Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 12:19-14:17

19 Ang ilan sa mga tauhan ni Manases ay kumampi kay David, nang siya'y pumaroong kasama ng mga Filisteo upang lumaban kay Saul. Gayunman sila'y hindi niya tinulungan sapagkat ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagpulong at pinaalis siya, na sinasabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay sapagkat kakampi pa rin siya sa kanyang panginoong si Saul.”

20 Sa pagpunta niya sa Siklag, ang mga tauhang ito ni Manases ay kumampi sa kanya: sina Adnas, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu, at Siletai, na mga pinunong-kawal ng mga libu-libo sa Manases.

21 Kanilang tinulungan si David laban sa pulutong ng mga magnanakaw, sapagkat silang lahat ay matatapang na mandirigma at mga pinunong-kawal sa hukbo.

22 Sa araw-araw ay may mga taong pumupunta kay David upang tumulong sa kanya, hanggang sa nagkaroon ng malaking hukbo, gaya ng isang hukbo ng Diyos.

Ang Ibang mga Kaibigan ni David

23 Ito ang mga bilang ng mga pangkat ng hukbong nasasandatahan na pumunta kay David sa Hebron, upang ibigay ang kaharian ni Saul sa kanya, ayon sa salita ng Panginoon.

24 Ang mga anak ni Juda na humahawak ng kalasag at sibat ay anim na libo at walong daang hukbong nasasandatahan.

25 Sa mga anak ni Simeon, pitong libo at isandaang magigiting na mandirigma.

26 Sa mga anak ni Levi ay apat na libo at animnaraan.

27 At kasama ni Jehoiada na pinuno ng sambahayan ni Aaron ang tatlong libo at pitong daan;

28 at si Zadok, na isang binatang magiting na mandirigma, at ang dalawampu't dalawang pinunong-kawal mula sambahayan ng kanyang ninuno.

29 Sa mga anak ni Benjamin, na mga kapatid ni Saul ay tatlong libo, sapagkat ang karamihan sa kanila ay nanatiling tapat sa sambahayan ni Saul.

30 Sa mga anak ni Efraim ay dalawampung libo at walong daang magigiting na mandirigma, mga tanyag na lalaki sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.

31 Sa kalahating lipi ng Manases ay labingwalong libo na itinalaga sa pamamagitan ng mga pangalan, upang pumaroon at gawing hari si David.

32 Sa mga anak ni Isacar na nakakaunawa ng mga panahon, upang malaman kung ano ang marapat gawin ng Israel ay dalawandaang pinuno, at ang lahat nilang kapatid ay nasa kanilang pamumuno.

33 Sa Zebulon ay limampung libong sanay sa pakikipaglaban na handa sa lahat ng uri ng sandatang pandigma, at may iisang layuning tumulong.

34 Sa Neftali ay isanlibong pinunong-kawal at may kasamang tatlumpu't pitong libong katao na may kalasag at sibat.

35 Sa mga Danita ay dalawampu't walong libo at animnaraan na handa para sa pakikipaglaban.

36 Sa Aser ay apatnapung libong kawal na sanay sa pakikipaglaban at handa sa digmaan.

37 At sa mga Rubenita, mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, mula sa kabilang ibayo ng Jordan ay isandaan at dalawampung libong katao na mayroong lahat ng uri ng sandatang pandigma.

Ang mga Tumulong kay David upang Maging Hari

38 Lahat ng mga ito, mga mandirigmang handa sa pakikipaglaban, ay pumunta sa Hebron na may buong layunin na gawing hari si David sa buong Israel. Gayundin, ang iba pa sa Israel ay nagkaisa na gawing hari si David.

39 Sila'y naroong kasama ni David sa loob ng tatlong araw, kumakain at umiinom, sapagkat ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid.

40 Gayundin ang kanilang mga kalapit-bayan, hanggang sa Isacar, Zebulon at Neftali ay dumating na may dalang tinapay na nasa mga asno, mga kamelyo, mga mola, mga baka, mga sari-saring pagkain, mga tinapay na igos, mga buwig ng pasas, alak at langis, mga baka at tupa, sapagkat may kagalakan sa Israel.

Ang Kaban ay Dinala sa Bahay ni Obed-edom(A)

13 Sumangguni si David sa mga pinunong-kawal ng mga libu-libo, at mga daan-daan, at sa bawat pinuno.

Sinabi ni David sa buong kapulungan ng Israel, “Kung inaakala ninyong mabuti at kung kalooban ng Panginoon nating Diyos, ay ipatawag natin ang ating mga kapatid na nananatili sa buong lupain ng Israel, kabilang ang mga pari at mga Levita sa kanilang mga bayan na may mga pastulan, upang sila'y sama-samang pumarito sa atin.

Pagkatapos ay muli nating dalhin ang kaban ng ating Diyos sa atin, sapagkat ito'y kinaligtaan natin sa mga araw ni Saul.”

At ang buong kapulungan ay sumang-ayon na kanilang gawin ang gayon, sapagkat iyon ay matuwid sa paningin ng buong bayan.

Kaya't(B) tinipon ni David ang buong Israel mula sa Sihor ng Ehipto hanggang sa pasukan sa Hamat, upang dalhin ang kaban ng Diyos mula sa Kiryat-jearim.

At(C) si David at ang buong Israel ay umahon sa Baala, samakatuwid ay sa Kiryat-jearim na sakop ng Juda, upang dalhin mula roon ang kaban ng Diyos, tinatawag ayon sa pangalan ng Panginoon na nakaupo sa ibabaw ng kerubin.

Kanilang dinala ang kaban ng Diyos na nakasakay sa isang bagong kariton mula sa bahay ni Abinadab. Sina Uzah at Ahio ang nagpapatakbo ng kariton.

At si David at ang buong Israel ay nagkakasayahan sa harapan ng Diyos nang buong lakas nila, na may mga awit, mga alpa, mga lira, mga tamburin, mga pompiyang, at mga trumpeta.

Nang sila'y dumating sa giikan ng Kidon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay upang hawakan ang kaban, sapagkat natisod ang mga baka.

10 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah, at siya'y kanyang sinaktan sapagkat siya'y humawak sa kaban, at doo'y namatay siya sa harapan ng Diyos.

11 Kaya't sumama ang loob ni David sapagkat nagalit ang Panginoon kay Uzah, at kanyang tinawag ang dakong iyon na Perez-uza[a] hanggang sa araw na ito.

12 At si David ay natakot sa Diyos nang araw na iyon, na nagsasabi, “Paano ko maiuuwi ang kaban ng Diyos?”

13 Kaya't hindi inilipat ni David ang kaban sa lunsod ni David, kundi ito'y dinala sa bahay ni Obed-edom na Geteo.

14 Ang(D) kaban ng Diyos ay nanatili sa sambahayan ni Obed-edom sa kanyang bahay nang tatlong buwan. At pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat niyang ari-arian.

Ang Sambahayan ni David(E)

14 Si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David, at ng mga puno ng sedro, mga tagatapyas ng bato at mga karpintero upang ipagtayo siya ng bahay.

At nabatid ni David na itinatag siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at ang kanyang kaharian ay itinaas nang mataas alang-alang sa kanyang bayang Israel.

Si David ay kumuha pa ng mga asawa sa Jerusalem. Si David ay nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

Ito ang mga pangalan ng mga naging anak niya sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,

sina Ibhar, Elisua, Elfelet;

Noga, Nefeg, Jafia;

Elisama, Beeliada, at Elifelet.

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay binuhusan ng langis upang maging hari sa buong Israel, nagsiahon ang lahat ng Filisteo upang hanapin si David. Nabalitaan ito ni David at siya'y lumabas laban sa kanila.

Ang mga Filisteo ay dumating at gumawa ng pagsalakay sa libis ng Refaim.

10 At si David ay sumangguni sa Diyos, na nagsasabi, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Umahon ka, sapagkat ibibigay ko sila sa iyong kamay.”

11 Kaya't umahon sila sa Baal-perazim[b] at doo'y nagapi sila ni David. At sinabi ni David, “Sinambulat ng Diyos ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng aking kamay na gaya ng sumambulat na baha.” Kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Baal-perazim.[c]

12 Kanilang iniwan doon ang kanilang mga diyos at ipinag-utos ni David na sunugin ang mga iyon.

13 At muling sumalakay ang mga Filisteo sa libis.

14 Nang si David ay muling sumangguni sa Diyos, sinabi ng Diyos sa kanya, “Huwag kang aahong kasunod nila; lumigid ka at salakayin mo sila sa tapat ng mga puno ng balsamo.

15 Kapag iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, ikaw nga ay lalabas sa pakikipaglaban, sapagkat ang Diyos ay humayo sa unahan mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”

16 Ginawa ni David kung ano ang iniutos sa kanya ng Diyos; at kanilang pinatay ang hukbo ng mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.

17 At ang katanyagan ni David ay lumaganap sa lahat ng lupain; nilagyan ng Panginoon ng takot sa kanya ang lahat ng mga bansa.

Roma 1:1-17

Si Pablo na alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, ibinukod para sa ebanghelyo ng Diyos,

na kanyang ipinangako noong una sa pamamagitan ng kanyang mga propeta sa mga banal na kasulatan,

tungkol sa kanyang Anak na mula sa binhi ni David ayon sa laman

at ipinahayag na Anak ng Diyos na may kapangyarihan ayon sa Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay mula sa mga patay, na ito'y si Jesu-Cristo na Panginoon natin.

Sa pamamagitan niya'y tumanggap kami ng biyaya at pagka-apostol, para sa pagsunod sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kanyang pangalan;

sa mga ito ay kasama kayo na mga tinawag kay Jesu-Cristo:

Sa lahat ninyong nasa Roma na mga iniibig ng Diyos, mga tinawag na banal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma

Una, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo tungkol sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay ipinahahayag sa buong daigdig.

Sapagkat saksi ko ang Diyos, na aking pinaglilingkuran sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kanyang Anak, na walang tigil na binabanggit ko kayo sa aking panalangin,

10 at lagi kong hinihiling sa anumang paraan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta sa inyo.

11 Sapagkat nasasabik akong makita kayo upang maibahagi ko sa inyo ang ilang kaloob na espirituwal upang mapatibay kayo.

12 Samakatuwid ay upang kapwa tayo mapalakas sa pamamagitan ng pananampalataya ng isa't isa, na ito'y sa inyo at sa akin.

13 Nais(A) kong malaman ninyo, mga kapatid, na madalas kong binalak na makapunta sa inyo (subalit hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon din naman ako ng bunga sa inyo, gayundin naman sa iba pang mga Hentil.

14 Ako'y may pananagutan sa mga Griyego at sa mga barbaro, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang.

15 Kaya't sa ganang akin, nasasabik din akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma.

Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo

16 Sapagkat(B) hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego.

17 Sapagkat(C) dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya; gaya ng nasusulat, “Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[a]

Mga Awit 9:13-20

13 O Panginoon! Kahabagan mo ako,
    mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo.
    Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo,
14 upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo,
    upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion,
    ay ikagalak ko ang pagliligtas mo.

15 Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa;
    sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli.
16 Ipinakilala ng Panginoon ang sarili niya,
siya'y naglapat ng pasiya;
    ang masama ay nasilo sa mga gawa
ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)

17 Babalik sa Sheol ang masama
    ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa.
18 Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan,
    at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman.
19 Bumangon ka, O Panginoon; huwag papanaigin ang tao;
    hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo!
20 Ilagay mo sila sa pagkatakot, O Panginoon!
    Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah)

Mga Kawikaan 19:4-5

Ang kayamanan ay nagdaragdag ng maraming bagong kaibigan,
    ngunit ang dukha ay iniiwan ng kanyang kaibigan.
Ang bulaang saksi ay tiyak na parurusahan,
    at hindi makakatakas ang nagsasalita ng mga kasinungalingan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001