Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 5:18-6:81

Ang mga Digmaan ng mga Lipi na Nasa Jordan

18 Ang mga anak ni Ruben, ang mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases ay may matatapang na lalaki na nagdala ng kalasag at tabak, namamana ng palaso, at bihasa sa pakikipagdigma. Sila ay apatnapu't apat na libo, pitong daan at animnapu na handa sa pakikipagdigma.

19 Sila'y nakipagdigma sa mga Hagrita, kina Jetur, Nafis, at Nodab.

20 Nang sila'y makatanggap ng tulong laban sa kanila, ang mga Hagrita at ang lahat sa kasama nila ay ibinigay sa kanilang kamay sapagkat sila'y nanalangin sa Diyos sa pakikipaglaban. At kanyang ipinagkaloob sa kanila ang kanilang hiling sapagkat sila'y nagtiwala sa kanya.

21 Kanilang dinala ang kanilang mga hayop: ang limampung libo sa kanilang mga kamelyo, dalawandaan at limampung libong mga tupa, dalawang libong mga asno, at isandaang libong bihag.

22 Maraming bumagsak at napatay sapagkat ang pakikipaglaban ay sa Diyos. At sila'y nanirahan sa kanilang lugar hanggang sa pagkabihag.

Ang mga Anak ng Kalahating Lipi ni Manases

23 Ang mga anak ng kalahating lipi ni Manases ay nanirahan sa lupain. Sila'y napakarami mula sa Basan hanggang sa Baal-hermon, Senir at sa Bundok ng Hermon.

24 Ang mga ito ang mga puno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang: sina Efer, Ishi, Eliel, Azriel, Jeremias, Hodavias, at Jadiel, matatapang na mandirigma, mga bantog na lalaki, na mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang.

25 Ngunit sila'y sumuway sa Diyos ng kanilang mga ninuno, at bumaling sa mga diyos ng mga bayan ng lupain na nilipol ng Diyos sa harap nila.

26 Kaya't(A) inudyukan ng Diyos ng Israel ang diwa ni Pul na hari ng Asiria at ang diwa ni Tilgat-pilneser na hari ng Asiria, at kanilang dinalang-bihag ang mga Rubenita, ang mga Gadita, at ang kalahati ng lipi ni Manases. Dinala ang mga ito hanggang sa Hala, sa Habor, sa Hara, at sa ilog ng Gozan, hanggang sa araw na ito.

Mga Anak ni Levi

Ang mga anak ni Levi ay sina Gershon,[a] Kohat, at Merari.

Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel.

Ang mga anak ni Amram ay sina Aaron, Moises, at Miriam. Ang mga anak ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar.

Si Eleazar ang ama ni Finehas, at si Finehas ang ama ni Abisua.

Si Abisua ang ama ni Buki, at si Buki ang ama ni Uzi.

Si Uzi ang ama ni Zeraias, si Zeraias ang ama ni Meraiot.

Si Meraiot ang ama ni Amarias, si Amarias ang ama ni Ahitub.

Si Ahitub ang ama ni Zadok, si Zadok ang ama ni Ahimaaz.

Si Ahimaaz ang ama ni Azarias, at si Azarias ang ama ni Johanan.

10 Si Johanan ang ama ni Azarias (na siyang naglingkod bilang pari sa bahay na itinayo ni Solomon sa Jerusalem).

11 Si Azarias ang ama ni Amarias, si Amarias ang ama ni Ahitub;

12 si Ahitub ang ama ni Zadok, si Zadok ang ama ni Shallum.

13 Si Shallum ang ama ni Hilkias, at si Hilkias ang ama ni Azarias.

14 Si Azarias ang ama ni Seraya, at si Seraya ang ama ni Jehozadak,

15 si Jehozadak ay nabihag nang ipabihag ng Panginoon ang Juda at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Nebukadnezar.

16 Ang(B) mga anak ni Levi ay sina Gershon, Kohat, at Merari.

17 Ang mga ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gershon: sina Libni at Shimei.

18 Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel.

19 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Ang mga ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang.

20 Kay Gershon: si Libni na kanyang anak, si Jahat na kanyang anak, si Zimma na kanyang anak;

21 si Joah na kanyang anak, si Iddo na kanyang anak, si Zera na kanyang anak, si Jeotrai na kanyang anak.

22 Ang mga anak ni Kohat ay sina Aminadab na kanyang anak, si Kora na kanyang anak, si Asir na kanyang anak;

23 si Elkana na kanyang anak, si Abiasaf na kanyang anak, si Asir na kanyang anak;

24 si Tahat na kanyang anak, si Uriel na kanyang anak, si Uzias na kanyang anak, at si Shaul na kanyang anak.

25 Ang mga anak ni Elkana ay sina Amasai at Achimot,

26 si Elkana na kanyang anak, si Sofai na kanyang anak, si Nahat na kanyang anak;

27 si Eliab na kanyang anak, si Jeroham na kanyang anak, si Elkana na kanyang anak.

28 Ang mga anak ni Samuel: ang panganay ay si Joel, at ang ikalawa'y si Abias.

29 Ang mga anak ni Merari ay si Mahli, si Libni na kanyang anak, si Shimei na kanyang anak, si Uzah na kanyang anak;

30 si Shimea na kanyang anak, si Haggia na kanyang anak, si Asaya na kanyang anak.

Ang mga Mang-aawit na Levita

31 Ang mga ito ang mga inilagay ni David upang mangasiwa sa pag-aawitan sa bahay ng Panginoon, pagkatapos na mailagay roon ang kaban.

32 Sila'y naglingkod sa pamamagitan ng awit sa harap ng toldang tipanan hanggang sa itinayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem. Kanilang ginampanan ang paglilingkod ayon sa kanilang pagkakasunud-sunod.

33 Ang mga ito ang naglingkod at ang kanilang mga anak. Sa mga anak ng mga Kohatita: si Heman na mang-aawit na anak ni Joel, na anak ni Samuel;

34 na anak ni Elkana, na anak ni Jeroham, na anak ni Eliel, na anak ni Thoa;

35 na anak ni Zuf, na anak ni Elkana, na anak ni Mahat, na anak ni Amasai;

36 na anak ni Elkana, na anak ni Joel, na anak ni Azarias, na anak ni Sefanias,

37 na anak ni Tahat, na anak ni Asir, na anak ni Ahiasaph, na anak ni Kora;

38 na anak ni Izar, na anak ni Kohat, na anak ni Levi, na anak ni Israel.

39 At ang kanyang kapatid na si Asaf ay nakatayo sa kanyang kanan, samakatuwid ay si Asaf na anak ni Berequias, na anak ni Shimea;

40 na anak ni Micael, na anak ni Baasias, na anak ni Malkia;

41 na anak ni Athanai, na anak ni Zera, na anak ni Adaya;

42 na anak ni Etan, na anak ni Zimma, na anak ni Shimei;

43 na anak ni Jahat, na anak ni Gershon, na anak ni Levi.

44 At sa kaliwa ay ang kanilang mga kapatid na mga anak ni Merari: si Etan na anak ni Chisi, na anak ni Abdi, na anak ni Malluc;

45 na anak ni Hashabias, na anak ni Amasias, na anak ni Hilkias;

46 na anak ni Amasias, na anak ni Bani, na anak ni Semer;

47 na anak ni Mahli, na anak ni Musi, na anak ni Merari, na anak ni Levi.

48 At ang kanilang mga kapatid na mga Levita ay itinalaga sa lahat ng paglilingkod sa tabernakulo ng bahay ng Diyos.

49 Ngunit si Aaron at ang kanyang mga anak ay naghandog sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog, at sa ibabaw ng dambana ng insenso, para sa buong gawain sa dakong kabanal-banalan, upang gumawa ng pagtubos para sa Israel ayon sa lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Diyos.

50 Ang mga ito ang mga anak ni Aaron: si Eleazar na kanyang anak, si Finehas na kanyang anak, si Abisua na kanyang anak,

51 si Buki na kanyang anak, si Uzi na kanyang anak, si Zeraias na kanyang anak,

52 si Meraiot na kanyang anak, si Amarias na kanyang anak, si Ahitub na kanyang anak,

53 si Zadok na kanyang anak, si Ahimaaz na kanyang anak.

Ang mga Lugar na Tinitirhan ng mga Levita

54 Ang mga ito ang mga lugar na kanilang tinitirhan ayon sa kanilang mga kampo sa kanilang mga hangganan; sa mga anak ni Aaron, sa mga angkan ng mga Kohatita, sapagkat sila ang unang napili sa palabunutan.

55 Kanilang ibinigay sa kanila ang Hebron sa lupain ng Juda, at ang mga pastulan doon sa palibot,

56 ngunit ang mga bukid ng lunsod, at ang mga pastulan doon ay kanilang ibinigay kay Caleb na anak ni Jefone.

57 At sa mga anak ni Aaron ay kanilang ibinigay ang mga lunsod-kanlungan, ang Hebron; gayundin ang Libna pati ang mga pastulan doon, ang Jatir, at ang Estemoa pati ang mga pastulan doon,

58 ang Hilen[b] pati ang mga pastulan doon, ang Debir pati ang mga pastulan doon;

59 ang Asan pati ang mga pastulan doon, at ang Bet-shemes pati ang mga pastulan doon.

60 At mula sa lipi ni Benjamin: ang Geba pati ang mga pastulan doon, ang Alemet pati ang mga pastulan doon, at ang Anatot pati na ang mga pastulan doon. Ang lahat ng kanilang bayan sa lahat na kanilang angkan ay labintatlong bayan.

61 Ang iba pa sa mga anak ni Kohatita ay binigyan sa pamamagitan ng palabunutan, mula sa angkan ng kalahating lipi ni Manases, sampung bayan.

62 At sa mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang mga angkan, sa lipi ni Isacar, sa lipi ni Aser, sa lipi ni Neftali, at sa lipi ni Manases sa Basan, labintatlong bayan.

63 Ang mga anak ni Merari ay binigyan sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa kanilang mga angkan sa lipi ni Ruben, sa lipi ni Gad, at sa lipi ni Zebulon, labindalawang bayan.

64 At ibinigay ng mga anak ni Israel sa mga Levita ang mga bayan pati na ang mga pastulan doon.

65 At kanilang ibinigay sa pamamagitan ng palabunutan sa lipi ng mga anak ni Juda, sa lipi ng mga anak ni Simeon, at sa lipi ng mga anak ni Benjamin, ang mga bayang ito na binanggit sa pangalan.

Ang mga Bayan ng mga Levita

66 Ang ilan sa mga angkan ng mga anak ni Kohat ay may mga bayan sa kanilang mga nasasakupan na mula sa lipi ni Efraim.

67 Sa kanila ay ibinigay ang mga lunsod-kanlungan: ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim pati na ang mga pastulan doon, gayundin ang Gezer pati na ang mga pastulan doon.

68 Ang Jocmeam pati na ang mga pastulan doon; at ang Bet-horon pati na ang mga pastulan doon.

69 Ang Ajalon pati na ang mga pastulan doon; at ang Gat-rimon pati na ang mga pastulan doon.

70 At mula sa kalahating lipi ni Manases; ang Aner pati na ang mga pastulan doon, ang Bilam pati na ang mga pastulan doon sa nalabi sa angkan ng mga anak ni Kohatita.

71 Sa mga anak ni Gershon ay napabigay, mula sa angkan ng kalahating lipi ni Manases, ang Golan sa Basan pati na ang mga pastulan doon, at ang Astarot pati na ang mga pastulan doon.

72 At mula sa lipi ni Isacar, ang Kedes pati na ang mga pastulan doon, ang Daberat pati na ang mga pastulan doon;

73 ang Ramot pati na ang mga pastulan doon, ang Anem pati na ang mga pastulan doon.

74 At mula sa lipi ni Aser, ang Masal pati na ang mga pastulan doon, ang Abdon pati na ang mga pastulan doon,

75 ang Hukok pati na ang mga pastulan doon, ang Rehob pati na ang mga pastulan doon.

76 At mula sa lipi ni Neftali; ang Kedes sa Galilea pati na ang mga pastulan doon, ang Hamon pati na ang mga pastulan doon, at ang Kiryataim pati na ang mga pastulan doon.

77 Sa iba pang mga anak ni Merari ay napabigay mula sa lipi ni Zebulon ang Rimono pati na ang mga pastulan doon, ang Tabor pati na ang mga pastulan doon.

78 At sa dako roon ng Jordan sa Jerico sa dakong silangan ng Jordan ay napabigay sa kanila mula sa lipi ni Ruben, ang Bezer sa ilang pati na ang mga pastulan doon, at ang Jaza pati na ang mga pastulan doon,

79 ang Kedemot pati na ang mga pastulan doon, ang Mefaat pati na ang mga pastulan doon.

80 At mula sa lipi ni Gad; ang Ramot sa Gilead pati na ang mga pastulan doon, at ang Mahanaim pati na ang mga pastulan doon,

81 ang Hesbon pati na ang mga pastulan doon, at ang Jazer pati na ang mga pastulan.

Mga Gawa 26

Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Agripa

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “May pahintulot kang magsalita para sa iyong sarili.” Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at ginawa ang kanyang pagtatanggol:

“Itinuturing kong mapalad ako, Haring Agripa, na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito laban sa lahat ng ipinaratang ng mga Judio;

sapagkat bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga usapin ng mga Judio, kaya ipinapakiusap ko sa iyo na matiyaga mo akong pakinggan.

“Ang aking pamumuhay mula sa aking pagkabata, na simula pa'y ginugol ko na sa aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio.

Nalalaman(A) nila mula pa nang una, kung handa silang magpatunay, na alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay namuhay ako bilang isang Fariseo.

At ngayo'y nakatayo ako rito upang litisin dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga ninuno;

na inaasahang matamo ng aming labindalawang lipi sa kanilang masigasig na paglilingkod gabi at araw. At dahil sa pag-asang ito ay isinasakdal ako ng mga Judio, O hari!

Bakit inaakala ninyong hindi kapani-paniwalang binubuhay ng Diyos ang mga patay?

“Ako(B) mismo ay napaniwala na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret.

10 At ginawa ko ito sa Jerusalem; at hindi ko lamang kinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, sa pamamagitan ng awtoridad mula sa mga punong pari, kundi nang sila'y ipapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila.

11 Madalas ko silang pinarurusahan sa lahat ng mga sinagoga at pinipilit ko silang manlapastangan; at sa nag-aalab na pagkagalit sa kanila ay pinag-uusig ko sila maging sa mga lunsod sa ibang lupain.

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob(C)

12 “Kaya't naglakbay ako patungo sa Damasco na taglay ang awtoridad at pahintulot ng mga punong pari.

13 Nang katanghalian, O hari, ay nakita ko sa daan ang isang liwanag mula sa langit na higit na maliwanag kaysa araw, na nagningning sa palibot ko at sa mga naglalakbay na kasama ko.

14 Nang bumagsak kaming lahat sa lupa ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Makakasakit sa iyo ang sumikad sa matutulis.’

15 At sinabi ko, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi ng Panginoon, ‘Ako'y si Jesus na iyong pinag-uusig.

16 Subalit bumangon ka, at ikaw ay tumindig sapagkat sa layuning ito nagpakita ako sa iyo, upang italaga kang lingkod at maging saksi sa mga bagay na nakita mo sa akin at sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo.

17 Ililigtas kita sa mga kababayan mo at sa mga Hentil, na sa kanila'y isinusugo kita,

18 upang buksan ang kanilang mga mata, at sila'y magbalik mula sa kadiliman tungo sa liwanag at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang makatanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng isang pook sa piling ng mga ginawang banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.’

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod

19 “Pagkalipas noon, O Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa makalangit na pangitain,

20 kundi(D) ipinangaral muna sa mga nasa Damasco, at pagkatapos ay sa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, at sa mga Hentil, na sila'y magsisi at magbagong-loob sa Diyos at gumawa ng mga gawang naaangkop sa pagsisisi.

21 Dahil dito hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsikapang ako'y patayin.

22 Hanggang sa araw na ito ay natatamo ko ang tulong mula sa Diyos, kaya't nakatayo akong nagpapatotoo sa maliliit at gayundin sa malalaki, na walang sinasabi kundi ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari:

23 na(E) ang Cristo ay dapat magdusa at sa pagiging una sa pagbangon mula sa mga patay, ay ipahayag ang liwanag sa bayan, at gayundin sa mga Hentil.”

24 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito sa kanyang pagtatanggol, ay sinabi ni Festo nang may malakas na tinig, “Pablo, ikaw ay baliw; ang labis mong karunungan ay siyang nagpapabaliw sa iyo!”

25 Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo; kundi mga salita ng katotohanan at katuwiran ang sinasabi ko.

26 Sapagkat nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, at sa kanya'y nagsasalita ako ng buong laya, sapagkat naniniwala ako na sa kanya'y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagkat ito'y hindi ginawa sa isang sulok.

27 Haring Agripa, naniniwala ka ba sa mga propeta? Nalalaman kong naniniwala ka.”

28 At sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!”

29 Ngunit sinabi ni Pablo, “Loobin nawa ng Diyos, na sa madali o matagal man, ay hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon, ay maging katulad ko naman, maliban sa mga tanikalang ito.”

30 Pagkatapos ay tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang mga nakaupong kasama nila,

31 at nang sila'y makalayo, ay sinabi nila sa isa't isa, “Ang taong ito ay walang anumang ginagawa na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.”

32 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Ang taong ito ay maaari na sanang palayain kung hindi siya dumulog kay Cesar.”

Mga Awit 6

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.

O(A) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
    ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
    O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
    Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?

Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
    iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
    sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?

Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
    bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
    dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
    ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.

Lumayo(B) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
    sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
    tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
    sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.

Mga Kawikaan 18:20-21

20 Ang isang tao'y nabubusog ng bunga ng bibig niya,
    sa bunga ng kanyang mga labi ay nasisiyahan siya.
21 Ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila;
    at ang umiibig sa kanya ay kakain ng kanyang mga bunga.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001