Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 22

Si Ahab at si Jehoshafat ay Nagsanib Laban sa Siria(A)

22 Sa loob ng tatlong taon ang Siria at ang Israel ay nagpatuloy na walang digmaan.

Ngunit nang ikatlong taon, lumusong si Jehoshafat na hari ng Juda sa hari ng Israel.

Sinabi ng hari ng Israel sa kanyang mga lingkod, “Alam ba ninyo na ang Ramot-gilead ay atin, at tayo'y tumatahimik, at hindi natin ito inaagaw sa kamay ng hari ng Siria?”

Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa akin sa pakikipaglaban sa Ramot-gilead?” At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Ako'y para sa iyo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”

Nagtanong sa Propeta

Sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”

Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta, na may apatnaraang lalaki, at sinabi sa kanila, “Hahayo ba ako laban sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpaparaya ako?” At sinabi nila, “Umahon ka sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”

Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon upang makasangguni tayo sa kanya?”

At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na maaari nating sanggunian sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya sapagkat hindi siya nagpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsalita ng ganyan ang hari.”

Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang punong-kawal, at nagsabi, “Dalhin rito agad si Micaya na anak ni Imla.”

10 Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono na nakadamit hari, sa isang giikan sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria. Lahat ng mga propeta ay nagsasalita ng propesiya sa harap nila.

11 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’”

12 Gayundin ang ipinahayag ng lahat ng propeta, na nagsasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay ka, sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”

Ang Pahayag ni Micaya Laban kay Ahab

13 Ang sugo na humayo upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Ang lahat ng mga salita ng mga propeta ay kasiya-siya sa hari; hayaan mong ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kasiya-siya.”

14 At sinabi ni Micaya, “Buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng Panginoon sa akin, iyon ang aking sasabihin.”

15 Nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil kami?” At kanyang isinagot sa kanya, “Humayo ka at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”

16 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit kong ipag-uutos sa iyo na wala kang sasabihing anuman sa akin, kundi ang katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”

17 At(B) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito ay walang panginoon; hayaang umuwi nang payapa ang bawat lalaki sa kanyang bahay.’”

18 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan?”

19 At(C) sinabi ni Micaya, “Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon. Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.

20 Sinabi ng Panginoon, ‘Sinong hihikayat kay Ahab upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ Ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang isa ay ibang bagay.

21 Pagkatapos ay lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, ‘Hihikayatin ko siya.’

22 At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Paano?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y lalabas at magiging sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng kanyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Iyong hihikayatin siya at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo.’

23 Kaya't ngayon ay tingnan mo, inilagay ng Panginoon ang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propeta, at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”

24 Pagkatapos ay lumapit si Zedekias na anak ni Canaana, sinampal si Micaya, at sinabi, “Paanong umalis ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”

25 Sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.”

26 At sinabi ng hari sa Israel, “Dakpin si Micaya, at ibalik kay Amon na tagapamahala ng lunsod, at kay Joas na anak ng hari;

27 at inyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng hari, “Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at tustusan ninyo siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y dumating na payapa.”’”

28 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay bumalik na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayo, mga mamamayan!”

Sinalakay ang Ramot-gilead(D)

29 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.

30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong damit panghari.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo at pumunta sa labanan.

31 Ang hari ng Siria ay nag-utos sa tatlumpu't dalawang punong-kawal ng kanyang mga karwahe, “Huwag kayong makipaglaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari ng Israel.”

32 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat ay kanilang sinabi, “Tiyak na ito ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y bumalik upang makipaglaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw.

33 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa pagtugis sa kanya.

34 Subalit pinakawalan ng isang lalaki ang kanyang palaso sa pagbabaka-sakali, at tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng dugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't kanyang sinabi sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Pumihit ka, at ilabas mo ako sa labanan, sapagkat ako'y sugatan.”

35 Uminit ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay napigil sa kanyang karwahe sa harap ng mga taga-Siria, at namatay sa kinahapunan. Ang dugo ay dumaloy mula sa sugat hanggang sa ilalim ng karwahe.

36 Nang paglubog ng araw ay may isinigaw sa buong hukbo, “Bawat lalaki ay sa kanyang lunsod, at bawat lalaki ay sa kanyang lupain.”

Si Ahab ay Napatay

37 Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria, at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.

38 At kanilang hinugasan ang karwahe sa tabi ng tangke ng Samaria; hinimod ng mga aso ang kanyang dugo at ang mga masasamang babae ay nagsipaligo roon, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi.

39 Ang iba sa mga gawa ni Ahab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kanyang itinayo, at ang lahat ng lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga hari sa Israel?

40 Sa gayo'y natulog si Ahab na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Ahazias na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Jehoshafat ay Naghari sa Juda(E)

41 Si Jehoshafat na anak ni Asa ay nagsimulang maghari sa Juda nang ikaapat na taon ni Ahab na hari ng Israel.

42 Si Jehoshafat ay tatlumpu't limang taon nang magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.

43 Siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Asa na kanyang ama. Hindi siya lumihis doon at kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, gayunma'y ang matataas na dako ay hindi niya inalis, at ang bayan ay nagpatuloy na naghahandog at nagsusunog ng insenso sa matataas na dako.

44 Si Jehoshafat ay nakipagpayapaan din sa hari ng Israel.

45 Ang iba sa mga gawa ni Jehoshafat, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakita, at kung paanong siya'y nakipagdigma, di ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga hari ng Juda?

46 At ang mga nalabi sa mga sodomita[c] na nanatili sa mga araw ng kanyang amang si Asa ay pinuksa niya sa lupain.

47 Walang hari sa Edom; isang kinatawan ang hari.

48 Si Jehoshafat ay gumawa ng mga sasakyang dagat sa Tarsis upang pumunta sa Ofir dahil sa ginto, ngunit hindi sila nakarating sapagkat ang mga sasakyan ay nasira sa Ezion-geber.

49 Nang magkagayo'y sinabi ni Ahazias na anak ni Ahab kay Jehoshafat, “Hayaan mong sumama ang aking mga lingkod sa iyong mga lingkod sa mga barko.” Ngunit ayaw ni Jehoshafat.

50 At si Jehoshafat ay natulog at nalibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Jehoram na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Ahazias ay Naghari sa Israel

51 Si Ahazias na anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, nang ikalabimpitong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, at siya'y naghari ng dalawang taon sa Israel.

52 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa landas ng kanyang ama at ina, at sa landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.

53 Siya'y naglingkod kay Baal at sumamba sa kanya, at ginalit niya ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang ama.

Mga Gawa 13:16-41

16 Kaya't tumindig si Pablo at sa pagsenyas ng kanyang kamay ay nagsabi,

“Mga lalaking Israelita, at kayong may takot sa Diyos, makinig kayo.

17 Hinirang(A) ng Diyos nitong bayang Israel ang ating mga ninuno, at ginawang dakila ang bayan nang sila'y nakipamayan sa Ehipto, at sa pamamagitan ng nakataas na bisig ay kanyang inilabas sila roon.

18 (B) Sa halos apatnapung taon ay kanyang pinagtiyagaan sila sa ilang.

19 Nang(C) mawasak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, ibinigay niya sa kanila ang kanilang lupain bilang pamana,

20 sa(D) loob ng halos apatnaraan at limampung taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay kanyang binigyan sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta.

21 (E) Pagkatapos ay humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kish na isang lalaki sa lipi ni Benjamin na naghari sa loob ng apatnapung taon.

22 (F) Nang siya'y alisin niya, si David ay ginawang hari nila. Sa kanyang patotoo ay sinabi niya tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko si David na anak ni Jesse, na isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko.’

23 Mula sa binhi ng taong ito, ang Diyos ay nagkaloob ng isang Tagapagligtas sa Israel na si Jesus, gaya ng kanyang ipinangako.

24 Bago(G) pa siya dumating ay nangaral si Juan ng bautismo ng pagsisisi sa buong bayan ng Israel.

25 At(H) samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain ay sinabi niya, ‘Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako siya. Ngunit may dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng sandalyas ng kanyang mga paa.’

26 “Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham, at ang mga sa inyo'y may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salita ng kaligtasang ito.

27 Sapagkat hindi nakilala ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng mga pinuno nila si Jesus[a] ni ang mga tinig ng mga propeta na binabasa tuwing Sabbath, tinupad nila ang mga salitang ito sa pamamagitan ng paghatol sa kanya.

28 At(I) kahit na hindi sila nakatagpo sa kanya ng anumang kadahilanang dapat ikamatay, gayunma'y kanilang hiningi kay Pilato na siya'y patayin.

29 Nang(J) matupad na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat tungkol sa kanya, kanilang ibinaba siya sa punungkahoy at inilagay sa isang libingan.

30 Ngunit siya'y binuhay ng Diyos mula sa mga patay.

31 At(K) sa loob ng maraming mga araw ay nakita siya ng mga kasama niyang pumunta buhat sa Galilea patungo sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa taong-bayan.

32 Ipinangangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng pangako ng Diyos sa ating mga ninuno,

33 na(L) ang mga bagay na ito ay tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit,

    ‘Ikaw ay aking Anak,
    sa araw na ito ay naging anak kita.’

34 (M) Tungkol sa pagkabuhay niya mula sa mga patay, upang hindi na magbalik sa kabulukan, ay ganito ang sinabi niya,

    ‘Ibibigay ko sa iyo ang banal at mga maaasahang pangako kay David.’

35 Kaya't(N) sinasabi rin niya sa isa pang awit,

    ‘Hindi mo hahayaan na ang iyong Banal ay makakita ng pagkabulok.’

36 Sapagkat si David, pagkatapos niyang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos sa kanyang sariling salinlahi, ay namatay[b] at isinama sa kanyang mga ninuno, at nakakita ng pagkabulok.

37 Subalit ang binuhay ng Diyos ay hindi nakakita ng kabulukan.

38 Kaya mga kapatid, maging hayag nawa sa inyo na sa pamamagitan ng taong ito'y ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan;

39 at sa pamamagitan niya ang bawat nananampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, kung saan hindi kayo kayang ariing-ganap ng kautusan ni Moises.

40 Kaya nga mag-ingat kayo, baka dumating sa inyo ang sinabi ng mga propeta:

41 ‘Tingnan(O) ninyo, mga mapanlibak!
    Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawa sa inyong mga araw,
    isang gawang sa anumang paraa'y hindi ninyo paniniwalaan kung sabihin sa inyo ng sinuman.’”

Mga Awit 138

Awit ni David.

138 Ako'y nagpapasalamat sa iyo, O Panginoon, ng aking buong puso;
    sa harapan ng mga diyos ay aawit ako ng mga papuri sa iyo.
Ako'y yuyukod paharap sa iyong banal na templo,
at magpapasalamat sa iyong pangalan dahil sa iyong tapat na pag-ibig at katapatan,
    sapagkat iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan.
Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako,
    iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa.

Lahat ng mga hari sa lupa ay magpupuri sa iyo, O Panginoon,
    sapagkat kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig;
at sila'y magsisiawit tungkol sa mga pamamaraan ng Panginoon;
    sapagkat dakila ang kaluwalhatian ng Panginoon.
Bagaman ang Panginoon ay mataas, kanyang pinapahalagahan ang mababa;
    ngunit ang palalo ay nakikilala niya mula sa malayo.

Bagaman ako'y lumalakad sa gitna ng kaguluhan,
    ako'y iyong muling bubuhayin,
iyong iniuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway,
    at ililigtas ako ng iyong kanang kamay.
Tutuparin ng Panginoon ang kanyang layunin para sa akin;
    ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay magpakailanman.
    Huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong mga kamay.

Mga Kawikaan 17:17-18

17 Ang kaibigan sa lahat ng panahon ay nagmamahal,
    at ang isang kapatid ay ipinanganak para sa kagipitan.
18 Ang taong walang katinuan ay nagbibigay ng sangla,
    at nagiging tagapanagot sa harapan ng kanyang kapwa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001