Chronological
Ang Salita ng Buhay
1 Ipinaaalam namin sa inyo ang tungkol sa kanya na naroon na buhat pa sa simula—tungkol sa Salita ng buhay na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan at nahawakan ng aming mga kamay. 2 Nahayag ang buhay na ito, nakita namin at pinapatotohanan. Ipinaaalam namin sa inyo ang nahayag sa amin—ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama. 3 Ang aming nakita at narinig ang ipinapahayag namin sa inyo, upang magkaroon din kayo ng pakikipagkaisa sa amin. Ang pakikipagkaisa nating ito ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. 4 Isinusulat namin ang mga ito upang maging lubos ang aming[a] kagalakan.
Ang Diyos ay Liwanag
5 Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang anumang kadiliman. Ito ang mensahe na narinig namin mula sa kanyang Anak na siya naman naming ipinahahayag sa inyo. 6 Kung sinasabi nating may pakikipagkaisa tayo sa kanya, subalit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7 Ngunit kung tayo'y namumuhay sa liwanag tulad niya na nasa liwanag, may pakikipagkaisa tayo sa isa't isa; ang dugo ng kanyang Anak na si Jesus ang naglilinis sa atin sa lahat ng kasalanan. 8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. 9 Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at makatarungan na magpapatawad sa ating mga kasalanan at maglilinis sa atin mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kung sinasabi natin na tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.
Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
2 Mahal kong mga anak, isinusulat ko ang mga ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, mayroon tayong Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na matuwid. 2 Siya ang inialay bilang kabayaran sa ating mga kasalanan, hindi lamang sa ating mga kasalanan kundi maging ng buong sanlibutan.
3 Sa pamamagitan nito, natitiyak nating kilala natin siya, kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. 4 Ang sinumang nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” subalit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay isang sinungaling; wala sa taong iyon ang katotohanan. 5 Ngunit ang sinumang tumutupad sa salita ng Diyos, magiging ganap ang kanyang pag-ibig sa Diyos. Sa pamamagitan nito ay matitiyak natin na tayo ay nasa kanya. 6 Ang sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay kung paano namuhay si Jesus.
Ang Bagong Utos
7 Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo. Sa halip, ito ay dating utos na tinanggap na ninyo noong una pa man. Ang utos na ito'y ang salita na inyo nang narinig. 8 Gayunman, bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, na totoong nasa kanya at nasa inyo, sapagkat ang kadiliman ay naglalaho at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na. 9 Ang sinumang nagsasabing siya ay nasa liwanag subalit napopoot naman siya sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. 10 Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya matitisod sa anuman. 11 Ngunit ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman, at namumuhay pa sa kadiliman. Hindi niya alam kung saan siya pumupunta sapagkat binulag siya ng kadiliman.
12 Sumusulat ako sa inyo, mga anak,
sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan.
13 Sumusulat ako sa inyo, mga ama,
sapagkat kilala na ninyo siya na buhat pa sa simula ay naroon na.
Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan,
sapagkat napagtagumpayan na ninyo ang Masama.
14 Sumusulat ako sa inyo, munting mga anak,
sapagkat kilala na ninyo ang Ama.
Sumusulat ako sa inyo, mga ama,
sapagkat kilala na ninyo siya na buhat pa sa simula ay naroon na.
Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan,
sapagkat kayo ay malalakas.
Ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo,
at napagtagumpayan na ninyo ang Masama.
15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, maging ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung inibig ng sinuman ang sanlibutan, wala sa kanya ang pag-ibig ng Ama. 16 Sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman, at ang pagnanasa ng mga mata, at ang kapalaluan sa buhay ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan. 17 Lilipas ang sanlibutan at ang pagnanasa nito, subalit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.
Ang Anti-Cristo
18 Munting mga anak, huling oras na! Tulad ng inyong narinig, ang anti-Cristo ay darating. At ngayon, marami na ngang anti-Cristo ang dumating. Kaya't alam natin na huling oras na. 19 Sila ay humiwalay sa atin, bagama't hindi naman talaga sila naging bahagi natin. Sapagkat kung sila'y naging bahagi natin, nanatili sana sila sa atin. Subalit ang kanilang pag-alis ay naghahayag lamang na walang sinuman sa kanila ang kabilang sa atin. 20 Subalit tumanggap kayo ng kaloob mula sa kanya na Banal, kaya't nalalaman ninyo ang buong katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo hindi dahil hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo ito at nalalaman ninyo na walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan. 22 Sino ang sinungaling? Hindi ba't ang tumatangging si Jesus ang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagtatakwil sa Ama at sa Anak. 23 Ang sinumang ayaw tumanggap sa Anak ay hindi kinaroroonan ng Ama. Ang kumikilala sa Anak ay kinaroroonan ng Ama. 24 Hayaan ninyong manatili sa inyo ang anumang narinig ninyo mula pa nang simula, at mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito ang pangakong ibinigay niya sa atin—ang buhay na walang hanggan.
26 Isinulat ko sa inyo ang mga ito tungkol sa mga tao na magliligaw sa inyo. 27 At kayo ay tumanggap ng kaloob mula sa kanya, nananatili sa inyo, at hindi ninyo kailangan ang sinuman upang magturo sa inyo. Subalit ang ipinagkaloob niya sa inyo ang magtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Ito ay totoo at hindi kasinungalingan; at gaya ng itinuro nito sa inyo, manatili kayo sa kaloob na ito.
Mga anak ng Diyos
28 At ngayon, mga anak, manatili kayo sa kanya, upang sa panahong siya'y mahayag ay magkaroon tayo ng katiyakan at hindi tayo mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.
29 Kung alam ninyo na siya'y matuwid, matitiyak ninyo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay anak ng Diyos.
3 Masdan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig na ibinigay sa atin ng Ama, upang tayo'y tawaging mga anak ng Diyos; at tayo nga'y kanyang mga anak. Dahil dito, hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat hindi nito kinikilala ang Diyos. 2 Mga minamahal, tayo'y mga anak na ng Diyos ngayon. Hindi pa nahahayag kung ano ang magiging katulad natin sa panahong darating. Ito ang alam natin: kapag nahayag na ang Anak, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang tunay na kalikasan. 3 Ang sinumang mayroong ganitong pag-asa sa Anak ay naglilinis ng kanyang sarili, katulad niya na malinis.
4 Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay sumusuway din sa Kautusan. Sa katunayan, ang pagsuway sa kautusan ay kasalanan. 5 Nalalaman ninyo na nahayag ang Anak upang alisin ang mga kasalanan, at sa kanya ay walang kasalanang matatagpuan. 6 Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi patuloy na nagkakasala; ang sinumang patuloy na nagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala sa kanya. 7 Mga anak, huwag kayong magpalinlang kaninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, katulad ni Cristo na matuwid. 8 Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay kakampi ng diyablo, sapagkat sa simula pa ay nagkakasala na ang diyablo. Ito ang dahilan na nahayag ang Anak ng Diyos: upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. 9 Ang bawat taong anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan, sapagkat nananatili sa kanya ang binhi ng Diyos. Hindi niya kayang magpatuloy sa pagkakasala sapagkat anak siya ng Diyos. 10 Sa ganitong paraan mahahayag ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng diyablo: ang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, gayundin ang hindi umiibig sa kanyang kapatid.
Magmahalan Tayo
11 Ito ang mensaheng narinig ninyo mula pa noong una: dapat tayong magmahalan. 12 Hindi tayo dapat maging katulad ni Cain na kakampi ng Masama. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit niya ito pinaslang? Sapagkat ang mga gawa niya ay masasama, at ang mga gawa naman ng kanyang kapatid ay matutuwid. 13 Huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung napopoot sa inyo ang sanlibutan. 14 Nalalaman nating nakatawid na tayo mula sa kamatayan tungo sa buhay, sapagkat minamahal natin ang mga kapatid. Ang hindi nagmamahal ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao. Alam ninyo na hindi nananatili ang buhay na walang hanggan sa mamamatay-tao. 16 Ganito natin nakikilala ang pag-ibig: ibinigay niya ang kanyang buhay alang-alang sa atin; at dapat din nating ibigay ang ating mga buhay alang-alang sa mga kapatid. 17 Paanong mananatili ang pag-ibig ng Diyos sa sinumang may kaya sa buhay sa sanlibutang ito kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito pinakikitaan ng habag? 18 Mga anak, magmahal tayo, hindi lamang sa pamamagitan ng salita o kaya'y ng dila, kundi sa pamamagitan ng gawa at ng katotohanan.
19 Sa ganitong paraan natin malalaman na tayo'y nasa panig ng katotohanan, at magiging panatag ang ating puso sa harapan niya 20 tuwing hahatulan tayo nito; sapagkat ang Diyos ay higit na dakila kaysa ating puso, at nalalaman niya ang lahat. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng ating puso, mayroon tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos. 22 At tatanggapin natin ang anumang hilingin natin sa kanya, sapagkat tinutupad natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang paningin. 23 At ito ang kanyang utos, na sumampalataya tayo sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan sa isa't isa, tulad ng ibinigay niyang utos sa atin. 24 Sinumang tumutupad sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. Ganito natin malalaman na siya'y nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.
Ang Espiritu ng Diyos at ang Espiritu ng Anti-Cristo
4 Mga minamahal, huwag kayong maniwala sa bawat espiritu, sa halip ay subukin ninyo ang mga espiritu, kung ang mga ito'y sa Diyos, sapagkat maraming huwad na propeta ang naririto na sa sanlibutan. 2 Makikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos sa ganitong paraan: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao ay sa Diyos. 3 Ang bawat espiritung hindi kumikilala kay Jesus ay hindi sa Diyos. Ito ay espiritu ng anti-Cristo na inyong narinig na darating; at ngayo'y nasa sanlibutan na. 4 Mga anak, kayo'y sa Diyos, at napagtagumpayan na ninyo sila, sapagkat higit na makapangyarihan siya na nasa inyo kaysa kanya na nasa sanlibutan. 5 Sila ay mula sa sanlibutan, kaya't ang sinasabi nila ay mula sa sanlibutan, at pinakikinggan sila nito. 6 Tayo ay sa Diyos. Ang sinumang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin, at sinumang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa pamamagitan nito ay makikilala natin ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, ibigin natin ang isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig ay anak na ng Diyos at nakikilala niya ang Diyos. 8 Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakikilala ang Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Sa ganitong paraan, nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin: isinugo ng Diyos sa sanlibutan ang kanyang kaisa-isang Anak upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ipinamalas ang pag-ibig: hindi dahil inibig natin ang Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at isinugo niya ang kanyang Anak bilang alay para sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang lubos tayong iniibig ng Diyos, dapat din nating ibigin ang isa't isa. 12 Walang (A) sinumang nakakita sa Diyos, ngunit kung iniibig natin ang isa't isa, nananatili ang Diyos sa atin, at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
13 Sa ganito natin nalalaman na tayo nga'y nananatili sa kanya at siya'y sa atin, na ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at kami'y nagpapatotoo na isinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Tayo ang nakaalam at sumampalataya sa pag-ibig na iniuukol ng Diyos para sa atin.
Ang Diyos ay pag-ibig, at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganitong paraan naging ganap sa atin ang pag-ibig, upang tayo'y magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom, sapagkat kung ano siya ay gayon din tayo sa sanlibutang ito. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Sa halip, ang ganap na pag-ibig ay nag-aalis ng takot, sapagkat ang takot ay mayroong kaparusahan. Ang sinumang natatakot ay hindi pa lubusang umiibig. 19 Tayo ay umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang sinumang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakikita. 21 Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: dapat ding umibig sa kanyang kapatid ang umiibig sa Diyos.
Ang Pagtatagumpay sa Sanlibutan
5 Ang sinumang sumasampalatayang si Jesus ang Cristo ay anak na ng Diyos, at ang sinumang nagmamahal sa nagsilang ay nagmamahal din sa isinilang. 2 Ganito natin nalalaman na minamahal natin ang mga anak ng Diyos: kung minamahal natin ang Diyos at sinusunod ang kanyang mga utos. 3 Sapagkat ganito ang pagmamahal sa Diyos, na sundin natin ang kanyang mga utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. 4 Sapagkat ang sinumang anak na ng Diyos ay nagtatagumpay sa sanlibutan. At ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya. 5 At sino ang nagtatagumpay sa sanlibutan? Hindi ba siya na sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?
Ang Patotoo tungkol sa Anak ng Diyos
6 Si Jesu-Cristo ang siyang pumarito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo; hindi lamang sa pamamagitan ng tubig kundi ng tubig at ng dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7 Sapagkat may tatlong nagpapatotoo:[b] 8 ang Espiritu, ang tubig at ang dugo, at ang tatlong ito ay nagkakaisa. 9 Kung tumatanggap tayo ng patotoo ng mga tao, mas higit pa ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos, na kanyang ibinigay tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay sa kanyang sarili ng patotoong ito. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo: binigyan tayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak. 12 Ang sinumang kinaroroonan ng Anak ay may buhay; ang sinumang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay walang buhay.
13 Isinulat ko ang mga ito sa inyo na sumasampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos, upang malaman ninyo na kayo'y may buhay na walang hanggan. 14 At ito ang katiyakang taglay natin sa kanya: kung anuman ang hihilingin natin ayon sa kanyang kalooban, pinakikinggan niya tayo. 15 At kung alam nating pinakikinggan niya tayo sa anumang hinihiling natin, nakatitiyak na tayo na tatanggapin natin ang hiniling natin mula sa kanya.
16 Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na gumagawa ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ipanalangin niya ito, at ito ay bibigyan ng Diyos ng buhay, at ganoon din sa mga gumagawa ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan; hindi tungkol dito ang sinasabi ko na ipanalangin ninyo. 17 Lahat ng kasamaan ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi tungo sa kamatayan.
18 Alam na nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan, sapagkat iniingatan siya ng Anak ng Diyos at hindi siya nagagawang saktan ng Masama. 19 Alam na natin na tayo ay sa Diyos, at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Masama. 20 At alam na nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan tayo ng pagkaunawa upang makilala natin siya na totoo; at tayo ay nasa kanya na totoo. Samakatuwid, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan. 21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.