Chronological
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios.
Mahal kong mga pinabanal[a] sa Efeso, mga matatapat na nakay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, ibinigay niya sa atin ang lahat ng pagpapalang espiritwal mula sa langit. Bago pa man niya likhain ang mundo, pinili na niya tayo para maging banal at walang kapintasan sa paningin niya. Dahil sa pag-ibig niya, 5 noong una paʼy itinalaga na niya tayo para maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ayon na rin ito sa kanyang layunin at kalooban. 6 Purihin natin ang Dios dahil sa kamangha-mangha niyang biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak.
7-8 Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang mga kasalanan natin. Napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dios. Binigyan niya tayo ng karunungan at pang-unawa 9 para maunawaan ang kanyang lihim na plano na nais niyang matupad sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng itinakdang panahon. At ang plano niyaʼy pag-isahin ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, at ipasailalim sa kapangyarihan ni Cristo.
11 Ginagawa ng Dios ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami para maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo. 12 Ginawa niya ito para kaming mga naunang sumampalataya kay Cristo ay magbigay-puri sa kanya. 13 Kayo man ay napabilang na kay Cristo nang marinig ninyo ang katotohanan, ang Magandang Balita kung paano kayo maliligtas. Sa pagsampalataya ninyo sa kanya, ibinigay niya ang Banal na Espiritu na kanyang ipinangako bilang tanda na pagmamay-ari na niya kayo. 14 Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Dios ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya!
Ang Panalangin ni Pablo
15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang pananampalataya nʼyo sa ating Panginoong Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Dios dahil sa inyo. At lagi ko kayong ipinapanalangin. 17 Hinihiling ko sa Dios, ang dakilang Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bigyan niya kayo ng karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu, para lalo nʼyo pa siyang makilala. 18 Ipinapanalangin ko rin na maliwanagan ang inyong pusoʼt isipan para maunawaan nʼyo ang pag-asa na inilaan niya sa atin, ang napakahalaga at napakasaganang pagpapala na ipinangako niya sa mga pinabanal. 19-20 Ipinapanalangin ko rin na malaman nʼyo ang napakadakilang kapangyarihan ng Dios para sa ating mga sumasampalataya sa kanya. Ang kapangyarihan ding ito ang ginamit niya nang buhayin niyang muli si Cristo at nang paupuin sa kanyang kanan sa langit. 21 Kaya nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. Ang titulo niya ay hindi mapapantayan ninuman, hindi lang sa panahong ito kundi sa darating pang panahon. 22 Ipinailalim ng Dios kay Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang pangulo ng lahat para sa ikabubuti ng iglesya 23 na siyang katawan ni Cristo. Ang iglesya ay ang kabuuan ni Cristo na siyang bumubuo sa lahat.
Binuhay Kayo Kasama ni Cristo
2 Noong una, itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga pagsuway ninyo at mga kasalanan. 2 Namuhay kayong gaya ng mga taong makamundo. Sakop kayo noon ng kapangyarihan ni Satanas, ang hari ng mga espiritung naghahari sa mundo. At siya rin ang espiritung kumikilos sa puso ng mga taong ayaw sumunod sa Dios. 3 Dati, namuhay din tayong katulad nila. Namuhay tayo ayon sa pagnanasa ng laman at sinunod natin ang masasamang hilig ng katawan at pag-iisip. Sa kalagayan nating iyon, kasama rin sana nila tayo na nararapat parusahan ng Dios.
4 Ngunit napakamaawain ng Dios at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin, 5 na kahit itinuring tayong patay dahil sa mga kasalanan natin, muli niya tayong binuhay kasama ni Cristo. (Kaya naligtas tayo dahil lamang sa biyaya ng Dios.) 6 At dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binuhay tayo ng Dios mula sa mga patay kasama ni Cristo, para maghari tayong kasama niya sa kaharian sa langit. 7 Ginawa niya ito para maipakita niya sa lahat, sa darating na panahon, ang hindi mapapantayang kasaganaan ng biyaya niya at kabutihan na ibinigay niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 8 Dahil sa biyaya ng Dios, naligtas kayo nang sumampalataya kayo kay Cristo. Kaloob ito ng Dios, at hindi galing sa inyo. 9 Hindi ito nakasalalay sa mabubuti ninyong gawa, para walang maipagmalaki ang sinuman. 10 Nilikha tayo ng Dios; at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binigyan niya tayo ng bagong buhay, para gumawa tayo ng kabutihan na noon paʼy itinalaga na ng Dios na gawin natin.
11 Alalahanin nʼyo ang kalagayan ninyo noon bilang mga hindi Judio. Ipinanganak kayong hindi mga Judio at sinasabi ng mga Judio na wala kayong kaugnayan sa Dios dahil sa hindi kayo katulad nila na mga tuli, pero ang pagkakatuling ito ay sa laman lang. 12 Alalahanin nʼyo rin na noon ay hindi nʼyo pa kilala si Cristo; hindi kayo kabilang sa mga mamamayan ng Israel at hindi sakop ng mga kasunduan ng Dios na batay sa mga pangako niya. Namumuhay kayo sa mundong ito ng walang pag-asa at walang Dios. 13 Ngunit kayo ngayon ay na kay Cristo na. Malayo kayo noon sa Dios, pero ngayon ay malapit na kayo sa kanya sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 At sa pamamagitan ng kamatayan niya, pinagkasundo niya tayo. Pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng paggiba sa pader na naghihiwalay sa atin. 15 Ang pader na giniba niya ay ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga tuntunin nito. Ginawa niya ito para pag-isahin ang mga Judio at hindi Judio, nang sa ganoon ay magkasundo na ang dalawa. 16 Ngayong iisang katawan na lang tayo sa pamamagitan ng kamatayan niya sa krus, winakasan na niya ang alitan natin at ibinalik niya tayo sa Dios. 17 Pumarito si Cristo at ipinahayag ang Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan sa inyong mga hindi Judio na noong unaʼy malayo sa Dios, at maging sa aming mga Judio na malapit sa Dios. 18 Ngayon, tayong lahat ay makakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Banal na Espiritu dahil sa ginawa ni Cristo para sa atin. 19 Kaya kayong mga hindi Judio ay hindi na mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kaisa na ng mga pinabanal[b] at kabilang sa pamilya ng Dios. 20 Tayong mga mananampalataya ay katulad ng gusali na ang mga haligi ay ang mga apostol at mga propeta, at ang pundasyon ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan ni Cristo, ang lahat ng bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. 22 At dahil kayo ay nakay Cristo, bahagi na rin kayo nitong gusaling itinatayo, kung saan nananahan ang Dios sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.
Ang Plano ng Dios sa mga Hindi Judio
3 Akong si Pablo ay nabilanggo dahil sa paglilingkod ko kay Cristo sa pamamagitan ng pagtuturo na kayong mga hindi Judio ay kasama rin sa mga pagpapala ng Dios. 2 Siguradong nabalitaan nʼyo na dahil sa biyaya ng Dios, ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapahayag ng biyaya niya para sa inyo. 3 Gaya ng nabanggit ko sa sulat na ito,[c] ang Dios mismo ang nagpahayag sa akin tungkol sa kanyang lihim na plano para sa inyo. 4 Habang binabasa nʼyo ang sulat kong ito,[d] malalaman nʼyo ang pagkakaunawa ko tungkol sa lihim na plano ng Dios para sa inyo sa pamamagitan ni Cristo. 5 Hindi inihayag ng Dios ang planong ito sa mga tao noon, pero ipinahayag na niya ngayon sa mga banal[e] na apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 6 At ito nga ang plano ng Dios: na sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga hindi Judio ay tatanggap ng mga pangako ng Dios kasama ng mga Judio, at magiging bahagi rin sila ng iisang katawan dahil sa pakikipag-isa nila kay Cristo Jesus.
7 Dahil sa biyaya ng Dios, naging tagapangaral ako ng Magandang Balitang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niya. 8 Kahit ako ang pinakahamak sa lahat ng mga mananampalataya,[f] ipinagkaloob pa rin sa akin ng Dios ang pribilehiyong ipangaral sa mga hindi Judio ang hindi masukat na biyayang galing kay Cristo, 9 at ipaliwanag sa lahat kung paano maisasakatuparan ang plano ng Dios. Noong unaʼy inilihim ito ng Dios na lumikha ng lahat ng bagay, 10 para sa pamamagitan ng iglesya ay maipahayag ngayon sa mga namumuno at may kapangyarihan sa kalangitan ang karunungan niyang nahahayag sa ibaʼt ibang paraan. 11 Ito na ang plano niya sa simula pa lang, at natupad niya ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na Panginoon natin. 12 Sa pananampalataya natin kay Cristo Jesus at pakikipag-isa sa kanya, tayo ngayon ay malaya nang makakalapit sa Dios nang walang takot o pag-aalinlangan. 13 Kaya huwag sana kayong panghinaan ng loob dahil sa mga paghihirap na dinaranas ko, dahil para ito sa ikabubuti[g] ninyo.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya. 15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya. 16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu 17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios, 18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal[h] kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios. 20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin. 21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.
Iisang Katawan kay Cristo
4 Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios. 2 Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. 3 Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa nʼyo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. 4 Sapagkat iisang katawan lamang tayo na may iisang Banal na Espiritu, at iisa rin ang pag-asang ibinigay sa atin nang tawagin tayo ng Dios. 5 Iisa ang Panginoon natin, iisang pananampalataya, at iisang bautismo. 6 Iisa ang Dios natin at siya ang Ama nating lahat. Naghahari siya, kumikilos at nananahan sa ating lahat.
7 Ngunit kahit na bahagi tayo ng iisang katawan, binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo. 8 Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,
“Nang umakyat siya sa langit, marami siyang dinalang bihag
at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”[i]
9 (Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10 At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11 Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12 Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal,[j] at para lumago at maging matatag sila bilang katawan ni Cristo. 13 Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Dios, at ganap na lalago sa espiritwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Cristo. 14 At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15 Sa halip, mananatili tayo sa katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay maging katulad tayo ni Cristo na siyang ulo ng iglesya. 16 At sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan, na walang iba kundi ang mga mananampalataya, ay pinag-uugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin nang may pag-ibig, ang buong katawan ay lalago at lalakas.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Sa pangalan ng Panginoon, iginigiit kong huwag na kayong mamuhay gaya ng mga taong hindi nakakakilala sa Dios. Walang kabuluhan ang iniisip nila, 18 dahil nadiliman ang isipan nila sa pag-unawa ng mga espiritwal na bagay. At nawalay sila sa buhay na ipinagkaloob ng Dios dahil sa kamangmangan nila at katigasan ng kanilang puso. 19 Nawalan na sila ng kahihiyan, kaya nawili sila sa kahalayan at laging sabik na sabik gumawa ng karumihan.
20 Ngunit hindi ganyan ang natutunan nʼyo tungkol kay Cristo. 21 Hindi baʼt alam na ninyo ang tungkol kay Jesus? At bilang mga mananampalataya niya, hindi baʼt naturuan na kayo ng katotohanang nasa kanya? 22 Kaya talikuran nʼyo na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. 23 Baguhin nʼyo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. 24 Ipakita nʼyong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios.
25 Kaya huwag na kayong magsisinungaling. Ang bawat isaʼy magsabi ng katotohanan sa kanyang mga kapatid[k] kay Cristo, dahil kabilang tayong lahat sa iisang katawan. 26 Kung magalit man kayo, huwag kayong magkasala.[l] At huwag nʼyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Dios. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Dios, at siya ang katiyakan ng kaligtasan nʼyo pagdating ng araw. 31 Alisin nʼyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo.
Mamuhay Bilang mga Taong Naliwanagan
5 Tularan nʼyo ang Dios dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. 2 Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Dios.
3 Dahil mga banal kayo, hindi nararapat na ang isa man sa inyo ay masabihang siya ay malaswa, mahalay at sakim. 4 At hindi rin nararapat na marinig sa inyo ang mga malalaswa o walang kabuluhang usapan at masasamang biro. Sa halip, maging mapagpasalamat kayo sa Dios. 5 Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Cristo at ng Dios. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga dios-diosan.
6 Huwag kayong padadala sa walang kabuluhang pangangatwiran ng iba tungkol sa masasama nilang gawain, dahil galit ang Dios sa mga suwail. 7 Huwag kayong makikibahagi sa ginagawa ng mga taong ito. 8 Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, pero ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayo ay nasa Panginoon na. Kaya ipakita sa pamumuhay nʼyo na naliwanagan na kayo. 9 (Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.) 10 Alamin ninyo kung ano ang nakalulugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ipamukha nʼyo sa kanila ang kasamaan nila. 12 (Nakakahiyang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim.) 13 Pero kung pagsasabihan nʼyo sila sa masasama nilang ginagawa, malalaman nilang masama nga ang kanilang mga ginagawa. 14 Sapagkat maliliwanagan ang lahat ng naabot ng liwanag ng katotohanan. Kaya nga sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa mga patay
at liliwanagan ka ni Cristo.”
15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo namamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong na nakakaalam ng kalooban ng Dios. 16 Huwag ninyong sayangin ang panahon nʼyo; gamitin nʼyo ito sa paggawa ng mabuti, dahil maraming gumagawa ng kasamaan sa panahong ito. 17 Huwag kayong magpakamangmang kundi alamin nʼyo kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin ninyo.
18 Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Banal na Espiritu. 19 Sa pagtitipon nʼyo, umawit kayo ng mga salmo, himno, at ng iba pang mga awiting espiritwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Dios Ama sa lahat ng bagay bilang mananampalataya ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[m]
Aral sa mga Mag-asawa
21 Magpasakop kayo sa isaʼt isa bilang paggalang kay Cristo.
22 Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop nʼyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. 24 Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Cristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay.
25 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Cristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya 26 upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at ng salita ng Dios. 27 Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis. 28 Kaya dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29-30 Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Cristo sa atin dahil bahagi tayo ng kanyang katawan na tinatawag na iglesya.
31 Sinasabi sa Kasulatan, “Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.”[n] 32 Kamangha-mangha itong malalim na katotohanan na ipinahayag ng Dios. Isinasalarawan nito ang ugnayan ni Cristo at ng iglesya niya. 33 Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang nʼyo ang inyong asawa.
Aral sa mga Magulang at mga Anak
6 Mga anak, sundin nʼyo ang mga magulang nʼyo dahil ito ang nararapat gawin bilang mga mananampalataya sa Panginoon. 2 “Igalang nʼyo ang inyong amaʼt ina.” Ito ang unang utos na may kasamang pangako. 3 At ito ang pangako, “Giginhawa ka at hahaba ang buhay mo rito sa lupa.”[o]
4 At kayo namang mga magulang,[p] huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikasasama ng loob ng mga anak ninyo. Sa halip, palakihin ninyo sila nang may disiplina at turuan ng mga aral ng Panginoon.
Aral sa mga Alipin at mga Amo
5 Mga alipin, sundin nʼyo ang inyong mga amo rito sa lupa nang may katapatan, paggalang at pagkatakot na parang si Cristo ang pinaglilingkuran ninyo. 6 Gawin nʼyo ito nang kusang-loob hindi dahil nakatingin sila para silaʼy malugod, kundi dahil mga alipin kayo ni Cristo na gumagawa ng kalooban ng Dios. 7 Maglingkod kayo nang may mabuting kalooban na para bang ang Panginoon mismo ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. 8 Alalahanin ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat isa ayon sa ginawa niyang mabuti, maging alipin man siya o hindi.
9 At kayo namang mga amo, tratuhin ninyo nang mabuti ang inyong mga alipin at huwag ninyo silang tatakutin o pagbabantaan, dahil alam naman ninyong kayo at sila ay may iisang amo sa langit, at wala siyang kinikilingan kahit sino.
Mga Kagamitang Pandigma na Kaloob ng Dios
10 At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. 11 Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo. 12 Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi masasamang espiritu sa himpapawid – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. 13 Kaya gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios, para sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag.
14 Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. 15 Isuot nʼyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. 16 Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo para hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. 17 Isuot nʼyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin nʼyo bilang espada ang Salita ng Dios na kaloob ng Banal na Espiritu. 18 At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin nʼyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal.[q] 19 Ipanalangin din ninyo ako sa tuwing mangangaral ako, na bigyan ako ng Dios ng wastong pananalita para maipahayag ko nang buong tapang ang Magandang Balita na inilihim noon. 20 Sapagkat isinugo ako ng Dios para mangaral ng Magandang Balitang ito na siyang dahilan ng pagkakabilanggo ko. Kaya kung maaari, ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.
Mga Pangwakas na Pagbati
21 Si Tykicus, na minamahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat tungkol sa akin, para malaman nʼyo ang kalagayan ko at kung ano ang mga ginagawa ko. 22 Ito ang dahilan kung bakit pinapupunta ko siya sa inyo: Para malaman nʼyo ang tungkol sa amin at mapalakas niya ang loob ninyo.
23 Mga kapatid, sumainyo nawa ang kapayapaan, pag-ibig at pananampalatayang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 24 Pagpalain nawa ng Panginoong Jesu-Cristo ang lahat ng nagmamahal sa kanya nang tapat.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®