Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Hari 3-4

Humingi si Solomon ng Karunungan(A)

Nakipag-alyansa si Solomon sa Faraon na hari ng Egipto at naging asawa niya ang anak nito. Dinala niya ang kanyang asawa sa Lungsod ni David[a] hanggang sa matapos niya ang pagpapatayo ng kanyang palasyo, ng templo ng Panginoon, at ng mga pader sa paligid ng Jerusalem. Wala pang templo noon para sa Panginoon, kaya ang mga tao ay naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar.[b] Ipinakita ni Solomon ang pagmamahal niya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng mga tuntunin na iniwan ng ama niyang si David. Maliban doon, naghandog siya at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar.

Isang araw, pumunta si Haring Solomon sa Gibeon para maghandog dahil naroon ang pinakatanyag na sambahan sa mataas na lugar. Nag-alay siya sa altar ng 1,000 handog na sinusunog. Kinagabihan, nagpakita sa kanya ang Panginoon sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo.” Sumagot si Solomon, “Nagpakita po kayo ng malaking kabutihan sa aking amang si David, na inyong lingkod, dahil matapat siya sa inyo, at matuwid ang kanyang pamumuhay. Patuloy nʼyo pong ipinakita sa kanya ang inyong malaking kabutihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng isang anak na siya pong pumalit sa kanya bilang hari ngayon. Panginoon na aking Dios, ako na inyong lingkod ang ipinalit ninyo sa ama kong si David bilang hari, kahit binatilyo pa ako at wala pang karanasan sa pamamahala. At ngayon narito po ako kasama ang pinili ninyong mga mamamayan, na hindi mabilang sa sobrang dami. Kaya bigyan nʼyo po ako ng karunungan para pamahalaan ang inyong mga mamamayan at kaalamang malaman kung ano ang mabuti at masama. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa inyong mga mamamayan na napakarami?”

10 Natuwa ang Panginoon sa hiningi ni Solomon. 11 Kaya sinabi ng Dios sa kanya, “Dahil humingi ka ng kaalaman na mapamahalaan ang aking mga mamamayan at hindi ka humingi ng mahabang buhay o kayamanan o kamatayan ng iyong mga kaaway, 12 ibibigay ko sa iyo ang kahilingan mo. Bibigyan kita ng karunungan at kaalaman na hindi pa naangkin ng kahit sino, noon at sa darating na panahon. 13 Bibigyan din kita ng hindi mo hiningi, ang kayamanan at karangalan para walang hari na makapantay sa iyo sa buong buhay mo. 14 At kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at tutupad sa aking mga tuntunin at mga utos, katulad ng ginawa ng iyong ama na si David, bibigyan kita ng mahabang buhay.”

15 Nagising si Solomon, at naunawaan niya na nakipag-usap ang Panginoon sa kanya sa pamamagitan ng panaginip. Pagbalik ni Solomon sa Jerusalem, tumayo siya sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[c] Nagpahanda agad siya ng mga pagkain para sa lahat ng pinuno niya.

Ang Mahusay na Paghatol ni Solomon

16 May dalawang babaeng bayaran na pumunta kay Haring Solomon. 17 Nagsalita ang isa sa kanila, “Mahal na Hari, ako at ang babaeng ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak ako habang naroon siya sa bahay. 18 Pagkalipas ng tatlong araw, siya naman ang nanganak. Kaming dalawa lang ang nasa bahay at wala nang iba. 19 Isang gabi, nahigaan niya ang kanyang anak at namatay ito. 20 Nang maghatinggabi, bumangon siya habang natutulog ako at pinagpalit ang mga anak namin. Inilagay niya ang anak ko sa tabi niya at ang anak naman niyang namatay ay inilagay niya sa tabi ko. 21 Kinabukasan, nang bumangon ako para pasusuhin ang anak ko, nakita kong patay na ito. At nang mapagmasdan ko nang mabuti ang sanggol sa liwanag, nakita kong hindi siya ang aking anak.”

22 Sumagot ang isang babae, “Hindi totoo iyan! Akin ang buhay na sanggol at sa iyo ang patay.” Pero sinabi ng unang babae, “Hindi totoo iyan! Iyo ang patay na sanggol at akin ang buhay.” Kaya nagsagutan silang dalawa sa harapan ng hari.

23 Sinabi ng hari, “Ang bawat isa sa inyo ay gustong angkinin ang buhay na sanggol at walang isa man sa inyo ang gustong umangkin sa patay na sanggol.” 24 Kaya nag-utos ang hari na bigyan siya ng espada. At nang dalhan siya ng espada, 25 inutos niya, “Hatiin ang buhay na sanggol at ibigay ang bawat kalahati sa kanilang dalawa.”

26 Dahil sa awa ng totoong ina sa kanyang sanggol, sinabi niya sa hari, “Maawa po kayo, Mahal na Hari, huwag po ninyong patayin ang sanggol. Ibigay nʼyo na lang po siya sa babaeng iyan.” Pero sinabi ng isang babae, “Hatiin nʼyo na lang po ang sanggol para wala ni isa man sa amin ang makaangkin sa kanya.”

27 Pagkatapos, sinabi ng hari, “Huwag hatiin ang buhay na sanggol. Ibigay ito sa babae na nagmamakaawa na huwag itong patayin, dahil siya ang tunay na ina.”

28 Nang marinig ng mga mamamayan ng Israel ang pagpapasya ng hari, lumaki ang paggalang nila sa kanya, dahil nakita nila na may karunungan siyang mula sa Dios sa paghatol ng tama.

Ang mga Pinuno ni Solomon

Naghari si Solomon sa buong Israel. At ito ang kanyang matataas na pinuno:

Si Azaria ang punong pari mula sa angkan ni Zadok.

Sina Elihoref at Ahia na mga anak ni Sisha, ang mga kalihim ng hari.

Si Jehoshafat na anak ni Ahilud, ang namamahala ng mga kasulatan ng kaharian.

Si Benaya na anak ni Jehoyada ang kumander ng mga sundalo.

Sina Zadok at Abiatar ang mga pari.

Si Azaria na anak ni Natan ang pinuno ng mga gobernador sa mga distrito ng Israel.

Ang paring si Zabud na anak din ni Natan ang personal na tagapayo ng hari.

Si Ahisar ang tagapamahala ng palasyo.

At si Adoniram na anak ni Abda, ang namamahala sa mga aliping sapilitang pinagtatrabaho.

Mayroon ding 12 gobernador si Solomon sa mga distrito ng buong Israel. Sila ang nagbibigay ng pagkain sa hari at sa sambahayan niya. Bawat isa sa kanila ay nagbibigay ng pagkain sa isang buwan bawat taon. Ito ang kanilang mga pangalan:

Si Ben Hur, na namamahala sa kabundukan ng Efraim.

Si Ben Deker na namamahala sa Makaz, Saalbim, Bet Shemesh at sa Elon Bet Hanan.

10 Si Ben Hesed na namamahala sa Arubot, kasama na rito ang Soco at ang buong lupain ng Hefer.

11 Si Ben Abinadab na namamahala sa Nafat Dor. (Asawa siya ni Tafat na anak ni Solomon.)

12 Si Baana na anak ni Ahilud, na namamahala sa Taanac, Megido, sa buong Bet Shan malapit sa Zaretan sa ibaba ng Jezreel at sa mga lugar na mula sa Bet Shan hanggang Abel Mehola at patawid sa Jokmeam.

13 Si Ben Geber, na namamahala sa Ramot Gilead, kasama na rito ang mga bayan ni Jair na anak ni Manase, at sa mga distrito ng Argob sa Bashan, kasama na ang 60 malalaki at napapaderang bayan, na ang mga pintuan ay may tarangkahang tanso.

14 Si Ahinadab na anak ni Iddo, na namamahala sa Mahanaim.

15 Si Ahimaaz, na namamahala sa Naftali. (Asawa siya ni Basemat na anak ni Solomon.)

16 Si Baana na anak ni Hushai, na namamahala sa Asher at sa Alot.

17 Si Jehoshafat na anak ni Parua, na namamahala sa Isacar.

18 Si Shimei na anak ni Ela, na namamahala sa Benjamin.

19 Si Geber na anak ni Uri, na namamahala sa Gilead na sakop noon ni Sihon na hari ng mga Amoreo at ni Haring Og ng Bashan. Si Geber lang ang gobernador sa buong distritong ito.[d]

Ang Kasaganaan at ang Karunungan ni Solomon

20 Ang bilang ng mga tao sa Juda at Israel ay tulad ng buhangin sa dalampasigan na hindi mabilang. Sagana sila sa pagkain at inumin, at masaya sila. 21 Si Solomon ang namamahala sa lahat ng kaharian mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo, hanggang sa hangganan ng Egipto. Ang mga kahariang ito ay nagbabayad ng buwis kay Solomon at nagpapasakop sa kanya habang nabubuhay siya.

22 Ito ang mga pagkaing kailangan ni Solomon sa kanyang palasyo bawat araw: 100 sako ng magandang klaseng harina, 200 sako ng ordinaryong harina, 23 sampung pinatabang baka sa kulungan, 20 baka na galing sa pastulan, 100 tupa o kambing, hindi pa kasama ang ibaʼt ibang uri ng mga usa at magandang uri ng ibon at manok.

24 Sakop ni Solomon ang buong lupain sa kanlurang Ilog ng Eufrates mula sa Tifsa hanggang sa Gaza. At maganda ang pakikitungo niya sa lahat ng bansa sa palibot niya. 25 Kaya habang nabubuhay si Solomon, may kapayapaan sa Juda at sa Israel, mula Dan hanggang sa Beersheba. Ang bawat tao ay payapang nakaupo sa ilalim ng kanyang tanim na ubas at puno ng igos.

26 May 40,000[e] kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayong pangkarwahe at may 12,000 siyang mangangabayo.[f] 27 Ang mga gobernador sa mga distrito ang nagbibigay ng pangangailangan ni Haring Solomon at ng lahat ng nasa palasyo. Ang bawat isa sa kanila ay may responsibilidad sa pagbibigay bawat buwan. Tinitiyak nilang maibibigay ang mga pangangailangan ni Solomon. 28 Nagbibigay din sila ng sebada at dayami para sa mga kabayo. Dinadala nila ito sa lugar na dapat nitong pagdalhan sa oras na kailangan ito.

29 Binigyan ng Dios si Solomon ng di-pangkaraniwang karunungan at pang-unawa, at kaalaman na hindi masukat. 30 Ang kaalaman niya ay higit pa sa kaalaman ng lahat ng matatalino sa silangan at sa Egipto. 31 Siya ang pinakamatalino sa lahat. Mas matalino pa siya kaysa kay Etan na Ezrano at sa mga anak ni Mahol na sina Heman, Calcol at Darda. At naging tanyag siya sa mga nakapaligid na bansa. 32 Gumawa siya ng 3,000 kawikaan at 1,005 awit. 33 Makapagsasabi siya ng tungkol sa lahat ng uri ng pananim, mula sa malalaking punongkahoy hanggang sa maliliit na pananim.[g] Makapagsasabi rin siya tungkol sa lahat ng uri ng hayop na lumalakad, gumagapang, lumilipad, at lumalangoy. 34 Nabalitaan ng lahat ng hari sa mundo ang karunungan ni Solomon, kaya nagpadala sila ng mga tao para makinig sa kanyang karunungan.

2 Cronica 1

Humingi si Solomon ng Karunungan(A)

Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sa kaharian niya dahil kasama niya ang Panginoon na kanyang Dios, at siyaʼy ginawa niyang makapangyarihan. Nakipag-usap si Solomon sa lahat ng mga Israelita – sa mga kumander ng mga libu-libo at daan-daang mga sundalo, sa mga hukom, sa lahat ng pinuno ng Israel, at sa mga pinuno ng mga pamilya. Pagkatapos, umalis si Solomon at ang lahat ng tao papuntang sambahan sa matataas na lugar[a] sa Gibeon, dahil naroon ang Toldang Tipanan ng Dios. Ang toldang ito ay ang ipinagawa ni Moises na lingkod ng Panginoon sa disyerto. Nang panahong iyon, nailipat na ni David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios mula sa Kiriat Jearim papunta sa toldang inihanda niya para rito, doon sa Jerusalem. Ngunit ang tansong altar na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur ay naroon pa sa Gibeon sa harap ng Tolda ng Panginoon. Kaya doon nagtipon si Solomon at ang lahat ng tao para magtanong sa Panginoon. Pagkatapos, umakyat si Solomon sa tansong altar sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at naghandog siya ng 1,000 handog na sinusunog.

Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Solomon at sinabi sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo” Sumagot si Solomon, “Pinakitaan nʼyo po ng malaking kabutihan ang ama kong si David. At ngayon, ipinalit nʼyo ako sa kanya bilang hari. Kaya ngayon, Panginoong Dios, tuparin nʼyo po ang pangako nʼyo sa aking amang si David, dahil ginawa nʼyo po akong hari ng mga taong kasindami ng buhangin. 10 Bigyan nʼyo po ako ng karunungan at kaalaman para mapamahalaan ko ang mga taong ito. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa mga mamamayan ninyo na napakarami?”

11 Sinabi ng Dios kay Solomon, “Dahil humingi ka ng karunungan at kaalaman sa pamamahala ng aking mga mamamayan na kung saan ginawa kitang hari at hindi ka humingi ng kayamanan, o karangalan, o kamatayan ng iyong mga kalaban, o mahabang buhay, 12 ibibigay ko sa iyo ang iyong hinihingi. At hindi lang iyan, bibigyan din kita ng mga kayamanan at karangalan na hindi pa nakamtan ng sinumang hari noon at sa darating na panahon.”

13 Pagkatapos, umalis si Solomon sa Toldang Tipanan doon sa sambahan sa matataas na lugar na nasa Gibeon, at bumalik sa Jerusalem. At naghari siya sa Israel.

Ang mga Kayamanan ni Solomon(B)

14 Nakapagtipon si Solomon ng 1,400 karwahe at 12,000 kabayo.[b] Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 15 Nang panahong siya ang hari, ang pilak at ginto sa Jerusalem ay parang ordinaryong mga bato lang, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng ordinaryong mga kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[c] 16 Ang mga kabayo ni Solomon ay nagmula pa sa Egipto[d] at sa Cilicia.[e] Binili ito sa Cilicia ng kanyang mga tagabili sa tamang halaga. 17 Nang panahong iyon, ang halaga ng karwahe na mula sa Egipto ay 600 pirasong pilak at ang kabayo ay 150 pirasong pilak. Ipinagbili rin nila ito sa lahat ng hari ng mga Heteo at mga Arameo.[f]

Salmo 72

Panalangin para sa Hari

72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
    at durugin ang mga umaapi sa kanila.
Manatili sana siya[a] magpakailanman,
    habang may araw at buwan.
Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
    at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
    mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
    ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
    at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
    na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
    Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
    Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
    At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
    kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
    Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
    at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
    na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
    Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
    Amen! Amen!

20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®