito, upang ipaalam ang lahat ng dakilang bagay na ito.

20 O Panginoon, walang gaya mo, at walang Diyos liban sa iyo, ayon sa lahat ng narinig ng aming mga tainga.

21 Anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel, isang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang sariling bayan na gumawa ng pangalan para sa iyong sarili sa pamamagitan ng dakila at kakilakilabot na mga bagay, sa pagpapalayas ng mga bansa sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos mula sa Ehipto?

22 At ang iyong bayang Israel ay ginawa mong iyong sariling bayan magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.

23 Ngayon, O Panginoon, maitatag nawa ang salita na iyong ipinahayag tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan magpakailanman, at gawin mo nawa na gaya ng iyong sinalita,

24 at ang iyong pangalan ay maitatag at maging dakila magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang Panginoon ng mga hukbo ay Diyos ng Israel,’ samakatuwid ay ang Diyos ng Israel, at ang sambahayan ni David na iyong lingkod ay matatatag sa harapan mo.

25 Sapagkat ikaw, O aking Diyos, ay nagpahayag sa iyong lingkod na ipagtatayo mo siya ng bahay; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin sa harapan mo.

26 At ngayon, O Panginoon, ikaw ay Diyos, at ipinangako mo ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;

27 at ngayo'y ikinalulugod mo na pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailanman sa harap mo, sapagkat ang iyong pinagpala, O Panginoon, ay magiging mapalad magpakailanman.”

Naging Matatag at Lumawak ang Kaharian ni David(E)

18 Pagkatapos nito'y sinalakay ni David ang mga Filisteo at sinakop sila; kinuha niya ang Gat at ang mga nayon niyon sa kamay ng mga Filisteo.

Tinalo niya ang Moab, at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at sila'y nagdala ng mga kaloob.

Tinalo rin ni David sa Hamat si Hadadezer na hari ng Soba, habang siya'y papunta sa Hamat upang itatag ang kanyang kapangyarihan sa tabi ng Ilog Eufrates.

Kumuha si David sa kanya ng isang libong karwahe, pitong libong mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad; at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karwahe, ngunit nagtira nang sapat para sa isandaang karwahe.

Nang ang mga taga-Aram sa Damasco ay dumating upang sumaklolo kay Hadadezer na hari ng Soba, nakapatay si David ng dalawampu't dalawang libong lalaking mga taga-Aram.

Pagkatapos ay naglagay si David ng mga himpilan sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Aram ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng tagumpay si David saanman siya pumunta.

Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.

Mula(F) sa Thibath at Chun na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha si David ng napakaraming tanso na siyang ginawa ni Solomon na dagat-dagatang tanso, mga haligi, at mga sisidlang tanso.

Nang mabalitaan ni Tou na hari ng Hamat na natalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Soba,

10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram kay Haring David, upang bumati sa kanya, at purihin siya, sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at tinalo niya ito sapagkat si Hadadezer ay laging nakikipagdigma kay Tou. At siya'y nagpadala ng lahat ng uri ng kasangkapang ginto, pilak, at tanso.

11 Ang mga ito naman ay itinalaga ni Haring David sa Panginoon, pati ang pilak at ginto na kanyang kinuha sa lahat ng bansa; mula sa Edom, Moab, sa mga anak ni Ammon, sa mga Filisteo, at mula sa Amalek.

12 At(G) pinatay ni Abisai na anak ni Zeruia ang labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.

13 Naglagay siya ng mga himpilan sa Edom; at lahat ng mga Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saanman siya pumunta.

14 Kaya't si David ay naghari sa buong Israel at siya'y naglapat ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa buong bayan niya.

15 Si Joab na anak ni Zeruia ang namuno sa hukbo; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala.

16 Si Zadok na anak ni Ahitub, at si Abimelec na anak ni Abiatar ay mga pari at si Sausa ay kalihim;

17 si Benaya na anak ni Jehoiada ay namamahala sa mga Kereteo at sa mga Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno na naglilingkod sa hari.

Roma 2:1-24

Ayon sa Katotohanan ang Hatol ng Diyos

Kaya't(A) wala kang maidadahilan, O tao, maging sino ka man na humahatol, sapagkat sa paghatol mo sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayong mga bagay.

Subalit nalalaman natin na ang hatol ng Diyos sa kanila na nagsisigawa ng gayong mga bagay ay ayon sa katotohanan.

At inaakala mo ba ito, O tao, na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, at gayundin ang ginagawa mo, na ikaw ay makakatakas sa hatol ng Diyos?

O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kanyang kabutihan, pagtitiis, at pagtitiyaga na hindi mo nababatid na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi?

Ngunit ayon sa iyong katigasan at pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng kapootan at pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos.

Kanyang(B) gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa:

sa kanila na sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mabubuting gawa, na naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kawalan ng kasiraan, ay magbibigay siya ng buhay na walang hanggan;

samantalang sa kanila na makasarili at hindi sumusunod sa katotohanan, kundi bagkus ay sumusunod sa kasamaan ay para sa kanila ang poot at galit.

Magkakaroon ng hirap at pighati sa bawat kaluluwa ng tao na gumagawa ng kasamaan, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego;

10 subalit kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan sa bawat gumagawa ng mabuti, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego:

11 sapagkat(C) ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao.

12 Sapagkat ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mapapahamak din nang walang kautusan; at ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan hahatulan.

13 Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harapan ng Diyos, kundi ang tumutupad sa kautusan ay aariing-ganap.

14 Sapagkat kung ang mga Hentil na likas na walang kautusan ay gumagawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, bagaman walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili.

15 Kanilang ipinakita na ang hinihiling ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, na rito'y nagpapatotoo rin ang kanilang budhi, at ang kanilang mga pag-iisip ay nagbibintang o nagdadahilan sa isa't isa;

16 sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Ngunit kung ikaw na tinatawag na Judio ay umaasa sa kautusan, at nagmamalaki sa Diyos,

18 at nakakaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y naturuan ka ng kautusan,

19 at nagtitiwala ka sa sarili na ikaw ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw ng mga nasa kadiliman,

20 tagasaway sa mga hangal, guro ng mga bata, na taglay sa kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan;

21 ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba?

22 Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo?

23 Ikaw na nagmamalaki dahil sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan?

24 “Sapagkat(D) ang pangalan ng Diyos ay nalalait sa mga Hentil dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat.

Mga Awit 10:16-18

16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
    mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.

17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
    iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
    upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.

Mga Kawikaan 19:8-9

Siyang kumukuha ng karunungan ay umiibig sa sariling kaluluwa,
    siyang nag-iingat ng pang-unawa ay sasagana.
Ang sinungaling na saksi ay tiyak na parurusahan,
    at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay mamamatay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001